Ipinangangaral ang Mabuting Balita sa Makulay na Haiti
Ipinangangaral ang Mabuting Balita sa Makulay na Haiti
ANG Haiti at Dominican Republic ay parehong nasa tropikal na isla ng Hispaniola, na kinaroroonan ng pinakamatataas na bundok sa Caribbean. Ang ilang taluktok ay umaabot sa mahigit 2,400 metro. Sa “malamig” na mga buwan, namumuo ang hamog at maninipis na suson ng niyebe sa maliliit na lawa sa mga bulubunduking lupain.
Nababalutan ng malalagong tropikal na kagubatan ang mga bundok at libis sa katimugan ng Haiti. Sa ibang lugar naman, ang mga bundok ay karaniwang walang tanim, tigang, at puro uka—dahil sa pagkalbo sa kagubatan. Kung maglalakbay ka pahilaga o patimog, masasabi mong kaakit-akit ang Haiti. Sa ilan sa makikipot at paliku-likong daan sa bundok, mamamasdan mo ang iba’t ibang makapigil-hininga at malalawak na tanawin ng lupain at dagat. Makikita mo ang sari-saring bulaklak na may matitingkad na kulay sa lahat ng lugar.
Ang 8.3 milyong tao sa makulay na lupaing ito ay pangunahin nang mga tagabukid na may lahing Aprikano. Bagaman hindi nakaririwasa sa buhay ang karamihan, sila naman ay mababait at mapagpatuloy. Mga 60 taon nang nasisiyahan ang mga Saksi ni Jehova sa pagdadala sa kanila ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos at sila’y malugod na tinatanggap.—Mateo 24:14.
Pangangaral sa Isang Bayan sa Kabukiran
Pangkaraniwan ang karanasang ito ng isang misyonera sa kaniyang unang pagdalaw sa isang bayan sa kabukiran. Ganito ang isinulat niya:
“Isang araw noong Marso 2003, nangaral kami sa Casale, isang maliit na bayan na mga kalahating oras ang biyahe mula Cabaret, ang kinaroroonan ngayon ng aming tahanang pangmisyonero, na 30 kilometro ang layo sa gawing hilaga ng Port-au-Prince, ang kabisera. Noon pang 1999 huling nakapangaral ang mga Saksi sa Casale, kaya sabik na sabik kami nang simulan namin ang paglalakbay nang 7:00 n.u. Dalawampu’t dalawa kami—halos buong kongregasyon namin—na nagsiksikan sa dalawang four-wheel-drive na van. Lahat ay sabik na nagkukuwentuhan at nagtatawanan habang tinatahak namin ang maalikabok na mga kalsada at hanggang sa marating namin ang isang libis na maraming malalaking punungkahoy. Isang ilog ang bumabagtas sa libis, at nasa gitna ito ng bayan ng Casale.
“Nagsimula ang kasaysayan ng tahimik na bayang ito noon pang unang mga taon ng ika-19 na siglo nang ang ilang sundalong Polako na dumating sa Haiti upang tulungan ang mga dating alipin na mawagi ang kanilang kasarinlan ay manirahan sa mabungang libis na ito kasama ng kani-kanilang asawang taga-Haiti. Nagbunga ito ng magandang kombinasyon ng lahi. Nakatutuwang makita ang mga taga-lalawigang may balat na maputi, manilaw-nilaw na kayumanggi, kayumanggi, mga matang kulay berde, matingkad na kayumanggi, at marami pang ibang mga katangian.
“Hindi interesado ang unang may-bahay na dinalaw namin. Nang paalis na kami, isang lalaking nasa daan ang lumapit sa amin. Gusto niyang malaman kung naniniwala kaming magkaiba si Jesus at ang Diyos. Hiniling namin na kunin niya ang kaniyang Bibliya, at nakumbinsi siya sa patotoong ibinigay namin mula sa Kasulatan na si Jesus ay Anak ng Diyos at na si Jehova ang ‘tanging tunay na Diyos.’ (Juan 17:3) Maraming tao ang nag-anyaya sa amin na maupo at makipag-usap sa kanila. May ilang nagtanong, ‘Kailan kayo babalik para makipag-aral ng Bibliya sa amin?’
