Huwaran sa Katapatan
Huwaran sa Katapatan
NASUBOK kamakailan ang Kristiyanong katapatan ni Nelma, na nagtatrabaho sa isang parlor sa Cruzeiro do Sul, Brazil. Nang masalanta ng baha ang kanilang lugar, nakatanggap si Nelma ng mga damit mula sa isa sa kaniyang mga kliyente. Samantalang inaayos ang mga damit, nakasumpong siya ng perang katumbas ng $1,000 (U.S.) sa bulsa ng isang pantalon.
Katumbas na ng mga pitong-buwang suweldo ni Nelma ang perang nakita niya, at kailangang-kailangan niya ito. Nasira ng baha ang mismong bahay niya, at halos naubos ang gamit ng kaniyang ama at mga kapatid. Sa perang iyon, mapakukumpuni niya ang kaniyang bahay at makatutulong pa siya sa kaniyang mga kamag-anak. Pero hindi kaya ng kaniyang budhing sinanay sa Bibliya na angkinin ang perang iyon.—Hebreo 13:18.
Kinabukasan, maaga siyang pumasok sa trabaho at tinawagan ang babaing negosyante na nagbigay ng damit. Nagpasalamat muna si Nelma para sa mga damit saka sinabing hindi niya maaatim na angkinin ang natagpuan niyang pera. Tuwang-tuwa ang babae na naibalik ang pera. Para sa suweldo pala iyon ng kaniyang mga empleado. “Bihira na ngayon ang matapat,” ang sabi ng negosyante.
Oo, maaaring isipin ng iba na hindi na importante ngayon na maging matapat. Gayunman, ang katapatan ay isang katangiang lubhang pinahahalagahan ng mga nagsisikap na palugdan ang tunay na Diyos, si Jehova. (Efeso 4:25, 28) “Hindi ako makakatulog sa gabi kung hindi ko ginawa iyon,” ang sabi ni Nelma.