Ang Ating Pambihirang Sistema Solar—Kung Paano Ito Umiral
Ang Ating Pambihirang Sistema Solar—Kung Paano Ito Umiral
MARAMING dahilan kung bakit masasabing pambihira ang lokasyon ng ating uniberso. Ang ating sistema solar ay nasa bahagi ng Milky Way na may kakaunting bituin lamang. Halos lahat ng mga bituing nakikita natin sa gabi ay pagkalalayo anupat parang mga alitaptap lamang ang mga ito kahit silipin sa pinakamalalaking teleskopyo. Tama ba ang lokasyong ito?
Kung ang ating sistema solar ay malapit sa pinakasentro ng Milky Way, kung saan napakasinsin ng mga bituin, makasásamâ ito sa atin. Halimbawa, maaaring lumihis ang lupa sa orbit nito at napakalaki ng magiging epekto nito sa mga tao. Tamang-tama talaga ang lokasyon ng sistema solar sa galaksi upang maiwasan ito at ang iba pang panganib, gaya ng pagkasunog kapag dumaan ito sa mga gas at mahantad sa sumasabog na mga bituin at iba pang pinagmumulan ng nakamamatay na radyasyon.
Ang araw ay isang uri ng bituin na angkop sa ating mga pangangailangan. Nagtatagal at hindi nagbabago ang init nito. Hindi rin naman ito sobrang laki ni sobrang init. Ang karamihan sa mga bituin sa ating galaksi ay napakaliliit kung ihahambing sa ating araw at hindi nakapagbibigay ng tamang liwanag at sapat na init para sustinihan ang buhay sa isang planetang gaya ng lupa. Bukod diyan, karamihan sa mga bituin ay pinagkukumpol ng grabidad at umiikot sa isa’t isa. Pero ang ating araw ay nagsosolo. Malamang na hindi magiging matatag ang ating sistema solar kung maaapektuhan ito ng grabidad ng dalawa o higit pang araw.
Ang isa pang dahilan kung bakit pambihira ang ating sistema solar ay ang lokasyon ng malalaking planetang mas malayo sa araw at may halos pabilog na orbit. Ang grabidad ng mga ito ay hindi naman banta sa mga planetang terestriyal na mas malapit sa araw. * Sa halip, nagsisilbing proteksiyon ang mga planetang mas malayo sa araw dahil hinihigop o pinatatalbog nito ang anumang nakapipinsalang bagay. “Pailan-ilang asteroyd at kometa lamang ang tumatama sa atin dahil sa malalaking planetang gaya ng Jupiter,” ang paliwanag ng mga siyentipikong sina Peter D. Ward at Donald Brownlee sa kanilang aklat na Rare Earth—Why Complex Life Is Uncommon in the Universe. May natuklasan ding iba pang sistema solar na may napakalalaking planeta. Pero ang orbit ng karamihan sa mga ito ay mapanganib sa maliliit na planetang gaya ng lupa.
Ang Papel ng Buwan
Noon pa man, manghang-mangha na ang mga tao sa buwan. Naging inspirasyon ito ng mga makata at musikero. Halimbawa, binanggit ng sinaunang makatang Hebreo na ang buwan ay “matibay na matatatag . . . hanggang sa panahong walang takda, at bilang tapat na saksi sa kalangitan.”—Awit 89:37.
Ang isang mahalagang epekto ng buwan sa lupa ay ang pagbaba at pagtaas ng tubig sa dagat dahil sa grabidad nito. Sinasabing apektado nito ang agos ng dagat, na napakahalaga naman sa siklo ng lagay ng panahon.
May isa pang mahalagang nagagawa ang buwan. Napananatili ng grabidad nito ang tamang
anggulo ng axis ng lupa habang umiikot sa araw. Ayon sa babasahin sa siyensiya na Nature, kung walang buwan, ang pagkakahilig ng axis ng lupa ay magbabago sa loob ng mahahabang yugto ng panahon mula “halos 0 [digri] hanggang 85 [digri].” Paano kaya kung hindi nakahilig ang axis ng lupa? Hindi natin mararanasan ang kasiya-siyang pagbabagu-bago ng panahon at dadalang ang pag-ulan. Dahil sa pagkakahilig ng lupa, hindi nagiging masyadong mainit ni masyadong malamig ang panahon na maaari nating ikamatay. “Walang abnormal na pagbabago sa klima ngayon dahil sa isang pambihirang pangyayari: ang pagkakaroon ng Buwan,” ang sabi ng astronomong si Jacques Laskar. Nagagawa ito ng ating buwan dahil mas malaki ito kaysa sa mga buwan ng pagkalalaking planeta, kung proporsiyon ang pag-uusapan.Ang buwan, na likas na satelayt ng lupa, ay nagsisilbi ring liwanag sa gabi, ayon sa manunulat ng sinaunang aklat ng Bibliya na Genesis.—Genesis 1:16.
