Patuloy na Linangin ang Iyong Pagpapahalaga
Patuloy na Linangin ang Iyong Pagpapahalaga
“Pagkahala-halaga ng iyong mga kaisipan! O Diyos, pagkarami-rami ng hustong kabuuan ng mga iyon!”—AWIT 139:17.
1, 2. Bakit natin dapat pahalagahan ang Salita ng Diyos, at paano ibinulalas ng salmista ang kaniyang pagpapahalaga rito?
ISANG pambihirang bagay ang natuklasan. Habang kinukumpuni ang templo ni Jehova sa Jerusalem, nasumpungan ng mataas na saserdoteng si Hilkias “ang aklat ng kautusan ni Jehova sa pamamagitan ng kamay ni Moises.” Walang alinlangang ito ang orihinal na kopya na isinulat mga 800 taon ang kaagahan! Ano kaya ang nadama ni Josias, isang haring may takot sa Diyos, nang ipakita sa kaniya ang aklat? Talagang pinahalagahan niya ito at kaagad na ipinabasa nang malakas sa kalihim na si Sapan.—2 Cronica 34:14-18.
2 Sa ngayon, ang Salita ng Diyos, sa kabuuan o sa bahagi nito, ay mababasa na ng bilyun-bilyong tao. Pero nangangahulugan ba ito na hindi na gaanong mahalaga o importante ang Kasulatan? Siyempre hindi! Sa katunayan, itinala rito ang mismong mga kaisipan ng Makapangyarihan-sa-lahat para sa ating kapakinabangan. (2 Timoteo 3:16) Ganito ang isinulat ng salmistang si David upang ibulalas ang kaniyang nadarama hinggil sa Salita ng Diyos: “Sa akin ay pagkahala-halaga ng iyong mga kaisipan! O Diyos, pagkarami-rami ng hustong kabuuan ng mga iyon!”—Awit 139:17.
3. Ano ang nagpapakita na talagang nauunawaan ni David ang kaniyang kaugnayan kay Jehova?
3 Hindi kailanman nagmaliw ang pagpapahalaga ni David kay Jehova, sa kaniyang Salita, at sa kaniyang kaayusan para sa tunay na pagsamba. Ipinahayag ng maraming magagandang awit ni David ang kaniyang nadarama. Halimbawa, ganito ang isinulat niya sa Awit 27:4: “Isang bagay ang hinihiling ko kay Jehova—ito ang hahanapin ko, na ako ay makatahan sa bahay ni Jehova sa lahat ng mga araw ng aking buhay, upang mamasdan ang kaigayahan ni Jehova at tumingin nang may pagpapahalaga sa kaniyang templo.” Sa orihinal na Hebreo, ang pananalitang “tumingin nang may pagpapahalaga” ay nangangahulugang bulay-bulayin at suriin ang isang bagay, tingnan ito nang may kaluguran at paghanga. Maliwanag na talagang nauunawaan ni David ang kaniyang kaugnayan kay Jehova. Lubha niyang pinahahalagahan at kinaluluguran ang lahat ng inilaan ng Diyos para mapatibay ang kaniyang pananampalataya. Karapat-dapat tularan ang kaniyang halimbawa.—Awit 19:7-11.
Pahalagahan ang Pribilehiyong Matuto ng Katotohanan sa Bibliya
4. Bakit ‘nag-umapaw si Jesus sa kagalakan sa banal na espiritu’?
4 Ang kaunawaan sa Salita ng Diyos ay hindi nakasalalay sa talino ng isa o sa edukasyong ibinibigay ng sanlibutan, na nagtataguyod ng pagmamapuri. Sa halip, nakadepende ito sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova, na ipinagkakaloob niya sa mapagpakumbaba at tapat-pusong mga tao na palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan. (Mateo 5:3; 1 Juan 5:20) Nang bulay-bulayin ni Jesus ang katotohanan na nakasulat na sa langit ang pangalan ng ilang di-sakdal na mga tao, “nag-umapaw siya sa kagalakan sa banal na espiritu at sinabi: ‘Hayagan kitang pinupuri, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat maingat mong ikinubli ang mga bagay na ito mula sa marurunong at matatalino, at isiniwalat ang mga ito sa mga sanggol.’”—Lucas 10:17-21.
