Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Ka Magiging Matagumpay

Kung Paano Ka Magiging Matagumpay

Kung Paano Ka Magiging Matagumpay

PINANGANGALAGAAN ng mga magulang ang kanilang mga anak at nais nilang magtagumpay ang mga ito. Sa katulad na paraan, nagmamalasakit sa atin ang ating makalangit na Ama at nais niyang magtagumpay tayo. Bilang kapahayagan ng kaniyang magiliw na pagmamalasakit, nagbigay siya ng maraming impormasyon hinggil sa tagumpay at kabiguan. Sa katunayan, kapag binabanggit ang tungkol sa isang tao na nagbibigay-pansin sa kung ano ang sinasabi ng Diyos, may-katiyakang sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.”​—Awit 1:3.

Kung gayon, bakit hindi pa rin matagumpay, maligaya, at makabuluhan ang buhay ng marami? Malalaman natin ang sagot kung susuriin nating mabuti ang awit na ito, at malalaman din natin kung paano tayo magtatagumpay.

“Payo ng mga Balakyot”

Nagbabala ang salmista hinggil sa panganib ng paglakad sa “payo ng mga balakyot.” (Awit 1:1) Ang pangunahing “balakyot” ay si Satanas na Diyablo. (Mateo 6:13) Sinasabi sa atin ng Kasulatan na siya “ang tagapamahala ng sanlibutang ito” at na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (Juan 16:11; 1 Juan 5:19) Kaya hindi nakapagtataka na ipinaaaninag ng karamihan sa mga payong ibinibigay ng sanlibutan ang pag-iisip ng balakyot na iyan.

Anong uri ng payo ang ibinibigay ng mga balakyot? Sa pangkalahatan, winawalang-galang ng mga balakyot ang Diyos. (Awit 10:13) Laganap ang kanilang payo, na nagwawalang-bahala o hindi nagbibigay-galang sa Diyos. Itinataguyod ng makabagong lipunan “ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa.” (1 Juan 2:16) Pinauulanan tayo ng media ng materyalistikong pilosopiya na “samantalahin mo ang lahat ng makukuha mo sa buhay.” Sa buong daigdig, gumugugol ang mga kompanya ng mahigit 500 bilyong dolyar (U.S.) taun-taon sa pag-aanunsiyo upang hikayatin ang mga tao na bilhin ang kanilang mga produkto​—kailangan man ito ng mga mamimili o hindi. At hindi lamang binago ng propagandang ito ang ugali ng mga tao sa pagbili. Pinilipit din nito ang pananaw ng sanlibutan hinggil sa tagumpay.

Bunga nito, kahit na taglay na ng marami ang mga bagay na dati’y pinapangarap lamang nila, naghahangad pa rin sila ng higit pang materyal na mga bagay. Nadarama nila na hangga’t hindi mo nakukuha ang mga bagay na ito, hindi ka magiging maligaya o matagumpay. Ito ay kasinungalingan at “hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan.”​—1 Juan 2:16.

Alam ng ating Maylalang kung ano talaga ang tutulong sa atin na maging matagumpay. Naiiba ang kaniyang payo sa “payo ng mga balakyot.” Kaya ang pagsisikap na makamit ang pagpapala ng Diyos samantalang tinatahak ang landasin ng sanlibutan tungo sa tagumpay ay gaya ng pagsisikap na lumakad nang sabay sa dalawang magkaibang daan. Talagang imposible ito. Hindi kataka-takang nagbabala ang Bibliya: “Huwag ninyong ipakitang nagpapahubog kayo sa mga pamantayan ng sanlibutang ito”!​—Roma 12:2, Today’s English Version.

Huwag Kang Magpahubog sa Sanlibutan

Sinisikap ng sanlibutang nasa ilalim ng impluwensiya ni Satanas na ipakitang interesado ito sa ating kapakanan. Pero dapat tayong mag-ingat. Tandaan na nilinlang ni Satanas ang unang babae, si Eva, para lamang itaguyod ang kaniyang sariling kapakanan. Pagkatapos ay ginamit niya si Eva upang hikayatin si Adan na magkasala. Sa ngayon, ginagamit din ni Satanas ang mga tao upang ihatid ang kaniyang napakasamang payo.

Halimbawa, si David, na binanggit sa naunang artikulo, ay hinihilingang mag-overtime at maglakbay nang madalas para sa kompanya. “Aalis ako nang madaling araw ng Lunes at babalik nang Huwebes ng gabi,” ang sabi ni David. Palibhasa’y iniisip na kinakailangan ang gayong mga sakripisyo upang matamo ang tagumpay sa sanlibutan, hinimok si David ng taimtim na mga kaibigan, kapamilya, at mga katrabaho: “Gawin mo ito para sa iyong pamilya.” Nangatuwiran sila na ilang taon lamang naman ang gayong rutin hanggang sa matatag na ang kaniyang posisyon. Ipinaliwanag ni David: “Ikinatuwiran nila na makabubuti ito sa aking pamilya dahil mas malaki ang kikitain ko​—magiging mas matagumpay ako. Bagaman hindi ko nakakasama ang aking pamilya, kinumbinsi ako ng aking mga kaibigan na ang totoo, mas malaki ang naibibigay ko sa aking pamilya.” Gaya ni David, marami ang nagpapagal upang ibigay sa kanilang pamilya ang sa palagay nila ay kailangan ng mga mahal nila sa buhay. Pero ang pagsunod ba sa ganitong payo ay umaakay sa tagumpay? Ano ba talaga ang kailangan ng isang pamilya?

