Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tumanggap ng Nakaaantig-Pusong Tagubilin ang mga Nagsipagtapos sa Gilead

Tumanggap ng Nakaaantig-Pusong Tagubilin ang mga Nagsipagtapos sa Gilead

Tumanggap ng Nakaaantig-Pusong Tagubilin ang mga Nagsipagtapos sa Gilead

NOONG Setyembre 9, 2006, naganap ang gradwasyon ng ika-121 klase ng Watchtower Bible School of Gilead sa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York. Nakapagpapasigla ang programa.

Si Geoffrey Jackson, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang nagbukas ng programa sa pamamagitan ng malugod na pagtanggap sa 56 na nagsipagtapos at sa 6,366 na tagapakinig na nagmula sa iba’t ibang bansa. Tinalakay niya ang Awit 86:11, na nagsasabi: “Turuan mo ako, O Jehova, ng tungkol sa iyong daan. Lalakad ako sa iyong katotohanan. Pagkaisahin mo ang aking puso na matakot sa iyong pangalan.” Binanggit ni Brother Jackson ang tatlong bagay na idiniin sa talatang iyon. Sinabi niya: “Sa unang pangungusap, idiniin ang tagubilin; sa ikalawang pangungusap, pagkakapit; at sa ikatlo, pangganyak. Para sa inyo na mga misyonero, lalo nang mahalaga ang tatlong bagay na ito pagpunta ninyo sa inyong mga atas.” Pagkatapos ay iniharap niya ang serye ng mga pahayag at panayam na nagdiriin sa tatlong bagay na ito.

Nakapagpapasiglang mga Tagubilin

Tinalakay ni William Malenfant, miyembro ng punong-tanggapan, ang temang “Ang Pinakamainam na Buhay na Maaaring Makamit.” Itinuon niya ang pansin sa halimbawa ni Maria, ang kapatid ni Marta. Sa isang okasyon nang dumalaw si Jesus sa kanilang tahanan, pinili ni Maria na maupo sa paanan ni Jesus at makinig sa kaniya, anupat ginawa niya itong pangunahin sa kaniyang buhay. Sinabi ni Jesus kay Marta: “Pinili ni Maria ang mabuting bahagi, at hindi ito kukunin sa kaniya.” (Lucas 10:38-42) “Isip-isipin iyon,” ang sabi ng tagapagsalita. “Mananatili magpakailanman sa isipan ni Maria na minsa’y naupo siya sa paanan ni Jesus at nakinig sa kamangha-manghang espirituwal na mga katotohanang sinabi sa kaniya—dahil sa isang mabuting pasiya na ginawa niya.” Matapos papurihan ang mga nagsipagtapos sa kanilang mabubuting espirituwal na pasiya, sinabi niya: “Ang inyong mga pasiya ang umakay sa inyo sa pinakamainam na buhay na maaaring makamit.”

Tinalakay naman ni Anthony Morris, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang temang “Ibihis Ninyo ang Panginoong Jesu-Kristo,” salig sa Roma 13:14. Paano natin ito magagawa? Nasasangkot sa ‘pagbibihis sa Panginoong Jesu-Kristo’ ang pagtulad sa paggawi ng Panginoon. Kaya nangangahulugan ito ng pagtulad sa halimbawa at disposisyon ni Jesus. “Palagay ang loob ng mga tao kay Jesus,” ang sabi ni Brother Morris, “dahil may taimtim siyang interes sa kanila, at nadarama nila ito.” Pagkatapos, tinalakay ng tagapagsalita kung paano lubusang natuto ang mga estudyante mula sa kanilang mga kurso sa Gilead “upang . . . maintindihan . . . ang lapad at haba at taas at lalim” ng katotohanan, gaya ng sinasabi sa Efeso 3:18. Pero ipinaalaala niya sa kanila ang talata 19, na nagsasabi: “At upang makilala ang pag-ibig ng Kristo na nakahihigit sa kaalaman.” Hinimok ni Brother Morris ang mga estudyante: “Habang ipinagpapatuloy ninyo ang inyong personal na pag-aaral, bulay-bulayin kung paano ninyo matutularan ang pag-ibig at pagkamahabagin ni Kristo at talagang ‘maibihis ang Panginoong Jesu-Kristo.’”

