Amos—Ano ang Kaniyang Hanapbuhay?
Amos—Ano ang Kaniyang Hanapbuhay?
NOONG ikasiyam na siglo B.C.E., binawalan ni Amazias, isang masamang saserdote na sumasamba sa guya, si propeta Amos na manghula sa Israel. Tumutol si Amos at nagsabi: “Ako noon ay tagapag-alaga ng kawan at tagaputi ng mga igos ng mga puno ng sikomoro. At kinuha ako ni Jehova mula sa pagsunod sa kawan, at sinabi ni Jehova sa akin, ‘Yumaon ka, manghula ka sa aking bayang Israel.’” (Amos 7:14, 15) Oo, si Jehova ang nag-atas kay Amos na maging propeta; hindi siya ang nag-atas sa kaniyang sarili. Subalit ano ba ang ibig sabihin ni Amos nang banggitin niyang “tagaputi” siya ng mga igos ng mga puno ng sikomoro?
Ang salitang Hebreo na isinaling “tagaputi ng mga igos” ay maaari ding mangahulugang “tagatusok ng mga igos.” Ang babasahing Economic Botany ay nagsabi na ang salitang ito ay nagpapahiwatig ng naiibang paraan na ginagawa ng tagapag-alaga ng mga igos ng sikomoro.
Karaniwan nang ginagawa noong unang panahon sa Ehipto at Ciprus ang pagtusok, o maliit at malalim na paghiwa, sa mga igos ng sikomoro. Sa ngayon, hindi na tinutusok ang mga igos sa Israel dahil ibang uri na ng mga igos ang itinatanim doon. Gayunman, tinutusok ng mga Israelita ang mga sikomoro nang panahon ni Amos dahil ang uri ng mga sikomoro na itinatanim noon sa Israel ay mula pa sa Ehipto.
Lumilitaw na kapag tinusok ang mga igos, sisipsip ito ng tubig at magiging makatas. Mas mabilis din itong mahinog dahil makagagawa ito ng mas maraming gas na ethylene, kaya naman magiging mas malaki at mas matamis ang prutas. Bukod diyan, dahil mas mabilis itong mahinog, hindi ito nasisira ng mga putakti.
Kahit isa lamang pastol at tagaputi ng mga igos si Amos, hindi siya natakot sa kaniyang mga kaaway. Sa halip, may-katapangan niyang inihayag ang hatol ni Jehova laban sa Israel. Napakainam ngang halimbawa para sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon, na naghahayag din ng mensaheng hindi nagugustuhan ng karamihan!— Mateo 5:11, 12; 10:22.