Kung Bakit Ako Nalulugod sa Paggawa ng mga Alagad
Kung Bakit Ako Nalulugod sa Paggawa ng mga Alagad
Ayon sa salaysay ni Pamela Moseley
Taóng 1941, kasagsagan ng digmaan noon sa Inglatera nang isama ako ni Inay sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Leicester. Tungkol sa mga bata ang paksa ng napakinggan naming pantanging pahayag ni Joseph Rutherford. Nang bautismuhan kami ni Inay sa kombensiyong iyon, napansin kong tuwang-tuwa ang mga tumulong sa amin na sumulong sa espirituwal. Hindi ko pa alam noon kung gaano kasayang makibahagi sa paggawa ng mga alagad ni Jesu-Kristo.
NAGING interesado kami sa katotohanan noong 1940. Noong Setyembre 1939, sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II. Tandang-tanda ko pa ang nakapanghihilakbot na araw na iyon. Nakita kong lumuluha si Inay noon na nagtatanong, “Bakit ba walang kapayapaan sa daigdig?” Naglingkod sa militar noong Digmaang Pandaigdig I ang aking mga magulang at naranasan nila ang pait ng digmaan. Itinanong ni Inay ang bagay na ito sa ministrong Anglikano sa Bristol. Sinabi lamang nito: “Matagal nang may digmaan at hindi na ito mawawala.”
Subalit di-nagtagal, isang babaing may-edad na ang dumalaw sa aming tahanan. Isa siyang Saksi ni Jehova. Tinanong din siya ni Inay: “Bakit ba walang kapayapaan sa daigdig?” Ipinaliwanag ng Saksi na ang mga digmaan ay bahagi ng tanda na nabubuhay na tayo sa katapusan ng marahas na sistemang ito ng mga bagay. (Mateo 24:3-14) Di-nagtagal, nagdaraos na sa amin ng pag-aaral ng Bibliya ang kaniyang anak na babae. Kabilang sila sa masayang mga nagmasid noong kami’y bautismuhan. Bakit ba masayang-masaya ang mga tao sa paggawa ng mga alagad? Nalaman ko rin ang dahilan nang bandang huli. Hayaan mong ikuwento ko sa iyo ang ilan sa mga natutuhan ko sa loob ng mahigit 65 taóng pakikibahagi ko sa paggawa ng mga alagad.
Masaya Palang Magturo
Labing-isang taóng gulang ako nang magsimula akong makibahagi sa pangangaral sa Bristol tungkol sa Kaharian. Binigyan ako ng isang brother ng ponograpo at isang kard na ginagamit sa pagpapatotoo at saka sinabi: “O sige, magbahay-bahay ka na sa kalyeng iyan.” Kaya mag-isa akong nangaral. Siyempre matindi ang nerbiyos ko. Pinatugtog ko muna ang nakarekord na pahayag na salig sa Bibliya at saka ko ipinabasa sa may-bahay ang kard, na nag-aalok sa mga tao na kumuha ng mga literatura sa Bibliya.
Simula noong dekada ng 1950, idiniin ang paggamit ng Bibliya kapag dumadalaw sa bahay-bahay. Mahiyain ako, kaya noong una’y nahirapan akong ipakipag-usap at ipaliwanag ang mga teksto sa Bibliya sa mga taong hindi ko kilala. Pero lumakas din ang loob ko bandang huli. Mula noon, nasiyahan na ako sa ministeryo. Itinuring kami ng ilan na mga tindera lamang ng mga aklat, pero nang basahin na namin sa kanila ang mga teksto sa Bibliya at ipinaliwanag ang mga ito, kinilala nila kami na mga guro ng Salita ng Diyos. Wiling-wili ako sa gawaing ito kaya naman gusto kong gumugol ng mas marami pang panahon dito. Kaya noong Setyembre 1955, pumasok ako sa buong-panahong ministeryo bilang payunir.
Pinagpala ang Aking Pagtitiyaga
Ang isa sa una kong natutuhan ay na pinagpapala ang kabaitan at pagtitiyaga. Minsan, nag-iwan ako ng isang kopya ng magasing Bantayan sa isang babaing nagngangalang Violet Morice. Nang bumalik ako, binuksan niya ang pinto, naghalukipkip, at matamang nakinig habang ipinaliliwanag ko sa kaniya ang Kasulatan. Tuwing dumadalaw ako, parang interesado talaga siya. Pero nang inalok ko siya na regular naming pag-aralan ang Bibliya, sinabi niya: “Saka na lang kapag malalaki na ang mga anak ko.” Talagang nalungkot ako noon! Pero sinasabi ng Bibliya na may “panahon ng paghanap at panahon ng pagtanggap sa pagkawala.” (Eclesiastes 3:6) Kaya ipinasiya kong huwag sumuko.
Makalipas ang isang buwan, bumalik ako at ipinakipag-usap kay Violet ang ilan pang mga teksto. Di-nagtagal, linggu-linggo na kaming nag-aaral ng Bibliya doon sa kaniyang pintuan. Bandang huli’y sinabi niya: “Palagay ko mas mabuti kung sa loob tayo mag-usap.” Tuwang-tuwa ako na si Violet ay naging kapananampalataya ko at isang matalik na kaibigan! Oo, nabautismuhan si Violet bilang isang Saksi ni Jehova.
