Lalaki at Babae—Ginawa Para sa Isa’t Isa
Lalaki at Babae—Ginawa Para sa Isa’t Isa
MULA’T SAPOL ay nais na ng lalaki at babae na magkasama. Nagmula sa Diyos ang pagnanais na ito. Nakita ni Jehova na hindi mabuti para sa unang lalaki, si Adan, na manatiling nag-iisa. Kaya gumawa ang Diyos ng “isang katulong para sa [lalaki], bilang kapupunan niya.”
Nagpasapit si Jehova kay Adan ng isang mahimbing na tulog, at pagkatapos ay kinuha niya ang isa sa mga tadyang ni Adan at “ang tadyang . . . ay ginawa niyang isang babae at dinala niya ito sa lalaki.” Tuwang-tuwa si Adan nang makita niya ang magandang lalang na ito ni Jehova anupat nasabi niya: “Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman.” Ang sakdal na babaing ito, si Eva, na may maiinam na katangiang pambabae, ay talaga namang kaibig-ibig. At ang sakdal na si Adan, na may mga katangiang panlalaki, ay karapat-dapat sa paggalang. Ginawa sila para sa isa’t isa. Sinasabi ng Bibliya: “Iyan ang dahilan kung bakit iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.”—Genesis 2:18-24.
Gayunman, sa ngayon, nagkakawatak-watak ang mga pamilya, at kadalasan nang pinangingibabawan ng kalupitan o kasakiman ang ugnayan ng lalaki at babae. Dahil sa kompetisyon sa pagitan ng lalaki at babae, nagkakaroon ng alitan at di-pagkakasundo. Ang lahat ng ito ay salungat sa layunin ng Diyos para sa lalaki at babae. Nilikha ang lalaki para gumanap ng kamangha-manghang papel sa lupa. Gagampanan naman ng babae ang natatangi at marangal na papel bilang kapupunan ng lalaki. Magtutulungan sila sa isa’t isa. Mula nang lalangin ang tao, may-katapatan nang sinisikap ng mga makadiyos na lalaki at babae na gampanan ang mga papel na ibinigay sa kanila ni Jehova, at nagdudulot ito sa kanila ng kaligayahan at kasiyahan. Anu-ano ang papel na ito, at paano natin ito magagampanan?
[Larawan sa pahina 3]
Nilikha ang lalaki at babae upang gampanan ang kanilang marangal na papel sa kaayusan ng Diyos