Mapalalawak Mo ba ang Iyong Pag-ibig?
Mapalalawak Mo ba ang Iyong Pag-ibig?
DAPAT makayanan ng kadena ng angkla ng barko ang matinding puwersa upang hindi maanod ang sasakyang-dagat. Subalit posible lamang ito kung matatag at matibay ang mga kawing ng kadena. Kung hindi, mapuputol ang kadena.
Ganiyan din ang masasabi hinggil sa kongregasyong Kristiyano. Para maging matibay at malakas ang isang kongregasyon, dapat na nabubuklod sa pagkakaisa ang mga miyembro nito. Ano ang nagbubuklod sa kanila? Pag-ibig, ang pinakamatibay na puwersa sa pagkakaisa. Hindi kataka-takang sabihin ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo ay ibigin din ninyo ang isa’t isa. Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” Tunay nga, taglay ng mga tunay na Kristiyano ang pag-ibig sa isa’t isa na nakahihigit pa sa pagkakaibigan at paggalang sa isa’t isa. Nililinang nila ang mapagsakripisyong pag-ibig.—Juan 13:34, 35.
Pahalagahan ang Ating mga Kapananampalataya
Maraming kongregasyon ang binubuo ng mga taong iba’t iba ang edad, lahi, nasyonalidad, kultura, wika, at katayuan sa lipunan. Ang bawat miyembro ay may kani-kaniyang gusto at di-gusto, pag-asa at pangamba, at karaniwan na, ang bawat isa ay may kani-kaniyang pasan—marahil ay karamdaman o problema sa pananalapi. Dahil sa pagkakaiba-ibang ito, maaaring maging hamon ang pagtataguyod ng pagkakaisang Kristiyano. Kung gayon, ano ang makatutulong sa atin na mapalawak ang ating pag-ibig at manatiling nagkakaisa sa kabila ng mga problema? Ang tunay na pagpapahalaga sa lahat ng miyembro ng kongregasyon ay tutulong sa atin na mapasidhi ang ating pag-ibig sa isa’t isa.
Subalit ano ba ang ibig sabihin ng pahalagahan ang isang indibiduwal? Ayon sa The New Shorter Oxford English Dictionary, ang salitang “magpahalaga” ay nangangahulugang “maging makatuwiran o madaling tumugon sa isa; magbigay ng karangalan; kilalanin ang isa na mahalaga o mahusay; maging mapagpasalamat.” Kung pinahahalagahan natin ang ating mga kapananampalataya, madali tayong tumugon sa kanilang mga pangangailangan, pinararangalan natin sila, kinikilala natin ang kanilang kahusayan, at nagpapasalamat tayo na kasama natin sila sa pagsamba. Bilang resulta, lalong tumitindi ang ating pag-ibig sa kanila. Ang maikling pagtalakay sa isinulat ni apostol Pablo sa unang-siglong mga Kristiyano sa Corinto ay tutulong sa atin na malaman kung paano natin lubusang maipakikita ang Kristiyanong pag-ibig.
“Nasisikipan” ang mga Taga-Corinto
Isinulat ni Pablo ang kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto noong 55 C.E. at nang taon ding iyon natapos ang kaniyang ikalawang liham. Ipinahihiwatig ng kaniyang mga komento na hindi pinahahalagahan ng ilan sa kongregasyon ng Corinto ang kanilang mga kapananampalataya. Inilarawan ni Pablo ang situwasyon sa ganitong mga pananalita: “Ang aming bibig ay binuksan para sa inyo, mga taga-Corinto, ang aming puso ay lumawak. Hindi kayo nasisikipan sa loob namin, kundi nasisikipan kayo sa inyong sariling magiliw na pagmamahal.” (2 Corinto 6:11, 12) Ano ang kahulugan ng sinabi ni Pablo na “nasisikipan” sila?
Ang ibig niyang sabihin ay makitid ang
kanilang pag-iisip at maramot ang kanilang puso. Inisip ng isang iskolar ng Bibliya na ang pag-ibig kay Pablo ng mga taga-Corinto ay “napipigilan ng mahihirap na kalagayang dulot ng walang-batayang pagsususpetsa . . . at nasaling na amor propyo.”Pansinin ang ipinayo ni Pablo: “Bilang ganting kabayaran—nagsasalita akong gaya ng sa mga anak—kayo rin ay magpalawak.” (2 Corinto 6:13) Pinasigla ni Pablo ang mga taga-Corinto na palawakin ang kanilang pag-ibig sa mga kapananampalataya nila. Nangangahulugan ito na gagawi sila udyok ng positibong saloobin at mapagbigay na puso, hindi ng paghihinala at ng maliliit na pagkakamali.
Palawakin ang Ating Pag-ibig sa Ngayon
Nakapagpapasiglang makita kung paano nagsisikap nang husto ang mga tunay na mananamba ng Diyos sa ngayon na palawakin ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa. Totoo namang nangangailangan ito ng pagsisikap. Hindi ito basta pag-alam lamang sa kung ano ang dapat gawin. Ang ating paggawi ay dapat na naiiba sa paggawi ng mga taong hindi namumuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya. Kadalasan, hindi gaanong pinahahalagahan ng gayong mga tao ang iba. Maaaring wala silang malasakit, walang galang, at mapanlait. Kaya huwag na huwag nating hayaang maimpluwensiyahan tayo ng mga saloobing ito. Napakalungkot nga kung ang ating pag-ibig ay mapigilan ng paghihinala, gaya ng nangyari sa mga taga-Corinto! Maaari itong mangyari kung mabilis nating nakikita ang mga kapintasan ng isang Kristiyanong kapatid ngunit mabagal naman pagdating sa pagkilala sa kaniyang mabubuting katangian. Baka mangyari din ito sa atin kung nasisikipan tayo sa ating pagmamahal, wika nga, para sa isang indibiduwal dahil iba ang kaniyang kultura.
