“Ikaw ay Lubusang Magagalak”
“Ikaw ay Lubusang Magagalak”
“Ipagdiriwang [mo] ang kapistahan para kay Jehova . . . , at ikaw ay lubusang magagalak.”—DEUTERONOMIO 16:15.
1. (a) Anong mga isyu ang ibinangon ni Satanas? (b) Ano ang inihula ni Jehova matapos maghimagsik sina Adan at Eva?
NANG hikayatin ni Satanas sina Adan at Eva na maghimagsik laban sa kanilang Maylalang, ibinangon niya ang dalawang napakahalagang isyu. Una, kinuwestiyon niya ang pagiging matapat ni Jehova at ang pagiging matuwid ng Kaniyang paraan ng pamamahala. Ikalawa, ipinahiwatig ni Satanas na maglilingkod lamang ang mga tao sa Diyos para sa sarili nilang kapakanan. Tuwirang tinukoy ang huling nabanggit na isyu noong panahon ni Job. (Genesis 3:1-6; Job 1:9, 10; 2:4, 5) Magkagayunman, kumilos kaagad si Jehova upang harapin ang situwasyon. Nasa hardin pa nga ng Eden sina Adan at Eva, inihula na ni Jehova kung paano Niya lulutasin ang mga isyu. Inihula ni Jehova ang pagdating ng “binhi” na susugatan sa sakong. Pagkatapos, susugatan naman ng binhing ito ang ulo ni Satanas na siyang ikamamatay ni Satanas.—Genesis 3:15.
2. Anong liwanag ang ibinigay ni Jehova hinggil sa kung paano niya tutuparin ang hulang nakaulat sa Genesis 3:15?
2 Sa paglipas ng panahon, unti-unting binigyang-liwanag ni Jehova ang hulang iyan, sa gayo’y ipinakikita ang katiyakan ng katuparan nito sa dakong huli. Halimbawa, sinabi ng Diyos kay Abraham na ang “binhi” ay lilitaw sa kaniyang mga inapo. (Genesis 22:15-18) Ang apo ni Abraham na si Jacob ay naging ama ng 12 tribo ng Israel. Noong 1513 B.C.E., nang maging isang bansa ang mga tribong iyon, binigyan sila ni Jehova ng sistema ng mga batas na may kaakibat na iba’t ibang taunang kapistahan. Sinabi ni apostol Pablo na ang mga kapistahang iyon ay “isang anino ng mga bagay na darating.” (Colosas 2:16, 17; Hebreo 10:1) Mga patiunang pagpapaaninaw ito ng katuparan ng layunin ni Jehova para sa Binhi. Ang pagdiriwang sa mga kapistahang iyon ay nagdulot ng malaking kagalakan sa Israel. Ang maikling pagtalakay sa mga ito ay magpapatibay sa ating pananampalataya sa pagiging maaasahan ng mga pangako ni Jehova.
Lumitaw ang Binhi
3. Sino ang ipinangakong Binhi, at paano sinugatan ang kaniyang sakong?
3 Mahigit 4,000 taon pagkatapos ng unang hula ni Jehova, lumitaw ang ipinangakong Binhi. Ito ay si Jesus. (Galacia 3:16) Bilang sakdal na tao, nanatiling tapat si Jesus hanggang kamatayan at sa gayo’y pinabulaanan ang mga paratang ni Satanas. Bukod diyan, yamang walang kasalanan si Jesus, napakahalaga ng kaniyang sakripisyong kamatayan. Sa pamamagitan nito, naglaan si Jesus para sa mga tapat na inapo nina Adan at Eva ng katubusan mula sa kasalanan at kamatayan. Ang kamatayan ni Jesus sa pahirapang tulos ay ‘pagsugat sa sakong’ ng ipinangakong Binhi.—Hebreo 9:11-14.
