Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagbibigay si Jehova ng “Banal na Espiritu Doon sa mga Humihingi sa Kaniya”

Nagbibigay si Jehova ng “Banal na Espiritu Doon sa mga Humihingi sa Kaniya”

Nagbibigay si Jehova ng “Banal na Espiritu Doon sa mga Humihingi sa Kaniya”

“Kung kayo, bagaman balakyot, ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya!”​—LUCAS 11:13.

1. Kailan natin lalo nang kailangan ang tulong ng banal na espiritu?

‘HINDI ko ito kayang mag-isa. Makakayanan ko lamang ang pagsubok na ito sa tulong ng banal na espiritu!’ Naibulalas mo na ba ang ganitong damdamin? Marami nang Kristiyano ang nagsabi ng ganiyan. Marahil nasabi mo rin ito nang malaman mong may malubha kang sakit. O marahil nasabi mo ito nang mamatay ang iyong kabiyak na nakasama mo nang halos buong buhay mo. O baka nasabi mo ito nang mahalinhan ng depresyon ang dating pagiging masayahin mo. Sa malulungkot na sandali ng iyong buhay, maaaring nadama mong nakakayanan mo lamang ito dahil pinaglalaanan ka ng banal na espiritu ni Jehova ng “lakas na higit sa karaniwan.”​—2 Corinto 4:7-9; Awit 40:1, 2.

2. (a) Anong mga hamon ang napapaharap sa mga tunay na Kristiyano? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

2 Kailangang harapin ng mga tunay na Kristiyano ang tumitinding panggigipit at pagsalansang ng di-makadiyos na sanlibutan ngayon. (1 Juan 5:19) Bukod dito, ang mga tagasunod ni Kristo ay sinasalakay ni Satanas na Diyablo mismo, na matinding nakikipagdigma sa mga “tumutupad sa mga utos ng Diyos at may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apocalipsis 12:12, 17) Kaya hindi nakapagtataka na kailangan natin ngayon higit kailanman ang tulong ng espiritu ng Diyos. Ano ba ang magagawa natin upang matiyak na patuloy nating tatanggapin nang sagana ang banal na espiritu ng Diyos? At bakit tayo makatitiyak na gustung-gusto ni Jehova na bigyan tayo ng lakas na kailangan sa mga panahon ng pagsubok? Masusumpungan natin ang sagot sa mga tanong na ito sa dalawang ilustrasyon ni Jesus.

Magmatiyaga sa Pananalangin

3, 4. Anong ilustrasyon ang inilahad ni Jesus, at paano niya ito ikinapit sa pananalangin?

3 Ganito ang hiniling minsan ng isa sa mga alagad ni Jesus: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin.” (Lucas 11:1) Bilang sagot, nagbigay si Jesus sa kaniyang mga alagad ng dalawang magkaugnay na ilustrasyon. Ang una ay tungkol sa isang lalaking may bisita, at ang pangalawa ay tungkol sa isang ama na nakikinig sa kaniyang anak. Isaalang-alang natin ang bawat isa sa dalawang ilustrasyong ito.

4 Sinabi ni Jesus: “Sino sa inyo ang magkakaroon ng isang kaibigan at paroroon sa kaniya sa hatinggabi at magsasabi sa kaniya, ‘Kaibigan, pautangin mo ako ng tatlong tinapay, sapagkat isang kaibigan ko ang kararating lamang sa akin mula sa isang paglalakbay at wala akong maihain sa kaniya’? At ang isang iyon mula sa loob ay magsasabi bilang tugon, ‘Tigilan mo na ang panggugulo sa akin. Ang pinto ay naitrangka na, at ang aking mga anak ay kasama ko sa higaan; hindi ako maaaring bumangon at magbigay sa iyo ng anuman.’ Sinasabi ko sa inyo, Bagaman hindi siya babangon at magbibigay sa kaniya ng anuman dahil sa pagiging kaibigan niya, tiyak na dahil sa kaniyang may-tapang na pagpupumilit ay titindig siya at ibibigay sa kaniya ang anumang bagay na kailangan niya.” Pagkatapos ay ipinaliwanag ni Jesus kung paano kumakapit ang ilustrasyong ito sa pananalangin, anupat sinabi: “Alinsunod dito ay sinasabi ko sa inyo, Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo; patuloy na maghanap, at kayo ay makasusumpong; patuloy na kumatok, at bubuksan ito sa inyo. Sapagkat bawat isa na humihingi ay tumatanggap, at bawat isa na naghahanap ay nakasusumpong, at sa bawat isa na kumakatok ay bubuksan ito.”​—Lucas 11:5-10.