Nalaman ni David ang sagot nang maglakbay siya sa ibang lugar dahil sa trabaho. “Kausap ko sa telepono ang aking anak na si Angelica, na nagsabi: ‘Itay, bakit ayaw po ninyo kaming makasama dito sa bahay?’ Nakababalisa ito,” ang sabi ni David. Dahil sa sinabi ng kaniyang anak, lalo siyang nakumbinsing magbitiw sa trabaho. Nagpasiya si David na ibigay sa kaniyang pamilya ang talagang kailangan nila​—ang kaniyang panahon at atensiyon.

Nagdudulot ng Tagumpay ang Pagkakapit sa Payo ng Diyos

Paano mo malalabanan ang mapanlinlang na propagandang napakalaganap sa sanlibutang ito? Sinasabi sa atin ng salmista na ang matagumpay at maligayang tao ay ang isa na ‘nalulugod sa kautusan ni Jehova, at sa kaniyang kautusan ay nagbabasa nang pabulong araw at gabi.’​—Awit 1:2.

Nang atasan ng Diyos si Josue na maging lider ng bansang Israel, sinabi sa kaniya: “Babasahin mo [ang Salita ng Diyos] nang pabulong araw at gabi.” Oo, mahalaga ang pagbabasa at pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos, pero kailangan ding ‘ingatan ni Josue na gawin ang ayon sa lahat ng nakasulat dito.’ Siyempre pa, hindi ito nangangahulugan na bigla ka na lamang magiging matagumpay kapag nagbasa ka ng Bibliya. Kailangan mong ikapit ang nababasa mo. Sinabi kay Josue: “Sa gayon ay gagawin mong matagumpay ang iyong lakad at sa gayon ay kikilos ka nang may karunungan.”​—Josue 1:8.

Gunigunihin ang isang nakangiting bata na nakaupo sa kandungan ng kaniyang maibiging magulang habang magkasama nilang binabasa ang isang paboritong kuwento. Gaano man karaming beses na nila itong nabasa, pinahahalagahan nila ang gayong masasayang sandali. Sa katulad na paraan, nalulugod ang isang umiibig sa Diyos na basahin ang Bibliya araw-araw​—isang kaayaayang panahon kasama ang kaniyang makalangit na Ama. Sa pagsunod sa payo at patnubay ni Jehova, ang gayong tao ay nagiging “tulad ng isang punungkahoy na nakatanim sa tabi ng mga daloy ng tubig, na nagbibigay ng sariling bunga nito sa kaniyang kapanahunan at ang mga dahon nito ay hindi nalalanta, at ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.”​—Awit 1:3.

Hindi basta na lamang tumubo ang punungkahoy na inilarawan ng salmista. Maingat itong itinanim malapit sa dakong sagana sa tubig at inaalagaan ito ng magsasaka. Sa katulad na paraan, itinutuwid ng ating makalangit na Ama ang ating pag-iisip sa pamamagitan ng payong masusumpungan sa Kasulatan. Bilang resulta, sumusulong tayo at naipakikita natin ang makadiyos na mga katangian.

Subalit “ang mga balakyot ay hindi gayon.” Totoo, maaaring lumitaw na masagana sila sa simula, pero hindi magiging maganda ang kanilang kahihinatnan sa dakong huli. “Hindi [sila] tatayo sa paghatol.” Sa halip, “ang lakad ng mga balakyot ay papanaw.”​—Awit 1:4-6.

Kaya huwag mong hayaang hubugin ng sanlibutan ang iyong mga tunguhin at pamantayan. Bagaman maaaring mayroon kang kasanayan at potensiyal na magtagumpay sa sanlibutang ito, mag-ingat kung paano mo ginagamit ang iyong mga kasanayan o kung paano mo ipinagagamit ang mga ito sa sanlibutan. ‘Malalanta’ ang isa kung itataguyod niya ang walang-saysay at materyalistikong mga gawain. Sa kabilang dako naman, ang pagkakaroon ng mabuting kaugnayan sa Diyos ay nagdudulot ng tunay na tagumpay at kaligayahan.