Sa kabaligtaran, ang isang lingkod ng Diyos na nagpapalawak ng kaniyang pag-ibig ay may tunay na pagpapahalaga sa kaniyang mga kapananampalataya. Juan 13:35.
Pinararangalan niya sila, iginagalang ang kanilang dignidad, at madali siyang tumugon sa kanilang mga pangangailangan. Kahit na talagang may dahilan siya para magreklamo, mabilis siyang nagpapatawad at hindi naghihinanakit. Hindi niya iniisip na masama ang mga motibo ng kaniyang mga kapananampalataya. Dahil sa kaniyang pusong mapagbigay, ipinakikita niya ang uri ng pag-ibig na nasa isip ni Jesus nang ihula niya: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”—Sikaping Magkaroon ng Bagong mga Kaibigan
Tutulungan tayo ng tunay na pag-ibig na makipagkaibigan at makisama sa ating mga kakongregasyon na hindi natin karaniwang nakakausap, bukod pa sa dati na nating mga kaibigan. Sino kaya ang mga taong ito? Ang ilan sa ating mga Kristiyanong kapatid ay mahiyain o, sa ilang kadahilanan, kakaunti lamang ang mga kaibigan. Sa simula, baka isipin natin na sa ilang bagay lamang natin sila nakakatulad, bukod sa ating pagsamba. Pero hindi ba totoo na ang ilang matalik na magkakaibigan na nakaulat sa Bibliya ay sa ilang bagay lamang nagkakatulad?
Halimbawa, napakalayo ng agwat ng edad nina Noemi at Ruth, magkaiba ang kanilang nasyonalidad at kultura, at magkaiba pa nga ang kanilang wika. Gayunpaman, hindi nakaapekto sa kanilang pagkakaibigan ang gayong mga pagkakaiba. Pinalaking prinsipe si Jonatan, at pastol naman si David. Malayo rin ang agwat ng edad nila, pero ang kanilang samahan ay isa sa pinakamatalik na pagkakaibigang binanggit sa Banal na Kasulatan. Para sa mga magkakaibigang ito, ang kanilang pagkakaibigan ay kapuwa nakapagpalugod at nakapagpalakas sa kanila sa espirituwal.—Ruth 1:16; 4:15; 1 Samuel 18:3; 2 Samuel 1:26.
Maging sa ngayon, nabubuo ang matalik na pagkakaibigan sa mga tunay na Kristiyano na lubhang magkakaiba ang edad o kalagayan sa buhay. Halimbawa, si Regina ay isang nagsosolong ina na may dalawang anak na tin-edyer. * Abalang-abala siya at walang gaanong panahon sa pakikisalamuha sa iba. Sina Harald at Ute naman ay mag-asawang walang anak at mga retirado na. Sa unang tingin, waring sa iilang bagay lamang magkatulad ang dalawang pamilyang ito. Pero ikinapit nina Harald at Ute ang payo ng Bibliya na magpalawak. Kinaibigan nila si Regina at ang mga anak nito, anupat isinama sila sa maraming gawain, sa pangmadlang ministeryo at sa ilang paglilibang.
Maaari ba tayong magpalawak bukod pa sa dati na nating mga kaibigan? Bakit hindi makipagkaibigan sa mga kapananampalatayang iba ang nasyonalidad, kultura, o edad?
Madaling Tumugon sa mga Pangangailangan ng Iba
Ang mapagbigay na puso ay magpapakilos sa atin na maging palaisip sa mga pangangailangan ng iba. Anong mga pangangailangan? Buweno, pagmasdan ang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano. Kailangan ng mga kabataan ng patnubay, kailangan ng mga may-edad na ng pampatibay-loob, kailangan ng mga buong-panahong ministro ng komendasyon at suporta, at kailangan ng mga kapananampalatayang nanlulumo ng isa na makikinig. Ang bawat isa ay may kani-kaniyang pangangailangan. Nais nating tumugon sa mga pangangailangang ito hangga’t makakaya natin.
Kasama rin sa pagpapalawak ang pagpapakita natin ng konsiderasyon sa mga may pantanging pangangailangan. May kilala ka bang may malubhang sakit o nakararanas ng iba pang pagsubok sa buhay? Ang pagpapalawak ng iyong pag-ibig at pagiging mapagbigay ay tutulong sa iyo na maging makonsiderasyon at matulungin sa mga nangangailangan.
Habang unti-unting natutupad ang mga hula sa Bibliya hinggil sa hinaharap, di-hamak na nagiging mas mahalaga ang matibay na buklod ng pagkakaisa sa loob ng kongregasyon kaysa sa mga ari-arian, kakayahan, o tagumpay. (1 Pedro 4:7, 8) Kung palalawakin natin ang ating pag-ibig sa ating mga kapananampalataya, mapatitibay ng bawat isa sa atin ang buklod ng pagkakaisa sa ating kongregasyon. Makatitiyak tayo na sagana tayong pagpapalain ni Jehova dahil kumikilos tayo kasuwato ng mga salita ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na nagsabi: “Ito ang aking utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo.”—Juan 15:12.
[Talababa]
^ par. 17 Binago ang ilang pangalan.
[Blurb sa pahina 10]
Ipinakikita natin na pinahahalagahan natin ang ating mga kapatid kung pinararangalan natin sila, iginagalang natin ang kanilang dignidad, at madali tayong tumugon sa kanilang mga pangangailangan