Isang araw, nabigla si Violet nang malaman niyang ibinenta ng kaniyang asawa ang kanilang bahay at iniwan siya. Mabuti na lamang, nakahanap siya ng ibang bahay nang araw ding iyon sa tulong ng isang kaibigang Saksi. Bilang pasasalamat kay Jehova, ipinasiya niyang gamitin ang buong buhay niya sa paglilingkod bilang payunir. Nang makita kong naging masigasig siya sa tunay na pagsamba sa tulong ng espiritu ni Jehova, naunawaan ko kung bakit nagdudulot ng kaligayahan ang paggawa ng mga alagad. Ito na talaga ang magiging buhay ko!
Noong 1957, kami ni Mary Robinson ay inatasang magpayunir sa Rutherglen, isang lugar na maraming pabrika, sa Glasgow, Scotland. Nangaral kami anuman ang lagay ng panahon, pero sulit ito. Isang araw, may nakilala akong babaing nagngangalang Jessie. Nasisiyahan ako sa pag-aaral namin ng Bibliya. Komunista ang kaniyang asawang si Wally, at noong una’y iniiwasan niya ako. Pero nang mag-aral ng Bibliya si Wally, tuwang-tuwa siya nang malaman niyang tanging ang Kaharian ng Diyos ang makapagdudulot sa mga tao ng magandang buhay. Nang maglaon, nakibahagi na rin sila sa paggawa ng mga alagad.
Hindi Mapagbabatayan ang Unang mga Reaksiyon
Nang maglaon, inatasan kami sa Paisley, Scotland. Isang araw, habang nangangaral ako roon, pinagbagsakan ako ng
pinto ng may-bahay. Pero bandang huli ay hinanap niya ako para humingi ng paumanhin. Nang bumalik ako nang sumunod na linggo, sinabi niya: “Pakiramdam ko, Diyos ang pinagbagsakan ko ng pinto kaya kailangan kitang hanapin.” Pearl ang pangalan niya. Sinabi niyang dismayado siya sa kaniyang mga kaibigan at mga kamag-anak kaya nanalangin siya sa Diyos para magkaroon siya ng isang tunay na kaibigan. “Tapos dumating ka,” ang sabi niya. “Ngayon ko naisip na ikaw na siguro ang ipinadala niyang tunay na kaibigan.”Hindi madaling maging kaibigan ni Pearl. Nakatira siya sa taluktok ng matarik na burol kaya kailangan kong umakyat. Nang sunduin ko siya para dumalo sa pulong sa unang pagkakataon, muntik na akong matumba dahil sa lakas ng hangin at ulan. Nasira pa nga ang payong ko kaya itinapon ko na ito. Anim na buwan lamang mula nang pagbagsakan ako ng pinto, sinagisagan ni Pearl ang kaniyang pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.
Di-nagtagal, pumayag na rin ang kaniyang asawa na mag-aral ng Bibliya, at sa loob lamang ng maikling panahon, sumama na siya sa akin sa ministeryo sa bahay-bahay. Tulad ng dati, umuulan na naman. “Huwag mo akong alalahanin,” ang sabi niya. “Ilang oras nga akong nakakatagal sa ulan makapanood lang ng football, kaya tiyak na matatagalan ko rin ang ulan para kay Jehova.” Talagang hangang-hanga ako sa determinasyon ng mga taga-Scotland.
Laking tuwa ko nang bumalik ako roon makalipas ang ilang dekada at makitang nananatili pa ring tapat ang karamihan sa mga tinulungan kong mag-aral ng Bibliya! Iyan ang kagalakang dulot ng paggawa ng mga alagad. (1 Tesalonica 2:17-20) Noong 1966, makalipas ang mahigit walong taóng pagpapayunir sa Scotland, inanyayahan ako sa Watchtower Bible School of Gilead para magsanay bilang misyonero.
Paglilingkod sa Ibang Bansa
Inatasan ako sa Bolivia, sa tropikal na bayan ng Santa Cruz, kung saan may isang kongregasyon na binubuo ng mga 50 mamamahayag. Nang makita ko ang bayan, naalaala ko ang mga koboy na napapanood ko sa mga pelikula ng Hollywood. Kapag ginugunita ko ang buhay ko sa pagmimisyonero, wala akong maalaalang pambihirang karanasan. Hindi ako kailanman sinakmal ng mga buwaya, pinalibutan ng marahas na mga mang-uumog, naligaw sa disyerto, o kaya’y nakaranas na mawasak ang barkong sinasakyan ko. Pero para sa akin, mas kapana-panabik ang paggawa ng mga alagad.