“Sa bandang tanghali, nakakita kami ng isang
mainam at malilim na lugar at doon kami naghandang kumain ng tanghalian. Nagluto ng isang malaking kaserola ng isda ang dalawang sister. Ang sarap! Medyo nagtagal kami roon habang kumakain at nagkukuwentuhan, pero nangaral din kami sa mga dumaraan. Pagkatapos, tinawid namin ang ilog patungo sa kabilang bahagi ng bayan. Nasiyahan kaming makipag-usap sa palakaibigang mga taong ito na nakaupo sa ilalim ng mga punungkahoy malapit sa kanilang simpleng mga tahanan. Kaysarap pakinggan at pagmasdan ang mga batang naglalaro, ang mga babaing naglalaba ng damit sa ilog, at ang mga lolang naggigiling ng mga butil ng kape!“Alas kuwatro na ng hapon kaya nagtungo na ang aming masayang grupo sa mga van para bumalik sa Cabaret. Talagang nasiyahan kaming mag-asawa sa unang pagdalaw namin sa Casale, na may mapagpatuloy at palakaibigang mga mamamayan.”
Mula nang dumating ang mga unang misyonerong Saksi sa Haiti noong 1945, patuloy na sumulong ang bilang ng mga tagapaghayag ng Kaharian sa lupaing ito, kaya mayroon na ngayong mga 14,000 nakikibahagi sa pangangaral at sa pagdaraos ng mahigit 22,000 pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Naapektuhan nila ang buhay ng 59,372 katao na dumalo sa Memoryal noong Marso 2005 at patuloy nilang ipinahahayag sa madla ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Tingnan ang maraming paraan kung paano nakaaapekto sa mga tao ang gawain ng mga Saksi ni Jehova.
Ang Mabuting Balita sa Makulay na Gawang-Sining
Karamihan sa mga taga-Haiti ay mahilig sa matitingkad na kulay. Kitang-kita ito sa kanilang pananamit, sa pintura ng kanilang bahay, sa sari-saring bulaklak sa kanilang mga hardin, at sa kanilang gawang-sining. Nakadispley sa mga kalsada sa buong Port-au-Prince ang mga kambas na pinintahan sa matingkad na istilong kilala sa lugar na ito bilang L’Art Haitien. Galing pa sa iba’t ibang panig ng mundo ang mga namimili rito.
Hindi lamang sa kambas makikita ang matitingkad na kulay. Buháy na buháy ang mga kalye sa Port-au-Prince dahil sa mga pampasaherong sasakyan na tinatawag na mga camionette, o mga tap-tap, na magarbong pinintahan ng malikhaing mga disenyo. Madalas makita sa gayong mga disenyo ang mga tanawing batay sa Bibliya.
Habang naglalakad ka sa kalsada, baka bigla kang makakita ng isang pamilyar na eksena—gaya ng kina Adan at Eva sa Eden. Oo, hayun, at nakapinta ito sa bintana sa likuran ng camionette na kadaraan lamang. Madalas ding makitang nakapinta sa mga sasakyang ito o kalakip sa pangalan ng
mga negosyo ang mga teksto o islogan na may pangalang Jehova.Ibinabahagi ang Mabuting Balita sa Paaralan
May mainam na mga pagkakataon ang mga kabataang Saksi sa Haiti na matulungan ang kapuwa mga estudyante na matuto sa Bibliya. Isang halimbawa ang sumusunod na ulat ng isang 17-anyos na babaing Saksi.
“Isang araw, nilapitan ako ng isang kaklase at tinanong ako kung ano ang kahulugan ng ‘pakikiapid.’ Akala ko’y gusto niyang makipagligaw-biro sa akin kaya hindi ko siya pinansin. Pero nang itanong din niya ito sa isang lalaking estudyante, naging interesado ang buong klase. Kaya nang sumunod na linggo, pagkatapos kong magsaliksik tungkol sa paksang iyon, nagbigay ako ng presentasyon sa klase, na ipinaliliwanag kung bakit sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na maging malinis sa moral, espirituwal, at sa pisikal.
