Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang “Unang Pagkabuhay-Muli”—Nagaganap Na!

Ang “Unang Pagkabuhay-Muli”—Nagaganap Na!

Ang “Unang Pagkabuhay-Muli”​—Nagaganap Na!

“Yaong mga patay na kaisa ni Kristo ang unang babangon.”​—1 TESALONICA 4:16.

1, 2. (a) Ano ang pag-asa ng mga namatay? (b) Sa ano nakasalig ang iyong paniniwala sa pagkabuhay-muli? (Tingnan ang talababa.)

“BATID ng mga buháy na sila ay mamamatay.” Totoo iyan mula pa noong magkasala si Adan. Sa buong kasaysayan, batid ng bawat naisilang na darating ang panahon na siya’y mamamatay, at marami ang nag-iisip: ‘Ano kaya ang susunod na mangyayari? Ano ba ang kalagayan ng mga patay?’ Sumasagot ang Bibliya: “Kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.”​—Eclesiastes 9:5.

2 Kung gayon, may pag-asa ba ang mga namatay? Oo. Sa katunayan, dapat na mayroon silang pag-asa upang matupad ang orihinal na layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Sa paglipas ng maraming siglo, nananampalataya ang tapat na mga lingkod ng Diyos sa pangako ni Jehova hinggil sa Binhi na lilipol kay Satanas at papawi sa pinsalang ginawa nito. (Genesis 3:15) Karamihan sa kanila ay namatay na. Upang makita nila ang katuparan ng pangakong iyan at ng iba pang mga pangako ni Jehova, kailangan silang buhaying muli. (Hebreo 11:13) Posible ba ito? Oo, posible ito. Sinabi ni apostol Pablo: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Binuhay-muli ni Pablo noon ang isang kabataang lalaki na nagngangalang Eutico, na nahulog mula sa isang bintana sa ikatlong palapag at “patay na nang buhatin.” Ito ang huli sa siyam na pagkabuhay-muli na iniulat sa Bibliya.​—Gawa 20:7-12. *

3. Anong kaaliwan ang nakuha mo mula sa mga salita ni Jesus na nakaulat sa Juan 5:28, 29, at bakit?

3 Ang siyam na pagkabuhay-muling iyon ay nagbibigay ng saligan para paniwalaan ang sinabi ni Pablo. Pinatitibay nito ang ating pagtitiwala sa katiyakang sinabi ni Jesus: “Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng . . . tinig [ni Jesus] at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Nakapagpapasigla ngang mga salita iyan! At kaylaking kaaliwan para sa milyun-milyong namatayan ng mahal sa buhay!

4, 5. Anong magkakaibang pagkabuhay-muli ang binabanggit sa Bibliya, at alin sa mga ito ang tatalakayin sa artikulong ito?

4 Karamihan sa mga binuhay-muli ay maninirahan sa isang mapayapang lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. (Awit 37:10, 11, 29; Isaias 11:6-9; 35:5, 6; 65:21-23) Subalit magaganap muna ang iba pang pagkabuhay-muli bago mangyari iyan. Una, kailangan munang buhaying muli si Jesu-Kristo upang maiharap niya sa Diyos ang halaga ng kaniyang hain alang-alang sa atin. Namatay si Jesus at binuhay siyang muli noong 33 C.E.

5 Pagkatapos nito, ang mga pinahirang miyembro ng “Israel ng Diyos” ay sasama sa Panginoong Jesu-Kristo sa makalangit na kaluwalhatian, kung saan “lagi na [silang] makakasama ng Panginoon.” (Galacia 6:16; 1 Tesalonica 4:17) Ang pangyayaring iyan ay tinatawag na “mas maagang pagkabuhay-muli” o “unang pagkabuhay-muli.” (Filipos 3:10, 11; Apocalipsis 20:6) Kapag natapos na ang pagkabuhay-muling ito, panahon na para buhaying muli sa lupa ang milyun-milyon na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso. Kaya sa langit man o sa lupa ang ating pag-asa, may masidhi tayong interes sa “unang pagkabuhay-muli.” Anong uri ng pagkabuhay-muli ito? Kailan ba ito magaganap?

“Sa Anong Uri ng Katawan?”

6, 7. (a) Bago makaakyat sa langit ang mga pinahirang Kristiyano, ano muna ang kailangang mangyari? (b) Sa anong uri ng katawan sila bubuhaying muli?

