Mapagpahalagang Diyos si Jehova
Mapagpahalagang Diyos si Jehova
“Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.”—HEBREO 6:10.
1. Paano ipinakita ni Jehova na pinahalagahan niya ang ginawa ng babaing Moabita na si Ruth?
LUBHANG pinahahalagahan ni Jehova ang mga pagsisikap ng mga taimtim na nagnanais na gawin ang kaniyang kalooban, at sagana niya silang pinagpapala. (Hebreo 11:6) Alam ng tapat na lalaking si Boaz ang napakagandang katangiang ito ng Diyos, sapagkat sinabi niya sa babaing Moabita na si Ruth, na maibiging nangalaga sa biyudang biyenan nito: “Gantihan nawa ni Jehova ang iyong paggawi, at magkaroon nawa ng sakdal na kabayaran para sa iyo mula kay Jehova.” (Ruth 2:12) Pinagpala ba ng Diyos si Ruth? Aba, oo! Sa katunayan, iniulat pa nga sa Bibliya ang kuwento ng kaniyang buhay! Bukod diyan, napangasawa niya si Boaz at naging ninuno siya ni Haring David at ni Jesu-Kristo. (Ruth 4:13, 17; Mateo 1:5, 6, 16) Isa lamang iyan sa maraming halimbawa sa Bibliya na nagpapakitang pinahahalagahan ni Jehova ang mabubuting gawa ng kaniyang mga lingkod.
2, 3. (a) Bakit kapansin-pansin ang pagpapahalagang ipinakikita ni Jehova sa kaniyang bayan? (b) Bakit tayo makatitiyak na talagang pahahalagahan ni Jehova ang ating paglilingkod? Ilarawan.
2 Ituturing ni Jehova na isang kalikuan para sa kaniya kung hindi niya pahahalagahan ang mga ginagawa ng kaniyang mga lingkod. Ganito ang sinasabi sa Hebreo 6:10: “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan, dahil kayo ay naglingkod sa mga banal at patuloy na naglilingkod.” Kapansin-pansin ang mga pananalitang ito dahil ipinahihiwatig nito na pinahahalagahan ng Diyos ang ginagawa ng kaniyang tapat na bayan bagaman makasalanan sila at nagkukulang sa kaniyang kaluwalhatian.—Roma 3:23.
3 Dahil hindi tayo sakdal, baka nadarama nating hindi mahalaga at hindi karapat-dapat sa pagpapala ng Diyos ang ating mga ginagawa upang ipakita ang ating makadiyos na debosyon. Subalit lubusang nauunawaan ni Jehova ang ating mga motibo at kalagayan, at talagang pinahahalagahan niya ang ating buong-kaluluwang paglilingkod. (Mateo 22:37) Bilang paglalarawan: Nakita ng isang ina sa kaniyang mesa ang isang regalo para sa kaniya—isang mumurahing kuwintas. Puwede niyang isipin na wala namang halaga ang regalo, at bale-walain ito. Pero ipinakikita ng kalakip na kard na ang regalo ay galing pala sa kaniyang maliit na anak na babae. Bukod diyan, inubos ng kaniyang anak ang lahat ng inipon nito para mabili ang regalo. Iba na ngayon ang tingin ng ina sa regalo. Malamang na habang nangingilid ang kaniyang luha, niyakap niya ang kaniyang anak, at ipinahayag ang kaniyang taos-pusong pasasalamat.
4, 5. Paano tinularan ni Jesus si Jehova sa pagpapakita ng pagpapahalaga sa ginagawa ng iba?
4 Palibhasa’y alam na alam niya ang ating mga motibo at limitasyon, pinahahalagahan ni Jehova ang ating paglilingkod kung ginagawa natin ang ating buong makakaya, gaanuman ito kaliit. Ganap na tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama sa bagay na ito. Alalahanin ang ulat ng Bibliya tungkol sa babaing balo na naghulog ng ilang barya. “Nang tumingin [si Jesus] ay nakita niya ang mayayaman na naghuhulog ng kanilang mga kaloob sa mga kabang-yaman. Nang magkagayon ay nakita niya ang isang nagdarahop na babaing balo na naghulog doon ng dalawang maliit na barya na napakaliit ng halaga, at sinabi niya: ‘Sinasabi ko sa inyo ang totoo, Ang babaing balo na ito, bagaman dukha, ay naghulog ng higit kaysa sa kanilang lahat. Sapagkat ang lahat ng mga ito ay naghulog ng mga kaloob mula sa kanilang labis, ngunit ang babaing ito mula sa kaniyang kakapusan ay naghulog ng lahat ng kabuhayang taglay niya.’”—5 Oo, yamang batid niya ang kalagayan ng babae—na ito ay balo at dukha—naunawaan ni Jesus ang tunay na halaga ng ibinigay ng babae, at lubha niya itong pinahalagahan. Ganiyan din si Jehova. (Juan 14:9) Hindi ba nakapagpapasiglang malaman na anuman ang kalagayan mo, maaaring malugod sa iyo ang ating mapagpahalagang Diyos at ang kaniyang Anak?