Pangwakas na Payo ng mga Instruktor sa Gilead

Ang instruktor sa Gilead na si Wallace Liverance ang sumunod na nagbigay ng pahayag, na may temang salig sa Kawikaan 4:7. Sinabi niya na bagaman ang makadiyos na karunungan ang pinakamahalaga, dapat din tayong ‘magtamo ng pagkaunawa,’ na nagsasangkot ng pagsasama-sama sa iba’t ibang impormasyon at pagkatapos ay tinitingnan kung paano nauugnay ang mga ito sa isa’t isa nang sa gayo’y maunawaan ang kahulugan ng mga bagay-bagay. Ipinakita ng tagapagsalita na ang pagtatamo ng kaunawaan ay nagdudulot ng kagalakan. Halimbawa, noong panahon ni Nehemias, ang mga Levita ay “nagpaliwanag ng kautusan” at “nagbigay ng unawa.” Pagkatapos nito, ang bayan ay nagdaos ng “isang malaking kasayahan, sapagkat naunawaan nila ang mga salita na ipinaalam sa kanila.” (Nehemias 8:7, 8, 12) Nagtapos si Brother Liverance: “Nagdudulot ng kagalakan ang pagkaunawa sa kinasihan-ng-espiritung Salita ng Diyos.”

“Sino ba Talaga ang Inyong Kaaway?” ang temang tinalakay ni Mark Noumair, isa pang instruktor sa Gilead. Sa digmaan, marami-raming sundalo ang namamatay sa mga bala ng baril ng kanila mismong mga kakampi. “Kumusta naman sa espirituwal na pakikipagdigmang kinasasangkutan natin?” ang tanong niya. “Kung hindi tayo mag-iingat, baka malito tayo kung sino talaga ang ating kaaway at masugatan ang mga kakampi nating sundalo.” Maaaring malito ang ilan dahil sa pagkainggit. Ito ang nag-udyok kay Haring Saul na tangkaing patayin si David, ang kaniyang kapuwa mananamba, bagaman ang mga Filisteo ang talagang kaaway. (1 Samuel 18:7-9; 23:27, 28) Pagkatapos ay nagpatuloy ang tagapagsalita: “Paano kung naglilingkod kayo kasama ang isang misyonerong nakahihigit sa inyo sa maraming bagay? Susugatan n’yo ba ang inyong kapuwa sundalo sa pamamagitan ng pamimintas, o itataguyod ninyo ang kapayapaan sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanang nakahihigit sa inyo ang iba sa iba’t ibang bagay? Ang pagtutuon ng pansin sa di-kasakdalan ng iba ay makalilito lamang sa atin kung sino talaga ang ating kaaway. Labanan ang talagang kaaway, si Satanas.”

Kasiya-siyang mga Karanasan at Nakapagtuturong mga Panayam

Ginampanan ng instruktor sa Gilead na si Lawrence Bowen ang sumunod na bahagi, “Gawin Mo ang Gawain ng Isang Ebanghelisador,” na may kasamang mga panayam at karanasan. Sinabi ng tagapagsalita: “Ang pangunahing gawain ng isang misyonerong sinanay sa Gilead ay ang pagpapalaganap ng mabuting balita, at iyan ang ginawa ng klaseng ito saanman sila makatagpo ng mga tao.” Isinadula ang ilang magagandang karanasan.

Sinundan ito ng dalawang bahagi na ginampanan ni Michael Burnett at ni Scott Shoffner, parehong miyembro ng pamilyang Bethel. Kinapanayam nila ang mga miyembro ng Komite ng Sangay mula sa Australia, Barbados, Korea, at Uganda. Ipinakita ng mga komento ng mga miyembro ng komite kung gaano kalaking pagsisikap ang ginagawa para masapatan ang mga pangangailangan ng mga misyonero, kasama na ang paglalaan ng angkop na tirahan at pangangalaga sa kanilang kalusugan. Idiniin ng mga miyembro ng komite na ang matagumpay na mga misyonero ay handang makibagay sa mga kalagayan sa kanilang teritoryo.

