Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Makasagisag na Pagtatayo sa “Bahay na Bato”

Makasagisag na Pagtatayo sa “Bahay na Bato”

Makasagisag na Pagtatayo sa “Bahay na Bato”

Ang pangalan ng bansang ito sa Aprika ay nangangahulugang “Bahay na Bato.” Kilala ang bansang ito dahil sa Victoria Falls at sa sari-saring maiilap na hayop. Narito rin ang pinakamalalaking sinaunang gusali na manu-manong itinayo sa gawing timog ng Sahara. May talampas na granito sa pinakasentro ng bansa. Mataba ang lupa at malago ang mga pananim sa talampas na ito dahil sa katamtamang klima. Ito ang Zimbabwe, tahanan ng mga 12 milyon katao.

BAKIT kaya Bahay na Bato ang tawag dito? Noong 1867, nakatuklas ang mangangaso at manggagalugad na si Adam Renders ng malalaking istrakturang gawa sa bato na itinayo sa 720-ektaryang lupain. Naglalakbay siya noon sa malalawak na damuhan sa Aprika, kung saan ang mga bahay ay karaniwang gawa sa putik, mga tulos, at dayami. Doon niya nakita ang gumuhong mga batong istraktura ng isang malawak na lunsod, na tinatawag ngayong Great Zimbabwe.

Ang mga guhong ito ay nasa timog ng tinatawag ngayong Masvingo. Mahigit siyam na metro ang taas ng ilan sa mga pader na gawa sa basta pinagpatung-patong lamang na mga batong granito. Sa loob ng guho, naroroon ang isang pambihirang toreng hugis-apa na mga 11 metro ang taas at 6 na metro ang diyametro ng pinakapaanan. Wala pa ring nakaaalam kung bakit itinayo ang toreng ito. Ang guho ay noon pang ikawalong siglo C.E., pero may katibayan na tinirhan ang lugar na ito daan-daang taon bago nito.

Noong 1980, nakamit ng bansang tinatawag noon na Rhodesia ang kasarinlan mula sa Britanya at binigyan ito ng bagong pangalang Zimbabwe. Kabilang sa mga mamamayan nito ang dalawang pangunahing grupong etniko​—ang Shona, na bumubuo sa mas malaking bahagi ng populasyon, at ang Ndebele. Mapagpatuloy ang mga tao, gaya ng karaniwang napapansin ng mga Saksi ni Jehova kapag nagbabahay-bahay sila. Kung minsan, kumakatok pa lamang ang bisita, pinatutuloy na agad sila at pinauupo. Karamihan sa mga taga-Zimbabwe ay may matinding paggalang sa Bibliya at madalas nilang sinasabihan ang kanilang mga anak na maupo at makinig habang pinag-uusapan ang Kasulatan.

Paghahatid ng Nakapagpapatibay at Nakaaaliw na Mensahe

Madalas marinig sa media ang mga salitang “AIDS” at “tagtuyot” kapag pinag-uusapan ang Zimbabwe. Ang pagkalat ng AIDS ay naging dagok sa mamamayan at sa ekonomiya ng mga lupain sa timog ng Sahara sa Aprika. Karamihan sa mga naoospital dito ay may HIV. Nasira ang buhay ng maraming pamilya dahil sa sakit na ito.

Upang matulungan ang mga taga-Zimbabwe, abala ang mga Saksi ni Jehova sa paghahayag na ang pinakamagandang buhay ay yaong ginagabayan ng mga pamantayan ng Diyos na mababasa sa Bibliya. Halimbawa, itinuturo ng Salita ng Diyos na ang pagtatalik ay kaloob ng Diyos at para lamang sa mga mag-asawa, na ang homoseksuwalidad ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos, at na ang pagsasalin ng dugo at pag-abuso sa droga ay ipinagbabawal ng batas ni Jehova. (Gawa 15:28, 29; Roma 1:24-27; 1 Corinto 7:2-5; 2 Corinto 7:1) Inihahayag din ng mga Saksi ang isang mapananaligang pag-asa, na sa malapit na hinaharap, aalisin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng sakit.​—Isaias 33:24.

Pagbibigay ng Tulong na Panustos

Sinalanta ng tagtuyot ang Zimbabwe sa nakalipas na sampung taon. Nabuwal sa gutom at matinding uhaw ang maiilap na hayop. Daan-daan libong baka ang namatay. Ekta-ektaryang kagubatan ang nilamon ng apoy. Maraming bata at matanda ang namatay sa malnutrisyon. Bumabaw nang husto maging ang malaking Ilog Zambezi anupat nanganib na matigil ang operasyon ng hydroelectric na mga planta ng kuryente.