Ginantimpalaan ni Jehova ang Etiopeng May Takot sa Diyos
6, 7. Paano ipinakita ni Jehova ang kaniyang pagpapahalaga kay Ebed-melec, at bakit?
6 Paulit-ulit na ipinakikita sa Kasulatan na ginagantimpalaan ni Jehova ang mga gumagawa ng kaniyang kalooban. Isaalang-alang ang kaniyang pakikitungo kay Ebed-melec, isang Etiopeng may takot sa Diyos na nabuhay noong panahon ni Jeremias at naglilingkod sa sambahayan ng di-tapat na hari ng Juda na si Zedekias. Nalaman ni Ebed-melec na si propeta Jeremias ay pinaratangan ng sedisyon ng mga prinsipe ng Juda at ipinatapon sa isang imbakang-tubig upang mamatay sa gutom. (Jeremias 38:1-7) Batid ni Ebed-melec na kinapopootan si Jeremias dahil sa mensaheng ipinangangaral nito, kung kaya isinapanganib niya ang kaniyang buhay at namanhik sa hari. May-katapangang nagsalita ang Etiope: “O panginoon kong hari, ang mga lalaking ito ay gumawa ng masama sa lahat ng ginawa nila kay Jeremias na propeta, na inihagis nila sa imbakang-tubig, anupat mamamatay siya sa kinaroroonan niya dahil sa taggutom.” Sa utos ng hari, kumuha si Ebed-melec ng 30 lalaki at iniligtas nila ang propeta ng Diyos.—Jeremias 38:8-13.
7 Nakita ni Jehova na may pananampalataya si Ebed-melec, at ang pananampalatayang iyon ang tumulong sa kaniya na madaig ang anumang takot na maaaring nadama niya. Kaya bilang pagpapahalaga sa ginawang ito ni Ebed-melec, sinabi ni Jehova sa kaniya sa pamamagitan ni Jeremias: “Narito, pangyayarihin kong magkatotoo ang aking mga salita sa lunsod na ito sa ikapapahamak at hindi sa ikabubuti . . . At ililigtas kita sa araw na iyon, . . . at hindi ka ibibigay sa kamay ng mga lalaki na iyong kinatatakutan. Sapagkat walang pagsalang maglalaan ako sa iyo ng pagtakas . . . ; at tiyak na mapapasaiyo ang iyong kaluluwa bilang samsam, sapagkat nagtiwala ka sa akin.” (Jeremias 39:16-18) Oo, iniligtas ni Jehova si Ebed-melec, pati na si Jeremias, mula sa masasamang prinsipe ng Juda at nang dakong huli, sa mga Babilonyo, nang wasakin ng mga ito ang Jerusalem. “Binabantayan [ni Jehova] ang mga kaluluwa ng kaniyang mga matapat; mula sa kamay ng mga balakyot ay inililigtas niya sila,” ang sabi sa Awit 97:10.
“Ang Iyong Ama na Tumitingin sa Lihim ang Gaganti sa Iyo”
8, 9. Gaya ng ipinakita ni Jesus, anong mga panalangin ang pinahahalagahan ni Jehova?
8 Ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa panalangin ay isa pang patotoo na pinahahalagahan ni Jehova ang ating makadiyos na debosyon. “Ang panalangin ng mga matuwid ay kalugud-lugod sa [Diyos],” ang sabi ng taong marunong. (Kawikaan 15:8) Noong panahon ni Jesus, maraming relihiyosong lider ang nananalangin sa madla para pahangain ang mga tao at hindi dahil sa talagang makadiyos sila. “Taglay na nilang lubos ang kanilang gantimpala,” ang sabi ni Jesus. “Gayunman . . . kapag mananalangin ka,” ang tagubilin ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod, “pumasok ka sa iyong pribadong silid at, pagkasara ng iyong pinto, manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim; sa gayon ang iyong Ama na tumitingin sa lihim ang gaganti sa iyo.”—Mateo 6:5, 6.
