Lalaki at Babae—Ang Marangal na Papel ng Bawat Isa
Lalaki at Babae—Ang Marangal na Papel ng Bawat Isa
UNANG nilalang ng Diyos na Jehova si Adan, pagkatapos ay si Eva. Bago lalangin si Eva, nagkaroon na ng karanasan sa buhay si Adan. Nang panahong iyon, binigyan siya ni Jehova ng mga tagubilin. (Genesis 2:15-20) Bilang tagapagsalita ng Diyos, dapat itong sabihin ni Adan sa kaniyang asawa. Kung gayon, makatuwiran lamang na siya ang mangunguna sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa pagsamba.
Ganiyan din ang kaayusan sa kongregasyong Kristiyano, at makikinabang tayo sa pagsusuri dito. Sumulat si apostol Pablo: “Hindi ko pinahihintulutan ang babae na . . . magkaroon ng awtoridad sa lalaki, kundi tumahimik. Sapagkat si Adan ang unang inanyuan, pagkatapos ay si Eva.” (1 Timoteo 2:12, 13) Hindi ito nangangahulugan na lubusang mananahimik ang isang babae sa pagpupulong sa kongregasyong Kristiyano. Mananahimik siya sa diwa na hindi siya makikipagtalo sa isang lalaki. Hindi niya mamaliitin ang iniatas na posisyon nito o sisikaping magturo sa kongregasyon. Ang mga lalaki ang inatasang mangasiwa at magturo sa kongregasyon, subalit maaari ding makibahagi ang mga babae sa iba’t ibang paraan sa mga Kristiyanong pagpupulong.
Upang bigyan tayo ng kaunawaan hinggil sa kaukulang papel ng mga lalaki at babae sa kaayusan ng Diyos, sumulat si apostol Pablo: “Ang lalaki ay hindi nagmula sa babae, kundi ang babae ang nagmula sa lalaki . . . Bukod diyan, may kaugnayan sa Panginoon ay walang babae kung walang lalaki at walang lalaki kung walang babae [anupat umaasa sila sa isa’t isa]. Sapagkat kung paanong ang babae ay nagmula sa lalaki, gayundin na ang lalaki ay sa pamamagitan ng babae; ngunit ang lahat ng bagay ay nagmula sa Diyos.”—1 Corinto 11:8-12.
May Maiinam na Pribilehiyo ang mga Babae
Sa Kautusang ibinigay ng Diyos sa Israel, maraming pribilehiyo ang mga babae at malaya silang kumilos alinsunod dito. Halimbawa, sinasabi sa Kawikaan 31:10-31 ang hinggil sa “isang asawang babae na may kakayahan,” na bumibili ng maiinam na materyales at gumagawa ng magagandang kasuutan para sa kaniyang sambahayan. Aba, “gumagawa pa man din siya ng mga pang-ilalim na kasuutan at ipinagbibili ang mga iyon”! (Talata 13, 21-24) “Tulad ng mga barko ng mangangalakal,” ang mahusay na babaing ito ay naghahanap ng maiinam na pagkain, kahit na sa malalayong lugar pa niya ito makukuha. (Talata 14) “Isinaalang-alang niya ang isang bukid at kinuha iyon,” at “nagtanim siya ng ubasan.” (Talata 16) Yamang “ang kaniyang pangangalakal ay mabuti,” kumikita siya rito. (Talata 18) Bukod sa “binabantayan niya ang mga lakad ng kaniyang sambahayan,” ang masipag na babaing ito na natatakot kay Jehova ay handang magsakripisyo para sa iba. (Talata 20, 27) Kaya naman hindi kataka-takang papurihan siya!—Talata 31.
