Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Samuel—Itinaguyod Niya ang Tunay na Pagsamba

Samuel—Itinaguyod Niya ang Tunay na Pagsamba

Samuel​—Itinaguyod Niya ang Tunay na Pagsamba

SINAWAY ng isang propeta ang kaniyang mga kapananampalatayang humihiling ng isang taong hari at hinimok niya sila na sundin ang Diyos. Upang mapatunayan ang kaniyang awtoridad, hiniling niya kay Jehova na magpasapit ng bagyo bilang tanda. Panahon ito ng pag-aani ng trigo, at bihirang-bihira ang mga bagyo sa Israel sa panahong ito ng taon. Gayunpaman, nagpasapit ang Diyos ng mga kulog at ulan. Dahil dito, lubhang natakot ang bayan kay Jehova at sa kaniyang kinatawan, si Samuel.​—1 Samuel 12:11-19.

Isang manunulat din si Samuel na propeta. Ang kaniyang makasaysayang mga ulat na punung-puno ng aksiyon ay sumasaklaw ng humigit-kumulang 330 taon at kasama sa mga ito ang kamangha-manghang mga gawa ng mga Hukom ng Israel. Halimbawa, ang totoong kuwento ng buhay ni Samson, ang pinakamalakas na taong nabuhay kailanman, ay naging paksa ng mga tula at mga opera gayundin ng mga dula at mga pelikula. (Hukom, kabanata 13–16) Isinulat din ni Samuel ang tungkol kay Ruth at sa biyenan nitong si Noemi, na parehong biyuda at nagdarahop. Ang kuwentong ito na talagang nangyari at may masayang wakas ay lubha ring kawili-wili.​—Ruth, kabanata 1–4.

Anu-anong aral ang matututuhan natin sa mga isinulat ni Samuel at sa kaniyang buhay? Paano niya itinaguyod ang tunay na pagsamba?

Ang Kaniyang Kabataan

Ang ama ni Samuel, si Elkana, ay isang mananamba ni Jehova at isang maibiging asawa. Ang asawa ni Elkana na si Hana ay isang babaing malakas ang espirituwalidad. Nang siya’y nasa bahay ni Jehova sa Shilo, marubdob na nanalangin at nanata ang baog na si Hana: “O Jehova ng mga hukbo, kung walang pagsalang titingnan mo ang kapighatian ng iyong aliping babae at aalalahanin mo nga ako, at hindi mo kalilimutan ang iyong aliping babae at bibigyan mo nga ang iyong aliping babae ng isang supling na lalaki, ibibigay ko siya kay Jehova sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay, at walang labaha ang daraan sa kaniyang ulo.” (1 Samuel 1:1-11) Nangangahulugan ito na iaalay ang bata para sa paglilingkod kay Jehova.

Tahimik na nanalangin si Hana. “Ang kaniyang mga labi lamang ang gumagalaw,” ang sabi ng ulat. Inakala ng mataas na saserdoteng si Eli na lasing siya, kaya sinaway niya si Hana. Subalit may-paggalang na ipinaliwanag ni Hana ang kaniyang kalagayan, at sinabi ni Eli: “Yumaon kang payapa, at ipagkaloob nawa ng Diyos ng Israel ang iyong pakiusap na hiniling mo sa kaniya.” Gayon nga ang ginawa ni Jehova, dahil nagpatuloy ang ulat: “Nangyari nga na sa pag-ikot ng isang taon ay nagdalang-tao si Hana at nanganak ng isang lalaki at tinawag niyang Samuel ang pangalan nito, sapagkat, sinabi niya, ‘hiniling ko siya mula kay Jehova.’”​—1 Samuel 1:12-20.