4. Ano ang lumalarawan sa hain ni Jesus?
4 Namatay si Jesus noong Nisan 14, 33 C.E. * Sa Israel, ang Nisan 14 ang masayang araw ng pagdiriwang ng Paskuwa. Taun-taon sa araw na iyon, nagsasalu-salo ang mga pamilya. Kasama sa kanilang kinakain ang isang walang-kapintasang kordero. Sa ganitong paraan, inaalaala nila ang papel na ginampanan ng dugo ng kordero sa pagliligtas sa mga panganay ng mga Israelita nang paslangin ng anghel ng kamatayan ang mga panganay ng mga Ehipsiyo noong Nisan 14, 1513 B.C.E. (Exodo 12:1-14) Lumalarawan ang kordero ng Paskuwa kay Jesus, na tungkol sa kaniya ay sinabi ni apostol Pablo: “Si Kristo . . . na ating paskuwa ay inihain na.” (1 Corinto 5:7) Gaya ng dugo ng kordero ng Paskuwa, naglalaan ng kaligtasan para sa marami ang itinigis na dugo ni Jesus.—Juan 3:16, 36.
‘Ang Unang Bunga ng mga Patay’
5, 6. (a) Kailan binuhay-muli si Jesus, at paano inilarawan sa Kautusan ang pangyayaring iyan? (b) Paano matutupad ang Genesis 3:15 dahil sa pagkabuhay-muli ni Jesus?
5 Sa ikatlong araw, binuhay-muli si Jesus upang iharap sa kaniyang Ama ang halaga ng kaniyang hain. (Hebreo 9:24) Ang kaniyang pagkabuhay-muli ay inilalarawan ng isa pang kapistahan. Ang araw pagkatapos ng Nisan 14 ay pasimula ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa. Kasunod nito, Nisan 16, nagdadala ang mga Israelita ng isang tungkos ng mga unang bunga ng pag-aani ng sebada, ang pinakaunang pag-aani sa Israel, para ikaway ng saserdote sa harap ni Jehova. (Levitico 23:6-14) Angkop nga na noong taóng 33 C.E., nang mismong araw na iyon, binigo ni Jehova ang malupit na pagsisikap ni Satanas na tuluyang lipulin ang Kaniyang “saksing tapat at totoo”! Noong Nisan 16, 33 C.E., binuhay-muli ni Jehova si Jesus mula sa mga patay tungo sa imortal na buhay bilang espiritu.—Apocalipsis 3:14; 1 Pedro 3:18.
6 Si Jesus ang naging “unang bunga niyaong mga natulog na sa kamatayan.” (1 Corinto 15:20) Di-tulad ng mga binuhay-muli bago niya, si Jesus ay hindi na muling namatay. Sa halip, umakyat siya sa langit sa kanan ni Jehova, kung saan siya naghintay hanggang sa iluklok siya bilang Hari ng makalangit na Kaharian ni Jehova. (Awit 110:1; Gawa 2:32, 33; Hebreo 10:12, 13) Mula noong iluklok siya bilang Hari, maaari na niyang sugatan sa ulo ang pangunahing kaaway, si Satanas, at sa gayo’y tuluyan nang lipulin si Satanas pati na ang binhi nito.—Apocalipsis 11:15, 18; 20:1-3, 10.
Karagdagang mga Miyembro ng Binhi ni Abraham
7. Ano ang Kapistahan ng mga Sanlinggo?
7 Si Jesus ang Binhing ipinangako sa Eden at ang gagamitin ni Jehova upang “sirain ang mga gawa ng Diyablo.” (1 Juan 3:8) Gayunman, nang kausapin ni Jehova si Abraham, ipinahiwatig Niya na ang “binhi” ni Abraham ay hindi lamang tumutukoy sa iisang tao. Ito ay magiging “tulad ng mga bituin sa langit at tulad ng mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat.” (Genesis 22:17) Ang paglitaw ng iba pang mga miyembro ng “binhi” na ito ay inilalarawan ng isa pang masayang kapistahan. Limampung araw pagkatapos ng Nisan 16, ipinagdiriwang ng Israel ang Kapistahan ng mga Sanlinggo. Ganito ang sinasabi ng Kautusan hinggil dito: “Hanggang sa araw pagkaraan ng ikapitong sabbath ay bibilang kayo, limampung araw, at maghahandog kayo ng bagong handog na mga butil para kay Jehova. Mula sa inyong mga tahanang dako ay magdadala kayo ng dalawang tinapay bilang handog na ikinakaway. Ang mga iyon ay kailangang mula sa dalawang ikasampu ng isang epa ng mainam na harina. Ang mga iyon ay lulutuing may lebadura, bilang unang hinog na bunga para kay Jehova.” *—Levitico 23:16, 17, 20.