Ang mga kautusang inilaan ni Jehova sa pamamagitan ni Moises ay nagbibigay sa mga babae ng maraming pagkakataon para sumulong sila sa espirituwal. Halimbawa, mababasa natin sa Josue 8:35: “Walang isa mang salita sa lahat ng iniutos ni Moises ang hindi binasa ni Josue nang malakas sa harap ng buong kongregasyon ng Israel, kasama ang mga babae at ang maliliit na bata at ang mga naninirahang dayuhan na lumalakad sa gitna nila.” May kinalaman kay Ezra na saserdote, sinasabi ng Bibliya: “Dinala [niya] ang kautusan sa harap ng kongregasyon ng mga lalaki at gayundin ng mga babae at ng lahat ng may sapat na unawa upang makinig, nang unang araw ng ikapitong buwan. At nagpatuloy siyang bumasa nang malakas mula roon sa harapan ng liwasan na nasa tapat ng Pintuang-daan ng Tubig, mula sa pagbubukang-liwayway hanggang sa katanghaliang tapat, sa harap ng mga lalaki at ng mga babae at ng iba pang may-unawa; at ang pandinig ng buong bayan ay nakatuon sa aklat ng kautusan.” (Nehemias 8:2, 3) Nakinabang ang mga babae mula sa gayong pagbasa sa Kautusan. Ipinagdiriwang din nila ang mga relihiyosong kapistahan. (Deuteronomio 12:12, 18; 16:11, 14) Higit sa lahat, ang mga babae sa sinaunang Israel ay maaaring magkaroon ng personal na kaugnayan sa Diyos na Jehova at maaari silang manalangin sa Kaniya bilang indibiduwal.—1 Samuel 1:10.
Noong unang siglo C.E., nagkaroon ng pribilehiyong maglingkod kay Jesus ang mga babaing may takot sa Diyos. (Lucas 8:1-3) Isang babae ang nagbuhos ng langis sa ulo at mga paa ni Jesus nang siya’y naghahapunan sa Betania. (Mateo 26:6-13; Juan 12:1-7) Nagpakita rin si Jesus sa ilang babae nang buhayin siyang muli. (Mateo 28:1-10; Juan 20:1-18) Pagkaakyat ni Jesus sa langit, kasama sa nagtipun-tipong mga 120 katao ang “ilang babae at si Maria na ina ni Jesus.” (Gawa 1:3-15) Marami sa mga ito o lahat ng mga babaing ito ay tiyak na nasa silid sa itaas sa Jerusalem noong araw ng Pentecostes 33 C.E., nang ibuhos ang banal na espiritu at makahimalang magsalita ng maraming wika ang mga alagad ni Jesus.—Gawa 2:1-12.
Kapuwa sa mga lalaki at babae natupad ang Joel 2:28, 29, gaya ng sinipi ni apostol Pedro noong araw ng Pentecostes: “Ibubuhos ko [Jehova] ang ilang bahagi ng aking espiritu sa bawat uri ng laman, at ang inyong mga anak na lalaki at ang inyong mga anak na babae ay manghuhula . . . At maging sa aking mga aliping lalaki at sa aking mga aliping babae ay ibubuhos ko ang ilang bahagi ng aking espiritu sa mga araw na iyon.” (Gawa 2:13-18) Makalipas ang Pentecostes 33 C.E., may panahon ding binigyan ang mga Kristiyanong babae ng mga kaloob ng espiritu. Nagsalita sila ng mga wikang banyaga at nanghula, pero hindi naman nangangahulugang gumawa sila ng mga prediksiyon kundi bumigkas lamang ng mga katotohanan sa Kasulatan.
Sa kaniyang sulat sa mga Kristiyano sa Roma, nalulugod si apostol Pablo na banggitin ang hinggil kay “Febe na ating kapatid na babae,” anupat inirekomenda siya ni Pablo sa kanila. Binanggit din niya sina Trifena at Trifosa, at tinawag silang “mga babaing nagpapagal sa Panginoon.” (Roma 16:1, 2, 12) Bagaman ang mga babaing ito ay hindi inatasan ng anumang posisyon sa sinaunang kongregasyong Kristiyano, sila at ang marami pang ibang babae ay may pribilehiyo na mapili ng Diyos upang makasama ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, sa makalangit na Kaharian.—Roma 8:16, 17; Galacia 3:28, 29.