Nagkataon o Nilayon?
Paano kaya nagkasama-sama ang mga salik na ito para maging posible at kasiya-siya ang buhay sa lupa? Dalawa lamang ang pagpipilian. Una, nagkataon lamang ang lahat ng ito. Ikalawa, may isang matalinong persona sa likod nito.
Libu-libong taon na ang nakalilipas, sinabi ng Banal na Kasulatan na ang ating uniberso ay nilikha ng Maylalang—ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Kung gayon, ang mga kalagayan sa ating sistema solar ay hindi nagkataon lamang kundi sadyang dinisenyo. Ang Maylalang ay nag-iwan sa atin ng isang ulat, wika nga, ng mga hakbang na ginawa niya upang magkaroon ng buhay sa lupa. Baka magulat ka na kahit mga 3,500 taon na ang ulat na ito, ang mga pangyayari sa kasaysayan ng uniberso na inilalarawan nito ay kasuwato ng aktuwal na naganap ayon sa mga siyentipiko. Nasa aklat ng Bibliya na Genesis ang ulat na ito. Tingnan natin ang sinasabi nito.
Ang Ulat ng Genesis Hinggil sa Paglalang
“Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Ang pambungad na ito ng Bibliya ay tumutukoy sa paglalang sa ating sistema solar pati na sa ating planeta, at sa mga bituin na nasa bilyun-bilyong galaksi na bumubuo sa ating uniberso. Ayon sa Bibliya, “walang anyo at tiwangwang” noon ang ibabaw ng lupa. Walang mga kontinente at mabungang lupain. Subalit idiniriin ng sumunod na mga salita ang sinasabi ng mga siyentipiko na pinakamahalagang bagay para masustinihan ang buhay sa lupa—saganang tubig. Ang espiritu ng Diyos ay “gumagalaw nang paroo’t parito sa ibabaw ng tubig.”—Genesis 1:2.
Para manatiling likido ang tubig, kailangang nasa tamang distansiya ang planeta mula sa araw. “Napakalamig ng Mars, napakainit naman ng Venus, pero ang Lupa ay tamang-tama lamang,” ang paliwanag ni Andrew Ingersoll, siyentipikong dalubhasa sa mga planeta. Kailangan din ang sapat na liwanag para lumago ang mga pananim. At kapansin-pansin, sinasabi ng Bibliya na sa pasimula ng paglalang, pinatagos ng Diyos ang liwanag ng araw sa maitim na ulap na nakalukob sa karagatan na gaya ng “pambilot na tali,” o bigkis, ng sanggol.—Sa sumunod na mga talata ng Genesis, mababasa natin na nilikha ng Maylalang ang tinatawag sa Bibliya na “kalawakan.” (Genesis 1:6-8) Ang kalawakang ito ay punô ng gas na bumubuo sa atmospera ng kalawakan.
Ipinaliliwanag pa ng Bibliya na binago ng Diyos ang walang anyong ibabaw ng planeta upang magkaroon ng tuyong lupa. (Genesis 1:9, 10) Lumilitaw na inuga niya ang pinakabalat ng lupa. Dahil dito, malamang na nagkaroon ng malalalim na bitak ang lupa at lumitaw ang mga kontinente sa dagat.—Awit 104:6-8.
Nilikha noon ng Diyos ang pagkaliliit na alga sa dagat. Sa tulong ng enerhiya mula sa araw, ang mga organismong ito na may iisang selula ay gumagawa ng pagkain mula sa carbon dioxide habang naglalabas ng oksiheno sa atmospera. Bumilis ang prosesong ito sa ikatlong yugto ng paglalang nang likhain ang mga pananim na unti-unting bumalot sa lupain. Kaya dumami ang oksiheno sa atmospera, anupat maaari nang mabuhay ang mga tao at hayop sa pamamagitan ng paghinga.—Genesis 1:11, 12.