Isa sa mga unang natulungan kong mag-aral ng Bibliya sa Santa Cruz ay si Antonia. Nahirapan akong magturo sa wikang Kastila. Minsan, sinabi ng maliit na anak na lalaki ni Antonia: “Nanay, sinasadya po ba niyang magkamali para magpatawa?” Nang maglaon, naging alagad din si Antonia, pati na si Yolanda, ang kaniyang anak na babae. Si Yolanda naman ay may kaibigan na ang palayaw ay Dito. Nag-aaral si Dito ng abogasya at nagsimula rin siyang mag-aral ng Bibliya at dumalo sa aming mga pagpupulong. May natutuhan ako sa pagtuturo ko sa kaniya ng katotohanan sa Bibliya: Kung minsan, kailangan mong salingin sa paanuman ang estudyante sa Bibliya.
Nang hindi na regular na nakikipag-aral ng Bibliya si Dito, sinabi ko: “Dito, hindi ka pinipilit ni Jehova na itaguyod ang kaniyang Kaharian. Kailangan mong magpasiya.” Nang sabihin niyang gusto niyang maglingkod sa Diyos, sinabi ko: “May mga larawan ka rito ng isang lider ng rebolusyon. Kung makikita ng bisita mo ang mga ito, iisipin ba niyang itinataguyod mo ang Kaharian ng Diyos?” Iyan ang nag-udyok sa kaniya na kumilos.
Makalipas ang dalawang linggo, nagkaroon ng rebolusyon, at nagbarilan ang mga estudyante ng unibersidad at mga pulis. “Alis na tayo!” ang sigaw ni Dito sa kaniyang kaibigan. “Hindi! Ito na ang araw na pinakahihintay natin,” ang sagot ng kaniyang kasama, sabay dampot sa baril at dali-daling umakyat sa bubungan ng unibersidad. Isa siya sa walong kaibigan ni Dito na namatay nang araw na iyon. Malamang patay na rin si Dito kung hindi siya nagpasiyang maging tunay na Kristiyano. Tuwang-tuwa ako sa naging desisyon niya.
Nakita Ko ang Pagkilos ng Espiritu ni Jehova
Isang araw, akala ko napuntahan na namin ang isang bahay kaya nilampasan ko iyon, pero tinawag ako ng may-bahay. Ignacia ang pangalan niya. Pamilyar siya sa mga Saksi ni Jehova, pero
matindi ang pagsalansang sa kaniya ng kaniyang asawang si Adalberto—isang pulis na malaki ang pangangatawan—kaya hindi siya sumulong sa espirituwal. Nalilito si Ignacia sa maraming pangunahing turo ng Bibliya, kaya tinulungan ko siyang mag-aral ng Bibliya. Bagaman determinado si Adalberto na pahintuin ang aming pag-aaral sa Bibliya, matagal-tagal ko rin siyang nakausap tungkol sa ibang mga paksa. Iyon ang simula ng aming pagkakaibigan.Laking tuwa ko nang maging isang mapagmalasakit na miyembro ng kongregasyon si Ignacia, anupat inaasikaso niya ang pisikal at espirituwal na kapakanan ng maraming nangangailangan ng kaaliwan. Nang maglaon, naging Saksi rin ang kaniyang asawa pati na ang tatlo sa kanilang mga anak. Sa katunayan, nang makita ni Adalberto ang kahalagahan ng mabuting balita, bumalik siya sa istasyon ng pulisya. Masiglang-masigla siyang nangaral doon anupat 200 suskripsiyon ng Ang Bantayan at Gumising! ang hiniling ng mga pulis.
Si Jehova ang Nagpapalago
Matapos ang anim na taóng paglilingkod sa Santa Cruz, inatasan ako sa La Paz, ang kabisera ng Bolivia, at doon ko ginugol ang sumunod na 25 taon. Sa maagang bahagi ng dekada ng 1970, ang tahanang Bethel ng mga Saksi ni Jehova sa La Paz ay mayroon lamang 12 miyembro. Yamang lumalawak ang gawaing pangangaral, kinailangan ang mas malalaking pasilidad, kaya nagtayo ng bagong gusali ng sangay sa lumalaking lunsod ng Santa Cruz. Noong 1998, inilipat doon ang sangay, at inanyayahan akong maging miyembro nito, na binubuo ngayon ng mahigit 50 miyembro.
Noong 1966, iisa lamang ang kongregasyon sa Santa Cruz, pero sa ngayon, mahigit nang 50 ang kongregasyon doon. Ang dating 640 Saksi sa buong Bolivia ay halos 18,000 na ngayon!
Natutuwa ako na naging mabunga ang paglilingkod ko sa Bolivia. Gayunman, napatitibay rin ako ng katapatan ng kapuwa ko mga Kristiyano sa lahat ng dako ng daigdig. Nasisiyahan tayong lahat na makitang pinagpapala ni Jehova ang gawaing pangangaral ng Kaharian. Talagang nakalulugod na makibahagi sa paggawa ng mga alagad.—Mateo 28:19, 20.
[Larawan sa pahina 13]
Pagpapayunir sa Scotland
[Mga larawan sa pahina 15]
Naglilingkod sa tanggapang pansangay sa Bolivia; (nakasingit na larawan) sa gradwasyon ng ika-42 klase ng Gilead