Madali Ngang Basahin, Pero Tumpak Ba?
Madali Ngang Basahin, Pero Tumpak Ba?
NOONG Setyembre 2005, malugod na inindorso ng Church of England ang paglalabas ng The 100-Minute Bible. Dinisenyo ang Bibliyang ito para mabasa sa loob ng 100 minuto. Binuod ng bagong bersiyong ito ang Hebreong Kasulatan sa 17 seksiyon na may tig-iisang pahina at ang Griegong Kasulatan naman sa 33 seksiyon, sa gayon ay inalis ang lahat ng “nakababagot na bahagi,” gaya ng sinabi ng isang kritiko. Madali nga itong basahin, pero tumpak ba ito?
Bukod sa pag-aalis sa pangalan ng Diyos, Jehova, may ilan pang mga paglihis sa katotohanan na makikita ng maingat na mga estudyante sa Bibliya. (Awit 83:18) Halimbawa, sinasabi sa seksiyon 1 na “nilalang [ng Diyos] ang langit at lupa sa loob ng anim na araw.” Subalit ganito lamang ang sinasabi sa Genesis 1:1: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” Pagkatapos niyan, inilarawan ng orihinal na ulat na ang paglalang may kaugnayan sa lupa, ay tumagal nang anim na “araw,” o yugto ng panahon. Pagkatapos, ibinuod ng Genesis 2:4 ang buong yugto ng paglalang at tinawag itong ang “araw [noong] gawin ng Diyos na Jehova ang lupa at langit.”
Ayon sa The 100-Minute Bible, ang tapat na si Job ay sinaktan ng “isa sa mga lingkod [ng Diyos], si Satanas, . . . na nagsisilbing tagapag-akusa sa sangkatauhan.” Nakikita mo ba ang pagkakasalungatan dito? Ang salitang “Satanas” ay nangangahulugang “Mananalansang.” Sa katunayan, sa halip na isang lingkod ng Diyos, si Satanas ang pangunahing kaaway ng Diyos at pinili niyang maging tagapag-akusa sa sangkatauhan.—Apocalipsis 12:7-10.
Kumusta naman ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ng The 100-Minute Bible? Sa talinghaga tungkol sa tupa at kambing, sinasabi ng bagong bersiyon na pinapaboran daw ni Jesus ang tumutulong sa “sinuman, maging sa pinakahamak na tao,” samantalang ang totoo, sinabi ni Jesus na pinagpapala niya ang sinumang gumagawa ng mabuti sa mga sumusunod sa kaniyang yapak—sa kaniyang “mga kapatid.” (Mateo 25:40) Sinasabi sa buod ng Apocalipsis na ang “Roma, ang dakilang Babilonya, ay lubos na lilipulin.” Subalit alam ng mga estudyante sa Bibliya na sa orihinal na mga akda, walang mababasang gayong pagkakakilanlan hinggil sa “Babilonyang Dakila.”—Apocalipsis 17:15–18:24.
Para sa mga nagnanais na makilala ang ating Maylalang at maunawaan ang kaniyang layunin, walang kapalit ang kumpletong Bibliya. Totoo, higit pa sa 100 minuto ang kailangan para mabasa ang buong Bibliya, pero nagdudulot ito ng di-matutumbasang mga gantimpala. (Juan 17:3) Sana’y pagsikapan mong basahin ang buong Bibliya at tanggapin ang mga gantimpala sa paggawa nito.—2 Timoteo 3:16, 17.