Isang Lalaking May Pag-ibig sa Buhay at sa Tao
Isang Lalaking May Pag-ibig sa Buhay at sa Tao
NATAPOS ni Daniel Sydlik, isang matagal nang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang kaniyang makalupang landasin noong Martes, Abril 18, 2006. Siya ay 87 taóng gulang at naglingkod bilang miyembro ng pamilyang Bethel sa Brooklyn, New York, sa loob ng halos 60 taon.
Si Brother Dan, na siyang tawag sa kaniya ng malalapít niyang kaibigan, ay dumating sa Bethel noong 1946. Bago niyan, naglingkod siya bilang special pioneer sa California at nabilanggo rin noong Digmaang Pandaigdig II dahil sa kaniyang Kristiyanong neutralidad. Ang kaniyang mga karanasan noong panahong iyon ay malinaw na inilarawan sa kaniyang talambuhay, na mababasa sa Ang Bantayan ng Disyembre 1, 1985, sa ilalim ng titulong “Walang Maitutumbas sa Iyong Pakikipagkaibigan, Oh Diyos!”
Kilala si Brother Sydlik na isang simpleng tao at madaling lapitan. Kapag nangunguna siya sa pang-umagang pagsamba ng pamilyang Bethel, ang kaniyang positibong saloobin at pag-ibig sa buhay ay madalas na naaaninag sa kaniyang pambungad na mga salita: “Kaysarap mabuhay para paglingkuran ang tunay at buháy na Diyos.” Bilang pangmadlang tagapagsalita, pinasisigla niya ang iba na gayundin ang isipin, anupat nagbibigay ng mga pahayag na may mga temang gaya ng “Maligaya ang Bayan na ang Diyos ay si Jehova,” “Ipakita ang Kagalakan kay Jehova,” “Panatilihing Nagniningas ang Espiritu ng Diyos,” at “Parating Pa Lamang ang Pinakamainam.”
Noong 1970, napangasawa ni Brother Sydlik si Marina Hodson, na nagmula sa Inglatera, na inilarawan niya bilang “suportang ibinigay ng Diyos.” Magkasama silang naglingkod kay Jehova sa loob ng mahigit 35 taon.
Noong siya’y nasa Bethel, naglingkod si Brother Sydlik sa iba’t ibang departamento, kasama na rito ang palimbagan at Writing Department. Nagtrabaho rin siya sa istasyon ng radyo na WBBR. Pagkatapos, noong Nobyembre 1974, inatasan siyang maging miyembro ng Lupong Tagapamahala at nang dakong huli ay nagtrabaho sa Personnel Committee at Writing Committee.
Sa loob ng mahigit 30 taon, makikita sa pagtatrabaho ni Brother Sydlik sa Personnel Committee ang kaniyang masidhing pag-ibig sa mga tao. Pinasigla niya ang maraming tao sa kaniyang dumadagundong na boses, na palaging itinutuon ang pansin sa mahalagang pribilehiyo natin na paglingkuran si Jehova. Palagi niyang idiniriin na ang tunay na kaligayahan ay nakadepende, hindi sa mga bagay na nakikita, kundi sa ating kaugnayan kay Jehova at sa ating saloobin sa buhay.
Bagaman talagang hahanap-hanapin ng pamilyang Bethel si Brother Sydlik, patuloy na magiging positibong impluwensiya ang kaniyang halimbawa ng pagpapakita ng pag-ibig sa buhay at sa tao. Makatitiyak tayo na kabilang siya sa inilarawan sa Apocalipsis 14:13: “Maligaya ang mga patay na mamamatay na kaisa ng Panginoon mula sa panahong ito. Oo, ang sabi ng espiritu, pagpahingahin sila mula sa kanilang mga pagpapagal, sapagkat ang mga bagay na ginawa nila ay yayaong kasama nila.”