Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Itanyag Nating Sama-sama ang Pangalan ni Jehova

Itanyag Nating Sama-sama ang Pangalan ni Jehova

Itanyag Nating Sama-sama ang Pangalan ni Jehova

“O dakilain ninyong kasama ko si Jehova, at itanyag nating sama-sama ang kaniyang pangalan.”​—AWIT 34:3.

1. Ano ang mainam na halimbawa ni Jesus noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa?

NOONG gabi ng Nisan 14, 33 C.E., si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay umawit ng mga papuri kay Jehova sa silid sa itaas ng isang bahay sa Jerusalem. (Mateo 26:30) Ito na ang huling pagkakataon bilang tao na makakasama niyang umawit ang kaniyang mga apostol. Gayunman, angkop lamang na tapusin niya ang pakikipagpulong sa kanila sa gayong paraan. Sa simula hanggang sa katapusan ng kaniyang ministeryo sa lupa, pinuri ni Jesus ang kaniyang Ama at masigasig na inihayag ang Kaniyang pangalan. (Mateo 4:10; 6:9; 22:37, 38; Juan 12:28; 17:6) Waring inuulit niya ang masiglang paanyaya ng salmista: “O dakilain ninyong kasama ko si Jehova, at itanyag nating sama-sama ang kaniyang pangalan.” (Awit 34:3) Napakainam ngang halimbawa na dapat nating tularan!

2, 3. (a) Paano natin nalaman na ang Awit 34 ay isang napakahalagang hula? (b) Ano ang tatalakayin sa dalawang magkasunod na artikulong ito?

2 Ilang oras matapos umawit ng mga papuri kasama si Jesus, nasaksihan ni apostol Juan ang isang lubhang naiibang pangyayari. Nakita niyang pinatay sa pahirapang tulos ang kaniyang Panginoon at ang dalawang kriminal. Binali ng mga Romanong sundalo ang binti ng dalawang kriminal para mamatay na ang mga ito. Gayunman, iniulat ni Juan na hindi binali ng mga ito ang binti ni Jesus dahil patay na siya nang lapitan nila. Sa kaniyang Ebanghelyo, ipinaliwanag ni Juan na ang pangyayaring ito ay katuparan ng isa pang bahagi ng Awit 34: “Walang isa mang buto niya ang madudurog.”​—Juan 19:32-36; Awit 34:20, Septuagint.

3 Marami pang ibang punto sa Awit 34 ang mapahahalagahan ng mga Kristiyano. Kaya sa dalawang magkasunod na artikulong ito, rerepasuhin natin ang mga kalagayan noong isulat ni David ang awit at tatalakayin natin ang nilalaman mismo ng awit.

Tumakas si David kay Saul

4. (a) Bakit pinahiran si David bilang susunod na hari ng Israel? (b) Bakit lubhang “minahal” ni Saul si David?

4 Si Saul ang hari ng Israel noong bata pa si David. Gayunman, naging masuwayin si Saul at itinakwil na siya ni Jehova. Kaya naman sinabi ni propeta Samuel sa kaniya: “Pinunit ni Jehova mula sa iyo ngayon ang maharlikang pamamahala sa Israel, at ibibigay nga niya iyon sa iyong kapuwa na mas mabuti kaysa sa iyo.” (1 Samuel 15:28) Nang maglaon, sinabihan ni Jehova si Samuel na pahiran si David, ang bunsong anak ni Jesse, bilang susunod na hari sa Israel. Samantala, palibhasa’y wala na sa kaniya ang espiritu ng Diyos, naging bugnutin si Haring Saul. Dinala sa Gibeah si David, isang magaling na manunugtog, upang maglingkod sa hari, at ang musika ni David ay nakaaliw kay Saul, anupat “minahal niya ito nang lubha.”​—1 Samuel 16:11, 13, 21, 23.