Isang Nakapagpapasigla at Nakaaantig na Konklusyon

Ang pangunahing bahagi ng programa ay ang pahayag na “Matakot Kayo sa Diyos at Magbigay sa Kaniya ng Kaluwalhatian,” na iniharap ni John E. Barr, isang matagal nang miyembro ng Lupong Tagapamahala. Tinalakay niya ang Apocalipsis 14:6, 7, na ganito ang sinasabi: “Nakakita ako ng isa pang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit, at mayroon siyang walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita doon sa mga tumatahan sa lupa, at sa bawat bansa at tribo at wika at bayan, na nagsasabi sa malakas na tinig: ‘Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian, sapagkat dumating na ang oras ng paghatol niya.’”

Hinimok ni Brother Barr ang mga estudyante na tandaan ang tatlong bagay tungkol sa anghel na iyon. Una, dapat niyang ipahayag ang walang-hanggang mabuting balita na namamahala na si Kristo taglay ang ganap na awtoridad ng Kaharian. Sinabi ng tagapagsalita: “Kumbinsidung-kumbinsido tayo na iniluklok siya bilang hari noong 1914. Kaya ang masayang pabalitang ito ay dapat ipahayag sa buong lupa.” Ikalawa, sinabi ng anghel: “Matakot kayo sa Diyos.” Ipinaliwanag ng tagapagsalita na kailangang tulungan ng mga nagsipagtapos ang kanilang mga estudyante sa Bibliya na linangin ang pagpipitagan sa Diyos upang hindi sila makagawa ng anumang bagay na hindi nakalulugod sa Kaniya. Ikatlo, iniutos ng anghel: ‘Magbigay sa Diyos ng kaluwalhatian.’ “Huwag na huwag ninyong kalilimutan,” ang paghimok niya sa mga estudyante, “na naglilingkod tayo sa ikaluluwalhati ng Diyos, hindi sa ikaluluwalhati natin.” Pagkatapos, sa pagtalakay sa “oras ng paghatol,” sinabi ni Brother Barr: “Kaunting panahon na lamang ang natitira bago ilapat ang huling paghatol. Marami pa ring tao sa ating teritoryo ang kailangang makarinig ng mensahe ng mabuting balita bago maging huli ang lahat.”

Habang sariwa pa sa isipan ng 56 na nagsipagtapos ang mga salitang ito, ibinigay sa kanila ang kanilang mga diploma at inatasan sila sa iba’t ibang panig ng lupa. Lubhang naantig ang puso ng mga nagsipagtapos at ng lahat ng iba pang nagsidalo sa nakapagpapasiglang payo na tinanggap nila sa nakalulugod na araw na iyon.

[Kahon sa pahina 17]

ESTADISTIKA NG KLASE

Bilang ng mga bansang may kinatawan: 6

Bilang ng mga bansang magiging atas: 25

Bilang ng mga estudyante: 56

Katamtamang edad: 35.1

Katamtamang taon sa katotohanan: 18.3

Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 13.9

[Larawan sa pahina 18]

Ang Ika-121 Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead

Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan patungo sa likuran, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.

(1) Fox, Y.; Kunicki, D.; Wilkinson, S.; Kawamoto, S.; Consolandi, G.; Mayen, C. (2) Santiago, N.; Clancy, R.; Fischer, M.; de Abreu, L.; Davis, E. (3) Hwang, J.; Hoffman, D.; Wridgway, L.; Ibrahim, J.; Dabelstein, A.; Bakabak, M. (4) Peters, M.; Jones, C.; Ford, S.; Parra, S.; Rothrock, D.; Tatlot, M.; Perez, E. (5) de Abreu, F.; Kawamoto, S.; Ives, S.; Burdo, J.; Hwang, J.; Wilkinson, D. (6) Fox, A.; Bakabak, J.; Cichowski, P.; Forier, C.; Mayen, S.; Consolandi, E.; Wridgway, W. (7) Parra, B.; Perez, B.; Tatlot, P.; Santiago, M.; Ibrahim, Y.; Kunicki, C. (8) Burdo, C.; Cichowski, B.; Ives, K.; Ford, A.; Rothrock, J.; Hoffman, D.; Davis, M. (9) Peters, C.; Dabelstein, C.; Jones, K.; Clancy, S.; Fischer, J.; Forier, S.