Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pasko—Ano Na ang Nangyayari Dito?

Pasko—Ano Na ang Nangyayari Dito?

Pasko​—Ano Na ang Nangyayari Dito?

SAMPUNG taon na ang nakalilipas sa buwang ito, itinampok ng magasing U.S.News & World Report ang paksa sa pabalat na “Pagsusuri sa Pasko.” Tinalakay ng artikulo kung ang Pasko ba ay nagiging “lalong dalisay at hindi pangkomersiyo.” Ganiyan nga ba ang talagang nangyayari?

Ipinaliwanag ng artikulo ang mga dahilan kung bakit hindi ganiyan ang dapat nating asahan. Ganito ang sinabi ng artikulo: “Noon lamang ikaapat na siglo nagkaroon ng ulat hinggil sa opisyal na pagdiriwang sa kapanganakan ni Kristo, nang si Constantino . . . ang emperador ng Roma.” Ipinakikita nito na “sa paanuman ay walang sinuman ang nakatitiyak kung kailan isinilang si Jesus.” Inamin ng artikulo na “hindi binabanggit ng mga ebanghelyo ang taon, lalo na ang eksaktong buwan o araw.” Ayon sa isang istoryador sa University of Texas, “hindi talaga ipinagdiriwang ng pinakaunang mga Kristiyano ang Pagsilang ni Jesus.”

Sa ilalim ng subtitulong “Pala-palagay,” tinalakay ng artikulo “kung paano napili ng simbahan ang Disyembre 25.” Inamin nito: “Tinatanggap ng karamihan ang pananaw na ang kapistahan ay sadyang pagkumberte sa Saturnalia at sa iba pang mga paganong kapistahan na maging ‘Kristiyano.’” “Sa pagtatakda ng Pasko sa huling bahagi ng Disyembre, kung kailan sanáy nang magdiwang ang mga tao, tiniyak ng mga lider ng simbahan na magiging laganap ang pagdiriwang sa kapanganakan ng Tagapagligtas.” Noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, naituon ang pansin sa pagbili at pagbibigay ng mga regalo. “Dahil sa bagong tradisyon ng pagbibigay ng mga regalo tuwing Pasko, nagkaroon ng pagkakataong kumita agad ng malaking pera, at di-nagtagal, pinasimulang itaguyod ng mga negosyante at mga tagapag-anunsiyo ang kapistahang ito.”

Kaya walang dahilan na asahang magiging mas dalisay at mas Kristiyano ang Pasko. Bagaman kitang-kita sa makabagong Pasko ang “lantarang komersiyalismo,” ang totoo, hindi kailanman iniisip ng mga tunay na Kristiyano na ipagdiwang ang kapanganakan ni Jesus. Sa halip, idiniriin ng Bibliya ang pantubos na inilaan ni Kristo sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli sa langit. (Mateo 20:28) Ito pa rin ang pinakamahalaga at mananatiling pinakamahalaga hanggang sa panahong darating.