8. Anong namumukod-tanging pangyayari ang naganap noong Pentecostes 33 C.E.?
8 Nang si Jesus ay narito sa lupa, ang Kapistahan ng mga Sanlinggo ay kilala bilang Pentecostes (mula sa salitang Griego na nangangahulugang “ikalimampu”). Noong Pentecostes 33 C.E., ibinuhos ng mas dakilang Mataas na Saserdote, ang Roma 8:15-17) Sila ay naging isang bagong bansa, ang “Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16) Ang maliit na grupong ito ay magiging isang bansa na binubuo ng 144,000 miyembro sa dakong huli.—Apocalipsis 7:1-4.
binuhay-muling si Jesu-Kristo, ang banal na espiritu sa maliit na grupong binubuo ng 120 alagad na nagkatipon sa Jerusalem. Kaya ang mga alagad na iyon ay naging mga pinahirang anak ng Diyos at mga kapatid ni Jesu-Kristo. (9, 10. Paano inilalarawan sa panahon ng Pentecostes ang kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano?
9 Ang kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano ay inilalarawan ng dalawang tinapay na may lebadura na ikinakaway sa harap ni Jehova tuwing Pentecostes. Ang pagkakaroon ng lebadura ng tinapay ay nagpapakita na taglay pa rin ng mga pinahirang Kristiyano ang lebadura ng minanang kasalanan. Magkagayunman, maaari nilang lapitan si Jehova salig sa haing pantubos ni Jesus. (Roma 5:1, 2) Bakit dalawang tinapay? Ito ay maaaring tumukoy sa bagay na ang mga pinahirang anak ng Diyos ay magmumula sa dalawang grupo—una sa likas na mga Judio at sa bandang huli ay sa mga Gentil.—Galacia 3:26-29; Efeso 2:13-18.
10 Ang dalawang tinapay na inihahandog tuwing Pentecostes ay mula sa mga unang bunga ng pag-aani ng trigo. Alinsunod dito, ang mga inianak-sa-espiritung Kristiyanong ito ay tinatawag na “isang uri ng mga unang bunga ng kaniyang mga nilalang.” (Santiago 1:18) Sila ang unang pinatawad sa mga kasalanan salig sa itinigis na dugo ni Jesus, at dahil dito, maaari na silang pagkalooban ng imortal na buhay sa langit, kung saan mamamahala silang kasama ni Jesus sa kaniyang Kaharian. (1 Corinto 15:53; Filipos 3:20, 21; Apocalipsis 20:6) Bilang makalangit na mga anak, sa malapit na hinaharap ay “magpapastol [sila sa mga bansa] sa pamamagitan ng isang tungkod na bakal” at makikita nila ang ‘pagdurog kay Satanas sa ilalim ng kanilang mga paa.’ (Apocalipsis 2:26, 27; Roma 16:20) Sinabi ni apostol Juan: “Ito ang mga patuloy na sumusunod sa Kordero saanman siya pumaroon. Ang mga ito ay binili mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero.”—Apocalipsis 14:4.
Isang Araw na Nagtatampok sa Katubusan
11, 12. (a) Ano ang nangyayari sa Araw ng Pagbabayad-Sala? (b) Ano ang mga kapakinabangang natatamo ng Israel sa paghahandog ng toro at ng mga kambing?