5. Bakit nagbago ang pagtingin ni Saul kay David, at ano ang napilitang gawin ni David?

5 Sa paglipas ng panahon, napatunayang nasa likod ni David si Jehova. Tinulungan siya ni Jehova na talunin ang Filisteong higante na si Goliat at sinuportahan si David nang makilala siya sa Israel dahil sa kaniyang kahusayan sa pakikidigma. Pero nainggit si Saul sa mga pagpapala ni Jehova kay David, at kinapootan niya ito. Dalawang ulit na sinibat ni Haring Saul si David samantalang tumutugtog ito ng kaniyang alpa. Sa dalawang pagkakataong ito, nakailag si David. Sa ikatlong pagtatangka ni Saul na patayin siya, natanto ng susunod na hari ng Israel na kailangan na siyang tumakas at iligtas ang kaniyang buhay. Nang maglaon, dahil sa paulit-ulit na pagsisikap ni Saul na hulihin at patayin siya, nagpasiya si David na manganlong sa labas ng Israel.​—1 Samuel 18:11; 19:9, 10.

6. Bakit ipinapatay ni Saul ang mga nakatira sa Nob?

6 Nang patungo na siya sa hangganan ng Israel, huminto si David sa lunsod ng Nob, na kinaroroonan ng tabernakulo ni Jehova. Lumilitaw na kasama ni David sa pagtakas ang isang grupo ng mga kabataang lalaki, at humingi si David ng makakain nila. Nalaman ni Saul na binigyan ng mataas na saserdote si David at ang kaniyang mga tauhan ng kaunting pagkain at na ibinigay nito ang tabak na kinuha ni David sa napatay niyang si Goliat. Dahil sa galit, ipinapatay ni Saul ang lahat ng nakatira sa lunsod, pati na ang 85 saserdote.​—1 Samuel 21:1, 2; 22:12, 13, 18, 19; Mateo 12:3, 4.

Muling Nakaligtas sa Kamatayan

7. Bakit hindi ligtas na lugar ang Gat para pagtaguan ni David?

7 Mula sa Nob, tumakas si David at naglakbay nang mga 40 kilometro pakanluran sa teritoryo ng mga Filisteo at nanganlong siya kay Haring Akis sa Gat, ang bayan ni Goliat. Marahil inisip ni David na imposibleng hanapin siya ni Saul sa Gat. Gayunman, di-nagtagal ay nakilala si David ng mga lingkod ng hari ng Gat. Nang maulinigan ni David na nakilala na siya, “lubha siyang natakot dahil kay Akis na hari ng Gat.”​—1 Samuel 21:10-12.

8. (a) Ano ang sinasabi sa atin ng Awit 56 hinggil sa karanasan ni David sa Gat? (b) Paano nakaligtas si David sa tiyak na kamatayan?

8 Hinuli ng mga Filisteo si David. Marahil sa pagkakataong ito kinatha ni David ang taos-pusong awit kung saan nagsumamo siya kay Jehova: “Ilagay mo ang aking mga luha sa iyong sisidlang balat.” (Awit 56:8 at superskripsiyon) Sa gayon ay ipinahayag niya ang kaniyang pananalig na hindi kalilimutan ni Jehova ang kaniyang pagdadalamhati kundi maibigin siyang pangangalagaan at ipagsasanggalang. Umisip din si David ng paraan para malinlang niya ang hari ng mga Filisteo. Nagkunwari siyang baliw. Dahil dito, pinagalitan ni Haring Akis ang kaniyang mga lingkod dahil dinala nila sa harap niya ang isang taong “sira ang bait.” Maliwanag na pinagpala ni Jehova ang pamamaraan ni David. Pinalayas si David sa lunsod, anupat nakaligtas sa tiyak na kamatayan.​—1 Samuel 21:13-15.

9, 10. Bakit isinulat ni David ang Awit 34, at sino pa marahil ang nasa isip ni David nang kathain niya ang awit na iyon?

9 Hindi sinasabi ng Bibliya kung kasama ni David ang kaniyang mga tagasuporta nang tumakas siya sa Gat o kung nasa kalapit na mga nayon sila sa Israel para ipagsanggalang siya. Anuman ang nangyari, tiyak na masaya silang nagkita-kitang muli habang ibinabalita sa kanila ni David kung paano siya muling iniligtas ni Jehova. Ang pangyayaring iyon ang nag-udyok sa kaniya na isulat ang Awit 34, gaya ng ipinakikita ng superskripsiyon. Sa unang pitong talata ng awit na iyon, pinuri ni David ang Diyos sa pagliligtas sa kaniya at hinimok ang kaniyang mga tagasuporta na sumama sa kaniya sa pagbubunyi kay Jehova bilang Dakilang Tagapagligtas ng Kaniyang bayan.​—Awit 34:3, 4, 7.