Para makatulong, bumuo ang mga Saksi ni Jehova ng walong komite sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Dinalaw ng naglalakbay na mga tagapangasiwa ang mga kongregasyon upang makita ang aktuwal na mga pangangailangan, at ipinaalam ito sa angkop na komite sa pagtulong. Iniulat ng isang naglalakbay na tagapangasiwa: “Sa nakalipas na limang taon, nakapamahagi kami ng mahigit sanlibong toneladang mais, sampung toneladang daing, at gayunding dami ng pinatuyong butil. Gumawa ang ating mga kapatid ng dalawang toneladang mufushwa [pinatuyong gulay]. Namigay rin kami ng napakaraming donasyong damit at kinakailangang pera.” Isa pang naglalakbay na tagapangasiwa ang nagkomento: “Kapag iniisip ko ang hirap ng pagkuha ng permit na hinihingi ng Zimbabwe at Timog Aprika upang maipasok ang mga suplay na ito at ang matagal nang problema sa gasolina para maihatid ang kinakailangang tulong na ito, masasabi kong ang aming tagumpay ay isa pang katibayan ng sinabi ni Jesus na alam ng ating makalangit na Ama na kailangan natin ang lahat ng ito.”​—Mateo 6:32.

Paano nakararaos ang naglalakbay na mga tagapangasiwa kapag dumadalaw sa mga lugar na sinalanta ng tagtuyot? Ang ilan ay nagbabaon ng pagkain at binibigyan pa nga ang mga pamilyang tinutuluyan nila. Isa sa kanila ang nagkuwento na may ilang sister na nagtatalo noon kung hihinto muna sila sa pangangaral sa araw na iyon para makapila sa pinakahihintay na tulong ng gobyerno. Nagtiwala sila kay Jehova anupat patuloy na nangaral at naghintay na lamang sa mangyayari. Walang dumating na tulong mula sa gobyerno nang araw na iyon.

May Kristiyanong pulong kinabukasan, at kailangan na namang magdesisyon ang mga sister na ito. Dadalo ba sila sa pulong o maghihintay sa pagdating ng tulong? Inuna nila ang dapat unahin at dumalo sa pagtitipon sa Kingdom Hall. (Mateo 6:33) Samantalang inaawit ang panghuling awit, narinig nilang may paparating na trak. Doon mismo inihatid ng mga kapatid na miyembro ng komite sa pagtulong ang mga panustos! Nag-umapaw ang kagalakan at pasasalamat ng tapat na mga Saksing dumalo sa pulong na iyon.

Nagpapatibay ang Pag-ibig

Ang pagpapakita ng kabaitan sa mga hindi Saksi ay nagbukas ng pagkakataon para sa mainam na pagpapatotoo. Nangangaral noon sa Masvingo ang tagapangasiwa ng sirkito kasama ng ilang Saksing tagaroon. Nakita niyang nakahandusay sa tabing-daan ang isang batang babae. Napansin ng mga Saksi na malubha ang sakit niya dahil hindi siya makapagsalita nang maayos at nanginginig ang kaniyang boses. Ang pangalan ng bata ay Hamunyari, na sa wikang Shona ay nangangahulugang “Hindi Ka ba Nahihiya?” Nalaman ng mga kapatid na iniwan siya ng mga miyembro ng kanilang simbahan na papunta sa kabundukan para magdaos ng relihiyosong serbisyo. Maibiging tinulungan ng mga Saksi ang batang babae, at dinala siya sa isang karatig na nayon.

May nakakakilala kay Hamunyari sa nayong iyon, kaya ipinasundo nila ang bata sa kaniyang mga kamag-anak. Patungkol sa mga Saksi, sinabi ng mga taganayon: “Ito ang tunay na relihiyon. Ito ang pag-ibig na dapat ipakita ng mga Kristiyano.” (Juan 13:35) Bago umalis ang mga kapatid, binigyan muna nila si Hamunyari ng tract na Gusto Mo Bang Makaalam Nang Higit Pa Tungkol sa Bibliya? *

Nang sumunod na linggo, dinalaw ng naglalakbay na tagapangasiwa ang kongregasyon sa lugar nina Hamunyari. Gusto niyang malaman kung ligtas na nakauwi si Hamunyari. Tuwang-tuwa ang buong pamilya nang makita siya at ang mga kapatid na tagaroon. Sinabi ng kaniyang mga magulang: “Kayo ang tunay na relihiyon. Iniligtas ninyo ang buhay ng aming anak, na iniwang halos nag-aagaw-buhay sa daan.” Naitanong nila noon sa mga miyembro ng simbahang kinaaaniban ni Hamunyari: “Hindi ba kayo nahihiya na iniwan siyang halos patay na?” Sinimulan ng mga Saksi na makipag-usap sa pamilya ni Hamunyari hinggil sa Bibliya at nag-iwan sila ng mga literatura sa Bibliya. Inanyayahan nila ang mga kapatid na magbalik para turuan sila ng Bibliya. Ang ilang miyembro ng pamilyang ito na dating salansang sa mga Saksi ay nagbago ng kanilang pananaw. Ang isa sa kanila, na bayaw ni Hamunyari, ay lider ng simbahan sa lugar na iyon. Pumayag siyang makipag-aral ng Bibliya.

