Bakit Dapat Magsabi ng Totoo?
Bakit Dapat Magsabi ng Totoo?
SI Manfred, na 18 anyos, ay aprentis sa isang opisina. * Isinaayos ng kompanyang pinagtatrabahuhan niya na pag-aralin siya at ang ilan pang aprentis ng isang maikling kurso nang dalawang araw bawat linggo. Minsan, maagang natapos ang kanilang klase. Ayon sa patakaran ng kompanya, dapat silang bumalik sa trabaho. Sa halip na bumalik sa opisina, nagliwaliw ang lahat ng mga aprentis, maliban kay Manfred. Nagkataon namang napadaan ang opisyal ng kompanya na nangangasiwa sa mga aprentis. Nang makita niya si Manfred, nagtanong siya: “Bakit wala ka sa klase? Nasaan ang ibang aprentis?” Ano ang dapat isagot ni Manfred?
Pangkaraniwan ang kalagayang napaharap kay Manfred. Sasabihin ba niya ang totoo, o pagtatakpan niya ang kaniyang mga kaklase? Kung sasabihin niya ang totoo, mapapahamak ang iba at kaiinisan nila si Manfred. Tama bang magsinungaling sa gayong situwasyon? Ano kaya ang gagawin mo kung ikaw si Manfred? Bago natin alamin kung ano ang ginawa ni Manfred, isaalang-alang muna natin kung ano ang nasasangkot kapag napaharap tayo sa kalagayan na kailangan nating magpasiya kung magsasabi tayo ng totoo o hindi.
Katotohanan at Kasinungalingan—Matagal Nang Labanan
Nang magsimula ang kasaysayan ng tao, ang lahat ng bagay ay nakasalig sa katotohanan. Walang pumipilipit sa katotohanan at walang nagsisinungaling. Si Jehova, ang Maylalang, ay “Diyos ng katotohanan.” Ang salita niya ay katotohanan; hindi siya makapagsisinungaling, at hinahatulan niya ang pagsisinungaling at mga sinungaling.—Awit 31:5; Juan 17:17; Tito 1:2.
Kung gayon, saan nagmula ang kasinungalingan? Ibinigay ni Jesu-Kristo ang mapananaligang sagot nang sabihin niya sa mga relihiyosong mananalansang na gustong pumatay sa kaniya: “Kayo ay mula sa inyong amang Diyablo, at ninanais ninyong gawin ang mga pagnanasa ng inyong ama. Ang isang iyon ay mamamatay-tao nang siya ay magsimula, at hindi siya nanindigan sa katotohanan, sapagkat ang katotohanan ay wala sa kaniya. Kapag sinasalita niya ang kasinungalingan, siya ay nagsasalita ayon sa kaniyang sariling kagustuhan, sapagkat siya ay isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Siyempre, ang tinutukoy ni Jesus ay ang nangyari noon sa hardin ng Eden nang tuksuhin ni Satanas ang unang mag-asawa na sumuway sa Diyos, anupat nagkasala sila at namatay.—Genesis 3:1-5; Roma 5:12.
Malinaw na tinukoy ni Jesus si Satanas bilang “ama [o pinagmulan] ng kasinungalingan.” Hanggang ngayon, si Satanas pa rin ang pangunahing tagapagtaguyod ng kasinungalingan at, sa katunayan, “siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” Siya ang pangunahing dahilan ng halos lahat ng masasamang bagay na nangyayari ngayon sa mga tao dahil sa laganap na pagsisinungaling.—Apocalipsis 12:9.
Ang matagal nang labanan sa pagitan ng katotohanan at kasinungalingan, na pinasimulan ni Satanas na Diyablo, ay nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon. Nakaaapekto ito sa lahat ng uri ng tao. Makikita sa paraan ng pamumuhay ng isang tao kung itinataguyod niya ang panig ng katotohanan o ng kasinungalingan. Ang mga pumapanig sa Diyos ay namumuhay kaayon ng katotohanan ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Ang sinumang hindi sumusunod sa daan ng katotohanan, batid man nila ito o hindi, ay nasa panig ni Satanas yamang “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.”—1 Juan 5:19; Mateo 7:13, 14.
Bakit May Tendensiyang Magsinungaling ang mga Tao?
Maraming tao ang nagsisinungaling dahil ang “buong sanlibutan” ay nasa kapangyarihan ni Satanas. Pero baka itanong natin, ‘Bakit ginawa iyon ni Satanas, ang “ama ng kasinungalingan”?’ Alam ni Satanas na si Jehova ang nararapat na Soberano, o Tagapamahala, ng lahat ng Kaniyang nilalang, kasama na ang unang mag-asawa. Subalit hinangad ni Satanas ang matayog at pantanging posisyong ito, isang bagay na hindi para sa kaniya. Dahil sa kasakiman at makasariling ambisyon, gumawa siya ng pakana upang agawin ang posisyon ni Jehova. Para magawa ito ni Satanas, nagsinungaling siya at nandaya.—1 Timoteo 3:6.
