Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Natatandaan Mo Ba?

Natatandaan Mo Ba?

Natatandaan Mo Ba?

Nasiyahan ka ba sa pagbabasa sa katatapos na mga isyu ng Ang Bantayan? Kung gayon, tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga tanong:

• Ano ang makatutulong sa isang tunay na Kristiyano kapag iniwan ng isang mahal sa buhay si Jehova?

Patibayin ang iyong sarili at ang iba pang tapat na mga miyembro ng pamilya. Manatiling abala sa espirituwal na mga gawain. Maging handang tumulong sa iba. Huwag na huwag mawalan ng pag-asa na babalik ang mahal sa buhay. Huwag mong sisihin ang iyong sarili. Igalang ang kaayusan ng Diyos sa pagdidisiplina, at ipahayag sa mga kaibigan ang iyong nadarama.​—9/1, pahina 18-21.

• Ano ang dalawang paraan na ibinibigay ng Kasulatan upang makilala ang “mga huling araw”?

Inihula ng Bibliya ang mga pangyayaring magaganap sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3, 7, 8; Lucas 21:11) Inilarawan din nito ang mga pagbabago sa saloobin at paggawi ng mga taong nabubuhay sa “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5) Kapansin-pansin, ang mabuting balita ng kaharian ay ipangangaral sa panahong ito.​—9/15, pahina 4-6.

• Ano ang responsibilidad ng kongregasyon kung sakaling maaksidente ang isang Kristiyanong nagmamaneho ng sasakyan at humantong ito sa pagkamatay ng ibang tao?

Maaaring masumpungan ng mga elder na nagsisiyasat sa kaso na walang pagkakasala sa dugo dahil hindi naman gaanong kontrolado o wala pa ngang kontrol ang drayber sa mga pangyayari na humantong sa pagkamatay. Pero kung may pagkakasala sa dugo at nagsisisi ang may-sala, tatanggap siya ng pagsaway batay sa Kasulatan at bibigyan ng restriksiyon may kaugnayan sa mga pribilehiyo sa kongregasyon.​—9/15, pahina 30.

• Bakit hindi nakasalalay sa pagsulong ng siyensiya ang buhay na walang hanggan?

May mga pagsisikap ang siyensiya upang pahabain ang buhay, gaya ng pagtatangkang mahigitan ang nakikitang limitasyon ng selula na magparami o kaya’y ng therapeutic cloning upang paglaanan ang mga pasyente ng bagong mga sangkap ng katawan na hindi nito tatanggihan. Pero ipinakikita ng Bibliya na ang pantubos ni Jesus ang tanging paraan upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang mga tao.​—10/1, pahina 3-5.

• Ang ritwal na paliligo ba ng mga Judio ang parisan ng bautismong Kristiyano?

Hindi. Nagsasagawa ang mga Judio ng mga ritwal na paglilinis sa sarili nila, na hindi hinihiling sa bautismo ni Juan. Ang paglilinis na hiniling ng Kautusang Mosaiko ay kailangang ulitin, pero ang bautismong Kristiyano ay minsan lamang ginagawa.​—10/15, pahina 12-13.

• Ano ang Ministerial Training School?

Ito ay isang walong-linggong kurso para sa walang-asawang mga elder at ministeryal na lingkod sa kongregasyon na maaaring atasang maglingkod kung saan may malaking pangangailangan. Maaaring ito ay sa kongregasyong pinanggalingan nila, sa ibang lugar sa kanilang lupain, o sa ibang bansa.​—11/15, pahina 10-11.

• Ano o sino ang antikristo na binanggit sa 1 Juan 2:18; 4:3?

Sa pangkalahatan, tumutukoy ang “antikristo” sa lahat ng sumasalansang o may-kasinungalingang nag-aangking Kristo o kaniyang mga kinatawan. Ipinakikita ng mga salita ni Jesus at ni Juan na ang antikristo ay isang grupo na binubuo ng maraming indibiduwal na antikristo na nagpapalaganap ng panlilinlang sa relihiyon at nagtatakwil sa Kaharian ng Diyos.​—12/1, pahina 4-6.