Importante ba Kung Aling Relihiyon ang Pipiliin Mo?
Importante ba Kung Aling Relihiyon ang Pipiliin Mo?
KAPAG tayo ay namímilí, gusto natin na marami tayong mapagpipilian. Kapag maraming prutas at gulay sa palengke, mapipili natin ang pinakagusto natin at ang pinakamasustansiya para sa ating pamilya. Kapag maraming murang damit sa tindahan, mapipili natin ang istilo at kulay na babagay sa atin. Ang ilang bagay na pinipili natin ay depende lamang sa personal na kagustuhan. Pero may mga pinipili tayo na makaaapekto sa ating buhay, halimbawa, ang ating pinipiling masusustansiyang pagkain o matitinong kaibigan. Kumusta naman ang pagpili natin ng relihiyon? Depende ba lamang ito sa ating personal na kagustuhan? O isang bagay ito na makaaapekto sa ating buhay?
Napakaraming mapagpipiliang relihiyon. Maraming bansa ang may kalayaan na ngayon sa relihiyon, at puwede na ngayong iwan ng mga tao ang relihiyon ng kanilang mga magulang. Sinasabi ng isang surbey sa Estados Unidos na 80 porsiyento ng mga Amerikano “ang naniniwalang hindi lamang iisang relihiyon ang makapagliligtas.” Ayon pa rin sa surbey na ito, “isa sa limang tinanong ang nagsabing nasa hustong gulang na siya nang magpalit siya ng relihiyon.” Isiniwalat ng isang surbey sa Brazil na halos 25 porsiyento ng mga taga-Brazil ang nagpalit na ng relihiyon.
Noong araw, mainitang pinagtatalunan ng mga tao ang magkakaibang doktrina ng mga relihiyon. Ang usong pananaw ngayon ay, ‘Hindi na importante kung aling relihiyon ang pipiliin mo.’ Pero ganoon nga ba? Makaaapekto ba sa iyo ang pipiliin mong relihiyon?
Kung paanong ang matatalinong mámimíli ay nagtatanong muna tungkol sa pinagmulan ng mga produktong iniaalok, makabubuti ring itanong mo, ‘Paano ba nagsimula ang iba’t ibang relihiyong ito, at bakit?’ Sinasagot ito ng Bibliya.
Paano Nagsimula ang mga Relihiyon?
Sa sinaunang Israel, pinasimulan ni Haring Jeroboam ang isang bagong relihiyon halos sanlibong taon bago pumarito si Jesus sa lupa. Si Jeroboam ang kauna-unahang hari sa independiyenteng hilagang kaharian ng Israel. Naging problema niya kung paano pagkakaisahin sa pagsuporta sa kaniya ang mga mamamayan. “Ang hari ay nakipagsanggunian at gumawa ng dalawang ginintuang guya at nagsabi sa bayan: ‘Napakahirap para sa inyo na umahon patungong Jerusalem. Narito ang iyong Diyos, O Israel.’” (1 Hari 12:28) Maliwanag na gustong gamitin ng hari ang relihiyon upang huwag nang pumunta ang mga tao sa Jerusalem para doon sumamba. Ang relihiyong pinasimulan ni Jeroboam ay tumagal nang ilang siglo at nagpahamak sa milyun-milyon nang sa wakas ay papanagutin ng Diyos ang apostatang bansang Israel. Ang relihiyon ni Jeroboam ay isang pakana upang pabanguhin ang kaniyang pangalan sa larangan ng pulitika. Sa katulad na paraan, ang ilang relihiyon ng Estado na umiiral pa rin hanggang ngayon ay itinatag para mapalakas ang kanilang impluwensiya sa pulitika.
Isiniwalat ni apostol Pablo ang isa pang motibo ng mga tao kung bakit sila nagtatatag ng bagong relihiyon, sa pagsasabi: “Alam ko na pag-alis ko ay papasok sa gitna ninyo ang mapaniil na mga lobo at hindi makikitungo nang magiliw sa kawan, at mula sa inyo mismo ay may mga taong babangon at magsasalita ng mga bagay na pilipit at ilalayo ang mga alagad upang pasunurin sa kanila.” (Gawa 20:29, 30) Karaniwan nang nagtatatag ng mga kilusan sa relihiyon ang mayayabang na lider upang itanyag ang kanilang sarili. Ang mga relihiyong nag-aangking Kristiyano ay nagkakawatak-watak sa maraming sekta.
Sino ang Gustong Paluguran ng mga Relihiyon?
Bilang pagsunod sa gusto ng nakararami, ang ilan ay nagtatatag ng bagong relihiyon. Halimbawa, nag-ulat ang magasing Economist hinggil sa naglalakihang relihiyon sa Estados Unidos. Sinabi sa lathalain na dumarami ang miyembro ng mga relihiyong ito dahil sa “pagtulad sa tuntunin ng matagumpay na mga negosyo: sundin kung ano ang gusto ng kostumer.” Ang ilan ay nagtatampok ng “kapana-panabik na mga serbisyong may video, drama, at makabagong musika.” Ipinamamarali ng ilang lider ng mga relihiyong ito na tinuturuan nila ang kanilang miyembro na maging “mayaman, malusog, at ligtas sa mga problema.” Bagaman pinupuna ang mga relihiyong ito dahil sa pakikisangkot sa industriya ng libangan o sa anumang pagkakakitaan, sinasabi ng lathalain ding ito na, “sumusunod lamang sila sa gusto [ng kanilang mga miyembro].” Sinabi ng ulat bilang pagtatapos: “Patok na patok ang pagsasanib ng negosyo at relihiyon.”
Bagaman ang ibang relihiyon ay hindi naman lantarang nagnenegosyo, ang mga simbahang “sumusunod lamang . . . sa gusto” ay nagpapaalaala sa atin sa babala ni Pablo. Sumulat siya: “Darating ang isang yugto ng panahon kapag hindi nila titiisin ang nakapagpapalusog na turo, kundi, ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa, sila ay magtitipon ng mga guro para sa kanilang sarili upang kumiliti sa kanilang mga tainga; at itatalikod nila ang kanilang mga tainga mula sa katotohanan, samantalang bumabaling sila sa mga kuwentong di-totoo.”—2 Timoteo 4:3, 4.
Yamang maraming relihiyon ang nagsulputan dahil sa paghahangad ng kapangyarihan sa pulitika, karangalan, at popularidad sa halip na paluguran ang Diyos, hindi nga kataka-takang masangkot ito sa mga kasamaang gaya ng pang-aabuso sa mga bata, pandaraya, digmaan, o terorismo. Kadalasan nang isang panloloko lamang ang relihiyon. Paano mo maiiwasang madaya?
[Blurb sa pahina 4]
Maraming relihiyon ang nagsulputan dahil sa paghahangad ng kapangyarihan sa pulitika, karangalan, at popularidad sa halip na paluguran ang Diyos