Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Mga Anak, Maging Masunurin Kayo sa Inyong mga Magulang”

“Mga Anak, Maging Masunurin Kayo sa Inyong mga Magulang”

“Mga Anak, Maging Masunurin Kayo sa Inyong mga Magulang”

“Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang kaisa ng Panginoon, sapagkat ito ay matuwid.”​—EFESO 6:1.

1. Paano magsisilbing proteksiyon sa iyo ang pagkamasunurin?

BUHÁY tayo ngayon dahil sumunod tayo, ngunit namatay naman ang iba dahil hindi sila sumunod. Sumunod sa ano? Halimbawa, sa mga babala mula sa ating katawan na “kamangha-mangha ang pagkakagawa.” (Awit 139:14) Nakikita natin ang maiitim na ulap, naririnig natin ang dagundong ng kulog. Pagkatapos, nagsisimula nang lumakas ang hangin. Sa mga nakaaalam ng nagbabantang panganib, hudyat ito para humanap na ng ligtas na lugar dahil parating na ang bagyo na may nakamamatay na kidlat at batong graniso.

2. Bakit kailangang bigyang-babala ang mga bata, at bakit dapat nilang sundin ang kanilang mga magulang?

2 Kayong mga kabataan ay kailangang bigyang-babala sa mga nagbabantang panganib, at ito ang pananagutan ng mga magulang ninyo. Marahil natatandaan mo pa nang sabihin nila: “Huwag mong hawakan ang kalan. Mainit iyan.” “Huwag kang pupunta sa ilog. Mapanganib doon.” “Tumingin ka muna sa kaliwa’t kanan bago ka tumawid.” Nakalulungkot, may mga anak na nasaktan o namatay pa nga dahil hindi sila sumunod. Ang pagiging masunurin sa iyong mga magulang “ay matuwid”​—tama at angkop. Ito rin ay isang katalinuhan. (Kawikaan 8:33) Isa pang teksto sa Bibliya ang nagsasabing ito ay “lubhang kalugud-lugod” sa ating Panginoong Jesu-Kristo. Sa katunayan, inuutusan ka ng Diyos na sundin ang iyong mga magulang.​—Colosas 3:20; 1 Corinto 8:6.

Namamalaging Gantimpala sa Pagkamasunurin

3. Ano ang “tunay na buhay” na inaasahan ng karamihan sa atin, at ano ang dapat gawin ng mga anak upang makamit ito?

3 Ang pagsunod sa iyong mga magulang ay hindi lamang magsasanggalang sa iyong “buhay ngayon.” Magbibigay rin ito sa iyo ng tinatawag na “tunay na buhay,” ang buhay na “darating.” (1 Timoteo 4:8; 6:19) Ang tunay na buhay na inaasahan ng karamihan sa atin ay walang-hanggang buhay sa lupa sa bagong sanlibutang ipinangako ng Diyos sa mga tapat na sumusunod sa kaniyang mga utos. Ang isa sa mga napakahalagang utos ay nagsasabi: “‘Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina’; na siyang unang utos na may pangako: ‘Upang mapabuti ka at mamalagi ka nang mahabang panahon sa lupa.’” Kaya magiging maligaya ka kung susundin mo ang iyong mga magulang. Magiging matiwasay ang iyong kinabukasan, at mapapabilang ka sa mga tatanggap ng buhay na walang hanggan sa paraisong lupa!​—Efeso 6:2, 3.

4. Paano mapararangalan ng mga anak ang Diyos at paano sila nakikinabang sa paggawa nito?

4 Kapag pinararangalan mo ang iyong mga magulang sa pamamagitan ng pagsunod sa kanila, pinararangalan mo rin ang Diyos dahil siya ang nag-uutos sa iyo na sundin mo sila. Nakikinabang ka rin sa paggawa mo nito. “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka,” ang sabi ng Bibliya. (Isaias 48:17; 1 Juan 5:3) Paano ka nakikinabang sa pagiging masunurin? Napaliligaya mo ang iyong mga magulang at ipakikita naman nila ito sa iyo sa mga paraang higit na magpapaligaya sa iyo. (Kawikaan 23:22-25) Pero higit na mahalaga, napaliligaya mo ang iyong makalangit na Ama, at gagantimpalaan ka niya sa kamangha-manghang mga paraan! Tingnan natin kung paano pinagpala at ipinagsanggalang ni Jehova si Jesus, na nagsabi ng ganito tungkol sa kaniyang sarili: “Lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniya.”​—Juan 8:29.