6 Sa kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto, nagtanong si Pablo hinggil sa unang pagkabuhay-muli: “Paano ibabangon ang mga patay? Oo, sa anong uri ng katawan sila paririto?” Pagkatapos ay sinagot niya ito: “Ang inihahasik mo ay hindi binubuhay malibang mamatay muna ito . . . ngunit binibigyan ito ng Diyos ng katawan ayon sa kaniyang kinalugdan . . . Ang kaluwalhatian ng mga katawang makalangit ay isang uri, at yaong sa mga katawang makalupa ay ibang uri.”​—1 Corinto 15:35-40.

7 Ipinakikita ng mga salita ni Pablo na ang mga Kristiyanong pinahiran ng banal na espiritu ay kailangan munang mamatay bago nila matamo ang kanilang makalangit na gantimpala. Pagkamatay nila, ang kanilang katawang makalupa ay babalik sa alabok. (Genesis 3:19) Sa itinakdang panahon ng Diyos, bubuhayin silang muli taglay ang uri ng katawan na naaangkop sa buhay sa langit. (1 Juan 3:2) Pagkakalooban din sila ng Diyos ng imortalidad. Hindi nila taglay iyan noong sila ay isilang, na para bang binigyan sila ng isang imortal na kaluluwa. “Ito na mortal ay kailangang magbihis ng imortalidad,” ang sabi ni Pablo. Ang imortalidad ay isang kaloob mula sa Diyos, na ‘ibinibihis’ ng mga kabilang sa unang pagkabuhay-muli.​—1 Corinto 15:50, 53; Genesis 2:7; 2 Corinto 5:1, 2, 8.

8. Paano natin nalaman na ang 144,000 ay hindi pinili ng Diyos mula sa mga miyembro ng iba’t ibang relihiyon?

8 Isang daan at apatnapu’t apat na libo lamang ang tatanggap ng unang pagkabuhay-muli. Sinimulan silang piliin ni Jehova noong Pentecostes 33 C.E., di-nagtagal matapos niyang buhaying muli si Jesus. Taglay nilang lahat ang “pangalan [ni Jesus] at pangalan ng kaniyang Ama na nakasulat sa kanilang mga noo.” (Apocalipsis 14:1, 3) Kaya hindi sila pinili mula sa maraming iba’t ibang relihiyon. Lahat sila’y Kristiyano, at may-pagmamalaki nilang tinataglay ang pangalan ng Ama​—Jehova. Kapag binuhay silang muli, tatanggap sila ng atas sa langit. Ang pag-asang maglingkod sa Diyos sa gayong tuwirang paraan ay lubhang nakapananabik sa kanila.

Nagaganap Na?

9. Paano tayo matutulungan ng Apocalipsis 12:7 at 17:14 upang matantiya kung kailan nagsimula ang unang pagkabuhay-muli?

9 Kailan magaganap ang unang pagkabuhay-muli? May matibay na ebidensiya na nagaganap na ito. Halimbawa, paghambingin ang dalawang kabanata ng Apocalipsis. Una, tingnan ang Apocalipsis kabanata 12. Mababasa natin doon na ang bagong-luklok na haring si Jesu-Kristo, kasama ang kaniyang mga banal na anghel, ay nakipagdigma laban kay Satanas at sa mga demonyo nito. (Apocalipsis 12:7-9) Gaya ng madalas na ipinakikita ng babasahing ito, nagsimula ang digmaang iyon noong 1914. * Subalit pansinin na walang binanggit na kasama ni Jesus ang mga pinahirang tagasunod ni Kristo sa makalangit na digmaang iyon. Ngayon ay tingnan ang kabanata 17 ng Apocalipsis. Mababasa natin sa kabanatang ito na pagkatapos malipol ang “Babilonyang Dakila,” dadaigin ng Kordero ang mga bansa. Pagkatapos ay idinagdag nito: “Gayundin, yaong mga tinawag at pinili at tapat na kasama niya ay mananaig din.” (Apocalipsis 17:5, 14) Tiyak na binuhay nang muli ang “mga tinawag at pinili at tapat” upang makasama sila ni Jesus sa pangwakas na pagkatalo ng sanlibutan ni Satanas. Kung gayon, makatuwirang isipin na ang mga pinahirang namatay bago ang Armagedon ay binuhay-muli sa pagitan ng 1914 at ng Armagedon.

