Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Isaias—II

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Isaias—II

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Isaias—II

MAY-KATAPATANG tinutupad ni Isaias ang kaniyang atas bilang propeta. Natupad na ang mga kapahayagan niya laban sa sampung-tribong kaharian ng Israel. Ngayon ay mayroon pa siyang ipahahayag hinggil sa sasapitin ng Jerusalem.

Wawasakin ang lunsod ng Jerusalem, at dadalhing bihag ang mga tumatahan dito. Gayunman, hindi ito mananatiling wasak. Paglipas ng isang yugto ng panahon, isasauli ang tunay na pagsamba. Ito ang pangunahing mensahe ng Isaias 36:1–66:24. * Makikinabang tayo sa pagsasaalang-alang sa nilalaman ng mga kabanatang ito dahil marami sa mga hula sa bahaging ito ang may malaki, o pangwakas, na katuparan sa ating panahon o matutupad pa sa malapit na hinaharap. Ang bahaging ito ng aklat ng Isaias ay naglalaman din ng kapana-panabik na mga hula hinggil sa Mesiyas.

“NARITO! ANG MGA ARAW AY DUMARATING”

(Isaias 36:1–39:8)

Noong ika-14 na taon ng paghahari ni Haring Hezekias (732 B.C.E.), sinalakay ng mga Asiryano ang Juda. Nangako si Jehova na ipagtatanggol niya ang Jerusalem. Nagwakas ang banta ng pagsalakay nang patayin ng isang anghel ni Jehova ang 185,000 sundalong Asiryano.

Nagkasakit si Hezekias. Sinagot ni Jehova ang kaniyang panalangin at pinagaling siya, anupat dinagdagan ng 15 taon ang kaniyang buhay. Nang magpadala ang hari ng Babilonya ng mga kinatawan upang batiin siya, may-kamangmangang ipinakita sa kanila ni Hezekias ang lahat ng kaniyang kayamanan. Ipinahayag ni Isaias kay Hezekias ang mensahe ni Jehova, na sinasabi: “Narito! Ang mga araw ay dumarating, at ang lahat ng nasa iyong sariling bahay at inimbak ng iyong mga ninuno hanggang sa araw na ito ay dadalhin nga sa Babilonya.” (Isaias 39:5, 6) Makalipas ang mahigit 100 taon, natupad ang hula.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

38:8—Ano ang “mga baytang” kung saan pinabalik ang anino? Yamang ang mga sundial ay ginagamit sa Ehipto at sa Babilonya noong ikawalong siglo B.C.E., ang mga baytang na ito ay maaaring tumukoy sa mga digri ng isang sundial na posibleng nakuha ng ama ni Hezekias na si Ahaz. O baka may hagdanan sa loob ng palasyo. Marahil, makikita sa mga baytang ang anino ng isang haligi sa gilid ng hagdanan, na maaaring nagsisilbing talaorasan.

Mga Aral Para sa Atin:

36:2, 3, 22. Bagaman tinanggal sa pagiging katiwala, pinahintulutan si Sebna na patuloy na maglingkod sa hari bilang kalihim ng taong pumalit sa kaniya bilang katiwala. (Isaias 22:15, 19) Kung sa anumang kadahilanan ay inalis sa atin ang isang pribilehiyo ng paglilingkod sa organisasyon ni Jehova, hindi ba’t dapat tayong magpatuloy na maglingkod sa Diyos anumang atas ang ibigay niya sa atin?

37:1, 14, 15; 38:1, 2. Sa panahon ng kapighatian, matalino tayo kung mananalangin tayo kay Jehova at lubusang magtitiwala sa kaniya.

37:15-20; 38:2, 3. Nang pagbantaan ng Asirya ang Jerusalem, ang pangunahing ikinabahala ni Hezekias ay ang upasalang idudulot sa pangalan ni Jehova kung babagsak ang Jerusalem. Nang malaman niyang nakamamatay ang kaniyang sakit, inisip ni Hezekias hindi lamang ang kaniyang sariling kapakanan. Higit niyang ikinabahala ang magiging epekto sa Davidikong linya ng mga hari kapag namatay siya nang walang tagapagmana. Ikinabahala rin niya kung sino ang mangunguna sa pakikipagdigma laban sa mga Asiryano. Tulad ni Hezekias, mas mahalaga sa atin ang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova at ang katuparan ng kaniyang layunin kaysa sa ating kaligtasan.