Si Jesus​—Masipag na Manggagawa

5. Paano natin nalaman na isang mahusay na manggagawa si Jesus?

5 Si Jesus ang panganay na anak ni Maria. Ang kaniyang ama-amahang si Jose ay isang karpintero. Naging karpintero din si Jesus at malamang na si Jose ang nagturo sa kaniya ng kasanayang ito. (Mateo 13:55; Marcos 6:3; Lucas 1:26-31) Sa palagay mo, gaano kahusay na karpintero si Jesus? Noong nasa langit pa siya, bago siya makahimalang ipaglihi ng kaniyang birheng ina, ganito ang sinabi niya bilang personipikasyon ng karunungan: “Nasa piling . . . ako [ng Diyos] bilang isang dalubhasang manggagawa, at ako ang siyang lubhang kinagigiliwan niya araw-araw.” Nalugod ang Diyos kay Jesus, na noon ay isang mahusay na manggagawa sa langit. Sa palagay mo, sinikap din kaya niya na maging mahusay na manggagawa, isang magaling na karpintero, noong kabataan pa siya rito sa lupa?​—Kawikaan 8:30; Colosas 1:15, 16.

6. (a) Sa palagay mo, bakit may mga gawaing bahay rin si Jesus noong bata siya? (b) Paano matutularan ng mga anak si Jesus?

6 Tiyak na naglalaro din si Jesus paminsan-minsan noong bata siya, kagaya ng binabanggit ng Bibliya tungkol sa mga bata. (Zacarias 8:5; Mateo 11:16, 17) Pero tiyak na bilang panganay sa isang malaking pamilya na hindi naman nakaririwasa, may mga gawain din siya sa bahay bukod pa sa pagsasanay sa kaniya ni Jose para maging karpintero. Nang maglaon, si Jesus ay naging isang mangangaral at itinalaga ang kaniyang buhay sa paglilingkod sa Diyos kahit isakripisyo ang sariling kaalwanan. (Lucas 9:58; Juan 5:17) Paano mo kaya matutularan si Jesus? Hinihiling ba sa iyo ng mga magulang mo na linisin mo ang iyong kuwarto o may ibang gawaing bahay sila para sa iyo? Hinihimok ka ba nilang sumama sa mga pulong Kristiyano at sa gawaing pangangaral bilang pakikibahagi sa pagsamba sa Diyos? Sa palagay mo, ano kaya ang gagawin ni Jesus kung sa kaniya hiniling ang mga bagay na ito?

Masikap na Estudyante at Guro ng Bibliya

7. (a) Sino ang maaaring nakasama ni Jesus sa paglalakbay para sa pagdiriwang ng Paskuwa? (b) Nasaan si Jesus nang magsimulang maglakbay pauwi ang iba, at bakit siya naroroon?

7 Lahat ng lalaking miyembro ng pamilyang Israelita ay inutusang pumunta sa templo upang sumamba kay Jehova sa panahon ng tatlong kapistahan ng mga Judio. (Deuteronomio 16:16) Noong 12-taóng-gulang si Jesus, maaaring buong pamilya niya ang naglakbay patungo sa Jerusalem para sa pagdiriwang ng Paskuwa. Malamang na kasama ang mga kapatid ni Jesus sa ina. Pero maaaring kasama rin ng pamilya ni Jesus si Salome, na malamang ay kapatid ni Maria, at ang asawa nitong si Zebedeo at ang mga anak nilang sina Santiago at Juan, na naging apostol noong dakong huli. * (Mateo 4:20, 21; 13:54-56; 27:56; Marcos 15:40; Juan 19:25) Sa paglalakbay nila pauwi, maaaring inakala nina Jose at Maria na kasama si Jesus ng kanilang mga kamag-anak, kaya hindi agad napansin na wala siya. Pagkaraan ng tatlong araw, natagpuan sa wakas nina Maria at Jose si Jesus sa templo, “na nakaupo sa gitna ng mga guro at nakikinig sa kanila at nagtatanong sa kanila.”​—Lucas 2:44-46.

