Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sa anong diwa nakasumpong ang tagapagtipon ng “isang lalaki sa isang libo” subalit hindi ng “isang babae sa lahat ng mga ito”?—Eclesiastes 7:28.
Upang maunawaan nang wasto ang kinasihang mga salitang ito, dapat muna nating maunawaan kung ano ang pangmalas ng Diyos sa mga babae. Tinawag ng Bibliya si Ruth, ang manugang na babae ng balong si Noemi, na “isang mahusay na babae.” (Ruth 3:11) Ayon sa Kawikaan 31:10, ang mabuting asawang babae ay “malayong higit kaysa sa mga korales.” Kung gayon, ano ang ibig sabihin ni Haring Solomon ng sinaunang Israel nang sabihin niya: “Isang lalaki sa isang libo ang nasumpungan ko, ngunit ang isang babae sa lahat ng mga ito ay hindi ko nasumpungan”?
Ipinakikita ng konteksto na malamang na mababa ang mga pamantayang moral ng kababaihan noong panahon ni Solomon. (Eclesiastes 7:26) Malaki ang posibilidad na resulta ito ng impluwensiya ng mga babaing banyaga na sumasamba kay Baal. Maging si Haring Solomon ay nadala sa impluwensiya ng kaniyang maraming asawang banyaga. “Nagkaroon siya ng pitong daang asawa, mga prinsesa, at tatlong daang babae,” ang sabi ng Bibliya, “at sa kalaunan ay ikiniling ng kaniyang mga asawa ang kaniyang puso” na sumamba sa huwad na mga diyos. (1 Hari 11:1-4) Mababa rin ang mga pamantayang moral ng mga kalalakihan—bihirang makasumpong ng isang lalaking matuwid sa isang libo, halos wala pa nga. “Ito lamang ang nasumpungan ko,” ang konklusyon ni Solomon, “na ginawang matuwid ng tunay na Diyos ang mga tao, ngunit sila sa ganang sarili ay humanap ng maraming plano.” (Eclesiastes 7:29) Ito ay konklusyon tungkol sa sangkatauhan—sa tao sa pangkalahatan, hindi sa lalaki kung ihahambing sa babae. Kaya ang pananalita sa Eclesiastes 7:28 ay dapat ituring na komento hinggil sa pangkalahatang kalagayan ng moralidad ng mga tao noong panahon ni Solomon.
Gayunman, may iba pang posibleng kahulugan ang talatang ito. Maaaring makahula rin ito, yamang wala pang sinumang babae na nakapag-ukol kay Jehova ng sakdal na pagkamasunurin. Subalit may isang lalaki na nakagawa nito—si Jesu-Kristo.—Roma 5:15-17.
[Larawan sa pahina 31]
“Isang lalaki sa isang libo”