Tulungan ang Iba na Sundin Kung Ano ang Itinuturo ng Bibliya
Tulungan ang Iba na Sundin Kung Ano ang Itinuturo ng Bibliya
“Kung tungkol doon sa nasa mainam na lupa, ito yaong mga pagkarinig sa salita taglay ang mainam at mabuting puso ay nagpapanatili nito at nagbubunga nang may pagbabata.”—LUCAS 8:15.
1, 2. (a) Sa anong layunin dinisenyo ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? (b) Sa nakalipas na mga taon, paano pinagpala ni Jehova ang pagsisikap ng kaniyang bayan na gumawa ng mga alagad?
“NAPAKAGANDA ng aklat. Gustung-gusto ito ng mga estudyante ko. Gustung-gusto ko rin ito. Dahil sa aklat na ito, posible nang makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga tao sa mismong pintuan nila.” Ganiyan ang sinabi ng isang buong-panahong ministrong payunir ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? * Ganito naman ang sinabi ng isang may-edad nang tagapaghayag ng Kaharian tungkol sa publikasyong ito: “Sa loob ng 50 taon ng paglilingkod ko sa ministeryo, nagkaroon ako ng pagkakataong matulungan ang maraming tao na makilala si Jehova. Pero talagang masasabi ko na napakahusay ng publikasyong ito sa pag-aaral. Talagang nakalulugod at nakapagpapasigla ang mga ilustrasyon at mga larawan.” Ganiyan din ba ang nadarama mo hinggil sa aklat na Itinuturo ng Bibliya? Dinisenyo ang pantulong na ito sa pag-aaral ng Bibliya upang tulungan kang tuparin ang utos ni Jesus: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.”—Mateo 28:19, 20.
2 Walang alinlangan, masaya ang puso ni Jehova na makita ang kaniyang mga 6.6 milyong Saksi na kusang-loob na sumusunod sa tagubilin ni Jesus na gumawa ng mga alagad. (Kawikaan 27:11) Maliwanag na pinagpapala ni Jehova ang kanilang mga pagsisikap. Halimbawa, noong 2005, ipinangaral ang mabuting balita sa 235 lupain at, sa katamtaman, mahigit 6,061,500 pag-aaral sa Bibliya ang idinaos. Bilang resulta, maraming tao ang ‘nakarinig sa salita ng Diyos at tinanggap nila ito, hindi bilang salita ng mga tao, kundi, gaya ng kung ano nga ito sa totoo, bilang ang salita ng Diyos.’ (1 Tesalonica 2:13) Sa nakalipas na dalawang taon, iniayon ng mahigit sa kalahating milyong bagong alagad ang kanilang buhay sa mga pamantayan ni Jehova at inialay nila ang kanilang sarili sa Diyos.
3. Anu-anong tanong hinggil sa paggamit ng aklat na Itinuturo ng Bibliya ang tatalakayin sa artikulong ito?
3 Naranasan mo na ba kamakailan ang kagalakan ng pagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya? Sa buong daigdig, mayroon pa ring mga indibiduwal na may “mainam at mabuting puso” na kapag narinig nila ang salita ng Diyos, ‘pananatilihin nila ito at magbubunga nang may pagbabata.’ (Lucas 8:11-15) Isaalang-alang natin kung paano mo magagamit ang aklat na Itinuturo ng Bibliya sa paggawa ng alagad. Tatalakayin natin ang tatlong tanong: (1) Paano ka makapagpapasimula ng pag-aaral sa Bibliya? (2) Anu-anong pamamaraan ng pagtuturo ang pinakamabisa? (3) Paano mo matutulungan ang isa na hindi lamang maging estudyante kundi maging guro din naman ng nasusulat na Salita ng Diyos, ang Bibliya?
Kung Paano Ka Makapagpapasimula ng Pag-aaral sa Bibliya
4. Bakit nag-aatubili ang ilan na mag-aral ng Bibliya, at paano mo sila matutulungang madaig ang kanilang pag-aatubili?
4 Kung hihilingan kang talunín ang isang malawak na batis nang isang talunan lamang, baka tumanggi kang gawin ito. Pero kung maglalagay ng nakahilerang mga tuntungang-bato na magkakapareho ang layo, malamang na papayag kang tawirin ang batis. Sa katulad na paraan, maaaring mag-atubiling mag-aral ng Bibliya ang isang taong abala. Baka isipin ng may-bahay na napakalaking panahon at pagsisikap ang kakailanganin upang mapag-aralan ito. Paano mo siya matutulungang madaig ang kaniyang pag-aatubili? Sa pamamagitan ng pagdaraos ng maiikli at nakapagtuturong mga talakayan, maaari mong gamitin ang aklat na Itinuturo ng Bibliya upang akayin ang taong iyon na regular na mag-aral ng Salita ng Diyos. Kung maghahanda kang mabuti, ang bawat pagdalaw-muli sa taong iyon ay magiging gaya ng isang tuntungang-bato tungo sa kaniyang pakikipagkaibigan kay Jehova.