8. Ano ang ginagawa ni Jesus sa templo, at bakit namangha ang mga tao?

8 Paano “nagtatanong” si Jesus sa mga guro? Ang kaniyang pagtatanong ay maaaring hindi lamang para mag-usisa o kumuha ng impormasyon. Ang salitang Griego na ginamit dito ay puwede ring tumukoy sa sunud-sunod na pagtatanong ng magkabilang panig sa isang testigo sa hukuman. Oo, kahit bata pa si Jesus, mahusay na siyang estudyante ng Bibliya at napahanga niya ang matatalinong guro ng relihiyon! “Lahat niyaong nakikinig sa kaniya ay patuloy na namamangha sa kaniyang unawa at sa kaniyang mga sagot,” ang sabi ng Bibliya.​—Lucas 2:47.

9. Paano mo matutularan ang halimbawa ni Jesus sa pag-aaral ng Bibliya?

9 Sa palagay mo, bakit kaya napahanga ng batang si Jesus kahit ang makaranasang mga guro sa kaniyang kaalaman sa Bibliya? Sabihin pa, dahil siya ay may mga magulang na may takot sa Diyos at nagturo sa kaniya ng mga kasulatan mula pa sa kaniyang pagkasanggol. (Exodo 12:24-27; Deuteronomio 6:6-9; Mateo 1:18-20) Tiyak na isinasama ni Jose ang batang si Jesus sa sinagoga upang mapakinggan ang pagbasa at pagtalakay sa Kasulatan. May mga magulang ka rin ba na nagtuturo sa iyo ng Bibliya at isinasama ka ba nila sa mga pulong Kristiyano? Pinahahalagahan mo ba ang pagsisikap nila gaya ng pagpapahalaga ni Jesus sa ginawa ng kaniyang mga magulang? Sinasabi mo rin ba sa iba ang mga natututuhan mo kagaya ng ginawa ni Jesus?

Mapagpasakop si Jesus

10. (a) Bakit dapat sana’y alam ng mga magulang ni Jesus kung saan siya matatagpuan? (b) Ano ang mainam na halimbawa ni Jesus para sa mga anak?

10 Sa palagay mo, ano kaya ang nadama nina Maria at Jose nang masumpungan nila si Jesus sa templo pagkalipas ng tatlong araw? Tiyak, para silang nabunutan ng tinik. Pero nagtaka si Jesus na hindi alam ng mga magulang niya kung saan siya matatagpuan. Pareho nilang alam ang tungkol sa makahimalang pagsilang ni Jesus. At bagaman hindi nila alam ang lahat ng detalye, maaaring may alam sila tungkol sa kaniyang magiging papel bilang Tagapagligtas at Tagapamahala sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 1:21; Lucas 1:32-35; 2:11) Kaya tinanong sila ni Jesus: “Bakit kailangang hanapin ninyo ako? Hindi ba ninyo alam na ako ay dapat na mapasabahay ng aking Ama?” Gayunpaman, masunuring sumama si Jesus sa kaniyang mga magulang at umuwi sila sa Nazaret. Sinasabi ng Bibliya: “Patuloy siyang nagpasakop sa kanila.” Gayundin, “pinakaingatan ng kaniyang ina ang lahat ng mga pananalitang ito sa kaniyang puso.”​—Lucas 2:48-51.

11. Anong aral tungkol sa pagkamasunurin ang matututuhan mo kay Jesus?

11 Sa palagay mo, madali kayang tularan ang halimbawa ni Jesus na laging sundin ang iyong mga magulang? O sa palagay mo, masyado ba silang makaluma at mas marami kang alam kaysa sa kanila? Totoo, baka mas marami kang alam tungkol sa ilang bagay​—marahil tungkol sa paggamit ng cellphone, computer, o iba pang modernong kagamitan. Pero isipin mo na napahanga ni Jesus ang makaranasang mga guro dahil sa “kaniyang unawa at sa kaniyang mga sagot.” Malamang na sasang-ayon kang mas marami siyang alam kaysa sa iyo. Gayunman, nagpasakop si Jesus sa kaniyang mga magulang. Hindi naman ito nangangahulugang lagi siyang sumasang-ayon sa kanilang mga desisyon. Sa kabila nito, “patuloy siyang nagpasakop sa kanila”​—sa buong panahon ng kaniyang pagkatin-edyer. Sa palagay mo, anong aral ang matututuhan mo sa kaniyang halimbawa?​—Deuteronomio 5:16, 29.