Kung Paano Ka Magiging Matagumpay

Bakit kapag sinunod ng isa ang payo ng Diyos, magtatagumpay ang lahat ng kaniyang gawin? Hindi tagumpay sa sanlibutang ito ang tinutukoy ng salmista. Ang tagumpay ng isang makadiyos na tao ay nauugnay sa paggawa niya ng kalooban ng Diyos​—at ang kalooban ng Diyos ay palaging nagtatagumpay. Tingnan natin kung paano ka magtatagumpay dahil sa pagkakapit sa mga simulain ng Bibliya.

Pamilya: Pinapayuhan ng Kasulatan ang mga asawang lalaki na “ibigin . . . ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan,” at ang Kristiyanong asawang babae naman ay tinagubilinan na “magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” (Efeso 5:28, 33) Pinasisigla ang mga magulang na gumugol ng panahon kasama ng kanilang mga anak, tumawa na kasama nila, at ituro sa kanila ang mahahalagang bagay sa buhay. (Deuteronomio 6:6, 7; Eclesiastes 3:4) Pinapayuhan din ng Salita ng Diyos ang mga magulang: “Huwag ninyong inisin ang inyong mga anak.” Kapag ikinapit ang payong ito, nagiging mas madali para sa mga anak na ‘maging masunurin sa kanilang mga magulang’ at ‘parangalan ang kanilang ama at ang kanilang ina.’ (Efeso 6:1-4) Magiging matagumpay ang buhay pampamilya kapag sinunod ang payong ito mula sa Diyos.

Mga Kaibigan: Nais ng maraming tao na magkaroon ng mga kaibigan. May kakayahan ang ating isip at damdamin na umibig at tumanggap ng pag-ibig. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na dapat nilang ‘ibigin ang isa’t isa.’ (Juan 13:34, 35) Sa kanila natin masusumpungan ang mga kaibigan na maaari nating mahalin at pagtiwalaan​—maging ng ating kaloob-loobang mga kaisipan at damdamin. (Kawikaan 18:24) Higit sa lahat, sa pagkakapit sa mga simulain ng Bibliya, maaari tayong ‘lumapit sa Diyos’ at, gaya ni Abraham, maaari pa nga tayong tawaging “kaibigan ni Jehova.”​—Santiago 2:23; 4:8.

Layunin sa Buhay: Sa halip na mabuhay araw-araw nang walang direksiyon, may kabuluhan at layunin ang buhay ng mga tunay na matagumpay. Ang kanilang buhay ay hindi nakasalig sa di-matatag na mga kalagayan ng sistemang ito ng mga bagay. Ang kanilang mga tunguhin ay umaakay sa tunay at namamalaging kasiyahan, yamang nakasentro ito sa mismong layunin ng buhay. Paano ba nagkakaroon ng layunin ang buhay ng isang tao? “Matakot . . . sa tunay na Diyos at tuparin . . . ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”​—Eclesiastes 12:13.

Pag-asa: Nagkakaroon din tayo ng pag-asa sa hinaharap kapag Kaibigan natin ang Diyos. Hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na “ilagak ang kanilang pag-asa, hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos.” Sa ganitong paraan, ‘maingat silang nakapag-iimbak para sa kanilang sarili ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap, upang makapanghawakan silang mahigpit sa tunay na buhay.’ (1 Timoteo 6:17-19) Ang tunay na buhay na ito ay malapit nang umiral kapag ibinalik na ng makalangit na Kaharian ng Diyos ang Paraiso sa lupang ito.​—Lucas 23:43.

Makararanas ka pa rin ng mga problema kahit ikapit mo ang mga simulain ng Bibliya, pero maiiwasan mo ang matinding kirot at kalungkutan na nararanasan ng mga balakyot dahil sa kanilang paggawi. Natutuhan ni David, na binanggit kanina, at ng milyun-milyong gaya niya ang kahalagahan ng pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya sa kanilang buhay. Pagkatapos makakita ng trabahong may mainam na iskedyul, sinabi ni David: “Ipinagpapasalamat ko ang mabuti kong kaugnayan sa aking asawa at mga anak gayundin ang pribilehiyong maglingkod sa Diyos na Jehova bilang matanda sa kongregasyon.” Hindi nga kataka-takang ganito ang paglalarawan ng awit hinggil sa isang taong nagbibigay-pansin sa payo ng Diyos: “Ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay”!

[Chart sa pahina 6]

LIMANG HAKBANG TUNGO SA TAGUMPAY

1 Huwag magpahubog sa mga pamantayan ng sanlibutang ito.

Awit 1:1; Roma 12:2

2 Basahin at bulay-bulayin ang Salita ng Diyos araw-araw.

Awit 1:2, 3

3 Ikapit ang payo ng Bibliya sa iyong buhay.

Josue 1:7-9

4 Gawin mong kaibigan ang Diyos.

Santiago 2:23; 4:8

5 Matakot sa tunay na Diyos, at tuparin ang kaniyang mga utos.

Eclesiastes 12:13

[Mga larawan sa pahina 7]

Sinusunod mo ba ang mga hakbang tungo sa tagumpay?