Pananatiling Matatag Kapag Nagrebelde ang Isang Anak
Pananatiling Matatag Kapag Nagrebelde ang Isang Anak
SINIKAP ng isang Kristiyanong babae na tatawagin nating Joy na mapalaking may pag-ibig sa Diyos na Jehova ang kaniyang anak na lalaki. Subalit sa mga huling taon ng pagkatin-edyer ng kaniyang anak, nagrebelde ito at lumayas sa kanilang tahanan. “Ito ang pinakamapait kong karanasan sa buhay,” ang sabi ni Joy. “Talagang nasaktan ako, nadurog ang puso ko, at bigung-bigo ako. Puro negatibong mga bagay ang naiisip ko.”
Marahil, sinikap mo rin na mapalaking umiibig at naglilingkod sa Diyos ang iyong mga anak, pero nang maglaon, isa o higit pa ang tumalikod sa Kaniya. Paano mo makakayanan ang gayong mapait na kabiguan? Ano ang makatutulong sa iyo na manatiling matatag sa iyong paglilingkuran kay Jehova?
Nang Maghimagsik ang mga Anak ni Jehova
Una, dapat mong mabatid na alam na alam ni Jehova ang nadarama mo. Ganito ang mababasa natin sa Isaias 49:15: “Malilimutan ba ng asawang babae ang kaniyang pasusuhin anupat hindi niya kahahabagan ang anak ng kaniyang tiyan? Maging ang mga babaing ito ay makalilimot, ngunit ako ay hindi makalilimot sa iyo.” Oo, nadarama ni Jehova ang karaniwang nadarama ng mga ama at ina. Kaya gunigunihin ang kasiyahang nadama niya nang ang lahat ng kaniyang anghelikong mga anak ay pumupuri at naglilingkod sa kaniya. Nang sagutin niya ang patriyarkang si Job “mula sa buhawi,” naalaala ni Jehova ang maliligayang panahon kasama ang kaniyang pamilya ng mga espiritung nilalang, anupat sinabi: “Nasaan ka nang itatag ko ang lupa? . . . Nang magkakasamang humiyaw nang may kagalakan ang mga bituing pang-umaga, at nang sumigaw sa pagpuri ang lahat ng mga anak ng Diyos?”—Job 38:1, 4, 7.
Nang maglaon, naghimagsik laban sa tunay na Diyos ang isa sa kaniyang sakdal na anghelikong mga anak at naging Satanas, na nangangahulugang “Mananalansang.” Naghimagsik din laban kay Jehova ang kaniyang unang taong anak, si Adan, at ang sakdal na asawa nito na si Eva. (Genesis 3:1-6; Apocalipsis 12:9) Sa kalaunan, ‘iniwan ng iba pang anghelikong mga anak ang kanilang sariling wastong tahanang dako’ at naghimagsik laban sa Diyos.—Judas 6.
Hindi sinasabi sa atin ng Kasulatan kung ano ang nadama ni Jehova nang maghimagsik ang ilan sa kaniyang sakdal na mga anak. Pero tuwirang sinasabi ng Bibliya: “Nakita ni Jehova na ang kasamaan ng tao ay laganap sa lupa at ang Genesis 6:5, 6) Gayundin, dahil sa paghihimagsik ng kaniyang piniling bayan, ang Israel, ‘nagdamdam’ at ‘nasaktan’ si Jehova.—Awit 78:40, 41.
bawat hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay masama na lamang sa lahat ng panahon. At ikinalungkot ni Jehova na ginawa niya ang mga tao sa lupa, at siya ay nasaktan sa kaniyang puso.” (Walang-alinlangang may empatiya si Jehova sa mga magulang na nakadarama ng kirot at sakit dahil sa paggawi ng mapaghimagsik na mga anak. Nagbigay siya ng mainam na payo at pampatibay-loob sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, upang tulungan ang gayong mga magulang na makayanan ang kanilang situwasyon. Hinihimok sila ng Diyos na ihagis sa kaniya ang kanilang kabalisahan, magpakababa, at manindigan laban kay Satanas na Diyablo. Tingnan natin kung paano ka matutulungan ng pagsunod sa payong ito upang makapanatili kang matatag kapag nagrebelde ang iyong anak.