10 Nanganlong si David at ang kaniyang mga tauhan sa yungib ng Adulam sa bulubunduking rehiyon ng Israel, mga 15 kilometro sa silangan ng Gat. May mga Israelitang dumating doon at sumama sa kanila dahil hindi nagugustuhan ng mga ito ang kalagayan sa ilalim ng pamamahala ni Haring Saul. (1 Samuel 22:1, 2) Nang kathain ni David ang mga salita ng Awit 34:8-22, sila marahil ang nasa isip niya. Ang mga paalaala sa mga talatang iyon ay mahalaga rin sa atin ngayon, at tiyak na makikinabang tayo sa detalyadong pagtalakay sa magandang awit na ito.

Ang Pinakamimithi Mo ba ay Katulad Niyaong kay David?

11, 12. Bakit dapat na lagi nating purihin si Jehova?

11 “Pagpapalain ko si Jehova sa lahat ng panahon; ang papuri sa kaniya ay laging sasaaking bibig.” (Awit 34:1) Palibhasa’y itinakwil, tiyak na nababalisa si David sa kaniyang materyal na mga pangangailangan, pero gaya ng ipinakikita ng kaniyang mga salita, hindi ito nakapigil sa kaniyang determinasyon na purihin si Jehova. Napakainam ngang halimbawa kapag naghihirap tayo! Nasa paaralan man tayo, nasa trabaho, kasama ng mga kapuwa Kristiyano, o nasa pangmadlang ministeryo, ang dapat na pangunahing hangarin natin ay purihin si Jehova. Isip-isipin na lamang ang napakaraming dahilan para gawin natin ito! Halimbawa, napakarami ang maaari nating kasiya-siyang tuklasin sa kamangha-manghang mga nilalang ni Jehova. At isaalang-alang ang mga naisagawa niya sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon dito sa lupa! Bagaman hindi sila sakdal, ginagamit ni Jehova sa makapangyarihang paraan ang tapat na mga tao sa modernong panahon. Paano naman kung ihahambing ang mga gawa ni Jehova sa mga gawa ng mga taong iniidolo ng sanlibutan? Tiyak na sasang-ayon ka kay David, na sumulat din: “Walang katulad mo sa gitna ng mga diyos, O Jehova, ni mayroon mang mga gawa na tulad ng sa iyo.”​—Awit 86:8.

12 Gaya ni David, nauudyukan tayo na laging purihin si Jehova dahil sa kaniyang walang-katulad na mga gawa. Bukod diyan, nagagalak tayong malaman na ang Kaharian ng Diyos ay pinamamahalaan na ngayon ni Jesu-Kristo, ang permanenteng Tagapagmana ni David. (Apocalipsis 11:15) Nangangahulugan ito na malapit na ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay. Nakataya ang walang-hanggang kinabukasan ng mahigit sa anim na bilyong tao. Higit kailanman, kailangang ipaalam natin ngayon sa iba ang tungkol sa Kaharian ng Diyos at kung ano ang gagawin nito para sa sangkatauhan at tulungan silang pumuri kay Jehova kasama natin. Dapat lamang na ang priyoridad natin sa buhay ay ang gamitin ang bawat pagkakataon upang pasiglahin ang iba na tanggapin ang “mabuting balita” bago mahuli ang lahat.​—Mateo 24:14.

13. (a) Sino ang ipinaghambog ni David, at anong uri ng mga tao ang tumugon? (b) Paano napapalapit ang maaamo sa Kristiyanong kongregasyon sa ngayon?