Pinalaki si Samuel sa “disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Nang maawat na sa suso si Samuel, dinala siya ni Hana sa bahay ng Diyos sa Shilo at iniharap sa mataas na saserdoteng si Eli. Sa ilalim ng kaniyang pangangalaga, ang bata ay “naging lingkod ni Jehova.” Mababanaag ang malaking kagalakan ni Hana sa kaniyang nakaaantig na mga salita ng pasasalamat na iniulat mismo ni Samuel nang dakong huli.​—1 Samuel 2:1-11.

Kung ikaw ay isang magulang, pinasisigla mo ba ang iyong mga anak na gawing karera sa buhay ang paglilingkod kay Jehova? Ang pagtataguyod ng tunay na pagsamba ang pinakamainam na paraan upang gamitin ng isa ang kaniyang buong lakas.

Naging madali para kay Samuel na mamuhay sa santuwaryo. “Patuloy [siyang] lumaki sa harap ni Jehova” at naging “higit na kaibig-ibig kapuwa sa pangmalas ni Jehova at niyaong sa mga tao.” Napamahal siya sa iba dahil ipinakita niya ang makadiyos na mga katangian.​—1 Samuel 2:21, 26.

Ibang-iba ang walang-kabuluhang mga anak na lalaki ni Eli, sina Hopni at Pinehas, na ‘hindi kumilala kay Jehova.’ Gumagawa sila ng seksuwal na imoralidad at kinukuha nila ang pinakamaiinam na bahagi ng mga handog na dinadala ng mga tao sa santuwaryo. Nagpadala na ang Diyos ng isang propeta upang ipahayag ang magiging kaparusahan kay Eli, kasama na rito ang kamatayan ng kaniyang dalawang anak na lalaki. (1 Samuel 2:12, 15-17, 22-25, 27, 30-34) Gagamitin ni Jehova si Samuel upang ipahayag ang isa pang mensahe ng paghatol.

Naglingkod si Samuel Bilang Propeta

Sinabi ng Diyos kay Samuel: “Sabihin mo [kay Eli] na hinahatulan ko ang kaniyang sambahayan hanggang sa panahong walang takda dahil sa kamalian na alam niya, sapagkat isinusumpa ng kaniyang mga anak ang Diyos, at hindi niya sila sinasaway.” Hindi madaling ipahayag ang mensaheng ito, at bukod diyan, pinilit ni Eli si Samuel na huwag ilihim sa kaniya ang kahit isang salita ng mensahe ng Diyos. Kaya inilahad sa kaniya ni Samuel ang lahat ng sinabi ni Jehova. Nangangailangan iyan ng lakas ng loob!​—1 Samuel 3:10-18.

Habang lumalaki si Samuel, nabatid ng buong Israel na siya ay propeta ng Diyos. (1 Samuel 3:19, 20) Nagsimulang maganap ang hatol na inihula ni Samuel nang maranasan ng Israel ang matinding pagkatalo sa kanilang pakikidigma sa mga Filisteo. Namatay sina Hopni at Pinehas sa digmaan, at kinuha ng mga Filisteo ang kaban ng tipan ni Jehova. Nang marinig ni Eli ang pagkamatay ng kaniyang mga anak at pagkawala ng Kaban, nabuwal siya na patalikod mula sa kaniyang upuan, nabali ang kaniyang leeg, at namatay.​—1 Samuel 4:1-18.

Makalipas ang 20 taon, hinimok ni Samuel ang mga Israelita na iwan ang huwad na pagsamba. Bilang tugon, inalis nila ang kanilang mga idolo, nag-ayuno, at ipinagtapat ang kanilang mga kasalanan. Nanalangin si Samuel at naghandog ng handog na sinusunog alang-alang sa kanila. Ano ang naging resulta? Nang sumalakay ang mga Filisteo, nilito sila ng Diyos, at tinalo ng Israel ang kaaway. Dahil sa pagpapala ni Jehova, lubhang gumanda ang kalagayan ng mga Israelita, at nabawi nila ang mga teritoryong kinuha sa kanila ng mga Filisteo.​—1 Samuel 7:3-14.

