Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tagumpay—Paano Mo Ito Sinusukat?

Tagumpay—Paano Mo Ito Sinusukat?

Tagumpay​—Paano Mo Ito Sinusukat?

SI Jesse Livermore ang itinuturing ng ilan bilang ang pinakamatagumpay na stock trader sa Wall Street. Kilala siya sa paggawa ng matatalinong pasiya sa negosyo. Dahil dito, yumaman siya nang husto. Ang mga isinusuot niya ay ang pinakamagagarang amerikana, nakatira siya sa isang mansiyon na may 29 na kuwarto, at mayroon siyang itim na Rolls-Royce at sariling drayber.

Si David * ay determinado ring yumaman. Bilang bise presidente at general manager ng isang malaking kompanya sa graphics, malamang na maging presidente siya ng isang dibisyon ng kompanya. Waring nasa harapan na niya ang kayamanan at katanyagan. Subalit gumawa si David ng personal na desisyon na magbitiw sa trabaho. “Alam kong hindi na ako muling magkakaroon ng mataas na posisyon,” ang sabi ni David. Sa palagay mo kaya’y nagkamali si David?

Marami ang naniniwala na bahagi ng tagumpay ang pagkakamit ng kayamanan, katanyagan, o ang pagiging prominente. Gayunman, maaaring nararanasan pa rin ng mayayaman ang kawalan ng kasiyahan at layunin sa buhay. Lumilitaw na ganiyan ang situwasyon ni Mr. Livermore. Sa kabila ng kaniyang kayamanan, ang buhay niya ay lipos ng pighati, trahedya, at kalungkutan. Nakaranas siya ng depresyon, bigong pag-aasawa, at hindi malapít sa kaniya ang kaniyang mga anak. Sa wakas, pagkatapos mawala ang kalakhan ng kaniyang kayamanan, naupo sa bar ng isang marangyang otel si Mr. Livermore at nanaghoy sa kaniyang kalugihan. Umorder siya ng maiinom, inilabas ang kaniyang magandang notbuk, at sumulat ng isang maikling liham ng pamamaalam sa kaniyang asawa. Matapos ubusin ang kaniyang inumin, pumasok siya sa isang medyo madilim na silid at binaril ang kaniyang sarili.

Bagaman totoo na iba’t iba ang dahilan ng pagpapakamatay, ipinakikita ng karanasang ito ang katotohanan ng sinasabi ng Bibliya: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay . . . napagsasaksak ng maraming kirot ang kanilang sarili.”​—1 Timoteo 6:9, 10.

Hindi kaya mali ang pamantayan niyaong mga nag-iisip na ito ay matatamo sa kayamanan, katayuan sa lipunan, o katanyagan? Itinuturing mo ba ang iyong sarili na matagumpay? Bakit? Ano ang pamantayan mo pagdating sa bagay na ito? Sa ano nakasalig ang iyong pananaw hinggil sa tagumpay? Susuriin ng susunod na artikulo ang maaasahang payo na tumulong sa milyun-milyon na matamo ang tagumpay. Tingnan natin kung paanong ikaw rin ay magiging matagumpay.

[Talababa]

^ par. 3 Binago ang pangalan.