Mga Asawang Babae—Matinding Igalang ang Inyong Asawa
Mga Asawang Babae—Matinding Igalang ang Inyong Asawa
“Ang mga asawang babae ay magpasakop sa kani-kanilang asawang lalaki.”—EFESO 5:22.
1. Bakit kadalasang mahirap igalang ang asawang lalaki?
SA MARAMING lupain, kapag ikinakasal ang magkasintahan, nananata ang nobya at nangangakong matinding igagalang ang kaniyang asawa. Pero nagiging madali o mahirap tuparin ang panatang ito depende sa pakikitungo ng mga asawang lalaki sa kanilang kabiyak. Gayunman, may magandang pasimula ang pag-aasawa. Kumuha ang Diyos ng tadyang mula kay Adan, ang unang lalaki, at ginawa itong babae. Napabulalas si Adan: “Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman.”—Genesis 2:19-23.
2. Paano nagbago kamakailan ang papel at saloobin ng mga babae hinggil sa pag-aasawa?
2 Sa kabila ng magandang pasimulang iyon, isang kilusang tinatawag na kalayaan ng mga kababaihan (women’s liberation)—nilayong makalaya ang mga kababaihan sa panunupil ng mga kalalakihan—ang nagsimula noong unang mga taon ng dekada ng 1960 sa Estados Unidos. Noon, mga 300 asawang lalaki sa bawat 1 asawang babae ang umaabandona sa kanilang pamilya. Sa pagtatapos ng dekada ng 1960, ito ay naging 100 sa 1. Sa ngayon ay waring dumarami na rin ang mga babaing nagmumura, umiinom, naninigarilyo, at nagiging imoral na gaya ng mga lalaki. Mas masaya ba ngayon ang mga kababaihan? Hindi. Sa ilang bansa, mga kalahati ng bilang ng mga nag-aasawa ang nauuwi sa diborsiyo. Nakabuti ba o nakasama ang pagsisikap ng mga babae na mapabuti ang kanilang pag-aasawa?—2 Timoteo 3:1-5.
3. Ano ba talaga ang problemang nakaaapekto sa pag-aasawa?
3 Ano ba talaga ang problema? Sa paanuman, ito ang problemang lumitaw mula nang tuksuhin si Eva ng rebeldeng anghel, “ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas.” (Apocalipsis 12:9; 1 Timoteo 2:13, 14) Pinalabo ni Satanas ang mga turo ng Diyos. Halimbawa, pinalabas ng Diyablo na mahigpit at mapaniil ang kaayusan ng pag-aasawa. Ang propagandang itinataguyod niya sa pamamagitan ng media ng sanlibutang ito—na pinamumunuan niya—ay dinisenyo upang ang mga tagubilin ng Diyos ay magmistulang di-makatuwiran at lipas na. (2 Corinto 4:3, 4) Subalit kung magiging bukás ang ating isipan sa pagsusuri sa sinasabi ng Diyos hinggil sa papel ng isang asawang babae, makikita nating kapaki-pakinabang at praktikal nga ang Salita ng Diyos.
Babala sa mga Mag-aasawa
4, 5. (a) Bakit dapat mag-ingat kapag nagbabalak mag-asawa? (b) Ano muna ang dapat gawin ng isang babae bago pumayag magpakasal?
4 Nagbababala ang Bibliya. Sinasabi nito na sa sanlibutang ito na pinamumunuan ng Diyablo, kahit ang mga matagumpay sa pag-aasawa ay daranas pa rin ng “kapighatian.” Kaya bagaman kaayusan ng Diyos ang pag-aasawa, binababalaan ng Bibliya ang mga pumapasok dito. Sinabi ng isang kinasihang manunulat ng Bibliya tungkol sa isang asawang babae na namatayan ng asawa at sa gayo’y malaya nang mag-asawang muli: “Siya ay mas maligaya kung mananatili siya sa kaniyang kalagayan.” Inirekomenda rin ni Jesus ang pananatiling walang asawa para sa mga “makapaglalaan ng dako para rito.” Gayunman, kung mag-aasawa ang isa, dapat na “tangi lamang sa Panginoon,” samakatuwid nga, sa isa na nakaalay at bautisadong mananamba ng Diyos.1 Corinto 7:28, 36-40; Mateo 19:10-12.