Walang-alinlangang itinaguyod ni Samuel ang tunay na pagsamba. Halimbawa, tiniyak niya na ang ilan sa mga samsam sa digmaan ay gagamitin sa pagmamantini ng tabernakulo. Tumulong siya sa pag-oorganisa sa mga pagdiriwang ng Paskuwa at sa paglilingkuran ng mga Levitang bantay ng pintuang-daan. (1 Cronica 9:22; 26:27, 28; 2 Cronica 35:18) Taun-taon, naglalakbay si Samuel mula sa kaniyang tahanan sa Rama upang maglingkod bilang hukom sa iba’t ibang lunsod. Nakilala siya na matapat at hindi nagtatangi. Dahil iginalang ng bayan si Samuel, natulungan niya sila sa espirituwal na paraan. (1 Samuel 7:15-17; 9:6-14; 12:2-5) Tiyak na ang kaniyang pagkamatapat at espirituwalidad ang nagpakilos sa marami na tularan ang kaniyang halimbawa. Ganiyan din ba ang epekto sa iyo ng buhay ni Samuel?

Humiling ng Hari ang Israel

Noong matanda na siya, inatasan ni Samuel ang kaniyang mga anak, sina Joel at Abias, na maglingkod bilang mga hukom. “Hindi [sila] lumakad sa kaniyang mga daan, kundi nakakiling silang sumunod sa di-tapat na pakinabang at tumatanggap ng suhol at binabaluktot ang kahatulan.” Dahil sa kanilang paggawi, humiling ng hari ang matatandang lalaki ng Israel. (1 Samuel 8:1-5) Masama ito sa paningin ni Samuel. Subalit nang idalangin niya ito, sinabi ni Jehova: “Hindi ikaw ang itinatakwil nila, kundi ako ang itinatakwil nila mula sa pagiging hari sa kanila.” (1 Samuel 8:6, 7) Sinabihan ng Diyos si Samuel na ibigay ang hinihiling ng bayan at babalaan sila na sa pamamahala ng isang hari, mawawala ang ilang kalayaang taglay nila. Nang magpumilit ang bayan, inatasan ni Jehova si Samuel na hirangin si Saul bilang hari.​—1 Samuel 8:6-22; 9:15-17; 10:1.

Sinuportahan ni Samuel ang kaayusang ito sa kabila ng kaniyang pag-aatubili. Nang magtagumpay ang Israel laban sa mga Ammonita, tinipon niya ang bayan sa Gilgal upang pagtibayin ang pagiging hari ni Saul. (1 Samuel 10:17-24; 11:11-15) Muling inalaala ni Samuel ang kasaysayan ng Israel at pinayuhan ang hari at ang bayan na sundin si Jehova. Sinagot ng Diyos ang panalangin ni Samuel sa pamamagitan ng pagpapasapit ng makulog na bagyo kahit wala sa panahon, na binanggit sa pasimula. Dahil sa bagyong iyon, inamin ng bayan na nagkamali sila sa pagtatakwil kay Jehova. Nang hilingan nila si Samuel na manalangin para sa kanila, sinabi niya: “Malayong mangyari, sa ganang akin, na magkasala laban kay Jehova sa pamamagitan ng pagtigil sa pananalangin alang-alang sa inyo; at ituturo ko nga sa inyo ang mabuti at tamang daan.” Napakahusay na halimbawa ng matapat na pag-ibig kay Jehova at sa Kaniyang bayan! (1 Samuel 12:6-24) Gayon din ba ang iyong pagnanais na suportahan ang teokratikong mga kaayusan at ipanalangin ang iyong mga kapananampalataya?

