Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mahigit Nang 100 Taóng Gulang Pero May Layunin sa Buhay

Mahigit Nang 100 Taóng Gulang Pero May Layunin sa Buhay

Mahigit Nang 100 Taóng Gulang Pero May Layunin sa Buhay

KABILANG si Elin sa 60 taga-Sweden na nasa talaan ngayon ng mga taong ang edad ay nasa 105 anyos o higit pa. Siya mismo ay 105 anyos na. Bagaman sa home for the aged na siya nakatira, kaya pa rin ng kaniyang kalusugan na aktibong maglingkod bilang isang Saksi ni Jehova, ang landasin ng buhay na pinili niya mahigit 60 taon na ang nakalilipas.

Sa pangangaral sa iba, tinutularan ni Elin ang halimbawa ni apostol Pablo nang siya ay nakabilanggo sa tinitirhan niya. Pinangaralan ni Pablo ang lahat ng naging bisita niya. (Gawa 28:16, 30, 31) Sa katulad na paraan, sinamantala ni Elin ang lahat ng pagkakataon na ibahagi ang mabuting balitang nasa Bibliya sa mga tagapaglinis, dentista, doktor, manggugupit at tagaayos ng buhok, nars, at iba pa na nakikilala niya roon. Sa pana-panahon, dinadalaw si Elin ng kaniyang mga kapananampalatayang mula sa kongregasyong kinauugnayan niya at isinasama pa nga ng mga ito ang kanilang mga estudyante sa Bibliya upang makinabang sila sa kaniyang kaalaman at karanasan.

Humahanga ang mga kakongregasyon ni Elin sa kaniyang pagkamasayahin at pagkamausisa. Sinabi ng isang Saksi: “Kahanga-hanga ang kaniyang kakayahang umalinsabay sa mga gawain ng kongregasyon. Natatandaan niya ang mga pangalan ng lahat ng bata pati na ang mga bagong ugnay sa kongregasyon.” Kilalá rin si Elin sa kaniyang pagkamapagpatuloy, pagiging mapagpatawa at positibo.

Ano ang nakatulong kay Elin na panatilihin ang kaniyang kagalakan at manatiling nakatuon ang pansin sa kaniyang layunin sa buhay? Nagbabasa siya ng isang teksto sa Kasulatan araw-araw mula sa buklet na Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Sa tulong ng magnifying glass, nagbabasa rin siya ng isang bahagi ng Bibliya araw-araw. Naghahanda si Elin para sa lingguhang pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova, at kahit na hindi siya nakadadalo ng pulong dahil sa kaniyang mahinang pangangatawan, nakikinig siya sa mga rekording ng mga pulong na ito. Ang regular na pagbabasa ng Bibliya at ng salig-Bibliyang mga publikasyon at ang regular na pagdalo sa mga pagpupulong ay makatutulong sa atin na magkaroon ng kasiya-siyang buhay na may layunin anuman ang edad natin.​—Awit 1:2; Hebreo 10:24, 25.