—5 Ang babae lalo na ang dapat na maging pihikan sa pagpili ng mapapangasawa dahil nagbababala ang Bibliya: “Ang isang babaing may asawa ay natatalian ng kautusan sa kaniyang asawa.” Magiging “malaya [lamang siya] mula sa kautusan” ng kaniyang asawa kapag namatay ito o nakagawa ng imoralidad at nagdiborsiyo sila dahil dito. (Roma 7:2, 3) Ang pag-ibig sa unang pagkikita ay maaaring isang nakakakilig na relasyon, pero hindi ito batayan para sa isang maligayang pagsasama. Kaya dapat tanungin ng isang dalaga ang kaniyang sarili, ‘Handa ba akong magpasakop sa kautusan ng lalaking ito?’ Ang tanong na ito ay dapat pag-isipan bago magpakasal at hindi pagkatapos.
6. Anong pagpapasiya ang maaaring gawin ng karamihan sa mga babae ngayon, at bakit ito napakahalaga?
6 Sa maraming lugar sa ngayon, makapagpapasiya ang babae kung tatanggapin niya o tatanggihan ang alok na pagpapakasal. Pero ito na marahil ang pinakamahirap gawin ng isang babae, dahil maaaring napakatindi ng kaniyang paghahangad na madama ang matalik na ugnayan at pag-ibig na para lamang sa mga mag-asawa. Sinabi ng isang manunulat: “Miyentras gustung-gusto nating gawin ang isang bagay—pag-aasawa man o pag-akyat sa bundok—mas malamang na hindi natin makita ang panganib at ang pinakikinggan lamang natin ay ang mga gusto nating marinig.” Ang padalus-dalos na pagpapasiya ng isang umaakyat sa bundok ay maaari niyang ikamatay; kapaha-pahamak din ang maaaring ibunga ng di-matalinong pagpili ng mapapangasawa.
7. Anong matalinong payo ang ibinigay sa paghanap ng mapapangasawa?
7 Dapat pag-isipang mabuti ng isang babae kung ano ang nasasangkot sa pagpapasakop sa kautusan ng lalaking nag-aalok sa kaniya ng kasal. Ilang taon na ang nakalilipas, isang dalagang taga-India ang mapagpakumbabang nagsabi: “Ang ating mga magulang ay mas matanda at makaranasan, at hindi sila basta-basta nalilinlang na gaya natin. . . . Napakadali kong magkamali.” Mahalaga ang tulong ng mga magulang at ng iba. Isang matalinong tagapayo ang matagal nang nagmumungkahi sa mga kabataan na kilalanin ang mga magulang ng kanilang mapapangasawa at obserbahang mabuti kung paano ito nakikitungo sa mga magulang at kapamilya nito.
Kung Paano Nagpasakop si Jesus
8, 9. (a) Ano ang pangmalas ni Jesus sa pagpapasakop niya sa Diyos? (b) Ano ang mga kapakinabangan sa pagpapasakop?
8 Bagaman hindi madaling magpasakop, maaari itong ituring ng mga kababaihan na isang karangalan, na gaya ng turing dito ni Jesus. Bagaman ang pagpapasakop sa Diyos ay nagdulot sa kaniya ng pagdurusa, pati na ng kamatayan sa pahirapang tulos, nagalak pa rin siyang magpasakop sa Diyos. (Lucas 22:41-44; Hebreo 5:7, 8; 12:3) Maaaring maging huwaran ng mga kababaihan si Jesus, sapagkat sinasabi ng Bibliya: “Ang ulo . . . ng babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.” (1 Corinto 11:3) Gayunman, kapansin-pansin na hindi lamang ang mga babaing nag-aasawa ang dapat magpasakop sa pagkaulo ng lalaki.
9 Ipinaliliwanag ng Bibliya na ang mga babae, may-asawa man o wala, ay dapat magpasakop sa pagkaulo ng kuwalipikadong Kristiyanong lalaki na nangangasiwa sa kongregasyon. (1 Timoteo 2:12, 13; Hebreo 13:17) Kapag sumusunod ang mga babae sa tagubiling ito ng Diyos, nagiging huwaran sila ng mga anghel sa organisasyon ng Diyos. (1 Corinto 11:8-10) Bukod diyan, sa pamamagitan ng kanilang magandang halimbawa at praktikal na mga mungkahi, tinuturuan ng nakatatandang mga babaing may asawa ang mga nakababata na ‘magpasakop sa kani-kanilang asawa.’—Tito 2:3-5.