Ihagis ang Iyong Kabalisahan kay Jehova
Alam ni Jehova na lubhang nababalisa ang mga magulang kapag nalalaman nilang nanganganib na mapahamak ang kanilang mga anak dahil sa ikinikilos ng mga ito o ng ibang tao. Binanggit ni apostol Pedro ang isang paraan upang makayanan ito at ang iba pang mga kabalisahan. Sumulat siya: ‘Ihagis ninyo kay Jehova ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.’ (1 Pedro 5:7) Bakit ang paanyaya at katiyakang ito ay partikular nang mahalaga sa mga magulang na may mapaghimagsik na anak?
Noong bata pa ang iyong anak, alisto ka sa pagsasanggalang sa kaniya mula sa mga panganib, at malamang na nakikinig siya sa iyong maibiging patnubay. Pero habang lumalaki siya, baka hindi na siya makinig sa lahat ng sinasabi mo, subalit masidhi pa rin ang pagnanais mong ipagsanggalang siya mula sa panganib. Sa katunayan, baka lalo pa nga itong sumidhi.
Bilang resulta, nang maghimagsik ang iyong anak at dumanas ng espirituwal, emosyonal, o pisikal na pinsala, baka nadama mong ikaw ang dapat sisihin. Ganiyan ang nadama ni Joy, na binanggit kanina. Sinabi niya: “Araw-araw akong nakadarama ng pagkabigo, anupat paulit-ulit kong iniisip ang nakaraan upang malaman kung saan ako nagkamali.” Sa gayong mga panahon lalo nang nais ni Jehova na ‘ihagis mo ang lahat ng iyong kabalisahan sa kaniya.’ Kung gagawin mo iyan, tutulungan ka niya. “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova,” ang sabi ng salmista, “at siya ang aalalay sa iyo. Hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.” (Awit 55:22) Naranasan ni Joy ang gayong kaaliwan. Ipinaliwanag niya: “Sinabi ko kay Jehova ang lahat ng niloloob ko. Basta ibinuhos ko sa kaniya ang damdamin ko, at napakalaking ginhawa nito.”
Bilang di-sakdal na magulang, maaaring nakagawa ka ng mga pagkakamali sa pagpapalaki sa iyong anak. Pero bakit mo pagtutuunan ng pansin ang mga ito? Maliwanag na hindi ito ginagawa ni Jehova, dahil ganito ang inawit ng kinasihang salmista: “Kung mga kamalian ang binabantayan mo, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo?” (Awit 130:3) Kahit na naging sakdal kang magulang, maaari pa ring magrebelde ang iyong anak. Kaya sabihin mo kay Jehova sa panalangin ang nadarama mo, at tutulungan ka niyang makayanan ang situwasyon. Gayunman, upang manatili kang matatag sa paglilingkod kay Jehova at maiwasan mong maging biktima ni Satanas, higit pa ang dapat mong gawin.
Magpakababa
“Magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos,” ang sulat ni Pedro, “upang maitaas niya kayo sa takdang panahon.” (1 Pedro 5:6) Bakit kailangan ng kapakumbabaan kapag nagrebelde ang iyong anak? Bukod sa paninisi sa sarili at kirot na dulot ng isang mapaghimagsik na anak, maaari ka ring mapahiya dahil dito. Maaari mong ikabahala na nasira ang reputasyon ng iyong pamilya dahil sa ginawa ng iyong anak, lalo na kung kailangan siyang itiwalag sa kongregasyong Kristiyano. Baka dahil sa panunumbat ng sariling budhi at pagkapahiya, mawalan ka na ng ganang dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong.
