Nagbunga ng Habambuhay na mga Pagpapala ang Tamang mga Pasiya
Nagbunga ng Habambuhay na mga Pagpapala ang Tamang mga Pasiya
Ayon sa salaysay ni Paul Kushnir
NOONG 1897, nandayuhan sa Canada ang aking lolo’t lola mula sa Ukraine at nanirahan malapit sa Yorkton, Saskatchewan. Dumating sila kasama ang kanilang apat na anak—tatlong lalaki at isang babae. Noong 1923, ang anak nilang babae, si Marinka, ang naging nanay ko; ako ang ikapito niyang anak. Simple ngunit mapayapa ang buhay noon. May masustansiya kaming pagkain at mga kasuutang panlamig, at naglalaan ang pamahalaan ng pangunahing mga serbisyo. Nagtutulungan ang magkakapitbahay sa malalaking trabaho. Noong taglamig ng 1925, may dumalaw sa amin na isang Estudyante ng Bibliya, na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Ang pagdalaw na iyon ang nagpakilos sa amin na gumawa ng mga pasiyang ipinagpapasalamat ko hanggang sa ngayon.
Nakaabot sa Aming Tahanan ang Katotohanan ng Bibliya
Tinanggap ni Inay ang ilang buklet mula sa Estudyante ng Bibliya at di-nagtagal, natanto niyang ito ang katotohanan. Mabilis siyang sumulong sa espirituwal at nabautismuhan siya noong 1926. Nang maging Estudyante ng Bibliya si Inay, talagang nagbago ang pananaw ng aming pamilya sa buhay. Naging bukás ang aming tahanan para sa mga bisita. Madalas tumuloy sa amin ang mga naglalakbay na tagapangasiwa, na tinatawag na mga pilgrim, at iba pang mga Estudyante ng Bibliya. Noong 1928, ipinakita sa amin ng isang naglalakbay na tagapangasiwa ang “Eureka Drama,” isang pinasimpleng bersiyon ng “Photo-Drama of Creation.” Hiniram niya sa aming mga bata ang isang laruang palaka na lumalagitik. Kapag pinalagitik niya ang palaka, dapat nang baguhin ang slide. Tuwang-tuwa kami sa pagpapahiram namin ng laruang iyon!
Kapag dumadalaw sa amin ang isang naglalakbay na tagapangasiwa na nagngangalang Emil Zarysky, madalas niyang dalhin ang kaniyang sasakyan na nagsisilbi na ring tahanan niya. Kung minsan, kasama niya ang kaniyang malaki nang anak, na nagpasigla sa aming mga bata na pag-isipan na maging mga buong-panahong ministro, o payunir. Marami ring payunir ang nanuluyan sa 1 Pedro 4:8, 9.
aming tahanan. Minsan, pinahiram ni Inay ng kamisadentro ang isang payunir habang tinatahi niya ang kamisadentro nito. Di-sinasadyang nadala ito ng payunir noong umalis siya. Nang maglaon, ibinalik niya ito at humingi ng paumanhin dahil hindi niya ito agad naisauli. “Wala po kasi akong sampung cent para ipadala ito sa koreo,” ang sulat niya. Naisip namin na sana’y hindi na lamang niya ibinalik ang kamisadentro! Pinangarap ko na balang araw, matutularan ko ang gayong mapagsakripisyong mga payunir. Nagpapasalamat ako sa mapagpatuloy na espiritu ni Inay, na higit na nagpasaya sa aming buhay at nagpasidhi sa aming pag-ibig sa kapatiran.—Hindi naging Estudyante ng Bibliya si Itay; pero hindi naman niya kami sinalansang. Noong 1930, pinahintulutan pa nga niya ang mga kapatid na gamitin ang kaniyang malaking bodega para sa isang-araw na asamblea. Bagaman pitong taóng gulang lamang ako noon, humanga ako sa kasiyahan at dignidad ng okasyong iyon. Namatay si Itay noong 1933. Si Inay, na isa nang biyuda na may walong anak, ay hindi nagmaliw nang kahit kaunti sa kaniyang determinasyon na panatilihin kami sa landas ng tunay na pagsamba. Isinasama niya ako sa mga pagpupulong. Noong panahong iyon, parang walang katapusan ang mga ito, at iniisip ko na sana’y kasama ako ng ibang mga bata, na pinapayagang maglaro sa labas. Pero bilang paggalang kay Inay, nananatili ako sa pagpupulong. Habang nagluluto si Inay, madalas siyang sumipi ng isang teksto at tinatanong ako kung saan ito makikita sa Bibliya. Noong 1933 napakarami naming inani, at ginamit ni Inay ang karagdagang kita para bumili ng kotse. Pinuna siya ng ilang kapitbahay anupat sinasabing pagsasayang lamang ito ng pera, pero umaasa siya na makatutulong ang kotse sa aming teokratikong mga gawain. Tama siya.
