‘Pangyayarihin ni Jehova na Maibigay ang Katarungan’
‘Pangyayarihin ni Jehova na Maibigay ang Katarungan’
“Hindi ba tiyak na pangyayarihin ng Diyos na mabigyan ng katarungan ang kaniyang mga pinili na sumisigaw sa kaniya araw at gabi?”—LUCAS 18:7.
1. Sino ang mga nagpapatibay-loob sa iyo, at bakit?
TINATAMASA ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang pakikipagsamahan ng tapat na mga Kristiyanong lalaki at babae na maraming taon nang naglilingkod kay Jehova. Personal mo bang kilala ang ilan sa mga minamahal na ito? Baka maalaala mo ang isang may-edad nang sister, na nabautismuhan maraming taon na ang nakalilipas at bihirang lumiban sa pulong sa Kingdom Hall. O baka maisip mo ang isang may-edad nang brother na maraming taon nang nakikibahagi sa ministeryo sa larangan kasama ng kongregasyon linggu-linggo. Totoo, naisip ng marami sa mga tapat na ito na dapat sana’y tapos na ang Armagedon. Pero ang pananatili ng di-makatarungang daigdig na ito ay hindi kailanman sumira sa kanilang pagtitiwala sa mga pangako ni Jehova ni nagpahina man sa kanilang determinasyon na ‘magbata hanggang sa wakas.’ (Mateo 24:13) Tunay na pampatibay-loob sa buong kongregasyon ang lalim ng pananampalataya ng gayong matapat na mga lingkod ni Jehova.—Awit 147:11.
2. Anong situwasyon ang ikinalulungkot natin?
2 Pero kung minsan, baka kabaligtaran nito ang nakikita natin. May ilang Saksi na nakibahagi sa ministeryo nang maraming taon, pero sa kalaunan ay humina ang pananampalataya nila kay Jehova at huminto na ng pakikisama sa kongregasyong Kristiyano. Ikinalulungkot natin na iniwan si Jehova ng mga dati nating kasama, at taos-puso nating hangarin na patuloy na tulungan ang bawat “nawawalang tupa” na makabalik sa kawan. (Awit 119:176; Roma 15:1) Magkagayunman, nagbabangon ng mga tanong ang magkaibang situwasyong ito—may ilan na nanatiling may pananampalataya at aktibo samantalang may ilan na nawalan ng pananampalataya at huminto ng pakikisama sa kongregasyon. Paano napananatili ng maraming Saksi ang pananampalataya nila sa mga pangako ni Jehova samantalang naiwawala iyon ng iba? Ano ang personal na magagawa natin upang tiyaking mananatiling matatag ang pananalig natin na malapit na “ang dakilang araw ni Jehova”? (Zefanias 1:14) Isaalang-alang natin ang isang ilustrasyon sa Ebanghelyo ni Lucas.
Babala sa mga Taong Nabubuhay “Kapag Dumating ang Anak ng Tao”
3. Sino ang lalo nang makikinabang sa ilustrasyon tungkol sa babaing balo at sa hukom, at bakit?
3 Sa Lucas kabanata 18, masusumpungan natin ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa isang babaing balo at isang hukom. Katulad ito sa ilustrasyon tungkol sa mapilit na lalaking may bisita, na tinalakay natin sa naunang artikulo. (Lucas 11:5-13) Pero ipinakikita ng konteksto ng talata sa Bibliya tungkol sa ilustrasyon ng babaing balo at ng hukom na lalo itong kumakapit sa mga taong nabubuhay “kapag dumating ang Anak ng tao” taglay ang kapangyarihan ng Kaharian, ang panahong nagsimula noong 1914.—Lucas 18:8. *
4. Ano ang tinalakay muna ni Jesus bago niya ilahad ang ilustrasyon sa Lucas kabanata 18?
4 Bago niya ilahad ang ilustrasyong ito, sinabi ni Jesus na ang ebidensiya ng kaniyang pagkanaririto taglay ang kapangyarihan ng Kaharian ay malawakang makikita gaya ng “kidlat“ na “nagliliwanag mula sa isang bahagi sa silong ng langit hanggang sa isa pang bahagi sa silong ng langit.” (Lucas 17:24; 21:10, 29-33) Gayunpaman, hindi papansinin ng karamihan sa mga taong nabubuhay “sa panahon ng kawakasan” ang maliwanag na ebidensiyang iyan. (Daniel 12:4) Bakit hindi? Tulad din ng dahilan ng mga tao noong panahon ni Noe at noong panahon ni Lot na nagwalang-bahala sa mga babala ni Jehova. Noon, ang mga tao ‘ay kumakain, umiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim, at nagtatayo hanggang sa araw na pinuksa sila.’ (Lucas 17:26-29) Namatay sila dahil labis silang naging abala sa pangkaraniwang mga gawaing iyon anupat hindi sila nagbigay-pansin sa kalooban ng Diyos. (Mateo 24:39) Sa ngayon, abalang-abala din ang mga tao sa pang-araw-araw na gawain anupat hindi nila nakikita ang ebidensiya na malapit na ang wakas ng di-makadiyos na sanlibutang ito.—Lucas 17:30.