Isa ngang napakarangal at napakahalagang pribilehiyo ang tinatamasa ngayon ng mga makadiyos na kababaihan! “Si Jehova ang nagbibigay ng pananalita; ang mga babaing naghahayag ng mabuting balita ay isang malaking hukbo,” ang sabi ng Awit 68:11. Karapat-dapat bigyan ng komendasyon ang gayong mga babae. Halimbawa, ang kanilang kahusayan sa pagtuturo sa mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya ay umaakay sa marami na tanggapin ang tunay na mga turo na nakalulugod sa Diyos. Karapat-dapat din sa papuri ang mga may-asawang Kristiyanong kababaihan na tumutulong sa kanilang mga anak na maging mga mananampalataya at umaalalay sa kani-kanilang asawa na may maraming atas sa kongregasyon. (Kawikaan 31:10-12, 28) Mayroon ding marangal na papel sa kaayusan ng Diyos ang mga babaing walang asawa, at ang mga Kristiyanong lalaki ay hinihimok na “mamanhik . . . sa matatandang babae gaya ng sa mga ina, sa mga nakababatang babae gaya ng sa mga kapatid na babae nang may buong kalinisan.”—1 Timoteo 5:1, 2.
Iba’t Ibang Atas ng mga Lalaki
Ang isang Kristiyanong lalaki ay may bigay-Diyos na papel at inaasahang gagampanan niya ito. Sinabi ni Pablo: “Nais kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.” (1 Corinto 11:3) Ang lalaki ay may ulo rin—ang Kristo. Kaya nga, ang lalaki ay mananagot kay Kristo at higit sa lahat, sa Diyos. At inaasahan ng Diyos na maibiging gagampanan ng lalaki ang kaniyang pagkaulo. (Efeso 5:25) Ganito na ang kaayusan sapol nang lalangin ang tao.
Ipinakikita ng Bibliya na binigyan ng Diyos ang lalaki ng mga atas kasuwato ng kaniyang papel bilang ulo. Halimbawa, inatasan ni Jehova ang lalaking si Noe na magtayo ng arka para sa pag-iingat ng buhay noong panahon ng Baha. (Genesis 6:9–7:24) Pinangakuan ang lalaking si Abraham na sa pamamagitan ng kaniyang binhi, pagpapalain ng lahat ng pamilya at mga bansa sa lupa ang kanilang sarili. Ang pangunahing bahagi ng binhing iyon ay si Kristo Jesus. (Genesis 12:3; 22:18; Galacia 3:8-16) Inatasan ng Diyos ang lalaking si Moises na pangunahan ang mga Israelita palabas ng Ehipto. (Exodo 3:9, 10, 12, 18) Sa pamamagitan ni Moises, ibinigay ni Jehova ang kodigo ng mga kautusan na kilala bilang tipang Kautusan, o Kautusang Mosaiko. (Exodo 24:1-18) Bukod diyan, ang lahat ng manunulat ng Bibliya ay mga lalaki.
Bilang Ulo ng kongregasyong Kristiyano, “nagbigay [si Jesus] ng mga kaloob na mga tao,” na sa orihinal na Griego ay tumutukoy sa pangngalang panlalaki. (Efeso 1:22; 4:7-13) Nang isulat ang mga kuwalipikasyon para sa mga tagapangasiwa, mga lalaki ang tinutukoy ni Pablo. (1 Timoteo 3:1-7; Tito 1:5-9) Kaya ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay pinaglilingkuran ng mga lalaking tagapangasiwa, o mga elder, at ng mga lalaking inatasan bilang mga ministeryal na lingkod. (Filipos 1:1, 2; 1 Timoteo 3:8-10, 12) Mga lalaki lamang ang maglilingkod bilang mga pastol sa kongregasyong Kristiyano. (1 Pedro 5:1-4) Gayunman, gaya ng natalakay na, mayroong marangal at bigay-Diyos na mga pribilehiyo ang mga babae.
Maligaya sa Kani-kanilang mga Papel
Nagdudulot ng kaligayahan kapuwa sa mga lalaki at sa mga babae ang pagganap nila ng kani-kanilang bigay-Diyos na mga papel. Nagiging maligaya ang pagsasama ng mga mag-asawa kapag tinutularan ng mga asawang lalaki at mga asawang babae ang halimbawa ni Kristo at ng kaniyang kongregasyon. “Mga asawang lalaki,” ang isinulat ni Pablo, “patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito . . . Ibigin din ng bawat isa sa inyo ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili.” (Efeso 5:25-33) Samakatuwid, hinihilingan ang mga asawang lalaki na gampanan ang kanilang pagkaulo, hindi sa makasariling paraan, kundi sa maibiging paraan. Ang kongregasyon ni Kristo ay hindi binubuo ng sakdal na mga tao. Subalit nagpakita si Jesus ng pag-ibig at pagmamalasakit dito. Sa katulad na paraan, ang Kristiyanong asawang lalaki ay dapat magpakita ng pag-ibig at pagmamalasakit sa kaniyang asawa.