Tinulungan Ako ng Iba na Gumawa ng Tamang mga Pasiya
Dumarating ang panahon na kailangan ng isang kabataan na gumawa ng mga pasiya na makaaapekto sa kaniyang kinabukasan. Nang dumating ang panahong iyon para sa aking mga ate, sina Helen at Kay, nagsimula silang magpayunir. Ang isang payunir na nasiyahan sa pagpapatuloy namin sa kaniya sa aming tahanan ay si John Jazewsky, isang mahusay na kabataang lalaki. Hiniling ni Inay na manatili muna si John upang tumulong sa amin sa bukid. Nang maglaon, napangasawa ni John si Kay, at naglingkod sila bilang mga payunir sa lugar na di-kalayuan sa aming tahanan. Nang 12 anyos na ako, inanyayahan nila akong samahan sila sa paglilingkod sa larangan kapag bakasyon sa paaralan. Dito ko natikman ang buhay ng isang payunir.
Nang maglaon, kahit paano’y kaya na namin ng aking kuya na si John ang pagpapatakbo sa aming bukid. Kaya naman nakapaglilingkod si Inay sa mga buwan ng tag-araw sa pribilehiyong tinatawag ngayon na auxiliary pioneer. Gumagamit siya ng isang kariton na may dalawang gulong at hinihila ng isang matandang kabayo. Pinanganlan ni Itay na Saul ang kabayong iyon na matigas ang ulo at matanda na, pero para kay Inay, ang kabayong iyon ay maamo at kaya niyang kontrolin. Gustung-gusto namin ni Kuya John ang bukid, pero tuwing umuuwi si Inay mula sa paglilingkod sa larangan at ikinukuwento ang kaniyang mga karanasan, lalong nagiging masidhi ang aming pag-ibig sa ministeryong pagpapayunir kaysa sa pagpapatakbo sa bukid. Noong 1938, naging mas masigasig ako sa paglilingkod sa larangan, at noong Pebrero 9, 1940, nabautismuhan ako.
Pagkalipas ng ilang panahon, inatasan ako bilang isang lingkod sa kongregasyon. Ako ang humawak ng mga rekord ng kongregasyon at tuwang-tuwa ako kapag may pagsulong. May personal akong teritoryong pinangangaralan sa isang bayan na mga sampung milya ang layo sa bahay. Kapag taglamig, naglalakad ako papunta roon linggu-linggo at natutulog nang mga isa o dalawang gabi sa atik ng bahay ng isang pamilyang nagpakita ng interes sa Bibliya. Pagkatapos ng pag-uusap namin ng Luteranong mangangaral sa lugar na iyon—na noo’y waring hindi ako naging mataktika—pinagbantaan niya ako na tatawag daw siya ng mga pulis kung hindi ko iiwan ang kaniyang kawan. Lalo naman akong naging determinadong magpatuloy dahil dito.
Noong 1942, ang aking ate
na si Kay at ang kaniyang asawa, si John, ay nagplanong dumalo sa isang kombensiyon sa Cleveland, Ohio, sa Estados Unidos. Tuwang-tuwa ako nang anyayahan akong sumama sa kanila. Ang kombensiyong iyon ang isa sa pinakamagandang bagay na nangyari sa akin. Dahil dito, naging tiyak ang mga plano ko sa hinaharap. Nang si Brother Nathan Knorr, na siyang nangunguna noon sa pandaigdig na gawain, ay gumawa ng nakaaantig na panawagan para sa 10,000 payunir, kaagad akong nagpasiya na maging isang payunir!Noong Enero 1943, dumalaw sa kongregasyon namin si Henry, isang naglalakbay na tagapangasiwa. Nagbigay siya ng isang nakaaantig-damdaming pahayag na talagang nagpasigla sa amin. Kinabukasan pagkatapos ng kaniyang pahayag, -40 digri Celsius ang temperatura, at lalong lumamig ang panahon dahil sa malakas na hanging humihihip mula sa hilagang-kanluran. Karaniwan nang hindi kami lumalabas kapag gayon kalamig, pero sabik na sabik si Henry na lumabas sa larangan. Upang marating ang isang nayon na 11 kilometro ang layo, siya at ang iba pa ay sumakay sa isang paragos na hinihila ng kabayo. Mayroon itong bubong at dingding at mayroon ding apuyan. Mag-isa naman akong dumalaw sa isang pamilya na may limang anak na lalaki. Tinanggap nila ang aking alok na pag-aaral sa Bibliya, at nang maglaon, tinanggap nila ang katotohanan.
