Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapanganakan ni Jesus—Kung Paano Ito Magdudulot ng Kapayapaan

Kapanganakan ni Jesus—Kung Paano Ito Magdudulot ng Kapayapaan

Kapanganakan ni Jesus​—Kung Paano Ito Magdudulot ng Kapayapaan

HINDI lamang ang paghahayag ng “kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob” ang tanging hulang may kaugnayan sa kapanganakan ni Jesus. Bukod sa ibinalita ng mga anghel sa namamanghang mga pastol, ipinahayag din ng makalangit na mga mensahero kay Maria at sa asawa niyang si Jose ang kapahayagang kinasihan ng Diyos tungkol sa bagong-silang na si Jesus. Lalawak ang pagkaunawa natin tungkol sa kapanganakan ni Jesus at mauunawaan natin ang tunay na kahulugan ng ipinangako ng mga anghel na kapayapaan sa mga tao kung isasaalang-alang natin ang mga mensaheng ito.

Bago isilang si Jesus, at bago pa man magdalang-tao si Maria, dinalaw siya ng isang anghel na ipinakilala ng Bibliya bilang si Gabriel. “Magandang araw, isa na lubhang kinalulugdan, si Jehova ay sumasaiyo” ang pagbati ng anghel. Gaya ng maiisip mo, talagang ikinabalisa ito ni Maria at marahil ay medyo natakot siya. Ano kaya ang kahulugan ng pagbating ito?

Nagpaliwanag si Gabriel: “Narito! ikaw ay maglilihi sa iyong bahay-bata at magsisilang ng isang anak na lalaki, at tatawagin mong Jesus ang pangalan nito. Ang isang ito ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan; at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, at siya ay mamamahala bilang hari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.” Itinanong ni Maria kung paano ito mangyayari yamang isa siyang birhen at hindi siya nakikipagtalik sa isang lalaki. Sinabi ni Gabriel na ang bata ay ipaglilihi sa pamamagitan ng banal na espiritu ng Diyos. Hindi siya magiging ordinaryong bata.​—Lucas 1:28-35.

Inihulang Hari

Tiyak na naunawaan ni Maria sa mga salita ni Gabriel na ang anak na lalaking isisilang niya ang siyang tinutukoy sa sinaunang mga hula. Dahil sa pagsisiwalat na ibibigay ni Jehova sa anak ni Maria “ang trono ni David na kaniyang ama,” iisipin ni Maria​—at siyempre pa, ng sinumang Judiong nakaaalam sa Kasulatan​—​ang tungkol sa pangako ng Diyos kay Haring David ng Israel.

Sa pamamagitan ni propeta Natan, ganito ang sinabi ni Jehova kay David: “Ang iyong sambahayan at ang iyong kaharian ay tiyak na magiging matatag hanggang sa panahong walang takda sa harap mo; ang iyo mismong trono ay magiging isa na itinatag nang matibay hanggang sa panahong walang takda.” (2 Samuel 7:4, 16) Ganito naman ang sinabi ni Jehova tungkol kay David: “Pananatilihin ko nga ang kaniyang binhi magpakailanman at ang kaniyang trono na gaya ng mga araw ng langit. Ang kaniyang binhi ay magiging hanggang sa panahong walang takda, at ang kaniyang trono ay magiging gaya ng araw sa harap ko.” (Awit 89:20, 29, 35, 36) Kaya hindi nagkataon lamang na sina Maria at Jose ay nagmula sa angkan ni David.

Hindi lamang ito ang mga hula sa Hebreong Kasulatan tungkol sa maharlikang anak ni David. Tiyak na pamilyar din si Maria sa hula ni Isaias: “Isang bata ang ipinanganak sa atin, isang anak na lalaki ang ibinigay sa atin; at ang pamamahala bilang prinsipe ay maaatang sa kaniyang balikat. At ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. Ang kasaganaan ng pamamahala bilang prinsipe at ang kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa trono ni David at sa kaniyang kaharian upang itatag ito nang matibay at upang alalayan ito sa pamamagitan ng katarungan at sa pamamagitan ng katuwiran, mula ngayon at hanggang sa panahong walang takda. Ang mismong sigasig ni Jehova ng mga hukbo ang gagawa nito.”​—Isaias 9:6, 7.