5. Bakit dapat pahalagahan ng mga alagad ni Jesus ang mga katotohanang isiniwalat sa kanila hinggil sa Kaharian?
5 Pagkatapos sambitin ang taos-pusong panalanging iyon, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Maligaya ang mga mata na nakakakita ng Lucas 10:23, 24.
mga bagay na inyong nakikita. Sapagkat sinasabi ko sa inyo, Maraming mga propeta at mga hari ang nagnais na makita ang mga bagay na inyong nakikita ngunit hindi nakita, at marinig ang mga bagay na inyong naririnig ngunit hindi narinig.” Oo, pinasigla ni Jesus ang kaniyang tapat na mga tagasunod na pahalagahan ang mahahalagang katotohanang isiniwalat sa kanila hinggil sa Kaharian. Ang mga katotohanang ito ay hindi isiniwalat sa mga lingkod ng Diyos na nauna sa kanila, at tiyak na hindi ito isiniwalat sa “marurunong at matatalino” noong panahon ni Jesus!—6, 7. (a) Bakit dapat nating pahalagahan ang katotohanan mula sa Diyos? (b) Anong pagkakaiba ang nakikita sa ngayon sa pagitan ng tunay at huwad na relihiyon?
6 Sa ating panahon, may higit tayong dahilan para pahalagahan ang katotohanan mula sa Diyos, sapagkat sa pamamagitan ng kaniyang “tapat at maingat na alipin,” pinagkalooban ni Jehova ang kaniyang bayan ng higit na kaunawaan sa kaniyang Salita. (Mateo 24:45; Daniel 12:10) Ganito ang isinulat ni propeta Daniel hinggil sa panahon ng kawakasan: “Marami ang magpaparoo’t parito, at ang tunay na kaalaman ay sasagana.” (Daniel 12:4) Hindi ka ba sumasang-ayon na naging ‘sagana’ sa ngayon ang kaalaman hinggil sa Diyos at na sagana sa espirituwal na pagkain ang mga lingkod ni Jehova?
7 Kaylaking pagkakaiba ng espirituwal na kasaganaan ng bayan ng Diyos at ng kalituhan sa relihiyon ng Babilonyang Dakila! Bunga nito, maraming tao na nadidismaya o nayayamot sa huwad na relihiyon ang bumabaling sa tunay na pagsamba. Sila ay mga tulad-tupa na ‘hindi nagnanais na makibahagi sa mga kasalanan ng Babilonyang Dakila’ ni nagnanais man na “tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.” Inaanyayahan ni Jehova at ng kaniyang mga lingkod ang gayong mga indibiduwal na maging bahagi ng tunay na kongregasyong Kristiyano.—Apocalipsis 18:2-4; 22:17.
Pumapanig sa Diyos ang mga Nagpapahalaga sa Tunay na Pagsamba
8, 9. Paano natutupad sa ngayon ang Hagai 2:7?
8 Ganito ang inihula ni Jehova hinggil sa kaniyang makasagisag na templo: “Uugain ko ang lahat ng mga bansa, at ang mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa ay darating; at pupunuin ko ng kaluwalhatian ang bahay na ito.” (Hagai 2:7) Natupad ang kamangha-manghang hulang ito noong panahon ni Hagai nang muling itayo ng nagbalik na nalabi ng bayan ng Diyos ang templo sa Jerusalem. Sa ngayon, may mas malaking katuparan ang mga salita ni Hagai hinggil sa dakilang espirituwal na templo ni Jehova.
9 Milyun-milyon na ang dumaragsa sa makasagisag na templong ito upang sambahin ang Diyos “sa espiritu at katotohanan,” at taun-taon, daan-daang libong “kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa” ang patuloy na humuhugos dito. (Juan 4:23, 24) Halimbawa, ipinakikita ng pambuong-daigdig na ulat para sa 2006 taon ng paglilingkod na 248,327 ang nabautismuhan bilang sagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova. Nangangahulugan ito na sa katamtaman, 680 ang nababautismuhan araw-araw! Ipinakikita ng kanilang pag-ibig sa katotohanan at ng kanilang pagnanais na maglingkod kay Jehova bilang mga tagapaghayag ng Kaharian na talagang inilapit sila ng Diyos sa pagsamba sa kaniya.—Juan 6:44, 65.
10, 11. Ilahad ang isang karanasan na nagpapakita kung paano napahalagahan ng mga tao ang katotohanan sa Bibliya.