5. Ano ang itinuturo sa atin ng ilustrasyon tungkol sa lalaking mapilit may kinalaman sa ating saloobin kapag nananalangin?

5 Ipinakikita ng buháy na buháy na ilustrasyong ito tungkol sa isang lalaking mapilit kung ano ang dapat na maging saloobin natin kapag nananalangin tayo. Pansinin ang sinabi ni Jesus na natamo ng lalaki ang kailangan niya “dahil sa kaniyang may-tapang na pagpupumilit.” (Lucas 11:8) Minsan lamang lumitaw sa Bibliya ang pananalitang “may-tapang na pagpupumilit.” Isinalin ito mula sa isang salitang Griego na literal na nangangahulugang “kawalang-kahihiyan.” Kadalasang nagpapahiwatig ng masamang ugali ang kawalang-kahihiyan. Subalit kapag may mabuting dahilan kung bakit walang kahihiyan o mapilit ang isang tao, kapuri-puri itong katangian. Iyan ang kalagayan ng lalaking may bisita sa ilustrasyon. Hindi siya nahiyang magpumilit na hingin ang kailangan niya. Yamang ibinigay ni Jesus bilang halimbawa sa atin ang lalaking ito na may bisita, dapat din naman tayong maging matiyaga sa pananalangin. Nais ni Jehova na ‘patuloy tayong humingi, patuloy na humanap, patuloy na kumatok.’ Bilang tugon, siya ay “magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya.”

6. Noong panahon ni Jesus, ano ang pangmalas sa kaugalian ng pagiging mapagpatuloy?

6 Ipinakita sa atin ni Jesus hindi lamang kung paano tayo dapat manalangin​—nang may-tapang na pagpupumilit​—​kundi pati na rin kung bakit natin dapat gawin iyon. Upang lubusang maunawaan ang aral na iyan, dapat nating isaalang-alang kung ano ang pangmalas ng mga taong nakinig sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mapilit na lalaking may bisita may kinalaman sa kaugalian ng pagiging mapagpatuloy. Ipinakikita ng maraming talata sa Kasulatan na noong panahon ng Bibliya, ang pag-aasikaso sa mga bisita ay isang napakahalagang kaugalian, lalo na sa mga lingkod ng Diyos. (Genesis 18:2-5; Hebreo 13:2) Isang kadustaan kapag ang isa ay hindi naging mapagpatuloy. (Lucas 7:36-38, 44-46) Taglay iyan sa isipan, suriin nating muli ang kuwento ni Jesus.

7. Bakit hindi nahiya ang lalaking may bisita sa ilustrasyon ni Jesus na gisingin ang kaniyang kaibigan?

7 Ang may-bahay sa ilustrasyon ay may dumating na bisita nang hatinggabi na. Gusto niyang maghain ng pagkain sa kaniyang bisita pero ‘wala siyang maihain sa kaniya.’ Para sa kaniya, ito ay oras ng kagipitan! Kailangan siyang makakuha ng tinapay, anuman ang mangyari. Kaya pumunta siya sa isang kaibigan at hindi nahiyang gisingin ito. “Kaibigan, pautangin mo ako ng tatlong tinapay,” ang sigaw ng lalaking may bisita. Nagpumilit siya hanggang sa makuha niya ang kaniyang kailangan. Nang mayroon na siyang tinapay, saka lamang masasabi na isa siyang mabuting punong-abala.

Higit ang Pangangailangan​—Higit ang Hihilingin

8. Ano ang magpapakilos sa atin na matiyagang hingin sa panalangin ang banal na espiritu?

8 Ano ang ipinakikitang dahilan ng ilustrasyong ito kung bakit dapat tayong magmatiyaga sa pananalangin? Patuloy na humingi ang lalaki ng tinapay dahil iniisip niya na talagang kailangan ito upang magampanan niya ang kaniyang tungkulin bilang isang punong-abala. (Isaias 58:5-7) Kung wala siyang tinapay, hindi siya maituturing na isang mabuting punong-abala. Katulad nito, yamang batid nating napakahalaga ng espiritu ng Diyos sa pagganap ng ating ministeryo bilang mga tunay na Kristiyano, patuloy tayong nananalangin sa Diyos at humihingi ng espiritung iyan. (Zacarias 4:6) Kung wala nito, mabibigo tayo. (Mateo 26:41) Nakikita mo ba ang mahalagang konklusyon na makukuha natin sa ilustrasyong ito? Kung iniisip natin na kailangang-kailangan na natin ang espiritu ng Diyos, malamang na magpupumilit tayo sa paghingi nito.