11 Sa ikasampung araw ng Etanim (nang maglaon ay tinawag na Tisri), * ipinagdiwang ng Israel ang isang kapistahan na lumalarawan sa kung paano ikakapit ang mga kapakinabangan ng haing pantubos ni Jesus. Sa araw na iyon nagtitipon ang buong bansa para sa Araw ng Pagbabayad-Sala upang ihandog ang mga hain alang-alang sa pagtatakip sa kanilang mga kasalanan.—Levitico 16:29, 30.
12 Sa Araw ng Pagbabayad-Sala, pinapatay ng mataas na saserdote ang isang guyang toro, kukuha siya ng dugo nito, at sa Kabanal-banalan, iwiwisik niya ito nang pitong ulit sa takip ng Kaban, na kumakatawan sa paghahandog ng dugo sa harap ni Jehova. Ang paghahandog na iyon ay para sa mga kasalanan ng mataas na saserdote at ng “kaniyang sambahayan,” ang mga katulong na saserdote at mga Levita. Pagkatapos, kukuha ng dalawang kambing ang mataas na saserdote. Ang isa ay papatayin bilang handog ukol sa kasalanan “para sa bayan.” Kukuha rin siya ng dugo nito at iwiwisik ito sa takip ng Kaban sa Kabanal-banalan. Pagkatapos nito, ipapatong ng mataas na saserdote ang kaniyang mga kamay sa ulo ng ikalawang kambing at ipagtatapat ang mga kamalian ng mga anak ni Israel. Saka niya pakakawalan ang kambing sa ilang upang sa makasagisag na paraan ay dalhin ang mga kasalanan ng bansa.—Levitico 16:3-16, 21, 22.
13. Paano inilalarawan ng mga pangyayari sa Araw ng Pagbabayad-Sala ang papel na ginagampanan ni Jesus?
13 Gaya ng inilalarawan ng mga paghahandog na iyon, ginagamit ng dakilang Mataas na Saserdote, si Jesus, ang halaga ng kaniya mismong dugo upang patawarin ang mga kasalanan. Una, ang halaga ng kaniyang dugo ay ikinapit sa “espirituwal na bahay” ng 144,000 pinahirang Kristiyano. Sa pamamagitan nito, inihayag silang matuwid at nakapagtatamasa sila ng malinis na katayuan sa harap ni Jehova. (1 Pedro 2:5; 1 Corinto 6:11) Inilalarawan ito ng paghahain ng toro. Sa gayon ay nagkaroon sila ng pagkakataong tumanggap ng kanilang makalangit na mana. Ikalawa, ang halaga ng dugo ni Jesus ay ikinapit sa milyun-milyong iba pa na nananampalataya kay Kristo, gaya ng ipinakikita ng paghahain ng kambing. Ang mga ito ay pagkakalooban ng buhay na walang hanggan dito sa lupa, ang manang naiwala nina Adan at Eva. (Awit 37:10, 11) Salig sa itinigis niyang dugo, dinadala ni Jesus ang mga kasalanan ng sangkatauhan, kung paanong sa makasagisag na paraan ay dinadala ng buháy na kambing ang mga kasalanan ng Israel sa ilang.—Isaias 53:4, 5.
Pagsasaya sa Harap ni Jehova
14, 15. Ano ang nangyayari sa Kapistahan ng mga Kubol, at ano ang ipinaaalaala nito sa mga Israelita?
14 Pagkatapos ng Araw ng Pagbabayad-Sala, ipinagdiriwang naman ng mga Israelita ang Kapistahan ng mga Kubol, ang pinakamasayang Levitico 23:34-43) Ang kapistahang iyon ay nagaganap tuwing ika-15 hanggang ika-21 ng Etanim at nagtatapos sa pamamagitan ng isang kapita-pitagang kapulungan sa ika-22 ng buwan. Ito ang palatandaan na tapos na ang pagtitipon ng ani at ito ay panahon ng pasasalamat sa saganang kabutihan ng Diyos. Sa dahilang ito, iniutos ni Jehova sa mga nagdiriwang: “Pagpapalain ka ni Jehova na iyong Diyos sa lahat ng iyong bunga at sa bawat gawa ng iyong kamay, at ikaw ay lubusang magagalak.” (Deuteronomio 16:15) Tiyak na isang napakasayang panahon iyon!