38:9-20. Itinuturo sa atin ng awit na ito ni Hezekias na ang pinakamahalaga sa buhay ay ang pagpuri kay Jehova.

“SIYA AY MULING ITATAYO”

(Isaias 40:1–59:21)

Pagkatapos na pagkatapos ihula ang pagkawasak ng Jerusalem at ang pagkabihag nito sa Babilonya, inihula ni Isaias ang magaganap na pagsasauli. (Isaias 40:1, 2) “Siya [Jerusalem] ay muling itatayo,” ang sabi sa Isaias 44:28. Ang mga idolo ng mga diyos ng Babilonya ay bibitbitin gaya ng “mga dala-dalahan.” (Isaias 46:1) Wawasakin ang Babilonya. Natupad ang lahat ng ito pagkalipas ng dalawang siglo.

Ibibigay ni Jehova ang kaniyang lingkod bilang “liwanag ng mga bansa.” (Isaias 49:6) Ang “langit,” o mga taong namamahala sa Babilonya, ay “mangangalat na gaya ng usok,” at ang kaniyang mga sakop ay “mamamatay na tulad ng isang hamak na niknik”; pero ‘kakalagin ng bihag na anak na babae ng Sion ang panali na nasa leeg nito.’ (Isaias 51:6; 52:2) Ganito ang sinabi ni Jehova sa mga lumalapit at nakikinig sa kaniya: “Malugod akong makikipagtipan sa inyo ng isang tipan na namamalagi nang walang takda may kaugnayan sa . . . mga maibiging-kabaitan kay David.” (Isaias 55:3) Kapag ang isa ay namuhay kasuwato ng matuwid na mga kahilingan ng Diyos, masusumpungan niya ang “masidhing kaluguran kay Jehova.” (Isaias 58:14) Sa kabilang panig naman, ang mga kamalian ng bayan ang naging ‘sanhi ng paghihiwalay sa pagitan nila at ng kanilang Diyos.’​—Isaias 59:2.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

40:27, 28—Bakit sinabi ng Israel: “Ang aking daan ay nakubli mula kay Jehova, at ang katarungan para sa akin ay nakalalampas sa aking Diyos”? Maaaring inakala ng ilang Judio sa Babilonya na nakukubli mula kay Jehova o hindi niya nakikita ang kawalang-katarungang nararanasan nila. Ipinaalaala sa kanila na batid ng Maylalang ng lupa ang nagaganap sa Babilonya at na hindi siya napapagod o nanlulupaypay.

43:18-21—Bakit sinabihan ang bumalik na mga tapon na ‘huwag alalahanin ang mga dating bagay’? Hindi ito nangangahulugan na kalilimutan na nila ang nakalipas na mga gawa ng pagliligtas ni Jehova. Sa halip, nais ni Jehova na purihin nila siya batay sa “isang bagong bagay” na mararanasan nila mismo, gaya ng kanilang ligtas na paglalakbay patungo sa Jerusalem, marahil ay sa pagdaan sa isang mas maikling ruta sa disyerto. Ang “isang malaking pulutong” na lumabas mula sa “malaking kapighatian” ay magkakaroon din ng bago at personal na mga dahilan upang luwalhatiin si Jehova.​—Apocalipsis 7:9, 14.

49:6—Paano naging “liwanag ng mga bansa” ang Mesiyas bagaman para lamang sa mga anak ni Israel ang kaniyang ministeryo sa lupa? Tinawag si Jesus nang gayon dahil sa nangyari pagkatapos ng kaniyang kamatayan. Ikinapit ng Bibliya ang Isaias 49:6 sa kaniyang mga alagad. (Gawa 13:46, 47) Sa ngayon, ang mga pinahirang Kristiyano, sa tulong ng isang malaking pulutong ng mga mananamba, ay nagsisilbing “liwanag ng mga bansa,” anupat nagtuturo sa mga tao “hanggang sa dulo ng lupa.”​—Mateo 24:14; 28:19, 20.

53:10—Sa anong diwa nalugod si Jehova na siilin ang kaniyang Anak? Tiyak na nasaktan si Jehova, ang Diyos na mahabagin at may empatiya, nang makita niyang nagdurusa ang kaniyang minamahal na Anak. Gayunpaman, nalugod Siya sa kusang-loob na pagsunod ni Jesus at sa lahat ng maisasakatuparan ng pagdurusa at kamatayan nito.​—Kawikaan 27:11; Isaias 63:9.