Kaya hindi lamang tungkol sa makahimalang kapanganakan ng isang sanggol na lalaki ang ibinalita ni Gabriel kay Maria. Magiging maharlikang tagapagmana ni Haring David ang kaniyang anak​—ang permanente at namamalaging tagapagmana sa Kahariang itinalaga ng Diyos. May malalim na kahulugan sa ating lahat ang mga hula ni Gabriel tungkol sa papel na gagampanan ni Jesus sa hinaharap.

Nang matuklasan ni Jose na nagdadalang-tao ang kaniyang mapapangasawa, ipinasiya niyang tapusin ang kanilang tipanan. Alam niya na hindi sa kaniya ang bata yamang hindi sila nagsiping ng kaniyang katipan. Maiisip mo tuloy kung gaano kahirap para kay Jose na paniwalaan ang paliwanag ni Maria tungkol sa kaniyang pagdadalang-tao. Ganito ang ulat sa Ebanghelyo: “Ang anghel ni Jehova ay nagpakita sa kaniya sa panaginip, na nagsasabi: ‘Jose, anak ni David, huwag kang matakot na iuwi si Maria na iyong asawa, sapagkat yaong pinangyaring maipaglihi niya ay sa pamamagitan ng banal na espiritu. Siya ay magsisilang ng isang anak na lalaki, at tatawagin mong Jesus ang kaniyang pangalan, sapagkat ililigtas niya ang kaniyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan.’”​—Mateo 1:20, 21.

Hindi sinasabi ng Bibliya kung hanggang saan naunawaan ni Jose kung paano ‘ililigtas ng bata ang kaniyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan.’ Magkagayunman, sapat na ang mensaheng ito upang tiyakin kay Jose na walang kasalanan ang inang malapit nang magsilang. Sinunod niya ang iniutos ng anghel at iniuwi niya si Maria, isang pagkilos na katumbas ng kasalan.

Dahil sa impormasyong matatagpuan sa ibang bahagi ng Kasulatan, mauunawaan natin kung ano ang ibig sabihin ng anghel. Sa pagsisimula ng kasaysayan ng tao, hinamon ng isang rebelyosong anghel ang karapatan ni Jehova na mamahala. Ipinakikita ng Hebreong Kasulatan na iginiit ng rebeldeng ito, bukod sa iba pang bagay, na ang pamamahala ng Diyos ay di-makatarungan at walang sinumang tao ang mananatiling tapat kay Jehova kapag sumailalim sa pagsubok. (Genesis 3:2-5; Job 1:6-12) Isa na si Adan sa mga hindi nanatiling tapat. Bunga ng kaniyang kasalanan, minana ng lahat ng tao ang kasalanan, at ang resulta ng kasalanang iyon ay kamatayan. (Roma 5:12; 6:23) Subalit isinilang si Jesus na walang kasalanan dahil hindi siya ipinaglihi sa pamamagitan ng amang tao. Sa kusang pag-aalay ng kaniyang sakdal na buhay-tao bilang pantubos na katumbas na katumbas ng naiwala ni Adan, si Jesus ay nasa kalagayan na iligtas ang mga tao mula sa kanilang mga kasalanan at bigyan sila ng pag-asang buhay na walang hanggan.​—1 Timoteo 2:3-6; Tito 3:6, 7; 1 Juan 2:25.

Sa panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa, ipinatikim ni Jesus kung ano ang magiging kahulugan ng pag-aalis ng mga epekto ng kasalanan. Pinalaya niya ang mga tao mula sa lahat ng uri ng pisikal na karamdaman at bumuhay pa nga siya ng mga patay. (Mateo 4:23; Juan 11:1-44) Ang mga himalang iyon ay patikim kung ano ang gagawin niya sa hinaharap. Sinabi ni Jesus mismo: “Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng [aking] tinig at lalabas.”​—Juan 5:28, 29.

Ipinaliliwanag ng pangakong iyan tungkol sa pagkabuhay-muli sa hinaharap kung bakit napakahalaga sa atin ng kapanganakan​—at lalung-lalo na ng kamatayan​—​ni Jesus. Isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa sanlibutan “upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya,” ang sabi sa Juan 3:17. Ipinaaalaala sa atin ng napakagandang balitang ito ang ipinahayag sa mga pastol na nagbabantay sa kanilang kawan noong gabing isilang si Jesus.