Pagkamasunurin​—Isang Hamon

12. Paano maaaring iligtas ng pagkamasunurin ang buhay mo?

12 Hindi laging madaling sumunod, gaya ng makikita sa karanasan ng dalawang batang babae mga ilang taon na ang nakararaan. Sa halip na dumaan sa overpass, patakbo silang tumawid sa isang anim-na-linyang haywey. “Halika, John,” ang sabi nila sa isang kasama na paakyat na noon sa overpass. “Sumama ka na sa amin.” Nang mag-atubili si John, tinukso siya ng isa sa mga batang babae, “Duwag ka talaga!” Hindi naman natatakot si John, pero sinabi niya, “Ayoko lamang suwayin ang nanay ko.” Habang naglalakad sa overpass, nakarinig si John ng sumasagitsit na gulong at nang tumingin siya sa ibaba, kitang-kita niyang nabangga ng kotse ang mga batang babae. Namatay ang isa kanila, at grabe namang napinsala ang isa pa kaya kinailangang putulin ang kaniyang binti. Nang maglaon, nabanggit ng ina ng mga bata sa nanay ni John na sinabihan din naman niya ang kaniyang mga anak na sa overpass sila dumaan. “Sana nakinig din sila sa akin tulad ng anak tulad mo,” ang sabi niya.​—Efeso 6:1.

13. (a) Bakit dapat mong sundin ang iyong mga magulang? (b) Kailan hindi dapat sundin ng anak ang iniuutos ng kaniyang mga magulang?

13 Bakit sinabi ng Diyos: “Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang”? Kapag sinusunod mo ang iyong mga magulang, sinusunod mo rin ang Diyos. Bukod diyan, mas malawak ang karanasan ng mga magulang mo kaysa sa iyo. Halimbawa, limang taon bago nangyari ang aksidenteng nabanggit, ang nanay ni John ay may kaibigan na ang anak ay namatay rin dahil tumawid ito sa mismong haywey na iyon! Totoo, hindi laging madaling sumunod sa mga magulang mo, pero iyan ang utos ng Diyos. Sa kabilang dako, kung inuutusan ka ng iyong mga magulang, o ng ibang tao, na magsinungaling, magnakaw, o gumawa ng anumang bagay na ayaw ng Diyos, dapat mong “sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” Kaya naman pagkatapos sabihing “maging masunurin kayo sa inyong mga magulang,” idinagdag ng Bibliya ang pananalitang “kaisa ng Panginoon.” Ang ibig sabihin nito, susundin mo ang iyong mga magulang sa lahat ng bagay na kasuwato ng mga batas ng Diyos.​—Gawa 5:29.

14. Bakit mas madaling sumunod ang isa na sakdal, pero bakit niya kailangang matutuhan ito?

14 Sa palagay mo, kung sakdal ka​—ang ibig sabihin, tulad ni Jesus na “walang dungis, hiwalay sa mga makasalanan”—​lagi kayang madaling sumunod sa mga magulang mo? (Hebreo 7:26) Kung sakdal ka, hindi ka madaling matuksong gumawa ng masama katulad sa ngayon. (Genesis 8:21; Awit 51:5) Pero kahit si Jesus ay kinailangang matutong sumunod. Sinasabi ng Bibliya: “Bagaman [si Jesus] ay Anak, natuto siya ng pagkamasunurin mula sa mga bagay na kaniyang pinagdusahan.” (Hebreo 5:8) Paano nakatulong ang pagdurusa ni Jesus para matuto siyang sumunod, isang aral na hindi naman niya kinailangang matutuhan sa langit?

15, 16. Paano natuto ng pagkamasunurin si Jesus?

15 Sa ilalim ng patnubay ni Jehova, ipinagsanggalang nina Jose at Maria si Jesus nang bata pa siya. (Mateo 2:7-23) Subalit nang maglaon, inalis ng Diyos ang makahimalang proteksiyon kay Jesus. Gayon na lamang katindi ang paghihirap ng isip at katawan ni Jesus, anupat sinasabi ng Bibliya na siya ay naghandog “ng mga pagsusumamo at ng mga pakiusap din . . . na may malalakas na paghiyaw at mga luha.” (Hebreo 5:7) Kailan ito nangyari?