Ang asawang babae naman ay “dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” (Efeso 5:33) May kinalaman dito, maaari niyang tularan ang kongregasyon bilang halimbawa. Sinasabi ng Efeso 5:21-24: “Magpasakop kayo sa isa’t isa sa takot kay Kristo. Ang mga asawang babae ay magpasakop sa kani-kanilang asawang lalaki gaya ng sa Panginoon, sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae kung paanong ang Kristo rin ay ulo ng kongregasyon, yamang siya ang tagapagligtas ng katawang ito. Sa katunayan, kung paanong ang kongregasyon ay nagpapasakop sa Kristo, maging gayundin ang mga asawang babae sa kani-kanilang asawang lalaki sa bawat bagay.” Bagaman nahihirapan kung minsan ang asawang babae na magpasakop sa kaniyang asawa, ito ay “nararapat [angkop, wasto] sa Panginoon.” (Colosas 3:18) Hindi siya mahihirapang magpasakop sa kaniyang asawang lalaki kung palagi niyang iisipin na kaayaaya ito sa Panginoong Jesu-Kristo.
Kahit na hindi niya kapananampalataya ang kaniyang asawa, ang Kristiyanong asawang babae ay kailangang magpasakop sa kaniyang pagkaulo. Sinabi ni apostol Pedro: “Kayong mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyu-inyong asawang lalaki, upang, kung ang sinuman ay hindi masunurin sa salita, mawagi sila nang walang salita sa pamamagitan ng paggawi ng kani-kanilang asawang babae, dahil sa pagiging mga saksi sa inyong malinis na paggawi na may kalakip na matinding paggalang.” (1 Pedro 3:1, 2) Si Sara, na nagpakita ng paggalang sa kaniyang asawang si Abraham, ay nagkaroon ng pribilehiyo na maging ina ni Isaac at ninuno ni Jesu-Kristo. (Hebreo 11:11, 12; 1 Pedro 3:5, 6) Kapag tinutularan ng mga asawang babae si Sara, tiyak na pagpapalain sila ng Diyos.
May kapayapaan at pagkakaisa kapag ginagampanan ng mga lalaki at mga babae ang kanilang bigay-Diyos na mga papel. Dahil dito, nakadarama sila ng kasiyahan at kaligayahan. Bukod diyan, nagiging marangal ang isa kapag sinusunod niya ang mga kahilingan ng Kasulatan alinsunod sa kaniyang natatanging dako sa kaayusan ng Diyos.
[Kahon sa pahina 7]
Kung Ano ang Pangmalas Nila sa Kanilang Bigay-Diyos na Papel
“Maibigin at mabait ang aking asawa sa pagganap niya ng kaniyang papel bilang ulo,” ang sabi ni Susan. “Karaniwan nang pinag-uusapan namin ang mga bagay-bagay, at kapag nagpasiya siya sa kung ano ang dapat gawin o hindi dapat gawin, alam kong sa ikabubuti namin iyon. Napakasaya ko at napakatibay ng aming pagsasama bilang mag-asawa dahil sa kaayusan ni Jehova para sa mga Kristiyanong asawang babae. Malapít kami sa isa’t isa at nagtutulungan upang maabot namin ang aming espirituwal na mga tunguhin.”
Isang babaing nagngangalang Mindy ang nagsabi: “Ang papel na ibinigay ni Jehova sa kaniyang mga lingkod na babae ay katunayan ng kaniyang pagmamahal sa atin. Para sa akin, ang pag-uukol ko sa aking asawa ng karangalan at paggalang, pati na ang pagsuporta ko sa kaniya sa kaniyang mga tungkulin sa kongregasyon ay paraan ko para maipakita ang aking pasasalamat kay Jehova sa kaayusang ito.”
[Mga larawan sa pahina 5]
Binigyan ng Diyos sina Noe, Abraham, at Moises ng iba’t ibang atas kasuwato ng papel ng lalaki bilang ulo
[Larawan sa pahina 7]
“Ang mga babaing naghahayag ng mabuting balita ay isang malaking hukbo”