5. (a) Kanino nagbigay ng babala si Jesus, at bakit? (b) Bakit nawalan ng pananampalataya ang ilan?
5 Maliwanag, nabahala si Jesus na baka mailihis din ng sanlibutan ni Satanas ang kaniyang mga tagasunod, anupat baka “balikan [pa nga nila] ang mga bagay na nasa likuran.” (Lucas 17:22, 31) At nangyari na nga ito sa ilang Kristiyano. Maraming taon nilang hinintay ang araw na wawakasan ni Jehova ang balakyot na sanlibutang ito. Subalit nang hindi sumapit ang Armagedon sa panahong inaasahan nila, nasiraan sila ng loob. Naglaho ang pagtitiwala nila na malapit na ang araw ng paghatol ni Jehova. Nabawasan ang panahong ginugugol nila sa ministeryo at unti-unti silang naging abala sa pangkaraniwang mga gawain sa buhay anupat kaunting panahon na lamang ang natira para sa espirituwal na mga bagay. (Lucas 8:11, 13, 14) Sa kalaunan, ‘binalikan nila ang mga bagay na nasa likuran’—nakapanghihinayang!
Pangangailangan na ‘Laging Manalangin’
6-8. (a) Ilahad ang ilustrasyon tungkol sa babaing balo at sa hukom. (b) Paano ikinapit ni Jesus ang ilustrasyong ito?
6 Ano ang magagawa natin upang matiyak na laging matibay ang ating pagtitiwalang matutupad ang mga pangako ni Jehova? (Hebreo 3:14) Sinagot ni Jesus ang tanong na iyan pagkatapos babalaan ang mga alagad na huwag balikan ang balakyot na sanlibutan ni Satanas.
7 Iniulat ni Lucas na “inilahad [ni Jesus] sa kanila ang isang ilustrasyon may kinalaman sa pangangailangan na lagi silang manalangin at huwag manghimagod.” Sinabi ni Jesus: “Sa isang lunsod ay may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang paggalang sa tao. Ngunit may isang babaing balo sa lunsod na iyon at patuloy siyang pumaparoon sa kaniya, na sinasabi, ‘Tiyakin mong magkakamit ako ng katarungan mula sa aking kalaban sa batas.’ Buweno, sa sandaling panahon ay ayaw niya, ngunit pagkatapos ay sinabi niya sa kaniyang sarili, ‘Bagaman hindi ako natatakot sa Diyos o gumagalang sa tao, gayunpaman, dahil sa patuloy na panggugulo sa akin ng babaing balong ito, titiyakin kong magkamit siya ng katarungan, upang hindi na siya laging pumarito at pahirapan ako nang lubusan.’”
8 Pagkatapos ilahad ang salaysay na ito, sinabi ni Jesus ang pagkakapit: “Pakinggan ninyo kung ano ang sinabi ng hukom, bagaman di-matuwid! Kung gayon nga, hindi ba tiyak na pangyayarihin ng Diyos na mabigyan ng katarungan ang kaniyang mga pinili na sumisigaw sa kaniya araw at gabi, bagaman mayroon siyang mahabang-pagtitiis sa kanila? Sinasabi ko sa inyo, Pangyayarihin niya na mabilis silang mabigyan ng katarungan. Gayunpaman, kapag dumating ang Anak ng tao, talaga kayang masusumpungan niya sa lupa ang pananampalataya?”—Lucas 18:1-8.