10 Marami sa mga tapat-pusong indibiduwal na ito ang naakit sa katotohanan dahil nakita nila Malakias 3:18) Isaalang-alang ang karanasan ng mag-asawang Protestante na sina Wayne at Virginia. Marami silang katanungang hindi nasasagot. Ayaw na ayaw nila sa digmaan at naguluhan sila at nadismaya nang makita nilang binabasbasan ng klero ang mga sundalo at mga sandata. Habang nagkakaedad ang mag-asawa, nadama nilang binabale-wala sila ng ibang miyembro ng simbahan, bagaman ilang taon ding nagturo si Virginia ng relihiyon tuwing Linggo. “Walang dumadalaw sa amin o nangungumusta sa aming espirituwal na kalagayan,” ang sabi nila. “Pera lang ang habol sa amin ng simbahan. Dismayado kami.” Lalo pa nga silang nadismaya nang kunsintihin ng kanilang simbahan ang homoseksuwalidad.
ang “pagkakaiba sa pagitan ng matuwid at ng balakyot, sa pagitan ng isa na naglilingkod sa Diyos at ng isa na hindi naglilingkod sa kaniya.” (11 Samantala, ang apo nina Wayne at Virginia at pagkatapos ang kanilang anak na babae ay naging mga Saksi ni Jehova. Nagalit sina Wayne at Virginia nang malaman nila ito, pero nang maglaon, nagbago ang kanilang saloobin at pumayag na silang mag-aral ng Bibliya. “Sa loob lamang ng tatlong buwan,” ang sabi ni Wayne, “mas marami kaming natutuhan sa Bibliya kaysa sa natutuhan namin noong nakalipas na 70 taon! Hindi namin alam na ang pangalan pala ng Diyos ay Jehova, at wala kaming kaalam-alam tungkol sa Kaharian at sa Paraisong lupa.” Di-nagtagal, ang taimtim na mag-asawang ito ay nagsimulang dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong at nakibahagi sa ministeryo. “Nais naming sabihin sa lahat ang katotohanan,” ang sabi ni Virginia. Bagaman pareho na silang mahigit 80 anyos, nagpabautismo sila noong 2005. “Natagpuan namin ang tunay na pamilyang Kristiyano,” ang sabi nila.
Pahalagahan ang Pagiging ‘Nasasangkapan Ukol sa Bawat Mabuting Gawa’
12. Ano ang palaging inilalaan ni Jehova sa kaniyang mga lingkod, at ano ang dapat nating gawin upang makinabang dito?
12 Palaging tinutulungan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod na gawin ang kaniyang kalooban. Halimbawa, tumanggap si Noe ng malinaw at espesipikong mga tagubilin kung paano gagawin ang arka—isang proyekto na dapat gawin nang walang mintis sa unang pagkakataon! At gayon nga ang nangyari. Bakit? Dahil “ginawa ni Noe ang ayon sa lahat ng iniutos ng Diyos sa kaniya. Gayung-gayon ang ginawa niya.” (Genesis 6:14-22) Sa ngayon, lubusan ding sinasangkapan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod upang gawin ang kaniyang kalooban. Siyempre pa, ang pangunahing gawain natin ay ipangaral ang mabuting balita ng itinatag na Kaharian ng Diyos at tulungan ang mga karapat-dapat para maging mga alagad ni Jesu-Kristo. At gaya ng ipinakita ng karanasan ni Noe, nakadepende ang ating tagumpay sa pagsunod natin sa Diyos. Dapat nating sundin ang tagubiling inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng kaniyang organisasyon.—Mateo 24:14; 28:19, 20.
13. Paano tayo sinasanay ni Jehova?
13 Upang magawa ito, dapat nating matutuhan kung paano ‘gagamitin nang wasto’ ang ating pangunahing kagamitan—ang Salita ng Diyos—na “kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” (2 Timoteo 2:15; 3:16, 17) Tulad noong unang siglo, binibigyan tayo ni Jehova ng mahalagang pagsasanay sa pamamagitan ng kongregasyong Kristiyano. Sa ngayon, sa 99,770 kongregasyon sa buong daigdig, idinaraos linggu-linggo ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at ang Pulong sa Paglilingkod upang tulungan tayo sa ministeryo. Ipinakikita mo ba ang pagpapahalaga sa importanteng mga pagpupulong na ito sa pamamagitan ng regular na pagdalo sa mga ito at pagkakapit sa mga bagay na natutuhan mo?—Hebreo 10:24, 25.
14. Paano ipinakikita ng mga lingkod ni Jehova na pinahahalagahan nila ang kanilang pribilehiyong maglingkod sa Diyos? (Komentuhan din ang tsart sa pahina 27-30.)