9 Siyempre pa, hindi hinahatulan ni Jesus ang pananalangin sa madla, yamang may mga pagkakataong siya mismo ay nanalangin sa madla. (Lucas 9:16) Lubhang pinahahalagahan ni Jehova ang ating mga panalangin kapag ito ay taimtim at mula sa puso, na hindi iniisip na pahangain ang iba. Sa katunayan, makikita sa ating personal na panalangin kung gaano kasidhi ang ating pag-ibig at pagtitiwala sa Diyos. Kaya hindi kataka-taka na madalas na nagpupunta si Jesus sa pribadong mga lugar para manalangin. Minsan, ginawa niya ito “maaga sa kinaumagahan, samantalang madilim pa.” Sa isa pang pagkakataon, “umahon siya sa bundok nang bukod upang manalangin.” At bago niya piliin ang kaniyang 12 apostol, buong gabi siyang nanalangin nang mag-isa.—Marcos 1:35; Mateo 14:23; Lucas 6:12, 13.
10. Sa ano tayo makatitiyak kapag taimtim tayong nananalangin at marubdob ang ating pagnanais na paluguran ang Diyos?
10 Tiyak na pinakinggang mabuti ni Jehova ang taos-pusong mga panalangin ng kaniyang Anak! Sa katunayan, may mga pagkakataong nanalangin si Jesus “na may malalakas na paghiyaw at mga luha, at malugod siyang pinakinggan dahil sa kaniyang makadiyos na takot.” (Hebreo 5:7; Lucas 22:41-44) Kapag taimtim tayong nananalangin at marubdob ang ating pagnanais na paluguran ang Diyos gaya ni Jesus, makatitiyak tayo na pakikinggan tayong mabuti ng ating makalangit na Ama at pahahalagahan niya ang ating mga panalangin. Oo, “si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya . . . sa katapatan.”—Awit 145:18.
11. Ano ang nadarama ni Jehova sa mga bagay na ginagawa natin na hindi nakikita ng iba?
11 Yamang pinahahalagahan ni Jehova ang ating mga panalangin kahit walang ibang nakaririnig, makatitiyak din tayong pinahahalagahan niya ang ating pagsunod sa kaniya kahit walang ibang nakakakita! Oo, alam ni Jehova ang lahat ng ginagawa natin. (1 Pedro 3:12) Kaya kung tapat tayo at masunurin kahit walang nakakakita sa atin, ipinahihiwatig nito na tayo ay may “sakdal na puso” para kay Jehova, isa na dalisay at matatag sa paggawa ng tama. (1 Cronica 28:9) Tunay ngang nagpapasaya sa puso ni Jehova ang gayong paggawi!—Kawikaan 27:11; 1 Juan 3:22.
12, 13. Paano natin maiingatan ang ating isip at puso at maging gaya ng tapat na alagad na si Natanael?
12 Dahil dito, nag-iingat ang tapat na mga Kristiyano laban sa lihim na mga kasalanan na nagpaparumi sa isip at puso, gaya ng panonood ng pornograpya at karahasan. Bagaman maaaring ilihim sa iba ang ilang kasalanan, batid natin na “ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.” (Hebreo 4:13; Lucas 8:17) Kapag sinisikap nating iwasan ang mga bagay na hindi nakalulugod kay Jehova, napananatili natin ang isang malinis na budhi at nalulugod tayong malaman na sinasang-ayunan tayo ng Diyos. Oo, walang alinlangan na talagang pinahahalagahan ni Jehova ang taong “lumalakad nang walang pagkukulang at nagsasagawa ng katuwiran at nagsasalita ng katotohanan sa kaniyang puso.”—Awit 15:1, 2.
13 Pero paano natin maiingatan ang ating isip at puso laban sa impluwensiya ng isang daigdig na talamak sa kasamaan? (Kawikaan 4:23; Efeso 2:2) Bukod sa pagpapahalaga at paggamit sa lahat ng inilalaan ni Jehova para palakasin ang ating pananampalataya, dapat tayong lubusang magsikap na itakwil ang masama at gumawa ng mabuti, at kagyat na kumilos para iwaksi ang maling pagnanasa at hindi magkasala. (Santiago 1:14, 15) Tiyak na masisiyahan ka kung sasabihin sa iyo ni Jesus ang sinabi niya kay Natanael: “Tingnan ninyo, isang [tao] na sa kaniya ay walang panlilinlang.” (Juan 1:47) Nang maglaon, si Natanael, na tinatawag ding Bartolome, ay nagkapribilehiyo na maging isa sa 12 apostol ni Jesus.—Marcos 3:16-19.