“Tiyakin Mong Magkakamit Ako ng Katarungan”
9. Anong tema ang idiniriin sa ilustrasyon tungkol sa babaing balo at sa hukom?
9 Napakaliwanag ng pangunahing tema ng mabisang ilustrasyong ito. Binanggit iyon ng dalawang tauhan sa ilustrasyon at ni Jesus mismo. Nakiusap ang balo: “Tiyakin mong magkakamit ako ng katarungan.” Sinabi naman ng hukom: “Titiyakin kong magkamit siya ng katarungan.” Nagtanong si Jesus: ‘Hindi ba tiyak na pangyayarihin ng Diyos na maibigay ang katarungan?’ At tungkol kay Jehova, ganito ang sabi ni Jesus: “Pangyayarihin niya na mabilis silang mabigyan ng katarungan.” (Lucas 18:3, 5, 7, 8) Kailan partikular na ‘pangyayarihin ng Diyos na maibigay ang katarungan’?
10. (a) Kailan inilapat ang katarungan noong unang siglo? (b) Kailan at paano ibibigay ang katarungan sa mga lingkod ng Diyos ngayon?
10 Noong unang siglo, dumating ang “mga araw para sa paglalapat ng katarungan” (o, “mga araw ng paghihiganti,” Kingdom Interlinear) noong 70 C.E. nang wasakin ang Jerusalem at ang templo nito. (Lucas 21:22) Para sa bayan ng Diyos ngayon, ibibigay ang katarungan sa “dakilang araw ni Jehova.” (Zefanias 1:14; Mateo 24:21) Sa panahong iyon, ‘gagantihan ni Jehova ng kapighatian yaong mga pumipighati’ sa kaniyang bayan kapag ‘nagpasapit si Jesu-Kristo ng paghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.’—2 Tesalonica 1:6-8; Roma 12:19.
11. Paano “mabilis” na ibibigay ang katarungan?
11 Ngunit paano natin uunawain ang katiyakang ibinigay ni Jesus na pangyayarihin ni Jehova na “mabilis” na maibigay ang katarungan? Ipinakikita ng Salita ng Diyos na “bagaman mayroon siyang mahabang-pagtitiis,” mabilis na ilalapat ni Jehova ang katarungan kapag sumapit na ang takdang panahon. (Lucas 18:7, 8; 2 Pedro 3:9, 10) Nang sumapit ang Baha noong panahon ni Noe, nalipol agad ang mga balakyot. Gayundin noong panahon ni Lot, napuksa ang mga balakyot nang umulan ng apoy mula sa langit. Sinabi ni Jesus: “Magiging gayundin sa araw na iyon kapag ang Anak ng tao ay isiniwalat.” (Lucas 17:27-30) Muli, daranas ng “biglang pagkapuksa” ang mga balakyot. (1 Tesalonica 5:2, 3) Oo, lubusan tayong makapagtitiwala na dahil makatarungan si Jehova, hindi niya papayagang lumabis pa nang isang araw sa itinakdang panahon ang sanlibutan ni Satanas.
‘Pangyayarihin Niya na Maibigay ang Katarungan’
12, 13. (a) Paano nagturo si Jesus ng isang aral sa pamamagitan ng kaniyang ilustrasyon tungkol sa babaing balo at sa hukom? (b) Bakit tayo makatitiyak na pakikinggan ni Jehova ang ating mga panalangin at pangyayarihin niyang maibigay ang katarungan?
12 Itinatampok ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa babaing balo at sa hukom ang iba pang mahahalagang katotohanan. Sa pagkakapit ng ilustrasyon, sinabi ni Jesus: “Pakinggan ninyo kung ano ang sinabi ng hukom, bagaman di-matuwid! Kung gayon nga, hindi ba tiyak na pangyayarihin ng Diyos na mabigyan ng katarungan ang kaniyang mga pinili?” Sabihin pa, hindi naman inihahambing ni Jesus si Jehova sa hukom na para bang sinasabi niyang gayundin ang paraan ng pakikitungo ng Diyos sa mga mananampalataya. Sa halip, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod ng isang aral tungkol kay Jehova sa pamamagitan ng pagtatampok sa pagkakaiba ng Diyos at ng hukom na iyon. Sa anu-anong paraan sila nagkakaiba?
13 Ang hukom sa ilustrasyon ni Jesus ay “di-matuwid,” samantalang “ang Diyos ay isang matuwid na Hukom.” (Awit 7:11; 33:5) Walang anumang personal na interes ang hukom sa babaing balo, pero interesado si Jehova sa bawat indibiduwal. (2 Cronica 6:29, 30) Ayaw ng hukom na tulungan ang babaing balo, pero gusto ni Jehova—oo, nasasabik siya—na tulungan ang mga naglilingkod sa Kaniya. (Isaias 30:18, 19) Ano ang aral dito? Kung pinakinggan ng di-matuwid na hukom ang kahilingan ng babaing balo at binigyan siya ng katarungan, lalo nang pakikinggan ni Jehova ang mga panalangin ng kaniyang bayan at tiyak na pangyayarihin niyang maibigay sa kanila ang katarungan!—Kawikaan 15:29.