Pangangaral sa Ilalim ng Pagbabawal
Noong Digmaang Pandaigdig II, ipinagbawal ang gawaing pangangaral sa Canada. Kinailangan naming itago ang aming literatura sa Bibliya, at maraming mapagtataguan sa aming bukid. Madalas kaming pinupuntahan ng mga pulis ngunit wala naman silang makita. Kapag nangangaral, Bibliya lamang ang gamit namin. Nagtitipon kami sa maliliit na grupo, at kami ng aking kuya na si John ang napiling maging lihim na mga mensahero.
Noong panahon ng digmaan, nakibahagi ang aming kongregasyon sa pambuong-bansang pamamahagi ng buklet na End of Nazism. Lumalabas kami sa alanganing oras sa gabi. Kabadung-kabado ako habang maingat naming pinupuntahan ang bawat bahay at iniiwan ang isang buklet sa pintuan. Talagang iyon ang pinakanakakatakot kong karanasan. Laking ginhawa nang maihatid namin ang huling kopya ng buklet na iyon! Pagkatapos ay dali-dali kaming bumalik sa nakaparadang sasakyan, tiniyak namin kung kumpleto na kami, at mabilis na umalis habang madilim pa.
Pagpapayunir, Pagkabilanggo, at Pagdalo sa mga Asamblea
Noong Mayo 1, 1943, nagpaalam ako kay Inay. Naglakbay ako patungo sa aking unang atas bilang payunir, dala ang isang maliit na maleta at may 20 dolyar sa aking pitaka. Magiliw akong pinatuloy ni Brother Tom Troop at ng kaniyang maibiging pamilya sa Quill Lake, Saskatchewan. Nang sumunod na taon, nagpunta ako sa isang liblib na teritoryo sa Weyburn, Saskatchewan. Habang nangangaral ako sa lansangan noong Disyembre 24, 1944, inaresto ako. Pagkatapos makulong doon nang ilang panahon, inilipat ako sa isang kampo sa Jasper, Alberta. Nakasama ko roon ang ibang mga Saksi at nasa gitna kami ng maringal na lalang ni Jehova, ang Canadian Rockies. Noong unang bahagi ng 1945, pinahintulutan kami ng mga opisyal ng kampo na dumalo sa isang pagpupulong sa Edmonton, Alberta. Nagbigay si Brother Knorr ng isang kapana-panabik na ulat hinggil sa pagsulong ng pandaigdig na gawain. Inaasam-asam namin ang panahong makalaya kami at muling makibahagi nang lubusan sa ministeryo.
Nang pinalaya ako, ipinagpatuloy ko ang pagpapayunir. Di-nagtagal pagkatapos nito, ipinatalastas na idaraos ang “All Nations Expansion” na Asamblea sa Los Angeles, California. Sa aking bagong teritoryo bilang payunir, inayos ng isang brother ang kaniyang trak para makapagsakay ito ng 20 pasahero. Noong Agosto 1, 1947, hindi namin malilimutan ang aming paglalakbay na umabot nang 7,200 kilometro sa mga parang, disyerto, at sa kahanga-hangang mga tanawin, kasama na rito ang mga pambansang parke na Yellowstone at Yosemite. Umabot nang 27 araw ang paglalakbay—isang napakagandang karanasan!
Isa ring napakaganda at di-malilimutang karanasan ang mismong kombensiyon. Upang makinabang nang husto sa kombensiyon, naglingkod ako bilang attendant sa araw at bilang bantay naman sa gabi. Pagkatapos daluhan ang isang pulong para sa mga interesadong maglingkod bilang misyonero, pinunan ko ang aplikasyon pero hindi ko iniisip na kukunin akong misyonero. Samantala, noong 1948, nagboluntaryo akong magpayunir sa Quebec, isang probinsiya sa Canada.—Isaias 6:8.