10, 11. (a) Sino ang 24 na matatanda, at ano ang isiniwalat kay Juan ng isa sa kanila? (b) Ano ang mahihinuha natin dito?

10 Maaari ba tayong maging mas eksakto kung kailan nagsimula ang unang pagkabuhay-muli? Ang isang kapansin-pansing pahiwatig ay mababasa sa Apocalipsis 7:9-15, kung saan inilarawan ni apostol Juan ang nakita niyang pangitain hinggil sa “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao.” Ang pagkakakilanlan ng malaking pulutong na iyan ay isiniwalat kay Juan ng isa sa 24 na matatanda, at ang matatandang ito ay kumakatawan sa 144,000 kasamang tagapagmana ni Kristo sa kanilang makalangit na kaluwalhatian. * (Lucas 22:28-30; Apocalipsis 4:4) Si Juan mismo ay may makalangit na pag-asa; pero yamang nasa lupa pa siya nang makipag-usap sa kaniya ang isa sa matatanda, malamang na sa pangitain, si Juan ay kumakatawan sa mga pinahiran dito sa lupa na hindi pa nakatatanggap ng kanilang makalangit na gantimpala.

11 Kung gayon, ano ang mahihinuha natin sa katotohanan na isa sa 24 na matatanda ang nagsiwalat kay Juan ng pagkakakilanlan ng malaking pulutong? Waring ang mga binuhay-muli mula sa grupo ng 24 na matatanda ay may papel na ginagampanan sa paghahatid ng mga katotohanan tungkol sa Diyos sa ngayon. Bakit ito mahalaga? Dahil ang wastong pagkaunawa hinggil sa pagkakakilanlan ng malaking pulutong ay isiniwalat sa mga pinahirang lingkod ng Diyos sa lupa noong 1935. Kung isa sa 24 na matatanda ang ginamit upang ihatid ang mahalagang katotohanang ito, tiyak na binuhay siyang muli sa langit nang di-lalampas sa 1935. Ipinahihiwatig nito na ang unang pagkabuhay-muli ay nagsimula sa pagitan ng 1914 at 1935. Posible bang magbigay ng mas eksaktong panahon?

12. Ipaliwanag kung bakit posibleng noong tagsibol ng 1918 nagsimulang maganap ang unang pagkabuhay-muli.

12 Sa puntong ito, makatutulong na isaalang-alang ang maituturing na kahalintulad na pangyayari sa Bibliya. Si Jesu-Kristo ay pinahiran noong taglagas ng 29 C.E. bilang Hari ng Kaharian ng Diyos sa hinaharap. Pagkalipas ng tatlo at kalahating taon, noong tagsibol ng 33 C.E., binuhay siyang muli bilang isang makapangyarihang espiritung persona. Kung gayon, maaari bang sabihin na yamang si Jesus ay iniluklok na hari noong taglagas ng 1914, ang pagkabuhay-muli ng kaniyang tapat na mga pinahirang tagasunod ay nagsimula pagkalipas ng tatlo at kalahating taon, noong tagsibol ng 1918? Iyan ay isang kapansin-pansing posibilidad. Bagaman hindi ito tuwirang tinitiyak ng Bibliya, kasuwato naman ito ng sinasabi ng ibang mga teksto na ang unang pagkabuhay-muli ay naganap di-nagtagal nang magsimula ang pagkanaririto ni Kristo.

13. Sa anong paraan ipinahihiwatig ng 1 Tesalonica 4:15-17 na nagsimulang maganap ang pagkabuhay-muli noong maagang bahagi ng pagkanaririto ni Kristo?