9, 10. (a) Ilarawan kung bakit tayo kailangang magmatiyaga sa paghingi sa Diyos ng kaniyang espiritu. (b) Ano ang dapat nating itanong sa ating sarili, at bakit?

9 Upang maikapit ang aral na ito sa panahon natin, isip-isiping nagkasakit ang isa mong kapamilya nang alanganing oras sa gabi. Gigisingin mo ba ang isang doktor para humingi ng tulong? Siyempre hindi kung hindi naman grabe ang idinaraing ng pasyente. Pero kapag inaatake siya sa puso, hindi ka mahihiyang tumawag ng doktor. Bakit? Dahil napapaharap ka sa isang kagipitan. Alam mong talagang kailangan ang tulong ng isang dalubhasa. Baka mamatay ang pasyente kung hindi ka hihingi ng tulong. Gayundin naman, napapaharap sa ngayon ang mga tunay na Kristiyano sa isang kagipitan, wika nga. Ang totoo, si Satanas ay gumagala-gala tulad ng “isang leong umuungal,” anupat sinisikap na silain tayo. (1 Pedro 5:8) Para manatili tayong buháy sa espirituwal, talagang kailangan natin ang tulong ng espiritu ng Diyos. Napakapanganib kung hindi tayo hihingi ng tulong sa Diyos. Kaya naman may-tapang tayong magpumilit na humingi sa Diyos ng kaniyang banal na espiritu. (Efeso 3:14-16) Sa paggawa lamang nito mapananatili natin ang lakas na kailangan upang ‘makapagbata hanggang sa wakas.’​—Mateo 10:22; 24:13.

10 Kaya naman napakahalaga para sa atin na huminto paminsan-minsan at tanungin ang ating sarili, ‘Sa totoo lang, gaano ako katiyaga sa pananalangin?’ Tandaan, kapag lubusan nating natatanto na kailangan natin ang tulong ng Diyos, magiging lalo tayong matiyaga sa paghingi ng banal na espiritu sa ating mga panalangin.

Ano ang Nagpapakilos sa Atin na Manalangin Nang May Pagtitiwala?

11. Paano ikinapit ni Jesus sa pananalangin ang ilustrasyon tungkol sa isang ama at sa kaniyang anak?

11 Itinatampok sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mapilit na lalaking may bisita ang saloobin ng isang nananalangin​—ang mananampalataya. Itinatampok naman sa susunod na ilustrasyon ang saloobin ng isa na dumirinig ng panalangin​—ang Diyos na Jehova. Nagtanong si Jesus: “Tunay nga, sinong ama sa inyo, na kapag ang kaniyang anak ay humingi ng isda, ang marahil ay magbibigay sa kaniya ng serpiyente sa halip na isda? O kapag humingi rin siya ng itlog ay magbibigay sa kaniya ng alakdan?” Nagpatuloy si Jesus upang ipakita ang pagkakapit nito, na sinasabi: “Samakatuwid, kung kayo, bagaman balakyot, ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya!”​—Lucas 11:11-13.

12. Paano itinatampok ng ilustrasyon tungkol sa amang tumugon sa hinihiling ng kaniyang anak ang pagnanais ni Jehova na tumugon sa ating mga panalangin?

12 Sa halimbawang ito ng ama na tumutugon sa kaniyang anak, isiniwalat ni Jesus kung ano ang nadarama ni Jehova sa mga taong bumabaling sa kaniya sa panalangin. (Lucas 10:22) Una, pansinin ang pagkakaiba ng dalawang ilustrasyon. Di-tulad ng lalaki sa unang ilustrasyon na atubiling tumugon sa isang humihingi ng tulong, si Jehova ay tulad ng isang mapagmahal na magulang, na sabik tumugon sa hinihiling ng kaniyang anak. (Awit 50:15) Isiniwalat pa ni Jesus ang pagnanais ni Jehova na ibigay ang mga hinihiling natin sa pamamagitan ng paghahambing ng isang taong ama at ng ating makalangit na ama. Sinabi niya na kung ang isang taong ama, bagaman “balakyot” dahil sa minanang pagkamakasalanan, ay nagbibigay ng mabuting kaloob sa kaniyang anak, lalo nating maaasahan na ang ating mabait at makalangit na Ama ay magbibigay ng banal na espiritu sa mga sumasamba sa kaniya!​—Santiago 1:17.