Pagdalo sa Gilead at Pagkatapos Nito
Noong 1949, tuwang-tuwa akong makatanggap ng paanyaya na dumalo sa ika-14 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Dahil sa pagsasanay na tinanggap ko roon, tumibay ang aking pananampalataya at naging mas malapít ako kay Jehova. Nakapagtapos na rito sina John at Kay. Dinaluhan nila ang ika-11 klase at naglilingkod na sila bilang mga misyonero sa Hilagang Rhodesia (ngayo’y Zambia). Nagtapos sa Gilead ang aking kuya na si John noong 1956. Kasama ang kaniyang asawa, si Frieda, naglingkod siya sa Brazil sa loob ng 32 taon hanggang sa kaniyang kamatayan.
Nang araw ng aking gradwasyon noong Pebrero 1950, lubha akong napasigla ng dalawang telegrama, isa mula kay Inay at isa mula sa pamilya Troop sa Quill Lake. Ganito ang mababasa sa huling nabanggit na telegrama, na may uluhang “Payo sa Nagtapos”: “Napakaespesyal na araw ito para sa iyo. Isang araw na palagi mong pahahalagahan; at nawa’y mapasaiyo rin ang tagumpay at kasiyahan.”
Inatasan akong maglingkod sa lunsod ng Quebec, pero nanatili muna ako sa Kingdom Farm, sa Estado ng New York, na siyang kinaroroonan noon ng Paaralang Gilead. Isang araw, tinanong ako ni Brother Knorr kung gusto kong pumunta sa Belgium. Subalit makalipas ang dalawang araw, itinanong naman niya kung papayag akong maatasan sa Netherlands. Nang matanggap ko ang liham ng pag-aatas, nakasaad doon na “gagampanan [ko] ang gawain ng lingkod ng sangay.” Hindi ko maipaliwanag ang nadama ko.
Noong Agosto 24, 1950, naglakbay ako nang 11 araw sakay ng barko patungong Netherlands—sapat na panahon ito upang mabasa ko ang bagong labas na Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Dumating ako sa Rotterdam noong Setyembre 5, 1950, kung saan magiliw akong tinanggap ng pamilyang Bethel. Sa kabila ng pinsalang dulot ng Digmaang Pandaigdig II, mahusay ang ginawa ng mga kapatid upang muling maipagpatuloy ang mga gawaing Kristiyano. Habang pinakikinggan ko ang kanilang mga kuwento ng pananatiling tapat sa ilalim ng matinding pag-uusig, inisip ko na baka mahirapan ang mga kapatid na ito kung isang walang-karanasang lingkod ng sangay ang mangangasiwa sa kanila. Pero di-nagtagal, lumilitaw na wala akong dahilan para mangamba.
Siyempre pa, may mga bagay na dapat bigyang-pansin. Dumating ako bago ganapin ang isang kombensiyon at humanga ako nang makita ko kung paano napagkasya at napatira ang libu-libong delegado sa dako ng kombensiyon. Para sa susunod na kombensiyon, iminungkahi ko na humanap kami ng mga pribadong tahanan upang maging tuluyan ng mga kapatid. Inisip ng mga kapatid na magandang ideya ito—pero hindi ito angkop sa kanilang bansa. Pagkatapos makipagkatuwiranan, nagkasundo kami—kalahati sa mga delegado ay manunuluyan sa dako ng kombensiyon at ang kalahati ay sa bahay ng mga di-Saksi sa lunsod ng kombensiyon. May-pagmamalaki kong binanggit kay Brother Knorr ang naging resulta nito nang dumalo siya sa kombensiyon. Pero biglang naglaho ang nadama kong tagumpay nang mabasa ko nang maglaon sa Ang Bantayan ang isang ulat tungkol sa aming kombensiyon na nagsasabi: “Nakatitiyak tayo na sa susunod na pagkakataon, magkakaroon ng pananampalataya ang mga kapatid na gumawa ng
mga kaayusan para mapaglaanan ng tuluyan ang mga delegado sa pinakamabisang dako ng pagpapatotoo, sa tahanan ng mga tao.” Ganiyang-ganiyan ang ginawa namin nang ‘sumunod na pagkakataon’!Noong Hulyo 1961, dalawang kinatawan ng aming tanggapang pansangay ang inanyayahang dumalo sa isang pulong kasama ng iba pang mga kinatawan ng sangay sa London. Ipinatalastas ni Brother Knorr na ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan ay isasalin sa iba pang mga wika, kasama na ang Olandes. Tunay na kapana-panabik ang balitang iyon! Mabuti na lamang at wala kaming ideya kung gaano kalaki ang proyektong ito. Pagkalipas ng dalawang taon, noong 1963, nalugod akong magkaroon ng bahagi sa programa sa isang kombensiyon sa New York nang ilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Olandes.