Unang Dalawang Taong Hari ng Israel

Si Saul ay isang simpleng tao na sinasang-ayunan ng Diyos. (1 Samuel 9:21; 11:6) Subalit nang maglaon, winalang-bahala niya ang patnubay ng Diyos. Halimbawa, sinaway siya ni Samuel dahil sa halip na maghintay gaya ng iniutos sa kaniya, nainip siya at naghandog ng isang hain. (1 Samuel 13:10-14) Nang sumuway si Saul sa utos na patayin ang hari ng mga Amalekita na si Agag, sinabi sa kaniya ni Samuel: “Pinunit ni Jehova mula sa iyo ngayon ang maharlikang pamamahala sa Israel, at ibibigay nga niya iyon sa iyong kapuwa na mas mabuti kaysa sa iyo.” Si Samuel mismo ang pumatay kay Agag at nagdalamhati para kay Saul.​—1 Samuel 15:1-35.

Sa kalaunan ay sinabi ni Jehova kay Samuel: “Hanggang kailan ka magdadalamhati para kay Saul, gayong itinakwil ko siya mula sa pamamahala bilang hari sa Israel?” Sa pagkakataong iyon, inutusan ni Jehova si Samuel na magpunta sa Betlehem upang pahiran ang anak ni Jesse bilang hari. Isa-isang tiningnan ni Samuel ang mga anak na lalaki ni Jesse hanggang sa ibigay ni Jehova ang Kaniyang pagsang-ayon kay David, ang bunso, upang pahiran. Sa araw na iyon, natutuhan ni Samuel ang isang mahalagang aral: “Hindi ayon sa paraan ng pagtingin ng tao ang paraan ng pagtingin ng Diyos, sapagkat ang tao ay tumitingin sa kung ano ang nakikita ng mga mata; ngunit kung tungkol kay Jehova, tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.”​—1 Samuel 16:1-13.

Yamang nasaktan si Samuel sa pagkamasuwayin ni Saul, tiyak na gayon na lamang katindi ang pamimighati niya nang gustong patayin ni Saul si David dahil sa poot! Sa kabila ng gayong mga pagsubok, nanatiling aktibo si Samuel kahit matanda na siya at ginawa niya ang kaniyang buong makakaya sa paglilingkod kay Jehova.​—1 Samuel 19:18-20.

Ang Pamana ni Samuel

Nang mamatay si Samuel, nagdalamhati ang Israel sa pagkawala ng mapagpakumbaba at matapang na propetang ito na nagkaroon ng mabuting impluwensiya sa buhay ng marami. (1 Samuel 25:1) Hindi sakdal si Samuel, at kung minsan ay nagkakamali siya sa pagpapasiya. Pero sa kabila ng kaniyang mga limitasyon, pinag-ukulan ni Samuel si Jehova ng bukod-tanging debosyon at walang-sawa niyang tinulungan ang iba na gayundin ang gawin.

Marami nang nagbago mula noong panahon ni Samuel, pero may mahahalagang aral tayong matututuhan sa rekord ng kaniyang buhay. Higit sa lahat, isinagawa at itinaguyod ni Samuel ang tunay na pagsamba kay Jehova. Ganiyan din ba ang ginagawa mo?

[Kahon sa pahina 16]

BULAY-BULAYIN ANG BUHAY NI SAMUEL

• Kung paanong tinuruan si Samuel ng kaniyang mga magulang hinggil sa salita ng Diyos, palakihin ang iyong mga anak sa “disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”​—Efeso 6:4.

• Pasiglahin ang iyong mga anak na tularan si Samuel at gawin din nilang karera ang paglilingkod kay Jehova.

• Dahil sa makadiyos na mga katangian ni Samuel, napamahal siya sa iba, at sa gayo’y nagsilbi siyang mabuting halimbawa para sa atin.

• Ginawa ni Samuel ang kaniyang buong makakaya upang itaguyod ang tunay na pagsamba, na dapat din nating gawin.

[Larawan sa pahina 15]

Itinaguyod ni Samuel ang tunay na pagsamba at handa siyang maglaan ng espirituwal na tulong