Kumusta sa ngayon? Hindi ka ba sasang-ayon na kasakiman at makasariling ambisyon pa rin ang pangunahing dahilan kung bakit nagsisinungaling ang marami? Ang sakim na komersiyo, tiwaling pulitika, at huwad na relihiyon ay punô ng panlilinlang, kasinungalingan, pagmamanipula, at pandaraya. Bakit? Hindi ba’t dahil kadalasan nang kasakiman at ambisyon ang nag-uudyok sa mga tao na makaangat sa iba o yumaman, magtamo ng kapangyarihan, o makaangat sa lipunan na hindi naman nararapat sa kanila? Nagbabala ang isang matalinong tagapamahala, si Haring Solomon ng sinaunang Israel: “Siyang nagmamadaling magtamo ng kayamanan ay hindi mananatiling walang-sala.” (Kawikaan 28:20) At sumulat si apostol Pablo: “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay.” (1 Timoteo 6:10) Tiyak na kapit din iyan pagdating sa matinding paghahangad ng kapangyarihan o posisyon.
Takot ang isa pang dahilan kung bakit nagsisinungaling ang isa—takot sa mga epekto o sa iisipin ng iba kapag sinabi niya ang totoo. Siyempre pa, nais ng mga tao na tanggapin sila ng iba. Gayunman, baka dahil sa pagnanais na ito, maudyukan silang magsinungaling, nang kahit kaunti, upang mapagtakpan ang kanilang mga pagkukulang o kapintasan, o para makapagbigay ng magandang impresyon. Angkop ngang sumulat si Solomon: “Ang panginginig sa harap ng mga tao ang siyang nag-uumang ng silo, ngunit siyang nagtitiwala kay Jehova ay ipagsasanggalang.”—Kawikaan 29:25.
Maging Tapat sa Diyos ng Katotohanan
Ano kaya ang isinagot ni Manfred nang tanungin siya ng opisyal ng kompanya? Sinabi ni Manfred ang totoo. Ganito ang isinagot niya: “Pinauwi po kasi kami nang maaga, kaya bumalik po ako dito. ’Yung iba naman po, sila na lang ang tanungin ninyo.”
Puwede namang gumawa ng kuwento si Manfred para matuwa sa kaniya ang iba pang mga aprentis. Pero may mabuti siyang dahilan para magsabi ng totoo. Si Manfred ay isang Saksi ni Jehova. Dahil sa kaniyang katapatan, napanatili
niyang malinis ang kaniyang budhi. Pinagkatiwalaan din siya ng kaniyang amo dahil dito. Bilang bahagi ng pagsasanay sa kaniya, pinagtrabaho si Manfred sa seksiyon ng mga alahas, na karaniwan nang hindi iniaatas sa mga aprentis. Mga 15 taon ang lumipas, nang tumaas ang posisyon ni Manfred sa kompanya, tinawagan siya ng mismong opisyal na iyon upang batiin siya at muling banggitin ang insidenteng iyon.Yamang si Jehova ay Diyos ng katotohanan, ang sinumang nagnanais na maging malapít sa kaniya ay dapat ‘mag-alis ng kabulaanan’ at ‘magsalita ng katotohanan.’ Dapat ibigin ng lingkod ng Diyos ang katotohanan. “Ang saksing tapat ay yaong hindi magsisinungaling,” ang isinulat ng taong marunong. Subalit ano ba ang pagsisinungaling?—Efeso 4:25; Kawikaan 14:5.
Ano ang Pagsisinungaling?
Ang lahat ng pagsisinungaling ay pagsasabi ng hindi totoo, pero hindi lahat ng pagsasabi ng hindi totoo ay pagsisinungaling. Bakit? Sinasabi ng isang diksyunaryo na ang pagsisinungaling ay ‘pagsasabi ng hindi totoo sa layuning makapanlinlang.’ Oo, nagsisinungaling ang isa para manlinlang o mandaya. Kaya ang di-sinasadyang pagsasabi ng hindi totoo—gaya ng pagbibigay ng maling impormasyon nang hindi sinasadya—ay hindi pagsisinungaling.
Bukod diyan, kailangan nating isaalang-alang kung nararapat malaman ng taong humihingi ng impormasyon ang lahat ng detalye. Halimbawa, ipagpalagay nang isang opisyal ng ibang kompanya ang nagtanong noon kay Manfred ng gayunding mga tanong. Obligado ba si Manfred na sabihin sa kaniya ang lahat ng detalye? Hindi. Yamang walang karapatan ang opisyal na iyon na malaman ang gayong impormasyon, hindi obligado si Manfred na sabihin iyon. Siyempre pa, kahit sa ganitong situwasyon, mali pa rin ang magsinungaling.
Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesu-Kristo hinggil dito? Minsan, kausap ni Jesus ang ilang tao na hindi naman niya mga alagad subalit interesadong makaalam sa mga pupuntahan niyang lugar. “Lumipat ka mula rito at pumaroon ka sa Judea,” ang mungkahi nila. Ano ang isinagot ni Jesus? “Umahon kayo sa kapistahan [sa Jerusalem]; hindi pa ako aahon sa kapistahang ito, sapagkat ang takdang panahon ko ay hindi pa lubusang dumarating.” Di-nagtagal pagkatapos nito, nagpunta si Jesus sa Jerusalem para sa kapistahan. Bakit kaya ganoon ang isinagot niya? Wala kasi silang karapatang malaman ang lahat ng detalye ng kaniyang mga pupuntahan. Kaya bagaman walang sinabi si Jesus na hindi totoo, hindi niya sinabi ang lahat ng detalye upang maiwasan ang posibleng kapahamakan na maaari nilang gawin sa kaniya o sa kaniyang mga tagasunod. Hindi iyon pagsisinungaling, dahil ganito ang isinulat ni apostol Pedro tungkol kay Kristo: “Hindi siya nakagawa ng kasalanan, ni kinasumpungan man ng panlilinlang ang kaniyang bibig.”—Juan 7:1-13; 1 Pedro 2:22.
Kumusta naman si Pedro? Hindi ba’t noong gabing arestuhin si Jesus, tatlong beses nagsinungaling si Pedro at ikinaila niya si Jesus? Oo, nadaig si Mateo 26:69-75; Gawa 4:18-20; 5:27-32; Santiago 3:2.
Pedro ng takot sa tao kaya siya nagsinungaling. Pero pagkatapos na pagkatapos nito, “tumangis [siya] nang may kapaitan” at nagsisi, at siya’y pinatawad. Bukod dito, natuto siya sa kaniyang pagkakamali. Makalipas ang ilang araw, nagsalita siya sa madla tungkol kay Jesus at determinado siyang magpatuloy kahit na pinagbantaan siya ng mga Judiong awtoridad ng Jerusalem. Bagaman nagkamali si Pedro, karaka-raka siyang kumilos para ituwid ito. Tiyak na nakapagpapatibay ito sa bawat isa sa atin, na madaling madaig ng kahinaan at matisod sa salita o gawa.—Matatatag Magpakailanman ang Katotohanan
“Ang labi ng katotohanan ang matibay na matatatag magpakailanman, ngunit ang dila ng kabulaanan ay magiging kasintagal lamang ng isang sandali,” ang paliwanag ng Kawikaan 12:19. Oo, namamalagi ang katotohanan. At mas matatag at kasiya-siya ang mga ugnayan kapag ang mga tao ay laging nagsasabi ng totoo at naninindigan sa katotohanan. Sa katunayan, nakikinabang na tayo ngayon sa pagsasabi ng totoo. Kasama rito ang malinis na budhi, mabuting reputasyon, at matibay na ugnayan sa pag-aasawa, sa pamilya, sa mga magkakaibigan, at kahit sa negosyo.
Sa kabilang dako, hindi nagtatagal ang mga kasinungalingan. Sa simula, posibleng makapanlinlang ang pagsisinungaling, pero mabubunyag din ito sa dakong huli. Karagdagan pa, nagtakda ng panahon si Jehova, ang Diyos ng katotohanan, para wakasan ang mga kasinungalingan at lipulin ang mga sinungaling. Ipinangako ng Bibliya na papawiin ni Jehova ang impluwensiya ni Satanas na Diyablo, ang ama ng kasinungalingan, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa. Di-magtatagal, aalisin ni Jehova ang lahat ng kasinungalingan at mga sinungaling.—Apocalipsis 21:8.
Kaylaking ginhawa kapag sa wakas, “ang labi ng katotohanan” ay matibay na matatatag magpakailanman!
[Talababa]
^ par. 2 Hindi niya tunay na pangalan.
[Blurb sa pahina 5]
Nagsisinungaling ang maraming tao dahil sa kasakiman at makasariling ambisyon
[Blurb sa pahina 6]
Ang lahat ng pagsisinungaling ay pagsasabi ng hindi totoo, pero hindi lahat ng pagsasabi ng hindi totoo ay pagsisinungaling
[Larawan sa pahina 6]
Ano ang matututuhan natin sa pagkakaila ni Pedro kay Kristo?
[Larawan sa pahina 7]
Nagiging matatag at kasiya-siya ang mga ugnayan kapag ang mga tao ay nagsasabi ng totoo