Mga Pagpapasiya at Bagong mga Atas
Noong Agosto 1961, napangasawa ko si Leida Wamelink. Tinanggap ng kaniyang buong pamilya ang katotohanan noong 1942 nang panahon ng pag-uusig ng mga Nazi. Nagsimulang magpayunir si Leida noong 1950 at pumasok siya sa Bethel noong 1953. Nang makita ko ang kaniyang kasipagan sa Bethel at sa kongregasyon, naisip ko na magiging isa siyang matapat na kasama sa aking ministeryo.
Mahigit isang taon pa lamang kaming kasal nang anyayahan ako sa Brooklyn para sa sampung-buwang kurso bilang karagdagang pagsasanay. Wala pa noong probisyon para samahan ng mga asawang babae ang kanilang asawa. Bagaman hindi maayos ang kalusugan noon ni Leida, maibigin siyang sumang-ayon na dapat kong tanggapin ang paanyaya. Nang maglaon, lalong humina ang kalusugan ni Leida. Sinikap naming ipagpatuloy ang aming paglilingkod sa Bethel pero nang dakong huli, nagpasiya kami na mas praktikal na ipagpatuloy ang aming buong-panahong paglilingkod sa larangan. Kaya nagsimula kaming maglingkod sa gawaing paglalakbay. Di-nagtagal pagkatapos nito, kinailangang sumailalim sa maselang operasyon ang aking asawa. Sa tulong ng maibiging mga kaibigan, nakayanan namin ang situwasyon, at pagkalipas ng isang taon, nagampanan pa nga namin ang atas na maglingkod sa gawaing pandistrito.
Nasiyahan kami sa pitong taóng nakapagpapalakas na paglilingkod sa gawaing paglalakbay. Pagkatapos, kinailangan kong gumawa ng mabigat na pasiya nang anyayahan akong magturo sa Kingdom Ministry School sa Bethel. Pumayag kami, bagaman nahirapan kami sa pagbabagong ito dahil mahal namin ang gawaing paglalakbay. May 47 klase ang paaralan at ang bawat klase ay umaabot nang dalawang linggo. Nagbigay ito sa akin ng mainam na pagkakataon na ibahagi ang espirituwal na mga pagpapala sa mga elder ng kongregasyon.
Nang panahong iyon, pinaplano kong dalawin si Inay sa taóng 1978. Pero biglang-bigla noong Abril 29, 1977, nakatanggap kami ng telegrama na nagsasabing namatay si Inay. Lungkot na lungkot ako dahil hindi ko na maririnig ang kaniyang magiliw na tinig at muling masasabi sa kaniya kung gaano ko pinahahalagahan ang lahat ng ginawa niya para sa akin.
Sa pagtatapos ng kurso ng Kingdom Ministry School, hinilingan kaming maging mga miyembro ng pamilyang Bethel. Nang sumunod na mga taon, naglingkod ako bilang koordineytor ng Komite ng Sangay sa loob ng sampung taon. Nang maglaon, nag-atas ang Lupong Tagapamahala ng isang bagong koordineytor, na higit na may kakayahang balikatin ang pananagutan. Lubha akong nagpapasalamat dito.
Paglilingkod Hangga’t Ipinahihintulot ng Edad
Kami ni Leida ay parehong 83 taóng gulang na. Malugod akong nakapaglingkod nang buong panahon sa loob ng mahigit 60 taon. Kasama ko ang aking matapat na asawa sa huling 45 taon ng paglilingkod na ito. Itinuring niyang bahagi ng kaniyang nakaalay na paglilingkod kay Jehova ang pagsuporta sa akin sa lahat ng aming atas. Sa kasalukuyan, ginagawa namin ang aming buong makakaya sa Bethel at sa kongregasyon.—Isaias 46:4.
Sa pana-panahon, nasisiyahan kaming alalahanin ang magagandang pangyayari sa aming buhay. Hindi namin pinagsisisihan ang aming paglilingkod kay Jehova, at kumbinsido kami na ang mga pasiyang ginawa namin noong kami’y mga kabataan ang siyang pinakamaiinam na pasiya. Determinado kaming patuloy na paglingkuran at parangalan si Jehova nang aming buong lakas.
[Larawan sa pahina 13]
Kasama si Bill, ang aking kuya, at si Saul, ang aming kabayo
[Larawan sa pahina 15]
Noong araw ng aming kasal, Agosto 1961
[Larawan sa pahina 15]
Kasama si Leida sa ngayon