Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ano ang “digmaan . . . ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa Har-Magedon, at ano ang magiging kahihinatnan nito?—Apocalipsis 16:14, 16.
Sa simpleng pananalita, ang digmaan ng Har-Magedon ay ang pambuong-daigdig na digmaan sa hinaharap kung kailan ang mga kaaway ng Diyos ay lilipulin ni Jesu-Kristo, ang Haring inatasan ni Jehova. Ipinaliliwanag ng Bibliya na ang mga kaaway na ito, ang “mga hari ng buong tinatahanang lupa,” ay ihahanda sa digmaan sa pamamagitan ng “mga kapahayagang kinasihan ng mga demonyo” at titipunin “sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat . . . sa dako na sa Hebreo ay tinatawag na Har-Magedon.”—Apocalipsis 16:14, 16.
Hindi ito literal na dako kung saan magtitipon ang magkalaban. Ang pangalang Har-Magedon, na isinaling “Armagedon” sa ibang salin ng Bibliya ay nangangahulugang “Bundok ng Megido.” (Apocalipsis 16:16) Kahit kailan ay walang bundok na may gayong pangalan. Bukod diyan, hindi maaaring literal na magtipon sa isang dako ang “mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo.” (Apocalipsis 19:19) Sa halip, ang “dako” na ito ay tumutukoy sa magiging kalagayan o situwasyon ng mga pulitikal na tagapamahala ng lupa at ng kanilang mga tagasuporta—isang kalagayan o situwasyon na mag-uudyok sa kanila na salansangin si Jehova at ang “mga hukbo na nasa langit” sa ilalim ng pangunguna ng “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon,” si Jesu-Kristo.—Apocalipsis 19:14, 16.
Kapansin-pansin, ang terminong “Har-Magedon” ay nauugnay sa sinaunang lunsod ng Megido sa Israel. Palibhasa’y maganda ang lokasyon nito sa silangan ng Bundok Carmel, dito dumaraan ang karamihan sa mga mangangalakal at mga sundalo noong panahong iyon. Dito rin naganap ang maraming mahahalagang digmaan. Halimbawa, “sa tabi ng tubig ng Megido” nilupig ng Israelitang hukom na si Barak ang isang malakas na hukbong Canaanita na pinangunahan ni Heneral Sisera. (Hukom 4:12-24; 5:19, 20) Sa dako ring iyon tinalo ni Hukom Gideon ang mga Midianita. (Hukom 7:1-22) Sa pag-uugnay sa Megido sa dumarating na digmaan, tinitiyak sa atin ng Bibliya na lubusang lulupigin ng Diyos, sa pamamagitan ng kaniyang Anak, ang lahat ng sumasalansang na puwersa.
Ano ang kahihinatnan nito? Aalisin sa digmaan ng Har-Magedon ang lahat ng katiwalian at kasamaan. Pagkatapos nito, magsisimula ang pinakamaligayang panahon sa buong kasaysayan ng tao. (Apocalipsis 21:1-4) Sa pamamagitan ng maibiging pangangasiwa ng Kaharian ng Diyos, magiging paraiso ang buong lupa na titirhan ng mga matuwid magpakailanman.—Awit 37:29.