Dapat kang magpakita ng praktikal na karunungan sa pagharap sa gayong situwasyon. Nagbabala ang Kawikaan 18:1: “Ang nagbubukod ng kaniyang sarili ay naghahanap ng kaniyang makasariling hangarin; laban sa lahat ng praktikal na karunungan ay sasalansang siya.” Sa pamamagitan ng regular na pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong sa kabila ng iyong pamimighati, makatatanggap ka ng napakahalagang instruksiyon at pampatibay-loob. “Noong una, ayokong humarap sa kahit sino,” ang pag-amin ni Joy. “Pero palagi kong iniisip ang kahalagahan ng aking espirituwal na rutin. Tutal, kung magkukulong ako sa bahay, puro problema lang ang maiisip ko. Natulungan ako ng mga pagpupulong na magtuon ng pansin sa nakapagpapatibay na espirituwal na mga bagay. Mabuti na lamang at hindi ko ibinukod ang aking sarili. Nakinabang ako sa maibiging suporta ng aking mga kapatid.”—Hebreo 10:24, 25.
Tandaan din na ang bawat indibiduwal sa pamilya ay dapat ‘magdala ng kaniyang sariling pasan’ ng Kristiyanong pananagutan. (Galacia 6:5) Inaasahan ni Jehova na iibigin at didisiplinahin ng mga magulang ang kanilang mga anak. Inaasahan din niyang susundin at pararangalan ng mga anak ang kanilang mga magulang. Kung ginagawa ng mga magulang ang kanilang buong makakaya para mapalaki ang kanilang mga anak sa “disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova,” ang mga magulang mismo ay magkakaroon ng mabuting reputasyon sa harap ng Diyos. (Efeso 6:1-4) Kung maghimagsik ang isang anak laban sa maibiging disiplina ng magulang, reputasyon ng anak ang masisira. “Sa pamamagitan nga ng kaniyang mga gawa ay ipinakikilala ng isang bata kung ang kaniyang gawain ay dalisay at matuwid,” ang sabi ng Kawikaan 20:11. Tiyak na hindi nasira ng paghihimagsik ni Satanas ang reputasyon ni Jehova sa harap ng mga nakaaalam kung ano talaga ang nangyari.
Manindigan Laban sa Diyablo
“Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay,” ang babala ni Pedro. “Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.” (1 Pedro 5:8) Tulad ng isang leon, madalas na pinupuntirya ng Diyablo ang mga kabataan at walang karanasan. Noong sinauna, gumagala-gala ang mga leon sa Israel at nanganganib ang mga alagang hayop dahil dito. Kung hihiwalay ang isang kordero mula sa kawan, madali itong masisila. Maaaring likas sa isang tupang babae na isapanganib ang kaniyang buhay upang ipagsanggalang ang kordero niya. Pero kahit ang isang tupa na nasa hustong gulang ay walang kalaban-laban sa isang leon. Kaya kailangan ang matatapang na pastol upang maipagsanggalang ang kawan.—1 Samuel 17:34, 35.
Upang maipagsanggalang ang kaniyang makasagisag na mga tupa mula sa “leong umuungal,” nag-atas si Jehova ng espirituwal na mga pastol na mangangalaga sa kawan na nasa ilalim ng “punong pastol,” si Jesu-Kristo. (1 Pedro 5:4) Ganito ang payo ni Pedro sa gayong mga lalaking inatasan: “Pastulan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyong pangangalaga, hindi napipilitan, kundi maluwag sa kalooban; ni hindi dahil sa pag-ibig sa di-tapat na pakinabang, kundi may pananabik.” (1 Pedro 5:1, 2) Sa pakikipagtulungan ninyong mga magulang, maaaring matulungan ng mga pastol na ito ang isang kabataan na ituwid ang kaniyang landas sa espirituwal.