13 Halimbawa, sumulat si Pablo: “Tayong mga buháy na natitira hanggang sa pagkanaririto ng Panginoon [hindi, hanggang sa wakas ng kaniyang pagkanaririto] ay hindi sa anumang paraan mauuna roon sa mga natulog na sa kamatayan; sapagkat ang Panginoon mismo ay bababa mula sa langit na may nag-uutos na panawagan, may tinig ng arkanghel at may trumpeta ng Diyos, at yaong mga patay na kaisa ni Kristo ang unang babangon. Pagkatapos tayong mga buháy na siyang natitira, kasama nila, ay aagawin sa mga ulap upang salubungin ang Panginoon sa hangin; at sa gayon ay lagi na tayong makakasama ng Panginoon.” (1 Tesalonica 4:15-17) Samakatuwid, ang mga pinahirang Kristiyano na namatay bago ang pagkanaririto ni Kristo ay mauunang buhaying muli sa langit kaysa sa mga nabubuhay pa sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo. Nangangahulugan ito na malamang na nagsimula ang unang pagkabuhay-muli noong maagang bahagi ng pagkanaririto ni Kristo, at nagpapatuloy ito “sa panahon ng kaniyang pagkanaririto.” (1 Corinto 15:23) Sa halip na sabay-sabay na buhaying muli ang mga pinahiran, ang unang pagkabuhay-muli ay gagawin sa loob ng isang yugto ng panahon.

“Isang Mahabang Damit na Puti ang Ibinigay sa Bawat Isa sa Kanila”

14. (a) Kailan natupad ang mga pangitaing nakaulat sa Apocalipsis kabanata 6? (b) Ano ang inilalarawan sa Apocalipsis 6:9?

14 Isaalang-alang din ang ebidensiyang makikita sa Apocalipsis kabanata 6. Mababasa rito na si Jesus ay humahayo bilang nananaig na Hari. (Apocalipsis 6:2) Nasasangkot ang mga bansa sa napakalaking mga digmaan. (Apocalipsis 6:4) Laganap ang taggutom. (Apocalipsis 6:5, 6) Sinasalanta ng nakamamatay na mga salot ang sangkatauhan. (Apocalipsis 6:8) Ang lahat ng inihulang pangyayaring ito ay maliwanag na nagaganap sa daigdig mula noong 1914. Pero may iba pang naganap. Ibinaling ang ating pansin sa isang altar na pinaghahainan. Makikita sa ilalim nito “ang mga kaluluwa niyaong mga pinatay dahil sa salita ng Diyos at dahil sa gawaing pagpapatotoo na taglay nila noon.” (Apocalipsis 6:9) Yamang “ang kaluluwa [o, buhay] ng laman ay nasa dugo,” ang talagang inilalarawan ng dugo na nasa ilalim ng altar ay ang dugo ng tapat na mga lingkod ni Jesus na pinatay dahil sa kanilang matapang at masigasig na pagpapatotoo.​—Levitico 17:11.

15, 16. Ipaliwanag kung bakit tumutukoy sa unang pagkabuhay-muli ang Apocalipsis 6:10, 11.

15 Tulad ng dugo ng matuwid na si Abel, ang dugo ng mga Kristiyanong martir na ito ay sumisigaw ng katarungan. (Genesis 4:10) “Sumigaw sila sa malakas na tinig, na sinasabi: ‘Hanggang kailan, Soberanong Panginoon na banal at totoo, na magpipigil ka sa paghatol at sa paghihiganti para sa aming dugo sa mga tumatahan sa ibabaw ng lupa?’” Ano ang sumunod na nangyari? “Isang mahabang damit na puti ang ibinigay sa bawat isa sa kanila; at sinabihan silang magpahinga nang kaunting panahon pa, hanggang sa mapuno ang bilang ng kanila ring mga kapuwa alipin at ng kanilang mga kapatid na malapit nang patayin na gaya rin nila.”​—Apocalipsis 6:10, 11.

16 Ang mga mahabang damit na puti bang ito ay ibinigay sa dugo na nasa ilalim ng altar? Siyempre hindi! Ang mga mahabang damit ay ibinigay sa mga indibiduwal na ang dugo ay itinigis sa altar sa makasagisag na paraan. Isinakripisyo nila ang kanilang buhay sa pangalan ni Jesus at ngayo’y binuhay-muli bilang mga espiritu. Paano natin ito nalaman? Sa unang bahagi ng aklat ng Apocalipsis, mababasa natin: “Siya na nananaig ay gayon magagayakan ng mga puting panlabas na kasuutan; at hindi ko sa anumang paraan papawiin ang kaniyang pangalan mula sa aklat ng buhay.” Alalahanin din na ang 24 na matatanda ay “nadaramtan ng mapuputing panlabas na kasuutan, at sa kanilang mga ulo ay may mga ginintuang korona.” (Apocalipsis 3:5; 4:4) Kaya mula nang wasakin ng digmaan, taggutom, at salot ang lupa, ang namatay nang mga miyembro ng 144,000, na kinakatawanan ng dugo na nasa ilalim ng altar, ay binuhay-muli sa langit at binihisan ng makasagisag na mahahabang damit na puti.