“Nagbangon ng maraming tanong ang mga estudyante at sang-ayon naman sila sa mga sagot na ibinigay ko mula sa Bibliya. Kahit ang punong-guro, na atubili noong una, ay nagbangon ng maraming tanong at nagsaayos na magsalita ako sa ibang mga klase. Ipinakita ko sa kanila ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, * at marami ang nagpakita ng interes dito. Kinabukasan, nakapagpasakamay ako ng 45 aklat sa aking mga kaeskuwela. Natapos agad basahin ng marami ang kanilang kopya, at ang ilan ay nakikipag-aral ngayon ng Bibliya sa mga Saksing malapit sa kanilang tirahan. Dumadalo na ngayon sa lahat ng pulong ang isang estudyante na nakatira sa aming lugar.”
Paggamit ng Wikang Creole
Makulay at kawili-wili ang mga tao at ang lupain, gayundin ang Haitian Creole, na pinaghalong salitang Pranses at balarila ng Kanlurang Aprika. Ito ang katutubong wika ng mga taga-Haiti, ang wikang mahal na mahal nila. Ito ang wikang pangunahin nang ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang ministeryo, at may mga kaayusan na upang magkaroon ng mas marami pang mga babasahin sa Bibliya sa Haitian Creole.
Noong 1987, isinalin sa Haitian Creole ang brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman!, na sinundan ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan at pagkatapos ay ng brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Malaking tulong ang mga publikasyong ito sa mga baguhang estudyante ng Bibliya na nais magkaroon ng saligang unawa sa Salita ng Diyos. Mula Setyembre 1, 2002, inilalathala na rin Ang Bantayan sa Haitian Creole. Ginagamit pa rin ang mga babasahin sa wikang Pranses, pero marami ang gustong magbasa ng mga publikasyon sa kanilang sariling wika.
Pagdadala ng Mabuting Balita sa mga Nasa Bilangguan
Kamakailan, sinimulang dalhin ng mga Saksi ni Jehova ang mabuting balita sa mga lalaki at babae sa mga bilangguan ng Estado. Ang mga Saksing nagsasagawa nito ay nalulugod magdala ng mensahe ng kaaliwan sa mga nasa ganitong napakalungkot na kalagayan. Ganito ang ulat ng isang ministrong Kristiyano:
“Nang unang dumalaw kami sa isang bilangguan, dinala ang mga bilanggo sa isang malaking silid upang makausap namin. Inisip namin kung paano sila tutugon. Nang ipaliwanag namin na naroon kami upang tulungan silang maunawaan ang Bibliya, lahat silang 50 ay malugod na tumanggap sa amin. Iniharap namin ang edisyong Creole ng mga brosyur na Apply Yourself to Reading and Writing at Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! at 26 sa kanila ang nasimulan naming aralan sa Bibliya. Sampu sa mga naroroon ang hindi marunong bumasa’t sumulat, pero nagpakita sila ng interes nang ituro namin kung paano gagamitin ang mga larawan sa brosyur bilang tulong sa pag-unawa sa mga salita.”
Nang bumalik ang mga Saksi, ganito ang sabi ng isang lalaki: “Paulit-ulit kong binasa ang brosyur. Lagi kong iniisip ang sinasabi nito, at hinihintay-hintay ko ang pagdalaw ninyo.” Isang lalaki na naaresto dahil sa armadong pagnanakaw ang nagsabing ibig niyang magbago, at hiniling niyang may pumunta sana sa kaniyang asawa upang makipag-aral ng Bibliya. Isang bilanggong ama na may dalawang anak ang humiling din na sana’y may pumunta sa kaniyang asawa upang makita nito ang pagkakaiba ng tunay at ng huwad na mga paniniwala.
Isang Protestanteng klerigo na nagkasala ng pandaraya ng malaking halaga sa mga miyembro ng kaniyang simbahan ang nagsabing nasumpungan na niya ang katotohanan at na pagkatapos niyang bunuin ang kaniyang sentensiya, tutulungan niya ang mga miyembro ng kaniyang simbahan na maging Saksi ni Jehova.Palibhasa’y walang sariling kopya ng brosyur na Hinihiling sa wikang Creole, kinopya ng isang bilanggo ang buong brosyur ng kaniyang kasama sa selda at isinaulo iyon. Sinimulan namang ibahagi ng isang babaing bilanggo sa siyam na kasama niya sa selda ang mga natutuhan niya, anupat nakapagdaos pa nga ng pag-aaral sa kanila. Natapos ng isang lalaking bilanggo na pag-aralan ang brosyur na iyan, at nang pinag-aaralan na niya ang aklat na Kaalaman, nagsimula siyang mangaral sa iba pang bilanggo. Di-nagtagal at apat sa kanila ang pinagdarausan niya ng pag-aaral sa Bibliya.