14. Bakit hindi tayo dapat mawalan ng pananampalataya sa pagdating ng araw ng paghatol ng Diyos?
14 Kaya naman malaking pagkakamali ang nagagawa ng mga taong nawalan ng pananampalataya sa pagdating ng araw ng paghatol ng Diyos. Job 9:12) Kaya naman makatuwirang itanong, Mananatili ba tayong tapat? At iyan mismo ang paksang ibinangon ni Jesus sa pagtatapos ng ilustrasyon tungkol sa balo at sa hukom.
Bakit? Sa pagkawala ng kanilang matibay na paniniwalang malapit na “ang dakilang araw ni Jehova,” ipinakikita nila sa kanilang pagkilos na nag-aalinlangan sila sa katapatan ni Jehova may kinalaman sa pagtupad sa kaniyang mga pangako. Pero walang karapatan ang sinuman na kuwestiyunin ang katapatan ng Diyos. (“Talaga Kayang Masusumpungan Niya sa Lupa ang Ganitong Pananampalataya?”
15. (a) Anong tanong ang ibinangon ni Jesus, at bakit? (b) Ano ang dapat nating itanong sa ating sarili?
15 Nagbangon si Jesus ng nakaaantig na tanong: “Kapag dumating ang Anak ng tao, talaga kayang masusumpungan niya sa lupa ang ganitong pananampalataya?” (Lucas 18:8, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References) Ipinahihiwatig ng pananalitang “ganitong pananampalataya” na ang tinutukoy ni Jesus ay hindi ang pananampalataya sa karaniwang diwa nito, kundi ang isang uri ng pananampalataya—ang pananampalatayang tulad ng sa babaing balo. Hindi sinagot ni Jesus ang kaniyang tanong. Ibinangon niya ito upang pag-isipan ng kaniyang mga alagad ang uri ng kanila mismong pananampalataya. Unti-unti ba itong humihina anupat nanganganib silang bumalik sa mga bagay na tinalikuran na nila? O taglay nila ang uri ng pananampalatayang tulad ng sa babaing balo? Dapat din nating tanungin ang ating sarili ngayon, ‘Anong uri ng pananampalataya ang masusumpungan sa akin ng “Anak ng tao”?’
16. Anong uri ng pananampalataya ang tinaglay ng babaing balo?
16 Upang mapabilang tayo sa mga tatanggap ng katarungan mula kay Jehova, kailangan nating tularan ang babaing balo. Anong uri ng pananampalataya ang tinaglay niya? Ipinakita niya ang kaniyang pananampalataya sa pamamagitan ng matiyagang ‘pagparoon sa hukom, na sinasabi, “Tiyakin mong magkakamit ako ng katarungan.”’ Nagpumilit ang balong iyon upang magkamit ng katarungan mula sa isang taong di-matuwid. Sa katulad na paraan, makapagtitiwala ang mga lingkod ng Diyos ngayon na tatanggap sila ng katarungan mula kay Jehova—kahit maghintay sila ng mas mahabang panahon kaysa sa inaasahan nila. Gayundin, ipinakikita nila ang kanilang tiwala sa mga pangako ng Diyos sa pamamagitan ng matiyagang pananalangin—oo, sa pamamagitan ng ‘pagsigaw kay Jehova araw at gabi.’ (Lucas 18:7) Sa katunayan, kung titigil ang isang Kristiyano sa pananalangin para maibigay ang katarungan, ipinakikita niyang nawalan na siya ng tiwalang kikilos si Jehova alang-alang sa kaniyang mga lingkod.
17. Anu-anong dahilan mayroon tayo para magmatiyaga sa pananalangin at panatilihin ang ating pananampalataya sa tiyak na pagdating ng araw ng paghatol ni Jehova?