10. Anong halimbawa ng pagiging mapagpasakop ang iniwan ni Jesus?
10 Alam ni Jesus ang kahalagahan ng wastong pagpapasakop. Minsan, inutusan niya si apostol Pedro na magbayad ng buwis sa mga awtoridad para sa kanilang dalawa, anupat binigyan pa nga niya ito ng pambayad. Pagkaraan ay isinulat ni Pedro: “Alang-alang sa Panginoon ay magpasakop kayo sa bawat gawa ng tao.” (1 Pedro 2:13; Mateo 17:24-27) Tungkol sa natatanging halimbawa ni Jesus sa pagpapasakop, mababasa natin: “Hinubad niya ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin at napasawangis ng tao. Higit pa riyan, nang masumpungan niya ang kaniyang sarili sa anyong tao, nagpakababa siya at naging masunurin hanggang sa kamatayan.”—Filipos 2:5-8.
11. Bakit hinimok ni Pedro ang mga asawang babae na maging mapagpasakop kahit sa kanilang di-sumasampalatayang asawa?
11 Nang himukin ang mga Kristiyano na maging mapagpasakop kahit sa malupit at di-makatuwirang mga awtoridad ng sanlibutang ito, ipinaliwanag ni Pedro: “Sa katunayan, sa landasing ito ay tinawag kayo, sapagkat maging si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iwan sa inyo ng huwaran upang maingat ninyong sundan ang kaniyang mga yapak.” (1 Pedro 2:21) Matapos ilarawan ang matinding pagdurusang dinanas ni Jesus at kung paano siya mapagpasakop na nagbata, hinimok ni Pedro ang mga asawang babaing may di-sumasampalatayang asawa: “Sa katulad na paraan, kayong mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyu-inyong asawang lalaki, upang, kung ang sinuman ay hindi masunurin sa salita, mawagi sila nang walang salita sa pamamagitan ng paggawi ng kani-kanilang asawang babae, dahil sa pagiging mga saksi sa inyong malinis na paggawi na may kalakip na matinding paggalang.”—1 Pedro 3:1, 2.
12. Ano ang magandang ibinunga ng pagiging mapagpasakop ni Jesus?
12 Ang pagpapasakop kahit na tinutuya at pinagsasalitaan ng masakit ay baka ituring na tanda ng kahinaan. Pero hindi ganiyan ang pangmalas ni Jesus. “Nang siya ay laitin,” isinulat ni Pedro, “hindi siya nanlait bilang ganti. Nang siya ay magdusa, hindi siya nagbanta.” (1 Pedro 2:23) Ang ilang nakasaksi sa pagdurusa ni Jesus ay naging mananampalataya, sa paanuman, pati na ang magnanakaw na katabi niyang nakapako sa tulos at ang opisyal ng hukbo na nagmamasid sa pagpatay sa kaniya. (Mateo 27:38-44, 54; Marcos 15:39; Lucas 23:39-43) Gayundin naman, ipinahiwatig ni Pedro na ang ilang di-sumasampalatayang asawang lalaki—maging ang mga mapang-abuso—ay magiging Kristiyano matapos makita ang pagiging mapagpasakop ng kanilang asawa. Nakikita na natin ang mga katibayan sa ngayon.
Kung Paano Mawawagi ng mga Asawang Babae ang Kanilang Asawa
13, 14. Ano ang kapakinabangan ng pagpapasakop sa di-sumasampalatayang asawa?