Kapag kailangang payuhan ng mga Kristiyanong pastol ang iyong mapaghimagsik na anak, baka maudyukan kang ipagtanggol ang iyong anak para hindi ito madisiplina. Subalit isang malaking pagkakamali kung gagawin mo iyan. Ganito ang sinabi ni Pedro: “Manindigan kayo laban sa [Diyablo]”—hindi laban sa espirituwal na mga pastol.—1 Pedro 5:9.
Kapag Matindi ang Disiplina
Kung hindi nagsisisi ang iyong anak at isa siyang bautisadong Kristiyano, baka tanggapin niya ang pinakamabigat na disiplina—ang matiwalag sa kongregasyon. Kung gayon, ang magiging pakikitungo mo sa kaniya ay nakadepende sa kaniyang edad at iba pang mga kalagayan.
Kung menor-de-edad ang iyong anak at naninirahang kasama mo, natural lamang na asikasuhin mo ang kaniyang pisikal na mga pangangailangan. Kailangan din niya ng pagsasanay sa moral at disiplina, at pananagutan mong ilaan ang mga ito. (Kawikaan 1:8-18; 6:20-22; 29:17) Baka nais mong magdaos sa kaniya ng pag-aaral sa Bibliya, na humihiling ng kaniya mismong pakikibahagi. Maaari mong ituon ang kaniyang pansin sa iba’t ibang kasulatan at sa mga publikasyong inilaan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45) Maaari mo ring isama ang iyong anak sa mga Kristiyanong pagpupulong at paupuin siya sa tabi mo. Maaaring gawin ang lahat ng ito sa pag-asang isasapuso niya ang maka-Kasulatang payo.
Iba naman ang kalagayan kung ang tiwalag ay hindi menor-de-edad at sa ibang bahay nakatira. Sinabihan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano sa sinaunang Corinto: “Tigilan ang pakikihalubilo sa sinumang tinatawag na kapatid na isang mapakiapid o taong sakim o mananamba sa idolo o manlalait o lasenggo o mangingikil, na huwag man lamang kumaing kasama ng gayong tao.” (1 Corinto 5:11) Bagaman sa ilang pagkakataon ay kailangang makipag-ugnayan sa tiwalag ang isang Kristiyanong magulang dahil sa pag-aasikaso sa ilang mahahalagang bagay hinggil sa pamilya, dapat pagsikapan ng magulang na iwasang makisama sa tiwalag hangga’t maaari.
Kapag dinisiplina ng mga Kristiyanong pastol ang isang nagkasalang anak, hindi katalinuhan na tanggihan o maliitin ang kanilang salig-Bibliyang pagkilos. Ang pagkampi sa iyong mapaghimagsik na anak ay hindi magbibigay sa kaniya ng tunay na proteksiyon laban sa Diyablo. Sa katunayan, isasapanganib mo pa nga ang iyong espirituwal na kalusugan. Sa kabilang panig naman, kung susuportahan mo ang pagsisikap ng mga pastol, mananatili kang “matatag sa pananampalataya” at maglalaan ka ng pinakamahusay na tulong para sa iyong anak.—1 Pedro 5:9.
Aalalayan Ka ni Jehova
Kung maghimagsik ang iyong anak, tandaan na hindi ka nag-iisa. Naranasan din iyan ng iba pang Kristiyanong mga magulang. Anumang pagsubok ang nararanasan natin, maaari tayong alalayan ni Jehova.—Awit 68:19.
Manalig kay Jehova sa panalangin. Regular na makisama sa kongregasyong Kristiyano. Suportahan ang disiplina ng inatasang mga pastol. Sa paggawa nito, makapananatili kang matatag. At ang mabuti mong halimbawa ay maaaring tumulong sa iyong anak na tumugon sa maibiging paanyaya ni Jehova na bumalik sa Kaniya.—Malakias 3:6, 7.
[Mga larawan sa pahina 18]
Kumuha ng lakas sa pamamagitan ng pananalangin at pakikisama sa kongregasyong Kristiyano