Upang maging mabunga ang lupain, gumawa ang Maylalang ng sari-saring mikroorganismo sa lupa. (Jeremias 51:15) Binubulok ng maliliit na kinapal na ito ang patay na mga bagay at nireresiklo ang mga elementong nagpapalago sa mga halaman. Kinukuha ng kakaibang mga uri ng baktirya sa lupa ang nitroheno sa hangin at binabago ang napakahalagang elementong ito para magamit ng mga halaman sa paglago. Talagang magugulat kang malaman na sa isang dakot lamang ng matabang lupa, mayroon na itong mga anim na bilyong mikroorganismo!
Inilalarawan ng Genesis 1:14-19 ang paglitaw ng araw, buwan, at mga bituin sa ikaapat na yugto ng paglalang. Sa unang tingin, waring salungat ito sa naunang paliwanag ng Kasulatan. Gayunman, tandaan na isinulat ni Moises, manunulat ng Genesis, ang ulat ng paglalang ayon sa pananaw ng isang nagmamasid sa lupa. Malamang na nakita na noon sa atmospera ng lupa ang araw, buwan, at mga bituin.
Sinasabi ng ulat ng Genesis na nagkaroon ng mga kinapal sa dagat sa ikalimang yugto ng paglalang at sa ikaanim naman ay nagkaroon ng mga hayop at tao sa lupa.—Genesis 1:20-31.
Gusto ng Diyos na Masiyahan ang Tao sa Lupa
Malamang na sasang-ayon kang gusto nga ng Diyos na masiyahan ang mga tao sa kanilang
buhay sa lupa, na umiral ayon sa paglalarawan ng Genesis. Naranasan mo na bang gumising isang umagang maganda ang sikat ng araw, lumanghap ng sariwang hangin, at masiyahan sa isa na namang panibagong araw? Marahil ay naglakad-lakad ka sa hardin at nasiyahan sa maganda at humahalimuyak na mga bulaklak. O marahil ay nakapamasyal ka na sa isang taniman at namitas ng matatamis na prutas. Imposibleng mangyari ang lahat ng ito kung wala ang mga sumusunod: (1) saganang tubig sa lupa, (2) sapat na init at liwanag ng araw, (3) atmospera na may tamang proporsiyon ng mga gas, at (4) matabang lupain.Ang lahat ng ito—na wala sa Mars, Venus, at iba pang kalapit na mga planeta—ay hindi basta na lamang lumitaw. Sadyang binalanse ang mga ito upang maging kasiya-siya ang buhay sa lupa. Gaya ng mababasa sa susunod na artikulo, sinasabi rin ng Bibliya na dinisenyo ng Maylalang ang ating magandang planeta upang manatili magpakailanman.
[Talababa]
^ par. 5 Ang apat na planetang mas malapit sa ating araw—Mercury, Venus, Lupa, at Mars—ay tinatawag na terestriyal sapagkat mabato ang mga ito. Ang napakalalaking planetang mas malayo sa araw—Jupiter, Saturn, Uranus, at Neptune—ay pangunahing binubuo ng gas.
[Kahon sa pahina 6]
“Kung hihilingan ako bilang heologo na ipaliwanag sa pangkaraniwang mga pastol, gaya ng mga tribo na pinatutungkulan ng Aklat na Genesis, ang aming makabagong ideya hinggil sa pinagmulan ng lupa at sa pagkakaroon dito ng buhay, wala na akong mas magagandang salitang magagamit kundi ang nasa unang kabanata ng Genesis.”—Wallace Pratt, heologo.
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
TAMANG-TAMA RIN PARA SA ASTRONOMIYA
Kung nasa ibang lokasyon ang araw sa ating galaksi, hindi natin gaanong makikita ang mga bituin. Ayon sa aklat na The Privileged Planet, “Ang ating Sistema Solar ay . . . malayo sa maalikabok at napakaliwanag na mga lugar, kaya naman kitang-kita mula rito ang kabuuan ng malalapit na bituin at malalayong bahagi ng uniberso.”
Bukod diyan, tamang-tama ang laki ng buwan at ang layo nito sa lupa, kung kaya eksakto nitong natatakpan ang araw kapag may eklipseng solar. Dahil sa pambihira at kahanga-hangang penomenong ito, napag-aaralan ng mga astronomo ang araw. Nakatulong ang gayong mga pag-aaral upang matuklasan nila kung bakit nagniningning ang mga bituin.
[Larawan sa pahina 5]
Sapat ang laki ng buwan kung kaya napananatili nito sa tamang anggulo ang axis ng lupa
[Mga larawan sa pahina 7]
Bakit naging posible ang buhay sa lupa? Dahil sa saganang tubig, sapat na liwanag at init, atmospera, at matabang lupain
[Credit Lines]
Globe: Based on NASA Photo; wheat: Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.