“Isang Mataas na Saserdote na Maawain at Tapat”
14. Paano naiiba ang tugon ni Jesus sa sinabi ng iba tungkol sa ginawa ni Maria?
14 Bilang “larawan ng di-nakikitang Diyos” na si Jehova, ganap na tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama sa pagpapakita ng pagpapahalaga sa mga naglilingkod sa Diyos na may malinis na motibo. (Colosas 1:15) Halimbawa, limang araw bago ihandog ni Jesus ang kaniyang buhay, siya at ang ilan sa kaniyang mga alagad ay naging mga panauhin sa tahanan ni Simon sa Betania. Nang gabing iyon, ang kapatid nina Lazaro at Marta na si Maria ay “kumuha . . . ng isang librang mabangong langis, tunay na nardo, napakamamahalin” (katumbas ng isang taóng kita), at ibinuhos niya ito sa ulo at mga paa ni Jesus. (Juan 12:3) “Bakit may ganitong pag-aaksaya?” ang sabi ng ilan. Pero iba ang pangmalas ni Jesus sa ginawa ni Maria. Para sa kaniya, napakabukas-palad ni Maria at lubha nitong pinahalagahan ang kaniyang nalalapit na kamatayan at libing. Kaya sa halip na punahin si Maria, pinarangalan siya ni Jesus. “Saanman ipangaral ang mabuting balitang ito sa buong sanlibutan,” ang sabi niya, “ang ginawa ng babaing ito ay sasabihin din bilang pag-alaala sa kaniya.”—Mateo 26:6-13.
15, 16. Paano tayo nakikinabang sa bagay na nabuhay at naglingkod si Jesus sa Diyos bilang tao?
15 Napakalaki nga ng ating pribilehiyo na magkaroon ng isang mapagpahalagang Lider gaya ni Jesus! Sa katunayan, malaki ang naitulong kay Jesus ng kaniyang buhay bilang tao para maihanda siya sa atas na inilaan sa kaniya ni Jehova—ang maglingkod bilang Mataas na Saserdote at Hari, una sa kongregasyon ng mga pinahiran at pagkatapos ay sa buong sangkatauhan.—Colosas 1:13; Hebreo 7:26; Apocalipsis 11:15.
16 Bago siya pumarito sa lupa, may matindi nang pagmamalasakit si Jesus sa mga tao at lubha na niya silang kinagigiliwan. (Kawikaan 8:31) Nang siya’y mabuhay bilang tao, higit niyang naunawaan ang mga pagsubok na nararanasan natin sa ating paglilingkod sa Diyos. “Kinailangan [ni Jesus na] maging tulad ng kaniyang ‘mga kapatid’ sa lahat ng bagay,” ang isinulat ni apostol Pablo, “upang siya ay maging isang mataas na saserdote na maawain at tapat . . . Sapagkat yamang siya mismo ay nagdusa nang inilalagay sa pagsubok, magagawa niyang saklolohan yaong mga nalalagay sa pagsubok.” Magagawa ni Jesus na “makiramay sa ating mga kahinaan” dahil “sinubok [siya] sa lahat ng bagay tulad natin, ngunit walang kasalanan.”—Hebreo 2:17, 18; 4:15, 16.
17, 18. (a) Ano ang isinisiwalat ng mga liham sa pitong kongregasyon sa Asia Minor hinggil sa pagpapahalaga ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod? (b) Sa anong atas inihahanda ang mga pinahirang Kristiyano noong panahong iyon?
17 Makikita sa mga pananalita ni Jesus matapos siyang buhaying muli na talagang higit niyang naunawaan ang mga pagsubok ng kaniyang mga Apocalipsis 2:8-10.
tagasunod. Isaalang-alang ang kaniyang mga liham sa pitong kongregasyon sa Asia Minor, na isinulat ni apostol Juan. Ganito ang sinabi ni Jesus sa kongregasyon sa Smirna: “Alam ko ang iyong kapighatian at karalitaan.” Sa diwa ay sinasabi ni Jesus, ‘Lubos kong naiintindihan ang mga problema ninyo; alam na alam ko ang nararanasan ninyo.’ Nagdusa si Jesus hanggang sa kamatayan. Bunga nito, higit siyang naging mahabagin at nagkaroon ng awtoridad na sabihin: “Patunayan mong tapat ka maging hanggang sa kamatayan, at ibibigay ko sa iyo ang korona ng buhay.”—18 Ipinakikita ng mga liham sa pitong kongregasyon na alam na alam ni Jesus ang mga hamon na kinakaharap ng kaniyang mga alagad at na talagang pinahahalagahan niya ang kanilang katapatan. (Apocalipsis 2:1–3:22) Tandaan na ang kausap ni Jesus ay ang mga pinahirang Kristiyano na may pag-asang mamahalang kasama niya sa langit. Kagaya ng kanilang Panginoon, inihahanda sila para sa kanilang dakilang atas na tumulong at maging mahabagin sa paglalaan ng mga kapakinabangang idudulot ng haing pantubos ni Kristo sa nagdurusang sangkatauhan.—Apocalipsis 5:9, 10; 22:1-5.