5. Bakit mo kailangang basahin ang aklat na Itinuturo ng Bibliya?
5 Subalit bago mo matulungan ang iba na makinabang sa aklat na Itinuturo ng Bibliya, dapat na maging lubusan kang pamilyar dito. Nabasa mo na ba ang buong aklat? Dinala ng isang mag-asawa ang publikasyong ito sa kanilang bakasyon at sinimulang basahin ito habang nagrerelaks sa tabing-dagat. Nang lumapit sa kanila ang isang babaing tagaroon na may itinitinda para sa mga turista, napansin niya ang pamagat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Sinabi niya sa mag-asawa na ilang oras lamang ang nakalilipas, ang mismong tanong na iyon ang ipinanalangin niya, anupat hiniling na sana’y sagutin ito ng Diyos. Malugod na binigyan ng mag-asawa ang babae ng kopya ng aklat. ‘Bumili ka na ba ng panahon’ para basahin ang publikasyong ito, marahil ay sa ikalawang pagkakataon, habang may hinihintay kang kausap o sa panahon ng pamamahinga sa trabaho o sa paaralan? (Efeso 5:15, 16) Kung gagawin mo ito, magiging pamilyar ka sa pantulong na ito sa pag-aaral sa Bibliya at maaari din itong magbukas ng mga pagkakataon upang maipakipag-usap mo sa iba ang nilalaman nito.
6, 7. Paano mo magagamit ang aklat na Itinuturo ng Bibliya upang makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya?
6 Kapag iniaalok ang aklat sa pangmadlang ministeryo, gamiting mabuti ang mga larawan, teksto, at mga tanong sa pahina 4, 5, at 6. Halimbawa, maaari mong pasimulan ang pag-uusap sa pamamagitan ng pagtatanong, “Sa lahat ng problemang kinakaharap ng tao sa ngayon, sa palagay mo, saan kaya tayo makakakuha ng maaasahang patnubay?” Matapos mapakinggang mabuti ang tugon ng iyong kausap, basahin ang 2 Timoteo 3:16, 17, at ipaliwanag na ang Bibliya ay nagbibigay ng tunay na solusyon sa mga problema ng tao. Pagkatapos, akayin ang pansin ng may-bahay sa pahina 4 at 5, at itanong: “Alin sa mga kalagayang ipinakikita sa mga pahinang ito ang talagang nakababagabag sa iyo?” Kapag itinuro ng may-bahay ang isa sa mga kalagayan, ipahawak sa kaniya ang aklat habang binabasa mo sa iyong Bibliya ang kaugnay na teksto. Pagkatapos, basahin ang pahina 6, at tanungin ang may-bahay, “Alin sa anim na tanong na binanggit sa ibaba ng pahinang ito ang gusto mong masagot?” Kapag pinili ng iyong kausap ang isang tanong, ipakita sa kaniya ang kabanata na sumasagot sa tanong na iyon, iwan sa kaniya ang aklat, at gumawa ng tiyak na mga kaayusan upang dalawin siyang muli at pag-usapan ang tanong na iyon.
7 Mga limang minuto lamang ang gugugulin ng presentasyong kababanggit pa lamang. Subalit sa loob ng ilang minutong iyon, nalaman mo na kung ano ang ikinababahala ng may-bahay, nakapagbasa ka na ng dalawang teksto at naikapit ang mga ito, at nakagawa ka na ng saligan para sa pagdalaw-muli. Baka ang maikling pag-uusap ninyong iyon ang pinakanakapagpapasigla at pinakanakaaaliw na pakikipag-usap na naranasan ng may-bahay sa loob ng matagal na panahon. Bilang resulta, maging ang isang taong abala ay malamang na magnais na makipag-usap pa sa iyo nang ilang minuto habang tinutulungan mo siya sa kaniyang susunod na hakbang tungo sa “daan na umaakay patungo sa buhay.” (Mateo 7:14) Sa kalaunan, habang nalilinang ang interes ng may-bahay, dapat pahabain ang pag-aaral. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagmumungkahi na mag-aral kayo nang nakaupo at sa loob ng isang mahaba-haba at espesipikong panahon.