14 Milyun-milyong kabilang sa bayan ng Diyos sa buong daigdig ang nagpapagal sa ministeryo bilang pagpapahalaga sa pagsasanay sa kanila. Halimbawa, noong 2006 taon ng paglilingkod, 6,741,444 na mamamahayag ng Kaharian ang gumugol ng 1,333,966,199 na oras sa lahat ng pitak ng gawain, kasama na rito ang pagdaraos ng 6,286,618 pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ilan lamang ito sa nakapagpapasiglang detalye na nakatala sa pambuong-daigdig na ulat. Pakisuyong tingnan ang ulat na ito at tiyak na mapapatibay ka rito, kung paanong napatibay ang ating unang-siglong mga kapatid sa mga ulat hinggil sa paglawak Gawa 1:15; 2:5-11, 41, 47; 4:4; 6:7.
ng gawaing pangangaral noong panahon nila.—15. Bakit hindi dapat panghinaan ng loob ang sinumang naglilingkod kay Jehova nang buong kaluluwa?
15 Ipinakikita ng napakalakas na sigaw ng papuring ito sa Diyos taun-taon ang malaking pagpapahalaga ng mga lingkod ni Jehova sa kanilang pribilehiyo na makilala si Jehova at magpatotoo tungkol sa kaniya. (Isaias 43:10) Totoo, ang hain ng papuri ng ilan sa ating mga kapatid na may-edad na, maysakit, o mahina ang pangangatawan ay maitutulad sa ilang barya na inihulog ng babaing balo. Pero huwag nating kalilimutan na talagang pinahahalagahan ni Jehova at ng kaniyang Anak ang lahat ng naglilingkod sa Diyos nang buong kaluluwa, anupat ginagawa ang kanilang buong makakaya.—Lucas 21:1-4; Galacia 6:4.
16. Anu-anong kagamitan sa pagtuturo ang inilaan ng Diyos nitong nakalipas na mga panahon?
16 Bukod sa pagsasanay sa atin sa ministeryo, sinasangkapan tayo ni Jehova ng mahuhusay na kagamitan sa pagtuturo sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon. Nitong nakalipas na mga dekada, kabilang sa mga ito ang mga aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan, Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan at, sa kasalukuyan, ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Ginagamit na mabuti ng mga talagang nagpapahalaga sa mga paglalaang ito ang mga aklat na ito sa ministeryo.
Gamiting Mabuti ang Aklat na Itinuturo ng Bibliya
17, 18. (a) Anu-anong bahagi ng aklat na Itinuturo ng Bibliya ang nais mong itampok sa iyong ministeryo? (b) Ano ang sinabi ng isang tagapangasiwa ng sirkito tungkol sa aklat na Itinuturo ng Bibliya?
17 Isang pagpapala sa ministeryo ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Mayroon itong 19 na kabanata, detalyadong apendise, at malinaw at simple ang pananalitang ginamit dito. Halimbawa, tinatalakay sa kabanata 12 ang paksang “Pamumuhay sa Paraang Nakalulugod sa Diyos.” Sa kabanatang ito, malalaman ng estudyante kung paano siya magiging kaibigan ng Diyos, na inaakala ng marami na imposible. (Santiago 2:23) Ano ang naging tugon sa pantulong na ito sa pag-aaral ng Bibliya?
18 Isang tagapangasiwa ng sirkito sa Australia ang nag-ulat na “madaling nakukuha [ng aklat na Itinuturo ng Bibliya] ang interes ng mga
may-bahay, anupat napasisigla silang makipag-usap sa atin.” Sinabi pa niya na dahil napakadaling gamitin ang aklat, “lalong lumakas ang loob at naging mas masigla sa ministeryo ang maraming mamamahayag ng Kaharian. Hindi kataka-taka na para sa ilan, itinuturing nila itong ginto!”19-21. Ilahad ang ilang karanasan na nagtatampok sa kahalagahan ng aklat na Itinuturo ng Bibliya.
