Pagsasabi ng Totoo—Kapit Lamang sa Iba?
Pagsasabi ng Totoo—Kapit Lamang sa Iba?
“AYAW na ayaw ko sa sinungaling, at ayokong makarinig ng kasinungalingan!” ang sabi ng isang 16-anyos na dalagita. Ganiyan ang sinasabi ng karamihan sa atin. Gusto natin na ang lahat ng sinasabi sa atin o nababasa natin ay totoo. Pero nagsasabi ba tayo ng totoo sa iba?
Sa isang surbey na isinagawa sa Alemanya, karamihan sa mga tumugon ang nagsabi na “puwede namang magsinungaling hinggil sa maliliit na bagay para protektahan ang sarili o ang ibang tao, at kailangan pa nga itong gawin para maiwasan ang samaan ng loob.” At isang peryodista ang sumulat: “Magandang ideya ang pagsasabi ng katotohanan at pawang katotohanan lamang sa lahat ng pagkakataon, pero nakababagot ito.”
Inaasahan ba natin na dapat magsabi ng totoo ang iba pero ikinakatuwiran naman natin na puwede tayong magsinungaling paminsan-minsan? Mahalaga ba na magsabi tayo ng totoo? Anu-ano ang epekto ng pagsisinungaling?
Pinsalang Dulot ng Pagsisinungaling
Isaalang-alang ang pinsalang naidudulot ng pagsisinungaling. Nawawalan ng tiwala sa isa’t isa ang mga mag-asawa at mga miyembro ng pamilya dahil sa pagsisinungaling. Nasisira ang reputasyon ng isang tao dahil sa tsismis na wala namang batayan. Dahil sa pandaraya ng mga empleado, lumalaki ang gastusin sa pagpapatakbo ng negosyo kaya naman tumataas ang presyo ng mga produkto. Dahil sa mga pandaraya sa deklarasyon sa buwis, nawawalan ang gobyerno ng kinakailangang salapi na maaari sanang gamitin sa mga serbisyong pampubliko. Dahil sa panghuhuwad ng mga mananaliksik, nawawalan sila ng magandang trabaho at nasisira ang reputasyon ng iginagalang na mga institusyong pinagtatrabahuhan nila. Dahil sa panlolokong nasa likod ng mga pakanang biglang-yaman, nawawala ang lahat ng naipon o naipundar ng madaling-mapaniwalang mga mamumuhunan. Kaya hindi kataka-takang sabihin sa atin ng Bibliya na kabilang sa mga bagay na karima-rimarim sa Diyos na Jehova ang “bulaang dila” at “bulaang saksi na nagbubunsod ng mga kasinungalingan”!—Kawikaan 6:16-19.
Nagdudulot ng pinsala kapuwa sa mga indibiduwal at sa lipunan ang laganap na pagsisinungaling. Tiyak na sasang-ayon ang karamihan sa bagay na iyan. Kung gayon, bakit nagsisinungaling pa rin ang mga tao? At lahat ba ng pagsasabi ng hindi totoo ay pagsisinungaling? Tatalakayin natin ang mga sagot sa mga tanong na ito at sa iba pang mga katanungan sa susunod na artikulo.
[Larawan sa pahina 3]
Nawawalan ng tiwala sa isa’t isa ang mga mag-asawa dahil sa pagsisinungaling