kapistahan ng taon ng mga Judio. (15 Sa kapistahang iyon, sa mga kubol nananahanan ang mga Israelita sa loob ng pitong araw. Sa gayon ay napaaalalahanan sila na dati silang nanahanan sa mga kubol sa ilang. Sa panahon ng kapistahan, nagkakaroon sila ng sapat na panahon upang bulay-bulayin ang pangangalaga ni Jehova bilang ama. (Deuteronomio 8:15, 16) At yamang ang lahat, mayaman at mahirap, ay nananahanan sa magkakatulad na kubol, napaaalalahanan ang mga Israelita na sa panahon ng kapistahan, pantay-pantay silang lahat.—Nehemias 8:14-16.
16. Ano ang inilalarawan ng Kapistahan ng mga Kubol?
16 Ang Kapistahan ng mga Kubol ay kapistahan ng pag-aani, isang masayang pagdiriwang ng pagtitipon ng ani, at inilalarawan nito ang masayang pagtitipon sa mga nananampalataya kay Jesu-Kristo. Ang pagtitipon ay nagsimula noong Pentecostes 33 C.E., nang pahiran ang 120 alagad ni Jesus upang maging bahagi ng “isang banal na pagkasaserdote.” Kung paanong nanirahan ang mga Israelita sa mga kubol sa loob ng ilang araw, alam ng mga pinahiran na sila ay “mga pansamantalang naninirahan” sa di-makadiyos na sanlibutang ito. Ang pag-asa nila ay sa langit. (1 Pedro 2:5, 11) Ang pagtitipong iyon sa mga pinahirang Kristiyano ay matatapos sa “mga huling araw” na ito, kapag natipon na ang mga huling miyembro ng 144,000.—2 Timoteo 3:1.
17, 18. (a) Ano ang nagpapahiwatig na may iba pang makikinabang sa hain ni Jesus bukod sa mga pinahirang Kristiyano? (b) Sino sa ngayon ang nakikinabang sa antitipikong Kapistahan ng mga Kubol, at kailan ang kasukdulan ng masayang kapistahang ito?
17 Kapansin-pansin na sa sinaunang kapistahang Bilang 29:12-34) Ang bilang na 70 ay 7 na pinarami nang 10 beses, mga bilang na sa Bibliya ay lumalarawan sa kasakdalan sa langit at sa lupa. Kaya ang makikinabang sa hain ni Jesus ay ang mga tapat na nagmula sa lahat ng 70 pamilya ng sangkatauhan na nagmula kay Noe. (Genesis 10:1-29) Kasuwato niyan, sa ating panahon, umabot ang pagtitipon sa mga taong nagmula sa lahat ng mga bansa na nananampalataya kay Jesus at may pag-asang mabuhay sa isang paraisong lupa.
ito, 70 toro ang inihahandog. (18 Nakita ni apostol Juan sa pangitain ang makabagong-panahong pagtitipong ito. Una, narinig niyang ipinahayag ang pagtatatak sa huling mga miyembro ng 144,000. Pagkatapos ay nakita niya ang “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao,” na nakatayo sa harap ni Jehova at ni Jesus, at may “mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay.” Ang mga ito ay “lumabas mula sa malaking kapighatian” tungo sa bagong sanlibutan. Sila rin ay pansamantala lamang na naninirahan sa ngayon sa lumang sistemang ito ng mga bagay, at umaasa sila sa panahong “ang Kordero . . . ay magpapastol sa kanila, at aakay sa kanila sa mga bukal ng mga tubig ng buhay.” Sa panahong iyon, “papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.” (Apocalipsis 7:1-10, 14-17) Ang antitipikong Kapistahan ng mga Kubol ay sasapit sa kasukdulan nito pagkatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo kapag ang malaking pulutong, kasama ang mga binuhay-muli, ay pagkakalooban ng buhay na walang hanggan.—Apocalipsis 20:5.