17 Ipinakikita sa atin ng partikular na kalagayan ng balong iyon na mayroon tayong karagdagang mga dahilan para magmatiyaga sa pananalangin. Tingnan ang ilang pagkakaiba ng kaniyang situwasyon at ng situwasyon natin. Patuloy na lumalapit ang balo sa hukom kahit walang sinuman na nagpapasigla sa kaniya na gawin iyon, pero lubha tayong pinasisigla ng Salita ng Diyos na ‘magmatiyaga sa pananalangin.’ (Roma 12:12) Walang katiyakan ang balo na pagbibigyan ang mga kahilingan niya, pero tinitiyak sa atin ni Jehova na ibibigay niya ang katarungan. Sa pamamagitan ng kaniyang propeta, ganito ang sabi ni Jehova: “Kung iyon man ay magluwat, patuloy mong hintayin iyon; sapagkat iyon ay walang pagsalang magkakatotoo. Hindi iyon maaantala.” (Habakuk 2:3; Awit 97:10) Walang katulong ang babaing balo na makiusap para sa kaniya upang maging mas mapuwersa ang kaniyang kahilingan. Pero mayroon tayong makapangyarihang katulong, si Jesus, “na nasa kanan ng Diyos, na nakikiusap din para sa atin.” (Roma 8:34; Hebreo 7:25) Kaya naman, kung sa kabila ng kaniyang mahirap na situwasyon ay patuloy na nakiusap ang babaing balo sa hukom sa pag-asang mabibigyan siya ng katarungan, dapat na lalo nating panatilihin ang ating pananampalataya sa tiyak na pagdating ng araw ng paghatol ni Jehova!
18. Paano mapatitibay ng panalangin ang ating pananampalataya at matutulungan tayong makamit ang katarungan?
18 Itinuturo sa atin ng ilustrasyon tungkol sa babaing balo na may malapit na kaugnayan ang panalangin at pananampalataya at na mapaglalabanan natin ang mga impluwensiyang makapagpapahina sa ating pananampalataya sa tulong ng ating matiyagang pananalangin. Sabihin pa, hindi ito nangangahulugang solusyon na sa kawalan ng pananampalataya ang pakitang-taong pananalangin. (Mateo 6:7, 8) Inilalapit tayo sa Diyos ng panalangin at pinatitibay nito ang ating pananampalataya kapag nananalangin tayo dahil batid natin na lubusan tayong nakadepende sa Diyos. At yamang kailangan ang pananampalataya para tayo maligtas, hindi nakapagtatakang nadama ni Jesus na kailangang pasiglahin ang kaniyang mga alagad na “lagi silang manalangin at huwag manghimagod”! (Lucas 18:1; 2 Tesalonica 3:13) Totoo na hindi nakadepende sa ating mga panalangin ang pagdating ng “dakilang araw ni Jehova”—darating iyon ipanalangin man natin o hindi. Pero nakasalalay ang pagkakamit natin ng katarungan at kaligtasan sa digmaan ng Diyos sa uri ng pananampalatayang taglay natin at sa landasing itinataguyod natin kaakibat ng ating mga panalangin.
19. Paano natin pinatutunayan na matibay ang ating paniniwalang ‘pangyayarihin ng Diyos na maibigay ang katarungan’?
19 Gaya ng natatandaan natin, nagtanong si Jesus: “Kapag dumating ang Anak ng tao, talaga kayang masusumpungan niya sa lupa ang ganitong pananampalataya?” Ano ba ang sagot sa kaniyang nakaaantig na tanong? Napakaligaya natin na milyun-milyong tapat na mga lingkod ni Jehova sa buong daigdig ngayon ang nagpapatunay sa pamamagitan ng kanilang mga panalangin, pagtitiis, at pagtitiyaga na talagang taglay nila ang ganitong pananampalataya! Kaya naman, ang tanong ni Jesus ay masasagot ng oo. Oo, sa kabila ng kawalang-katarungang nararanasan natin sa sanlibutan ni Satanas, matibay ang paniniwala natin na “pangyayarihin ng Diyos na mabigyan ng katarungan ang kaniyang mga pinili.”
[Talababa]
^ par. 3 Upang maunawaan nang husto ang kahulugan ng ilustrasyong ito, basahin ang Lucas 17:22-33. Pansinin kung paano nauugnay ang pagbanggit sa “Anak ng tao” sa Lucas 17:22, 24, 30 sa tanong na ibinangon sa Lucas 18:8.
Naaalaala Mo Ba?
• Bakit nawalan ng pananampalataya ang ilang Kristiyano?
• Bakit tayo lubusang makapagtitiwala sa pagdating ng araw ng paghatol ni Jehova?
• Anu-anong dahilan mayroon tayo para magmatiyaga sa pananalangin?
• Paano tutulong ang matiyagang pananalangin upang mapanatili ang ating pananampalataya?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 26]
Ano ang idiniriin ng ilustrasyon tungkol sa babaing balo at sa hukom?
[Mga larawan sa pahina 29]
Milyun-milyon ngayon ang may matibay na paniniwalang ‘pangyayarihin ng Diyos na maibigay ang katarungan’