Mapagtatagumpayan Mo ang Maunos na Panahon
Mapagtatagumpayan Mo ang Maunos na Panahon
SA MAPANGANIB na mga panahong ito, marami ang nagbabata ng tulad-unos na mga problema. Pero para sa mga Kristiyano, ang pag-ibig sa Diyos at ang pagiging tapat sa kaniyang mga simulain ay tumutulong sa kanila na maharap ito. Paano? Masusumpungan ang sagot sa ilustrasyong sinabi ni Jesu-Kristo. Inihambing niya ang kaniyang masunuring mga alagad sa “isang taong maingat, na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng batong-limpak.” Sinabi ni Jesus: “Ang ulan ay bumuhos at ang baha ay dumating at ang hangin ay humihip at humampas sa bahay na iyon, ngunit hindi ito gumuho, sapagkat ito ay itinatag sa ibabaw ng batong-limpak.”—Mateo 7:24, 25.
Pansinin na bagaman maingat ang taong nasa ilustrasyon, napaharap pa rin siya sa mga problema—na inilalarawan ng bumubuhos na ulan, baha, at mapangwasak na hangin. Kaya hindi ipinahiwatig ni Jesus na matatakasan ng kaniyang mga alagad ang lahat ng kahirapan at na puro kapayapaan at katiwasayan na lamang ang kanilang matatamasa. (Awit 34:19; Santiago 4:13-15) Pero sinabi niya na makapaghahanda at makakayanan ng mga tapat na lingkod ng Diyos ang gayong matitinding kapighatian at krisis.
Sinimulan ni Jesus ang ilustrasyon sa pagsasabi: “Ang bawat isa na dumirinig sa mga pananalita kong ito at nagsasagawa ng mga iyon ay itutulad sa isang taong maingat, na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng batong-limpak.” Siyempre pa, hindi literal na pagtatayo ng bahay ang tinutukoy ni Jesus, kundi sa halip ay ang paglilinang ng mga katangiang Kristiyano. Ang mga sumusunod sa mga salita ni Kristo ay gumagamit ng unawa at mahusay na pangangatuwiran. Ang kanilang mga motibo at paggawi ay isinasalig nila sa matibay na batong-limpak ng mga turo ni Kristo sa pamamagitan ng pagkakapit sa mga itinuro sa kanila. Kapansin-pansin, hindi makikita ang makasagisag na batong-limpak na ito sa ibabaw ng lupa. Kinailangang maghukay nang ‘malalim’ ang tao sa ilustrasyon upang masumpungan ito. (Lucas 6:48) Sa katulad na paraan, patuloy na nagpapagal ang mga alagad ni Jesus upang malinang ang namamalaging mga katangian na siyang naglalapít sa kanila sa Diyos.—Mateo 5:5-7; 6:33.
Ano ang mangyayari kapag sinubok ng tulad-unos na mga problema ang katatagan ng pundasyong Kristiyano ng mga tagasunod ni Jesus? Ang kanilang pagiging handang sumunod sa mga turo ni Kristo at ang kanilang Kristiyanong mga katangian ang pinagmumulan ng lakas sa panahon ng gayong mga problema at, pinakamahalaga, sa dumarating na unos ng Armagedon. (Mateo 5:10-12; Apocalipsis 16:15, 16) Oo, sa pagsunod sa mga turo ni Kristo, napagtatagumpayan ng marami ang tulad-unos na mga pagsubok. Magagawa mo rin iyan.—1 Pedro 2:21-23.