19. Paano tayo nakikinabang sa pagsasaalang-alang sa mga kapistahang ipinagdiwang sa Israel?
19 Tayo rin ay maaaring ‘lubusang magalak’ habang binubulay-bulay natin ang kahulugan ng sinaunang mga kapistahan ng mga Judio. Kapana-panabik na isaalang-alang na patiunang ipinaaninaw ni Jehova kung paano matutupad ang inihula niya noong panahon ng Eden, at kapana-panabik ding makita ang unti-unting katuparan nito. Sa ngayon, alam natin na lumitaw na ang Binhi at na sinugatan na siya sa sakong. Isa na siyang makalangit na Hari sa ngayon. Bukod diyan, napatunayan na ng karamihan sa 144,000 ang kanilang katapatan hanggang sa kamatayan. Ano pa ang magaganap? Kailan kaya lubusang matutupad ang hula? Ito ang tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
^ par. 4 Ang Nisan ay tumatapat sa Marso/Abril ng ating kasalukuyang kalendaryo.
^ par. 7 Sa handog na ito na ikinakaway ang dalawang tinapay na may lebadura, kadalasan nang hawak ng saserdote ang mga tinapay, itinataas ito, at ikinakaway ang mga tinapay sa kaliwa’t kanan. Isinasagisag ng pagkaway na ito ang paghaharap kay Jehova ng mga bagay na inihain sa kaniya.—Tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 528, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 11 Ang Etanim, o Tisri, ay tumatapat sa Setyembre/Oktubre ng ating kasalukuyang kalendaryo.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Ano ang inilalarawan ng kordero ng Paskuwa?
• Anong pagtitipon ang inilalarawan ng Kapistahan ng Pentecostes?
• Anu-anong pitak ng Araw ng Pagbabayad-Sala ang tumutukoy sa paraan kung paano ikinapit ang pantubos ni Jesus?
• Sa anong paraan inilarawan ng Kapistahan ng mga Kubol ang pagtitipon sa mga Kristiyano?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Chart sa pahina 22, 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Paskuwa
Nisan 14
Pangyayari:
Pinatay ang kordero ng Paskuwa
Inilalarawan:
Inihain si Jesus
Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa (Nisan 15-21)
Nisan 15
Pangyayari:
Sabbath
Nisan 16
Pangyayari:
Inihandog ang sebada
Inilalarawan:
Binuhay-muli si Jesus
50 araw
Kapistahan ng mga Sanlinggo (Pentecostes)
Sivan 6
Pangyayari:
Inihandog ang dalawang tinapay
Inilalarawan:
Iniharap ni Jesus kay Jehova ang kaniyang mga pinahirang kapatid
Araw ng Pagbabayad-Sala
Tisri 10
Pangyayari:
Inihandog ang isang toro at dalawang kambing
Inilalarawan:
Inihandog ni Jesus ang halaga ng kaniyang dugo alang-alang sa buong sangkatauhan
Kapistahan ng mga Kubol (Pagtitipon ng Ani, mga Tabernakulo)
Tisri 15-21
Pangyayari:
Masayang nanahanan sa mga kubol ang mga Israelita at nagsaya sa ani, inihandog ang 70 toro
Inilalarawan:
Pagtitipon sa mga pinahiran at “malaking pulutong”
[Mga larawan sa pahina 21]
Tulad ng dugo ng kordero ng Paskuwa, ang itinigis na dugo ni Jesus ay naglalaan ng kaligtasan para sa marami
[Mga larawan sa pahina 22]
Ang mga unang bunga ng pag-aani ng sebada na inihahandog tuwing Nisan 16 ay lumalarawan sa pagkabuhay-muli ni Jesus
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang dalawang tinapay na inihahandog tuwing Pentecostes ay lumalarawan sa kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano
[Mga larawan sa pahina 24]
Inilalarawan ng Kapistahan ng mga Kubol ang masayang pagtitipon sa mga pinahiran at sa “isang malaking pulutong” mula sa lahat ng mga bansa