17. Sa anong diwa dapat “magpahinga” ang mga nakatanggap ng mahahabang damit na puti?

17 Dapat “magpahinga” ang mga katatapos pa lamang buhaying muli. Dapat silang maghintay nang may pagtitiyaga sa araw ng paghihiganti ng Diyos. Patutunayan pa ng kanilang “mga kapuwa alipin,” mga pinahirang Kristiyano na naririto pa sa lupa, ang kanilang katapatan sa ilalim ng pagsubok. Kapag sumapit na ang paghatol ng Diyos, tapos na ang kanilang ‘pamamahinga.’ (Apocalipsis 7:3) Sa panahong iyon, ang mga binuhay-muli ay makakasama ng Panginoong Jesu-Kristo sa paglipol sa mga balakyot, kasama na ang mga pumaslang sa walang-salang mga Kristiyano.​—2 Tesalonica 1:7-10.

Kung Ano ang Kahulugan Nito Para sa Atin

18, 19. (a) Anu-ano ang mga dahilan kung bakit mo mahihinuhang nagaganap na ang pagkabuhay-muli? (b) Ano ang nadarama mo sa mga natutuhan mo hinggil sa unang pagkabuhay-muli?

18 Walang sinasabing eksaktong petsa ang Salita ng Diyos hinggil sa unang pagkabuhay-muli, pero isinisiwalat nito na magaganap ang pagkabuhay-muli sa isang yugto ng panahon, sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo. Ang unang bubuhaying muli ay ang mga pinahirang Kristiyano na namatay bago nagsimula ang pagkanaririto ni Kristo. Sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo, ang mga pinahirang Kristiyano na nanatiling tapat at nakatapos ng kanilang makalupang landasin ay nababago “sa isang kisap-mata” at nagiging makapangyarihang mga espiritung nilalang. (1 Corinto 15:52) Tatanggapin ba ng lahat ng pinahiran ang kanilang makalangit na gantimpala bago ang digmaan ng Armagedon? Hindi natin alam. Pero alam natin na sa takdang panahon ng Diyos, ang lahat ng 144,000 ay masusumpungang nakatayo sa makalangit na Bundok Sion.

19 Alam din natin na karamihan sa 144,000 ay kasama na ni Kristo. Ilang miyembro na lamang ang natitira sa lupa. Napakatibay na pahiwatig nga na ang panahon ng paglalapat ng hatol ng Diyos ay mabilis na dumarating! Di-magtatagal, lilipulin ang buong sistema ng sanlibutan ni Satanas. Si Satanas mismo ay ihahagis sa kalaliman. Pagkatapos, maaari nang magsimula ang pangkalahatang pagkabuhay-muli, at sa bisa ng haing pantubos ni Jesus, makakamit ng tapat na mga tao ang kasakdalan, ang kalagayang naiwala ni Adan. Ang hula ni Jehova na nakaulat sa Genesis 3:15 ay kamangha-manghang natutupad. Kaylaking pribilehiyo na mabuhay sa mga panahong ito!

[Mga talababa]

^ par. 9 Para sa maka-Kasulatang patotoo na nagsimula noong 1914 ang pagkanaririto ni Kristo, tingnan ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? pahina 215-18, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 10 Para sa impormasyon kung paano natin nalaman na ang 24 na matatanda ay kumakatawan sa mga pinahirang Kristiyano sa kanilang makalangit na posisyon, tingnan ang Apocalipsis​—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito! pahina 77, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

Maipaliliwanag Mo Ba?

Paano tayo tinutulungan ng sumusunod na mga teksto upang maunawaan kung kailan magaganap ang “unang pagkabuhay-muli”?

Apocalipsis 12:7; 17:14

Apocalipsis 7:13, 14

1 Corinto 15:23; 1 Tesalonica 4:15-17

Apocalipsis 6:2, 9-11

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 26]

Anong mga pagkabuhay-muli ang magaganap bago buhaying muli ang sangkatauhan sa pangkalahatan?

[Larawan sa pahina 29]

Sa anong paraan binigyan ng mahabang damit na puti ang ilang natutulog sa kamatayan?