Pinakamabisang Pamamaraan ng Pagtuturo
8, 9. (a) Paano mo maihahanda ang iyong estudyante sa Bibliya na makayanan ang mga balakid at pagsubok na malamang na mapaharap sa kaniya? (b) Saan masusumpungan ang mga materyales na di-tinatablan ng apoy na magagamit upang magkaroon ng matibay na pananampalataya?
8 Kapag sinimulang sundin ng isa ang itinuturo ng Bibliya, malamang na mapaharap siya sa mga balakid sa kaniyang pagsulong. Ganito ang sinabi ni apostol Pablo: “Lahat niyaong mga nagnanasang mabuhay na may makadiyos na debosyon may kaugnayan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin din.” (2 Timoteo 3:12) Inihambing ni Pablo ang mga pagsubok na ito sa apoy na nakasisira ng mahihinang materyales sa pagtatayo pero hindi nakasisira ng mga materyales gaya ng ginto, pilak, at mahahalagang bato. (1 Corinto 3:10-13; 1 Pedro 1:6, 7) Upang matulungan ang iyong estudyante sa Bibliya na malinang ang mga katangiang kinakailangan upang makayanan ang mga pagsubok na maaaring mapaharap sa kaniya, kailangan mo siyang tulungang magtayo gamit ang mga materyales na di-tinatablan ng apoy.
9 Itinulad ng salmista ang “mga pananalita ni Jehova” sa “pilak na dinalisay sa tunawang hurno sa lupa, na makapitong nilinis.” (Awit 12:6) Sa katunayan, nasa Bibliya ang lahat ng mahahalagang materyales na magagamit upang magkaroon ng matibay na pananampalataya. (Awit 19:7-11; Kawikaan 2:1-6) At ipinakikita ng aklat na Itinuturo ng Bibliya kung paano ka magiging mabisa sa paggamit ng Kasulatan.
10. Paano mo matutulungan ang estudyante na magtuon ng pansin sa Bibliya?
10 Sa panahon ng pag-aaral, ituon ang pansin ng estudyante sa mga kasulatang inilaan sa bawat kabanatang tinatalakay. Gumamit ng mga tanong upang tulungan ang estudyante na maunawaan ang susing mga teksto sa Bibliya at maikapit ang mga ito sa kaniyang buhay. Huwag siyang diktahan kung ano ang dapat niyang gawin. Sa halip, tularan ang halimbawa ni Jesus. Nang tanungin siya ng isang lalaking bihasa sa Kautusan, tumugon si Jesus: “Ano ang nakasulat sa Kautusan? Paano mo binabasa?” Sumagot ang lalaki mula sa Kasulatan, at tinulungan siya ni Jesus na makita kung paano ikakapit ang simulain sa kaniyang buhay. Sa pamamagitan ng isang ilustrasyon, tinulungan din ni Jesus ang lalaki na makita kung paano dapat makaapekto sa kaniya ang turo. (Lucas 10:25-37) Maraming simpleng ilustrasyon ang aklat na Itinuturo ng Bibliya na magagamit mo upang tulungan ang estudyante na ikapit ang maka-Kasulatang mga simulain sa kaniyang buhay.
11. Gaano karaming materyal ang dapat mong saklawin sa bawat pag-aaral?
11 Kung paanong pinasimple ni Jesus ang masasalimuot na ideya gamit ang simpleng pananalita, ang aklat na Itinuturo ng Bibliya ay gumagamit ng simple at tuwirang pananalita upang ipaliwanag ang Salita ng Diyos. (Mateo 7:28, 29) Tularan ang kaniyang halimbawa. Ituro ang impormasyon sa simple, malinaw, at tumpak na paraan. Huwag madaliin ang pagtalakay sa materyal. Sa halip, iangkop sa kalagayan at kakayahan ng estudyante kung gaano karaming parapo ang inyong tatalakayin sa bawat pag-aaral. Alam ni Jesus ang mga limitasyon ng kaniyang mga alagad at hindi niya sila pinabigatan ng impormasyong higit sa kailangan nila noong panahong iyon.—Juan 16:12.