13. Ano ang matitiyak natin kapag nananalangin tayo kay Jehova?

13 Ano ang aral dito para sa atin? Makatitiyak tayo na kapag humihingi tayo sa ating makalangit na Ama ng banal na espiritu, gustung-gusto niyang ipagkaloob ang hinihiling natin. (1 Juan 5:14) Kapag paulit-ulit tayong nanalangin sa kaniya, hindi kailanman sasabihin ni Jehova, wika nga: “Tigilan mo na ang panggugulo sa akin. Ang pinto ay naitrangka na.” (Lucas 11:7) Sa kabaligtaran, ganito ang sinabi ni Jesus: “Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo; patuloy na maghanap, at kayo ay makasusumpong; patuloy na kumatok, at bubuksan ito sa inyo.” (Lucas 11:9, 10) Oo, ‘sasagutin tayo ni Jehova sa araw na tayo ay tatawag.’​—Awit 20:9; 145:18.

14. (a) Anong maling kaisipan ang ikinababahala ng ilang napapaharap sa pagsubok? (b) Kapag napapaharap sa pagsubok, bakit tayo may-pagtitiwalang makapananalangin kay Jehova?

14 Idiniriin din ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa amang mapagmahal na ang kabutihan ni Jehova ay lubhang nakahihigit sa kabutihang ipinakikita ng sinumang magulang na tao. Dahil dito, hindi natin dapat isipin kailanman na nayayamot sa atin ang Diyos kaya dumaranas tayo ng mga pagsubok. Iyan ang gusto ng pangunahing kaaway nating si Satanas na isipin natin. (Job 4:1, 7, 8; Juan 8:44) Walang saligan sa Bibliya para magkaroon ng gayong negatibong kaisipan. Hindi tayo sinusubok ni Jehova “sa masasamang bagay.” (Santiago 1:13) Hindi niya tayo binibigyan ng tulad-ahas o tulad-alakdan na pagsubok. Ang ating makalangit na Ama ay nagbibigay ng “mabubuting bagay sa mga humihingi sa kaniya.” (Mateo 7:11; Lucas 11:13) Sa katunayan, habang lalo nating nauunawaan ang kabutihan at pagnanais ni Jehova na tulungan tayo, lalo tayong mapakikilos na manalangin nang may pagtitiwala. Kapag ginagawa natin ito, maipahahayag din natin ang tulad ng isinulat ng salmista: “Tunay na dininig ng Diyos; nagbigay-pansin siya sa tinig ng aking panalangin.”​—Awit 10:17; 66:19.

Kung Paano Tayo Tinutulungan ng Banal na Espiritu

15. (a) Ano ang ipinangako ni Jesus may kinalaman sa banal na espiritu? (b) Ano ang isang paraan ng pagtulong sa atin ng banal na espiritu?

15 Nang malapit na siyang mamatay, inulit ni Jesus ang mga bagay na tiniyak niya sa kaniyang mga ilustrasyon. Tungkol sa banal na espiritu, ganito ang sinabi niya sa kaniyang mga apostol: “Ako ay hihiling sa Ama at bibigyan niya kayo ng ibang katulong upang makasama ninyo magpakailanman.” (Juan 14:16) Kaya ipinangako ni Jesus na ang katulong, o banal na espiritu, ay makakasama ng kaniyang mga tagasunod sa hinaharap, pati na sa panahon natin. Ano ba ang isang mahalagang paraan na nararanasan natin ngayon ang gayong tulong? Tinutulungan tayo ng banal na espiritu na mabata ang iba’t ibang pagsubok. Paano? Bilang isa na napaharap mismo sa mga pagsubok, inilarawan ni apostol Pablo sa isang liham sa mga Kristiyano sa Corinto kung paano siya tinulungan ng espiritu ng Diyos. Isaalang-alang natin sandali ang isinulat niya.