Dating nag-aaral ng Bibliya si Mercony * at may mga kamag-anak siyang Saksi ni Jehova. Hinimok niya ang ibang bilanggo na basahin ang literatura sa Bibliya na dinala sa kaniya ng mga kamag-anak niya. Ganito ang komento niya: “Kapag iniaalok ko ang literatura sa mga bilanggo, tinatawag nila akong Saksi ni Jehova. Sinasabi ko sa kanila na hindi ako Saksi yamang alam ko naman kung ano ang ibig sabihin ng pagiging isang Saksi. Gusto ko na ngayong seryosohin ang bagay na ito. Mag-aaral na ako at magpapabautismo. Hindi sana ako nakulong kung sinunod ko lang ang landasin ng mga kuya ko noong bata pa ako.”
Ganito ang sinabi ng isang bilanggong tumanggap ng babasahin mula kay Mercony sa isang Saksi na dumalaw sa kaniya: “Bago kayo dumating noong Lunes, lumung-lumo ako at magpapakamatay na sana. Pero pagkabasa ko sa mga magasin, nanalangin ako sa Diyos na patawarin ako sa masasamang bagay na ginawa ko at magsugo sana siya ng isang tao upang ipakita sa akin ang tamang daan. Tuwang-tuwa ako nang dumating kayo kinabukasan upang mag-alok ng pag-aaral sa Bibliya sa mga bilanggo! Gusto kong turuan mo ako kung paano maglilingkod kay Jehova.”
Nagdala ng Mabuting Balita sa Marami ang Gumising!
Itinampok sa Nobyembre 8, 2000, na isyu ng Gumising! ang tungkol sa propesyon ng mga nars. Kumuha ang isang babae ng 2,000 kopya, at ipinamahagi niya iyon sa mga nars na dumadalo sa isang seminar sa Port-au-Prince. Naipamahagi naman sa halos lahat ng pulis sa Port-au-Prince ang isyu ng Gumising! ng Hulyo 8, 2002, na may mga artikulo tungkol sa mga pulis at sa kanilang trabaho. Nagustuhan nila ito, at kahit ngayon, pinahihinto ng ilan ang mga Saksi sa lansangan at humihiling pa sila ng mga kopya ng magasing iyon.
Kamakailan, nagsaayos ang isang opisyal ng World Health Organization ng isang programa upang turuan ang mga tao tungkol sa problema sa AIDS. Inanyayahan siya sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova, at doon ipinakita sa kaniya ang mga impormasyon sa paksang ito na inilathala sa Gumising! Namangha siya nang makakita siya ng mga artikulong tumatalakay mula sa Bibliya kung ano ang pinakamainam na paraan para maiwasan ang AIDS at kung paano tutulungan ang mga nahawahan na makayanan ang kanilang situwasyon. Sinabi niya na nangunguna ang Gumising! sa pagbibigay ng gayong impormasyon sa paksang ito.
Oo, sa maraming paraan, pinalalaganap ng mga Saksi ni Jehova ang mabuting balita ng Kaharian sa makulay na Haiti, gaya ng ginagawa nila sa 234 pang lupain sa buong daigdig. Marami ang tumutugon sa mensaheng ito ng pag-asa at natutulungan na huwag masyadong mabalisa sa kahirapan ng buhay ngayon at sa halip ay tumingin sa bagong sanlibutan, kung saan ang lahat ng sumasamba sa tunay na Diyos, si Jehova, ay magtatamasa ng kasaganaan at sakdal na buhay.—Apocalipsis 21:4.
[Mga talababa]
^ par. 20 Ang mga babasahing binanggit ang pamagat sa artikulong ito ay inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 29 Binago ang pangalan.
[Picture Credit Line sa pahina 9]
Background: © Adalberto Rios Szalay/photodisc/age fotostock