53:11—Anong kaalaman ang gagamitin ng Mesiyas upang ‘madala sa matuwid na katayuan ang maraming tao’? Ito ang kaalaman na nakamit ni Jesus nang siya ay pumarito sa lupa, maging isang tao, at magdusa ng kawalang-katarungan hanggang sa kamatayan. (Hebreo 4:15) Sa gayon ay naglaan siya ng haing pantubos, na kinakailangan upang matulungan ang mga pinahirang Kristiyano at ang malaking pulutong na makamit ang matuwid na katayuan sa harap ng Diyos.​—Roma 5:19; Santiago 2:23, 25.

56:6—Sino ang “mga banyaga,” at sa anu-anong paraan sila “nanghahawakan sa . . . tipan [ni Jehova]”? Ang “mga banyaga” ay ang “ibang mga tupa” ni Jesus. (Juan 10:16) Nanghahawakan sila sa bagong tipan sa diwa na sila ay sumusunod sa mga batas na may kaugnayan sa tipang iyan, lubos na nakikipagtulungan sa mga kaayusang nakasalig dito, nakikibahagi sa espirituwal na pagkaing tinatanggap ng mga pinahirang Kristiyano, at sumusuporta sa mga ito sa pangangaral hinggil sa Kaharian at paggawa ng alagad.

Mga Aral Para sa Atin:

40:10-14, 26, 28. Si Jehova ay malakas at mahinahon, makapangyarihan-sa-lahat at marunong-sa-lahat, at di-hamak na mas dakila sa kaunawaan kaysa sa kaya nating arukin.

40:17, 23; 41:29; 44:9; 59:4. Ang pulitikal na mga alyansa at mga idolo ay mga “kabulaanan.” Walang kabuluhan ang magtiwala sa mga ito.

42:18, 19; 43:8. Kung ipagwawalang-bahala natin ang nasusulat na Salita ng Diyos at hindi pakikinggan ang kaniyang tagubilin sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin,” tayo’y ituturing na bulag at bingi sa espirituwal.​—Mateo 24:45.

43:25. Pinapawi ni Jehova ang mga pagsalansang alang-alang sa kaniya. Ang ating paglaya mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan at pagtatamo ng buhay ay pangalawa lamang sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova.

44:8. Taglay natin ang suporta ni Jehova, na kasintatag ng isang bato. Hinding-hindi tayo dapat matakot na magpatotoo tungkol sa kaniyang pagka-Diyos!​—2 Samuel 22:31, 32.

44:18-20. Ang idolatriya ay tanda ng katiwalian ng puso. Walang anumang bagay ang dapat pumalit kay Jehova sa kaniyang dako sa ating puso.

46:10, 11. Ang kakayahan niyang ‘mapanatili ang kaniyang pasiya,’ samakatuwid nga, tuparin ang kaniyang layunin, ay di-mapag-aalinlanganang patotoo ng pagka-Diyos ni Jehova.

48:17, 18; 57:19-21. Kung tayo ay magtitiwala kay Jehova ukol sa kaligtasan, magiging malapít sa kaniya, at magtutuon ng pansin sa kaniyang mga utos, ang ating kapayapaan ay darami gaya ng tubig sa isang umaagos na ilog at ang ating matuwid na mga gawa ay mananagana gaya ng mga alon sa dagat. Ang mga taong hindi nakikinig sa Salita ng Diyos ay gaya ng “dagat na umaalimbukay.” Wala silang kapayapaan.

52:5, 6. Inakala ng mga Babilonyo na mahina ang tunay na Diyos. Hindi nila natanto na ang pagkaalipin ng Israel ay bunga ng pagkayamot ni Jehova sa kaniyang bayan. Kapag dumanas ng kapahamakan ang iba, isang katalinuhan na hindi tayo magpapadalus-dalos sa paggawa ng mga konklusyon hinggil sa sanhi nito.

52:7-9; 55:12, 13. Mayroon tayong di-kukulangin sa tatlong dahilan kung bakit dapat tayong makibahagi nang may kagalakan sa pangangaral hinggil sa Kaharian at sa paggawa ng alagad. Para sa mga mapagpakumbabang nagugutom sa espirituwal, maganda ang ating mga paa. Nakikita natin si Jehova nang “mata sa mata,” o may malapit tayong kaugnayan sa kaniya. Natatamasa rin natin ang espirituwal na kasaganaan.