16. Paano maaaring katulad ng kalagayan natin ang naging kalagayan ni Pablo?

16 Una, tahasang sinabi ni Pablo sa kaniyang mga kapananampalataya na dumaranas siya ng isang uri ng pagsubok, anupat tulad ito sa “isang tinik sa laman.” Pagkatapos ay sinabi niya: “Tatlong ulit akong namanhik sa Panginoon[g Jehova] na maalis ito sa akin.” (2 Corinto 12:7, 8) Nanatili iyon kahit nagsumamo na si Pablo sa Diyos na alisin ang kaniyang kapighatian. Baka ganiyan din ang situwasyon mo ngayon. Tulad ni Pablo, baka matiyaga at may-pagtitiwala kang nananalangin na alisin sana ni Jehova ang isang pagsubok. Pero sa kabila ng paulit-ulit mong pagsusumamo, nariyan pa rin ang problema mo. Nangangahulugan ba ito na hindi tinugon ni Jehova ang mga panalangin mo at hindi ka tinutulungan ng kaniyang espiritu? Aba, hindi! (Awit 10:1, 17) Pansinin ang sumunod na sinabi ni apostol Pablo.

17. Paano sinagot ni Jehova ang mga panalangin ni Pablo?

17 Bilang tugon sa mga panalangin ni Pablo, sinabi ng Diyos sa kaniya: “Ang aking di-sana-nararapat na kabaitan ay sapat na para sa iyo; sapagkat ang aking kapangyarihan ay pinasasakdal sa kahinaan.” Sinabi naman ni Pablo: “Kaya buong lugod pa nga akong maghahambog may kinalaman sa aking mga kahinaan, upang ang kapangyarihan ng Kristo ay manatiling tulad ng isang tolda sa ibabaw ko.” (2 Corinto 12:9; Awit 147:5) Samakatuwid, naranasan ni Pablo na sa pamamagitan ni Kristo, ang kapangyarihan at proteksiyon ng Diyos ay tumatakip sa kaniya na tulad ng isang tolda. Sinasagot din ngayon ni Jehova ang mga panalangin natin sa katulad na paraan. Ipinaaabot niya ang kaniyang proteksiyon sa kaniyang mga lingkod tulad ng isang kanlungan.

18. Bakit natin nababata ang mga pagsubok?

18 Sabihin pa, hindi naman pinatitigil ng isang tolda ang pagpatak ng ulan o paghihip ng hangin, pero naglalaan ito ng proteksiyon laban sa gayong mga puwersa ng kalikasan. Sa katulad na paraan, hindi pinipigilan ng kanlungang inilalaan ng “kapangyarihan ng Kristo” ang pagdating ng mga pagsubok o mga paghihirap. Pero nagbibigay ito ng espirituwal na proteksiyon laban sa nakapipinsalang mga bagay ng sanlibutang ito at sa mga pagsalakay ng tagapamahala nito, si Satanas. (Apocalipsis 7:9, 15, 16) Kaya kahit nararanasan mo ang isang pagsubok na hindi ‘maalis sa iyo,’ makatitiyak ka na alam ni Jehova ang pakikipagpunyagi mo at tumutugon siya sa “tinig ng iyong pagdaing.” (Isaias 30:19; 2 Corinto 1:3, 4) Sumulat si Pablo: “Ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi kalakip ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.”​—1 Corinto 10:13; Filipos 4:6, 7.

19. Ano ang determinado mong gawin, at bakit?

19 Totoo, palatandaan ng kasalukuyang “mga huling araw” ng di-makadiyos na sanlibutang ito ang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Ngunit para sa mga lingkod ng Diyos, hindi ito mga panahon na imposibleng pakitunguhan. Bakit hindi? Dahil sa suporta at proteksiyon ng banal na espiritu ng Diyos, na kusa at saganang ibinibigay ni Jehova sa lahat ng matiyaga at may-pagtitiwalang humihingi nito. Kaya maging determinado sana tayo na patuloy na hingin ang banal na espiritu sa panalangin araw-araw.​—Awit 34:6; 1 Juan 5:14, 15.

Paano Mo Sasagutin?

• Ano ang kailangan nating gawin upang matanggap ang banal na espiritu ng Diyos?

• Bakit tayo makapagtitiwalang tutugon si Jehova sa paghingi natin ng banal na espiritu sa ating mga panalangin?

• Paano tayo tinutulungan ng banal na espiritu na mabata ang mga pagsubok?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 21]

Ano ang matututuhan natin sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa matiyagang lalaking may bisita?

[Larawan sa pahina 22]

Matiyaga mo bang hinihingi sa panalangin ang banal na espiritu ng Diyos?

[Larawan sa pahina 23]

Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jehova mula sa ilustrasyon ng mapagmahal na ama?