“Mabuting Balita Tungkol sa Malaking Kagalakan”

Tunay na isang “mabuting balita tungkol sa malaking kagalakan” para sa sangkatauhan nang ipahayag ng mga anghel ang kapanganakan ng “isang Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon.” (Lucas 2:10, 11) Ang batang ito ang magiging Mesiyas, ang dakilang Propeta at Tagapamahala na matagal nang hinihintay ng bayan ng Diyos. (Deuteronomio 18:18; Mikas 5:2) Mahalagang papel ang gagampanan ng kaniyang buhay at kamatayan sa lupa sa pagbabangong-puri sa karapatan ni Jehova na mamahala sa uniberso, kaya masasabi ng mga anghel: “Kaluwalhatian sa kaitaasan sa Diyos.”​—Lucas 2:14.

Ipinakita ni Jesus, ang tinatawag sa Bibliya na “ang huling Adan,” na posibleng maging tapat kay Jehova ang isang tao kahit sa ilalim ng pinakamatinding pagsubok. (1 Corinto 15:45) Kaya pinatunayan niya na isang balakyot na sinungaling si Satanas. Isa itong dahilan ng kagalakan sa langit sa gitna ng tapat na mga anghel.

Balikan naman natin ang tanong na, “Makatotohanan kayang asahan na matutupad ang ipinahayag ng mga anghel noong gabing isilang si Jesus?” Ang sagot ay isang mariing oo! Mahalaga ang kapayapaan upang matupad ang layunin ng Diyos sa lupa, kasali na rito ang pagsasauli ng malaparaisong mga kalagayan. Kapag natupad na iyan sa buong daigdig, lahat ng tao ay kikilos udyok ng pag-ibig at katapatan. Kaya ang katuparan ng layunin ni Jehova ay nangangahulugan din ng paglipol sa lahat ng tumatanggi sa kaniyang soberanya. Hindi ito mabuting balita para sa sinumang pumapanig kay Satanas sa pagsasabing nakapipinsala ang mga pamantayan ni Jehova. Mangangahulugan iyon ng pagpuksa sa kanila.​—Awit 37:11; Kawikaan 2:21, 22.

Pansinin na hindi sinabi ng mga anghel sa mga pastol na magkakaroon ng kapayapaan at kabutihang-loob ang lahat ng tao. Sa halip, ipinahayag nila ang “kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob,” samakatuwid nga, mga taong sinang-ayunan ng Diyos at nagtataglay ng kaniyang kabutihang-loob. Nagiging tapat na mga tagasunod at tagatulad ni Jesus ang mga nagpapakita ng taimtim na pananampalataya kay Jehova. Bukas-palad at maunawain ang gayong mga lalaki at babae sa kanilang kapuwa, hindi lamang nang ilang araw sa loob ng isang taon, kundi araw-araw.

Pagiging Kristiyano sa Buong Taon?

Ang mabuting balita na ipinangaral ni Jesus ay may malaking impluwensiya sa buhay ng napakaraming tao. Sinusunod ng marami ang mga simulaing Kristiyano sa lahat ng pitak ng kanilang buhay. Ang mga tao na dating makasarili ay nagsimulang magtanong kung ano kaya ang gagawin ni Jesus kung siya ang nasa kalagayan nila. Natanto ng ilan na nagpokus ng kanilang buhay sa mga ari-arian at kaluguran ang kahalagahan ng espirituwal na mga pamantayan at ng pakikipag-usap tungkol dito sa kanilang mga kapitbahay. Sinisikap ng mga taong gumagawa nito na maging bukas-palad at mabait sa buong taon. Hindi ba’t iyan ang inaasahan mo sa mga tunay na Kristiyano?

Kung hihinto lamang saglit ang lahat ng taimtim na tao upang isaalang-alang ang kahulugan ng mensahe ng mga anghel tungkol sa kapayapaan at kikilos kasuwato nito, tiyak na magiging mas mabuting dako ang daigdig.

Tinitiyak ng mga hula may kaugnayan sa kapanganakan ni Jesus na ang mga nagtataglay ng kabutihang-loob ng Diyos ay magtatamasa ng tunay na kapayapaan magpakailanman. Hindi ba’t iyan ang minimithi mo? Makatitiyak tayo na walang-pagsalang matutupad ang maluwalhating hula tungkol sa kapayapaan na binigkas ng mga anghel noong isilang si Jesus. Malayung-malayo sa walang-kabuluhang mga salita na binibigkas tuwing Kapaskuhan, ang kapayapaan ay tiyak na iiral magpakailanman.

[Mga larawan sa pahina 7]

Maaari at dapat ipakita ang pagiging Kristiyano sa buong taon