13 Nawagi ng mga babaing naging mananampalataya ang kani-kanilang asawa dahil sa kanilang Kristiyanong paggawi. Sa isang kamakailang pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova, sinabi ng isang asawang lalaki tungkol sa kaniyang Kristiyanong asawa: “Naging makitid ang isip ko sa pakikitungo sa kaniya. Pero napakagalang pa rin niya sa akin. Hindi niya ako hiniya ni minsan man. Hindi niya ipinagpilitan sa akin ang kaniyang mga paniniwala. Maasikaso siya at malambing. Kapag dumadalo siya sa asamblea, sinisikap niyang ihanda agad ang aking pagkain at tapusin ang mga trabaho sa bahay. Dahil dito, napukaw ang aking interes sa Bibliya. At heto ako
ngayon!” Oo, ‘nawagi siya nang walang salita’ dahil sa paggawi ng kaniyang asawa.14 Gaya ng idiniin ni Pedro, mas malaki ang nagagawa ng paggawi ng isang asawang babae kaysa sa sinasabi nito. Makikita ito sa karanasan ng isang asawang babae na nakaalam ng katotohanan sa Bibliya at gustung-gustong dumalo sa mga pulong Kristiyano. “Agnes, kapag lumabas ka sa pintong iyan, huwag ka nang babalik!” sigaw ng kaniyang asawa. Hindi siya lumabas sa ‘pintong iyon’ kundi sa kabila. Nang sumunod na gabi ng pulong, nagbabala ito: “Hindi mo na ako madaratnan dito pagbalik mo.” At hindi na nga niya ito nadatnan—nawala ito nang tatlong araw. Pagbalik nito, malambing itong tinanong ni Agnes: “Gusto mo bang kumain?” Hindi kailanman natinag ang debosyon ni Agnes kay Jehova. Nang dakong huli, nakipag-aral na rin ng Bibliya ang kaniyang asawa, nag-alay ng kaniyang buhay sa Diyos, naging tagapangasiwa, at nabigyan ng maraming responsibilidad.
15. Anong “kagayakan” ang inirerekomenda sa mga Kristiyanong asawang babae?
15 Inirekomenda ni apostol Pedro ang isang bagay na ipinamalas ng dalawang nabanggit na asawang babae, samakatuwid nga, ang “kagayakan,” subalit hindi ang pagbibigay ng sobrang atensiyon sa “pagtitirintas ng buhok” o “pagbibihis ng mga panlabas na kasuutan.” Sa halip, sinabi ni Pedro: “[Ang maging kagayakan ninyo ay] ang lihim na pagkatao ng puso sa walang-kasiraang kasuutan ng tahimik at mahinahong espiritu, na malaki ang halaga sa paningin ng Diyos.” Ang espiritu, o saloobing ito, ay maipakikita sa tono ng boses at sa angkop na paggawi sa halip na maging mapanghamon o mapaghanap. Sa gayon, ipinakikita ng Kristiyanong asawang babae ang matinding paggalang sa kaniyang asawa.—1 Pedro 3:3, 4.
Mga Halimbawang Dapat Tularan
16. Paano naging magandang halimbawa si Sara para sa mga Kristiyanong asawang babae?
16 Sumulat si Pedro: “Noong una, . . . naggagayak ng kanilang sarili ang mga babaing banal na umaasa sa Diyos, na nagpapasakop sa kani-kanilang asawang lalaki.” (1 Pedro 3:5) Alam nilang magdudulot ng kaligayahan sa pamilya at ng gantimpalang buhay na walang hanggan ang pagpapalugod kay Jehova sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang payo. Binanggit ni Pedro si Sara, ang magandang asawa ni Abraham, na sinasabing ‘sinusunod noon ni Sara si Abraham, na tinatawag itong “panginoon.”’ Sinuportahan ni Sara ang kaniyang may takot sa Diyos na asawa, na inatasan ng Diyos na maglingkod sa malayong lupain. Iniwan niya ang komportableng pamumuhay at isinapanganib pa nga ang kaniyang buhay. (Genesis 12:1, 10-13) Pinuri ni Pedro si Sara dahil sa kaniyang lakas ng loob, na sinasabi: “Kayo ay naging mga anak niya, kung patuloy kayong gumagawa ng mabuti at hindi natatakot sa anumang sanhi ng kakilabutan.”—1 Pedro 3:6.
17. Bakit maaaring nasa isip ni Pedro si Abigail bilang halimbawa sa mga Kristiyanong asawang babae?
17 Si Abigail ay isa pang walang-takot na babaing 1 Samuel 25:2-33.
umasa sa Diyos, at maaaring nasa isip din siya ni Pedro. Siya ay “may mabuting kaunawaan,” ngunit ang kaniyang asawang si Nabal ay “mabagsik at masasama ang kaniyang mga gawa.” Nang tumanggi si Nabal na tulungan si David at ang mga tauhan nito, nagbalak ang mga itong patayin si Nabal at ang kaniyang buong sambahayan. Pero gumawa ng paraan si Abigail para iligtas ang kaniyang sambahayan. Isinakay niya sa mga asno ang mga pagkain at sinalubong si David at ang mga armadong tauhan nito. Nang matanaw niya si David, bumaba siya sa asno, sumubsob sa paanan nito, at nakiusap na huwag magpadalus-dalos. Nasaling ang puso ni David. “Pagpalain si Jehova na Diyos ng Israel, na siyang nagsugo sa iyo sa araw na ito upang salubungin ako!” ang sabi niya, “at pagpalain ang iyong katinuan.”—18. Kapag masugid na nililigawan ng ibang lalaki, kaninong halimbawa ang maaaring pag-isipan ng mga asawang babae, at bakit?