12. Paano gagamitin ang apendise?
12 Ang aklat na Itinuturo ng Bibliya ay may apendise na may 14 na paksa. Bilang kaniyang
instruktor, dapat na alam mo kung paano magagamit ang materyal na ito sa pinakamabisang paraan batay sa pangangailangan ng estudyante. Halimbawa, kung nahihirapan ang estudyante na maunawaan ang isang paksa o may mga tanong siya hinggil sa partikular na mga bagay dahil sa dati niyang mga paniniwala, baka sapat nang ituro sa kaniya ang angkop na bahagi ng apendise at hayaang personal niyang pag-aralan ang paksa. Sa kabilang dako naman, baka kailangan mong talakayin ang materyal sa estudyante. Ang apendise ay naglalaman ng mahahalagang paksa sa Kasulatan, gaya ng “‘Kaluluwa’ at ‘Espiritu’—Ano ba Talaga ang Kahulugan ng mga Salitang Ito?” at “Pagkilala sa ‘Babilonyang Dakila.’” Baka nais mong talakayin ang mga paksang ito sa iyong estudyante. Yamang walang inilaang mga tanong para sa mga paksang tinatalakay sa apendise, kailangan mong maging pamilyar sa impormasyon upang makapagbangon ka ng makabuluhang mga tanong.13. Anong papel ang ginagampanan ng panalangin sa pagpapatibay ng pananampalataya?
13 “Malibang si Jehova ang magtayo ng bahay, walang kabuluhan ang pagpapagal ng mga tagapagtayo nito,” ang sabi ng Awit 127:1. Kaya bago ka magdaos ng isang pag-aaral sa Bibliya, manalangin kay Jehova para tulungan ka niya. Dapat makita sa iyong mga panalangin sa simula at sa wakas ng bawat pag-aaral ang iyong magiliw na kaugnayan kay Jehova. Pasiglahin ang estudyante na manalangin kay Jehova upang humingi ng karunungan para maunawaan ang Kaniyang Salita at ng lakas para maikapit ang payo nito. (Santiago 1:5) Kung gagawin ito ng estudyante, mapalalakas siya na batahin ang mga pagsubok at patuloy na titibay ang kaniyang pananampalataya.
Tulungan ang mga Estudyante sa Bibliya na Maging mga Guro
14. Anong pagsulong ang kailangang gawin ng mga estudyante sa Bibliya?
14 Upang masunod ng ating mga estudyante sa Bibliya ang “lahat ng mga bagay” na iniutos ni Jesus sa kaniyang mga alagad, kailangan nilang sumulong mula sa pagiging estudyante ng Salita ng Diyos tungo sa pagiging guro nito. (Mateo 28:19, 20; Gawa 1:6-8) Ano ang maaari mong gawin upang matulungan ang estudyante na gumawa ng gayong pagsulong sa espirituwal?
15. Bakit dapat mong pasiglahin ang iyong estudyante sa Bibliya na dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong?
15 Sa unang pag-aaral pa lamang, anyayahan na ang estudyante na dumalo sa mga pagpupulong ng kongregasyon kasama mo. Ipaliwanag sa kaniya na sa mga pagpupulong ka sinasanay bilang guro ng Salita ng Diyos. Sa loob ng ilang linggo sa pagwawakas ng bawat pag-aaral sa Bibliya, gumugol ng ilang minuto upang ilarawan ang programa ng espirituwal na pagtuturo na natatanggap mo sa iba’t ibang pagpupulong at asamblea. Banggitin sa kaniya ang mga kapakinabangang nakukuha mo sa mga okasyong ito at maging masigla kapag ipinakikipag-usap mo ito. (Hebreo 10:24, 25) Kapag naging regular sa pagdalo sa mga pagpupulong ang estudyante, malamang na maging isa siyang guro ng Salita ng Diyos.
16, 17. Anu-ano ang ilang tunguhin na maaaring itakda at abutin ng estudyante sa Bibliya?