19, 20. Paano ipinakikita ng mga bumubuo ngayon sa “malaking pulutong” ang kanilang pagpapahalaga kay Jehova at sa kaniyang Anak?
19 Sabihin pa, bukod sa kaniyang pinahirang mga tagasunod, iniibig din ni Jesus ang kaniyang matapat na “ibang mga tupa.” Milyun-milyon sa mga ito ang bumubuo ngayon sa magiging “malaking pulutong . . . mula sa lahat ng mga bansa,” na makaliligtas sa dumarating na “malaking kapighatian.” (Juan 10:16; Apocalipsis 7:9, 14) Ang mga ito ang pumapanig kay Jesus bilang pagpapahalaga sa kaniyang haing pantubos at sa kanilang pag-asang buhay na walang hanggan. Paano nila ipinakikita ang kanilang pagpapahalaga? Sa pamamagitan ng ‘pag-uukol sa Diyos ng sagradong paglilingkod araw at gabi.’—Apocalipsis 7:15-17.
20 Ang pambuong-daigdig na ulat noong 2006 taon ng paglilingkod, na makikita sa pahina 27 hanggang 30, ay malinaw na patotoo na talagang nag-uukol ang mga tapat na ministrong ito ng ‘sagradong paglilingkod kay Jehova araw at gabi.’ Sa katunayan, sa taon lamang na iyon, gumugol sila, kasama ng maliit na bilang ng nalabi ng mga pinahirang Kristiyano, ng 1,333,966,199 na oras sa pangmadlang ministeryo—katumbas ng mahigit 150,000 taon!
Patuloy na Ipakita ang Iyong Pagpapahalaga!
21, 22. (a) May kinalaman sa pagpapakita ng pagpapahalaga, bakit lalo nang dapat mag-ingat ang mga Kristiyano sa ngayon? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
21 Talagang napakalaki ng pagpapahalagang ipinakikita ni Jehova at ng kaniyang Anak sa paglilingkod ng di-sakdal na mga tao. Subalit nakalulungkot, hindi pinahahalagahan ng karamihan ang ginagawa ng Diyos para sa kanila at sa halip ay nagtutuon sila ng pansin sa sarili lamang nilang kapakanan. Ganito ang isinulat ni Pablo upang ilarawan ang mga tao sa “mga huling araw”: “Ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi . . . mga walang utang-na-loob.” (2 Timoteo 3:1-5) Ibang-iba nga sila sa mga tunay na Kristiyano, na sa pamamagitan ng taos-pusong pananalangin, kusang-loob na pagsunod, at buong-kaluluwang paglilingkod, ipinakikita nila ang kanilang pagpapahalaga sa lahat ng ginagawa ng Diyos para sa kanila!—Awit 62:8; Marcos 12:30; 1 Juan 5:3.
22 Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang ilan sa maraming probisyon na maibiging inilalaan ni Jehova para palakasin ang ating pananampalataya. Habang binubulay-bulay natin ang ‘mabubuting kaloob’ na ito, lalo nawang sumidhi ang ating pagpapahalaga sa mga ito.—Santiago 1:17.
Paano Mo Sasagutin?
• Paano ipinakita ni Jehova na isa siyang mapagpahalagang Diyos?
• Paano natin mapasasaya ang puso ni Jehova kahit walang ibang nakakakita sa atin?
• Sa anu-anong paraan ipinakita ni Jesus ang kaniyang pagpapahalaga sa mga tagasunod niya?
• Paano nakatulong kay Jesus ang kaniyang buhay bilang tao upang maging isang mahabagin at mapagpahalagang tagapamahala?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 17]
Kung paanong lubhang pinahahalagahan ng isang magulang ang simpleng kapahayagan ng pag-ibig ng kaniyang anak, pinahahalagahan ni Jehova ang ating paglilingkod sa kaniya kung ginagawa natin ang ating buong makakaya