18 Ang isa pang magandang halimbawa sa mga asawang babae ay ang dalagang Shulamita na nanatiling tapat sa hamak na pastol na pinangakuan niyang pakakasalan. Nanatiling matatag ang pag-ibig niya sa pastol sa kabila ng masugid na panliligaw ng mayamang hari. Upang ipakita ang kaniyang damdamin sa binatang pastol, sinabi niya: “Ilagay mo ako bilang tatak sa iyong puso, bilang tatak sa iyong bisig; sapagkat ang pag-ibig ay sinlakas ng kamatayan . . . Ang pag-ibig ay hindi mapapatay ng maraming tubig, ni matatangay man ito ng mga ilog.” (Awit ni Solomon 8:6, 7) Ipasiya rin sana ng lahat ng sumang-ayong magpakasal na manatiling tapat sa kanilang asawa at matindi itong igalang.
Karagdagang Payo Mula sa Diyos
19, 20. (a) Bakit dapat magpasakop ang mga asawang babae sa kanilang asawa? (b) Kaninong magandang halimbawa ang ibinigay sa mga asawang babae?
19 Pinakahuli, tingnan natin ang iba pang kalapit na talata ng ating temang teksto: “Ang mga asawang babae ay magpasakop sa kani-kanilang asawang lalaki.” (Efeso 5:22) Bakit mahalaga ang gayong pagpapasakop? “Sapagkat,” sinabi pa ng sumunod na talata, “ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae kung paanong ang Kristo rin ay ulo ng kongregasyon.” Kaya hinihimok ang mga asawang babae: “Kung paanong ang kongregasyon ay nagpapasakop sa Kristo, maging gayundin ang mga asawang babae sa kani-kanilang asawang lalaki sa bawat bagay.”—Efeso 5:23, 24, 33.
20 Upang masunod ang utos na ito, kailangang pag-aralan at tularan ng mga asawang babae ang halimbawa ng kongregasyon ni Kristo na binubuo ng pinahirang mga tagasunod. Pakisuyong basahin ang 2 Corinto 11:23-28 upang malaman ang mga tiniis ni apostol Pablo na isang miyembro ng kongregasyon dahil sa pagiging tapat niya sa kaniyang Ulo, si Jesu-Kristo. Gaya ni Pablo, ang mga asawang babae pati na ang buong kongregasyon ay kailangang manatiling tapat na nagpapasakop kay Jesus. Ginagawa ito ng mga asawang babae sa pamamagitan ng pagpapasakop sa kanilang kabiyak.
21. Ano ang mag-uudyok sa mga asawang babae na manatiling nagpapasakop sa kanilang asawa?
21 Bagaman maraming asawang babae sa ngayon ang ayaw magpasakop, iniisip ng isang matalinong babae ang mga kapakinabangan nito. Halimbawa, kung hindi sumasampalataya ang asawang lalaki, ang pagpapasakop ng babae sa pagkaulo nito sa lahat ng bagay na hindi labag sa batas o simulain ng Diyos ay maaaring magdulot ng isang napakagandang gantimpala na ‘mailigtas ang kaniyang asawa.’ (1 Corinto 7:13, 16) Isa pa, masisiyahan siya dahil alam niyang sinasang-ayunan siya ng Diyos na Jehova at na gagantimpalaan siya sa pagtulad niya sa halimbawa ng kaniyang mahal na Anak.
Natatandaan Mo Ba?
• Bakit maaaring mahirap para sa isang asawang babae na magpasakop sa kaniyang asawa?
• Bakit isang napakaseryosong pasiya ang pagpapakasal?
• Paano nagsilbing halimbawa si Jesus para sa mga asawang babae, at anu-anong kapakinabangan ang maaaring idulot ng pagsunod sa kaniyang halimbawa?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 19]
Bakit isang napakaseryosong pasiya ang pagpapakasal?
[Larawan sa pahina 21]
Ano ang matututuhan ng mga asawang babae sa halimbawa ng mga tauhan sa Bibliya na gaya ni Abigail?