16 Tulungan ang estudyante sa Bibliya na magtakda ng mga tunguhin na kaya niyang abutin. Halimbawa, pasiglahin siya na ibahagi ang kaniyang natututuhan sa isang kaibigan o kamag-anak. Gayundin, imungkahi na gawin niyang tunguhin na mabasa ang buong Bibliya. Kung tutulungan mo siyang makapagtatag at mapanatili ang isang rutin ng regular na pagbabasa ng Bibliya, makikinabang siya sa kaugaliang ito kahit bautisado na siya. Bukod diyan, bakit hindi imungkahi sa estudyante na gawing tunguhin na 2 Timoteo 2:15.
tandaan ang kahit isang teksto lamang sa Bibliya na sumasagot sa isang susing tanong sa bawat kabanata ng aklat na Itinuturo ng Bibliya? Kung gagawin niya ito, siya ay magiging isang “manggagawa na walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.”—17 Sa halip na ituro lamang sa estudyante na sauluhin ang mga teksto o ibigay ang diwa ng mga ito, himukin siya na ipaliwanag kung paano ikakapit ang mga teksto kapag nagbibigay siya ng sagot sa mga humihingi sa kaniya ng katuwiran sa kaniyang pananampalataya. Makatutulong ang maikling mga pag-eensayo. Maaaring ikaw ang gumanap na kamag-anak o katrabaho na humihiling sa kaniya na ipaliwanag ang kaniyang mga paniniwala. Matapos pakinggan ang estudyante, ipakita sa kaniya kung paano sasagot nang may “mahinahong kalooban at matinding paggalang.”—1 Pedro 3:15.
18. Kapag kuwalipikado na ang estudyante sa Bibliya na maging isang di-bautisadong mamamahayag, anong karagdagang tulong ang maibibigay mo sa kaniya?
18 Sa kalaunan, baka kuwalipikado na ang estudyante na makibahagi sa ministeryo sa larangan. Idiin sa kaniya na isang pribilehiyo ang pahintulutang makibahagi sa gawaing ito. (2 Corinto 4:1, 7) Kapag pinagpasiyahan ng matatanda na kuwalipikado ang estudyante na maging di-bautisadong mamamahayag, tulungan siyang maghanda ng simpleng presentasyon at pagkatapos ay samahan siya sa paglilingkod sa larangan. Regular na gumawang kasama niya sa iba’t ibang aspekto ng pangmadlang ministeryo, at turuan siya kung paano maghahanda para sa mga pagdalaw-muli at kung paano magiging mabisa sa pagsasagawa ng mga ito. Ang iyong mabuting halimbawa ay magiging positibong impluwensiya.—Lucas 6:40.
‘Iligtas Kapuwa ang Iyong Sarili at Yaong mga Nakikinig sa Iyo’
19, 20. Ano ang dapat na maging tunguhin natin, at bakit?
19 Walang alinlangan, kailangan ng puspusang pagsisikap upang matulungan ang isa na sumapit sa “tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Subalit iilang kagalakan lamang sa buhay ang maihahambing sa kalugurang natatamo ng isa kapag natulungan niya ang iba na sundin ang itinuturo ng Bibliya. (1 Tesalonica 2:19, 20) Tunay ngang isang napakalaking pribilehiyo na maging “mga kamanggagawa ng Diyos” sa pambuong-daigdig na gawaing ito ng pagtuturo!—1 Corinto 3:9.
20 Sa pamamagitan ni Jesu-Kristo at ng makapangyarihang mga anghel, malapit nang panagutin ni Jehova ang “mga hindi nakakakilala sa Diyos at . . . mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.” (2 Tesalonica 1:6-8) Buhay ang nakasalalay. Maaari mo bang gawing tunguhin na makapagdaos ng kahit isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya gamit ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Sa pakikibahagi mo sa gawaing ito, may pagkakataon kang ‘iligtas kapuwa ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo.’ (1 Timoteo 4:16) Ngayon higit kailanman, napakahalagang tulungan ang iba na sundin kung ano ang itinuturo ng Bibliya.
[Talababa]
^ par. 1 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Ano ang Natutuhan Mo?
• Sa anong layunin dinisenyo ang aklat na Itinuturo ng Bibliya?
• Paano ka makapagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya gamit ang aklat na Itinuturo ng Bibliya?
• Anu-anong pamamaraan ng pagtuturo ang pinakamabisa?
• Paano mo matutulungan ang estudyante na maging guro ng Salita ng Diyos?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 26]
Ginagamit mo bang mabuti ang aklat na ito?
[Larawan sa pahina 27]
Ang maikling pakikipag-usap ay maaaring magpasigla sa isang tao na kumuha ng higit pang kaalaman sa Bibliya
[Larawan sa pahina 29]
Ano ang maaari mong gawin upang matulungan ang estudyante na magtuon ng pansin sa Bibliya?
[Larawan sa pahina 30]
Tulungang sumulong ang estudyante sa Bibliya