16 Nangyari ito noong malapit nang mamatay si Jesus at puspusang tangkain ni Satanas na sirain ang Kaniyang katapatan. Maliwanag na labis na nabagabag si Jesus dahil alam niyang magdudulot ng malaking upasala sa kaniyang Ama ang paraan ng pagpatay sa kaniya na parang isang kriminal. Kaya naman “nagpatuloy siya sa pananalangin [sa halamanan ng Getsemani] at ang kaniyang pawis ay naging gaya ng mga patak ng dugo na tumutulo sa lupa.” Pagkalipas pa ng ilang oras, gayon na lamang kalupit ang pagpatay sa kaniya sa pahirapang tulos anupat bumulalas si Jesus ng “malalakas na paghiyaw [na may] luha.” (Lucas 22:42-44; Marcos 15:34) Kaya “natuto siya ng pagkamasunurin mula sa mga bagay na kaniyang pinagdusahan” at sa gayo’y napagalak niya ang kaniyang Ama. Ngayong nasa langit na, damang-dama ni Jesus ang ating paghihirap habang madalas tayong nagpupunyagi upang maging masunurin.​—Kawikaan 27:11; Hebreo 2:18; 4:15.

Matutong Sumunod

17. Ano ang dapat nating isipin kapag dinidisiplina tayo?

17 Kapag dinidisiplina ka ng iyong mga magulang, ipinakikita nito na ibig nila ang pinakamabuti para sa iyo at mahal ka nila. ‘Sinong anak ang hindi dinidisiplina ng kaniyang ama?’ ang tanong ng Bibliya. Hindi ba nakalulungkot kung hindi ka gayon kamahal ng iyong mga magulang anupat wala silang panahon at pagsisikap na disiplinahin ka? Mahal ka ni Jehova kaya dinidisiplina ka niya. “Totoo, walang disiplina ang waring sa kasalukuyan ay nakagagalak, kundi nakapipighati; gayunman pagkatapos doon sa mga sinanay nito ay nagluluwal ito ng mapayapang bunga, samakatuwid nga, ng katuwiran.”​—Hebreo 12:7-11.

18. (a) Katibayan ng ano ang maibiging disiplina? (b) Anong magagandang resulta ang nakita mo sa mga taong pinalaki sa gayong disiplina?

18 Isang hari sa Israel noon, na binanggit ni Jesus dahil sa malawak na karunungan, ang nagsabi na mahalaga ang maibiging pagtutuwid ng mga magulang. Sumulat si Solomon: “Ang nag-uurong ng kaniyang pamalo ay napopoot sa kaniyang anak, ngunit ang umiibig sa kaniya ay yaong humahanap sa kaniya taglay ang disiplina.” Sinabi pa ni Solomon na ang mismong kaluluwa ng taong itinutuwid nang may pag-ibig ay maililigtas mula sa kamatayan. (Kawikaan 13:24; 23:13, 14; Mateo 12:42) Natatandaan ng isang Kristiyanong babae na kapag magulo siya sa Kristiyanong pulong noong bata pa siya, sinasabihan siya ng kaniyang ama na maparurusahan siya pag-uwi ng bahay. Buong pagmamahal niyang naaalaala ngayon ang kaniyang ama sapagkat napabuti ang buhay niya dahil sa maibiging disiplina nito sa kaniya.

19. Bakit lalo nang dapat mong sundin ang iyong mga magulang?

19 Magpasalamat ka kung may mga magulang ka na nagmamahal sa iyo anupat naglalaan sila ng panahon at nagsisikap na disiplinahin ka sa maibiging paraan. Sundin mo sila, kung paanong sinunod ng ating Panginoong Jesu-Kristo ang kaniyang mga magulang na sina Jose at Maria. Pero lalo nang dapat mo silang sundin dahil ito ang utos sa iyo ng iyong makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova. Sa gayon ay pagpapalain ka, ‘mapapabuti ka at mamamalagi ka nang mahabang panahon sa lupa.’​—Efeso 6:2, 3.

[Talababa]

^ par. 7 Tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 841, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

Paano Mo Sasagutin?

• Paano nakikinabang ang mga anak sa pagiging masunurin sa kanilang mga magulang?

• Paano nagpakita ng halimbawa si Jesus sa pagiging masunurin sa mga magulang noong bata siya?

• Paano natuto ng pagkamasunurin si Jesus?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 24]

Marami nang alam sa Kasulatan ang 12-taóng-gulang na si Jesus

[Larawan sa pahina 26]

Paano natutong sumunod si Jesus dahil sa pagdurusa niya?