19 “Sugo kayo ng Diyos,” ang sabi ng isang babaing taga-Guyana sa payunir na dumalaw sa kaniya. Hindi pa natatagalan, ang babae ay iniwan ng kaniyang kinakasama. Iniwan din nito sa babae ang dalawa nilang maliliit na anak. Binuklat ng payunir ang aklat na Itinuturo ng Bibliya sa kabanata 1 at binasa nang malakas ang parapo 11, sa ilalim ng subtitulong “Ano ang Nadarama ng Diyos Hinggil sa Kawalang-Katarungang Nararanasan Natin?” “Lubha siyang naantig sa mga tinalakay roon,” ang sabi ng payunir. “Sa katunayan, kinailangan niyang magpunta sa likod ng kaniyang tindahan para umiyak.” Pumayag ang babaing ito na regular na makipag-aral ng Bibliya sa isang sister na tagaroon, at patuloy siyang sumusulong sa kaniyang pag-aaral.
20 Si José, na naninirahan sa Espanya, ay namatayan ng asawa dahil sa aksidente sa sasakyan. Para aliwin ang kaniyang sarili, nagdroga siya at sumangguni sa mga sikologo. Subalit hindi masagot ng mga sikologo ang tanong na lubhang gumugulo sa isip ni José: “Bakit hinayaan ng Diyos na mamatay ang asawa ko?” Isang araw, nakilala ni José si Francesc, na nagtatrabaho rin sa kompanyang pinagtatrabahuhan ni José. Iminungkahi ni Francesc na pag-usapan nila ang kabanata 11 ng aklat na Itinuturo ng Bibliya, na pinamagatang “Bakit Kaya Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?” Lubhang humanga si José sa maka-Kasulatang paliwanag at sa ilustrasyon tungkol sa guro at estudyante. Naging masikap siya sa pag-aaral ng Bibliya, dumalo ng pansirkitong asamblea, at dumadalo na ngayon sa mga pagpupulong sa Kingdom Hall sa kanilang lugar.
21 Noon pa ma’y iginagalang na ni Roman, isang 40-anyos na negosyante sa Poland, ang Salita ng Diyos. Pero dahil naging masyado siyang abala sa kaniyang trabaho, hindi siya nagpatuloy sa kaniyang pag-aaral sa Bibliya. Gayunpaman, dumalo siya sa isang pandistritong kombensiyon at tumanggap ng kopya ng aklat na Itinuturo ng Bibliya. Pagkatapos nito, malaki ang ipinagbago niya. “Sa tulong ng aklat na ito,” ang sabi niya, “naging malinaw sa akin ang lahat ng pangunahing turo sa Bibliya.” Sa ngayon, regular nang nag-aaral ng Bibliya si Roman at mahusay ang kaniyang pagsulong.
Patuloy na Linangin ang Iyong Pagpapahalaga
22, 23. Paano natin patuloy na maipakikita ang ating pagpapahalaga sa pag-asang inilagay sa harap natin?
22 Gaya ng ipinaliwanag sa kapana-panabik na “Malapit Na ang Kaligtasan!” na Pandistritong Kombensiyon, inaasam-asam ng mga tunay na Kristiyano ang ipinangako ng Diyos na “walang-hanggang katubusan” na naging posible dahil sa itinigis na dugo ni Jesu-Kristo. Wala nang iba pang mainam na paraan upang ipakita ang ating taos-pusong pagpapahalaga sa napakahalagang pag-asang ito kundi ang patuloy na maging malinis “mula sa patay na mga gawa upang makapag-ukol tayo ng sagradong paglilingkod sa Diyos na buháy.”—Hebreo 9:12, 14.
23 Tunay na isang himala na makita ang mahigit anim na milyong mamamahayag ng Kaharian na tapat na naglilingkod sa Diyos sa kabila ng napakatinding panggigipit na maging makasarili. Patotoo rin ito na lubhang pinahahalagahan ng mga lingkod ni Jehova ang karangalang maglingkod sa Diyos. Alam nila na ang kanilang “pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan.” Patuloy nawa nating linangin ang gayong pagpapahalaga!—1 Corinto 15:58; Awit 110:3.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang matututuhan natin sa salmista hinggil sa pagpapahalaga sa Diyos at sa Kaniyang mga paglalaan para mapatibay ang ating pananampalataya?
• Paano natutupad sa ngayon ang Hagai 2:7?
• Paano sinasangkapan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod upang mapaglingkuran nila siya sa mabisang paraan?
• Ano ang maaari mong gawin upang ipakita ang iyong pagpapahalaga sa kabutihan ni Jehova?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Chart sa pahina 27-30]
ULAT SA 2006 TAON NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI NI JEHOVA SA BUONG DAIGDIG
(Tingnan ang publikasyon)
[Mga larawan sa pahina 25]
Lubusan tayong sinasangkapan ni Jehova upang gawin ang kaniyang kalooban