52:11, 12. Upang maging kuwalipikado sa pagdadala ng “mga kagamitan ni Jehova”​—ang kaniyang mga paglalaan para sa sagradong paglilingkod—​dapat tayong maging malinis sa espirituwal at sa moral.

58:1-14. Walang kabuluhan ang mapagpaimbabaw na pagpapakita ng debosyon at katuwiran. Dapat palaging magpakita ng taimtim na debosyon sa Diyos at pag-ibig na pangkapatid ang mga tunay na mananamba.​—Juan 13:35; 2 Pedro 3:11.

59:15b-19. Pinagmamasdan ni Jehova ang gawain ng mga tao at namamagitan dito sa kaniyang itinakdang panahon.

SIYA AY “MAGIGING ISANG KORONA NG KAGANDAHAN”

(Isaias 60:1–66:24)

Sa pagtukoy sa pagsasauli sa tunay na pagsamba sa sinaunang panahon gayundin sa ating panahon, sinabi ng Isaias 60:1: “Bumangon ka, O babae, magpasinag ka ng liwanag, sapagkat ang iyong liwanag ay dumating na at sa iyo ay sumikat na ang mismong kaluwalhatian ni Jehova.” Ang Sion ay “magiging isang korona ng kagandahan sa kamay ni Jehova.”​—Isaias 62:3.

Nanalangin si Isaias kay Jehova alang-alang sa kaniyang mga kababayang magsisisi sa panahon ng kanilang pagkatapon sa Babilonya. (Isaias 63:15–64:12) Matapos paghambingin ang mga tunay na lingkod at mga huwad na lingkod, ipinahayag ng propeta kung paano pagpapalain ni Jehova ang mga naglilingkod sa Kaniya.​—Isaias 65:1–66:24.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

61:8, 9—Ano ang “tipan na namamalagi nang walang takda,” at sino ang mga “supling”? Ito ang bagong tipan na ipinakipagtipan ni Jehova sa mga pinahirang Kristiyano. Ang mga “supling” ay ang “ibang mga tupa”​—ang milyun-milyong tumugon sa kanilang mensahe.​—Juan 10:16.

63:5—Paanong umaalalay sa Diyos ang kaniyang pagngangalit? Ang pagngangalit ng Diyos ay isang kontroladong damdamin​—ang kaniyang matuwid na pagkagalit. Inaalalayan at pinakikilos siya ng kaniyang pagngangalit sa paglalapat ng kaniyang matuwid na mga kahatulan.

Mga Aral Para sa Atin:

64:6. Hindi kayang iligtas ng di-sakdal na mga tao ang kanilang sarili. Ang kanilang matuwid na mga gawa ay gaya lamang ng maruruming kasuutan pagdating sa pagbabayad-sala sa kanilang mga kasalanan.​—Roma 3:23, 24.

65:13, 14. Pinagpapala ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod, anupat saganang sinasapatan ang kanilang espirituwal na pangangailangan.

66:3-5. Kinapopootan ni Jehova ang pagpapaimbabaw.

“Magbunyi Kayo”

Tiyak na napakalaking kaaliwan para sa mga tapat na Judiong naninirahan bilang tapon sa Babilonya ang mga hula ng pagsasauli! “Magbunyi kayo,” ang sabi ni Jehova, “at magalak magpakailanman sa aking nilalalang. Sapagkat narito, nilalalang ko ang Jerusalem bilang sanhi ng kagalakan at ang kaniyang bayan bilang sanhi ng pagbubunyi.”​—Isaias 65:18.

Tayo rin ay nabubuhay sa panahong nababalutan ng kadiliman ang lupa at natatakpan ng makapal na karimlan ang mga bansa. (Isaias 60:2) Naririto na ang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Kaya napakalaking pampatibay-loob sa atin ang mensahe ni Jehova ukol sa kaligtasan na mababasa sa aklat ng Bibliya na Isaias.​—Hebreo 4:12.

[Talababa]

^ par. 2 Para sa pagtalakay sa Isaias 1:1–35:10, tingnan “Ang Salita ni Jehova ay Buháy​—Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Isaias—I” sa Disyembre 1, 2006, isyu ng Ang Bantayan.

[Larawan sa pahina 8]

Alam mo ba ang pangunahing dahilan kung bakit nanalangin si Hezekias na maligtas ang bayan mula sa mga Asiryano?

[Larawan sa pahina 11]

“Pagkaganda-ganda sa ibabaw ng mga bundok ng mga paa niyaong nagdadala ng mabuting balita!”