Pagtatayo ng mga Bahay Para sa Pagsamba

Isinulat ng kinasihang makata noon: “O Diyos, . . . ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa iyo. . . . Sa isang lupaing tuyo at lupaypay, na walang tubig.” (Awit 63:1) Totoong-totoo ito sa maraming taga-Zimbabwe! Literal silang dumaranas ng tagtuyot, subalit nauuhaw rin sila, wika nga, sa Diyos at sa kaniyang kabutihan. Makikita mo ito sa resulta ng Kristiyanong ministeryo ng mga Saksi ni Jehova. Nang matamo ng Zimbabwe ang kasarinlan noong 1980, mga 10,000 Saksi ang naglilingkod sa 476 na kongregasyon. Sa ngayon, pagkalipas ng mga 27 taon, naging triple ang bilang ng aktibong Saksi at halos nadoble naman ang bilang ng mga kongregasyon.

Iilan lamang sa mga kongregasyong ito ang may sariling dako ng pagsamba. Noong Enero 2001, 98 lamang sa mahigit 800 kongregasyon sa Zimbabwe ang may bahay para sa pagsamba​—isang Kingdom Hall—​na mapagpupulungan. Marami sa mga kongregasyon ang nagpupulong sa ilalim ng punungkahoy o sa simpleng mga kubo na may dingding na pinalitadahan ng putik at bubong na yari sa dayami.

Dahil sa mga donasyon at masikap na pagboboluntaryo ng kanilang Kristiyanong mga kapatid sa buong daigdig, ang mga Saksi sa Zimbabwe ay nakapagpasimula ng isang programang tutulong sa mas maraming kongregasyon na makapagpatayo ng simple subalit presentableng mga Kingdom Hall. Maraming Saksi sa ibang bansa na may kasanayan sa pagtatayo ang gumawa ng mga kaayusan para makapunta sa Zimbabwe at makatulong sa mga boluntaryo roon. Isinulat ng isang Saksing tagaroon: “Lubos kaming nagpapasalamat sa lahat ng kapatid mula sa napakaraming bansa na pumarito sa Zimbabwe upang tumulong sa pagtatayo ng magagandang Kingdom Hall. At pinasasalamatan din namin kayong lahat sa inyong mga donasyon sa Kingdom Hall Fund para maging posible ang gawaing ito.”

Sa silangang bahagi ng bansa, ang mga kapatid ay nagpulong sa ilalim ng napakalaking punong baobab sa loob ng 50 taon. Nang ipaalam sa mga elder na magtatayo ng isang tunay na bahay para sa pagsamba, napaiyak ang isa sa kanila. Sa isang kalapit na kongregasyon, sinabi ng isang 91-taóng-gulang na elder: “Napakatagal ko na itong ipinakikiusap kay Jehova!”

Maraming humahanga sa bilis ng pagtatayo sa magagandang gusaling ito. Ang sabi nga ng isang nagmamasid: “Kayo ang nagtatayo sa araw, ang Diyos naman sa gabi!” Napapansin din ang pagkakaisa at kaligayahan ng mga boluntaryo. Sa kasalukuyan, mahigit 350 bagong Kingdom Hall ang naitayo na sa buong bansa. Makapagpupulong na ngayon ang 534 na kongregasyon sa matibay at kongkretong mga Kingdom Hall.

Patuloy pa rin ang napakahalaga at makasagisag na pagtatayo sa Zimbabwe. Kung magbabalik-tanaw tayo sa mga nagawa na, mapakikilos tayo nitong purihin si Jehova, ang pinagmumulan ng mga pagpapalang ito. Oo, “malibang si Jehova ang magtayo ng bahay, walang kabuluhan ang pagpapagal ng mga tagapagtayo nito.”​—Awit 127:1.

[Talababa]

^ par. 16 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Mga Mapa sa pahina 9]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

ZIMBABWE

HARARE

Masvingo

Great Zimbabwe

[Larawan sa pahina 9]

Toreng hugis-apa

[Larawan sa pahina 12]

Bagong Kingdom Hall, Kongregasyon ng Concession

[Larawan sa pahina 12]

Mga miyembro ng Kongregasyon ng Lyndale sa labas ng kanilang bagong Kingdom Hall

[Picture Credit Lines sa pahina 9]

Ruins with steps: © Chris van der Merwe/​AAI Fotostock/​age fotostock; tower inset: © Ingrid van den Berg/​AAI Fotostock/​age fotostock