13 “Si Jehova ay ipaghahambog ng aking kaluluwa; maririnig ng maaamo at magsasaya sila.” (Awit 34:2) Hindi ipinaghahambog dito ni David ang anumang tagumpay niya. Halimbawa, hindi niya ipinaghambog kung paano niya nalinlang ang hari ng Gat. Alam niyang ipinagsanggalang siya ni Jehova noong nasa Gat siya at nakatakas siya sa tulong ni Jehova. (Kawikaan 21:1) Kaya ipinaghahambog ni David si Jehova, hindi ang kaniyang sarili. Dahil dito, naaakit ang maaamo na lumapit kay Jehova. Dinadakila rin ni Jesus ang pangalan ni Jehova, kaya nagaganyak na lumapit sa Kaniya ang mga taong mapagpakumbaba at madaling turuan. Sa ngayon, ang maaamo mula sa lahat ng bansa ay napapalapit sa internasyonal na kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano, na ang Ulo ay si Jesus. (Colosas 1:18) Naaantig ang maaamong iyon kapag naririnig nilang niluluwalhati ng kaniyang mapagpakumbabang mga lingkod ang pangalan ng Diyos at kapag naririnig nila ang mensahe ng Bibliya, na nauunawaan nila sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos.​—Juan 6:44; Gawa 16:14.

Pinatitibay ng mga Pulong ang Ating Pananampalataya

14. (a) Kontento ba si David na purihin si Jehova nang nag-iisa? (b) Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus hinggil sa mga pulong para sa pagsamba?

14 “O dakilain ninyong kasama ko si Jehova, at itanyag nating sama-sama ang kaniyang pangalan.” (Awit 34:3) Hindi kontento si David na purihin si Jehova nang nag-iisa. Hinimok niya ang kaniyang mga tagasuporta na samahan siyang dakilain ang pangalan ng Diyos. Sa katulad na paraan, nalugod si Jesu-Kristo, ang Lalong-Dakilang David, na purihin si Jehova nang hayagan​—sa lokal na sinagoga, sa mga kapistahan sa templo ng Diyos sa Jerusalem, at kasama ng kaniyang mga tagasunod. (Lucas 2:49; 4:16-19; 10:21; Juan 18:20) Isa ngang nakagagalak na pribilehiyong tularan ang halimbawa ni Jesus sa pagpuri kay Jehova sa bawat pagkakataon kasama ng ating mga kapananampalataya, lalung-lalo na samantalang nakikita natin “na papalapit na ang araw”!​—Hebreo 10:24, 25.

15. (a) Ano ang naging epekto ng mga karanasan ni David sa kaniyang mga tauhan? (b) Paano tayo nakikinabang sa pagdalo sa ating mga pulong?

15 “Nagtanong ako kay Jehova, at sinagot niya ako, at mula sa lahat ng aking pagkatakot ay iniligtas niya ako.” (Awit 34:4) Mahalaga kay David ang karanasang ito. Kaya sinabi pa niya: “Ang napipighating ito ay tumawag, at dininig ni Jehova. At mula sa lahat ng kaniyang mga kabagabagan ay iniligtas Niya siya.” (Awit 34:6) Kapag kasama ang ating mga kapananampalataya, marami tayong pagkakataon para magkuwento ng nakapagpapatibay na mga karanasan kung paano tayo tinulungan ni Jehova na tiisin ang mahihirap na kalagayan. Nakapagpapatibay ito ng pananampalataya ng ating Kristiyanong mga kapatid, kung paanong napatibay ng mga pananalita ni David ang pananampalataya ng kaniyang mga tagasuporta. Ang mga kasamahan ni David ay “tumingin [kay Jehova] at nagningning, at ang kanilang mga mukha ay talagang hindi mapapahiya.” (Awit 34:5) Bagaman tumatakas sila kay Haring Saul, wala silang ikinahihiya. Nagtitiwala silang sinusuportahan ng Diyos si David, at mababakas sa kanilang mukha ang kaligayahan. Sa katulad na paraan, ang mga baguhang interesado pati ang matatagal nang tunay na Kristiyano ay umaasa sa suporta ni Jehova. Yamang nararanasan nila mismo ang kaniyang tulong, makikita sa kanilang mukha ang kaligayahan at determinasyon na manatiling tapat.

Pasalamatan ang Tulong ng mga Anghel

16. Paano ginagamit ni Jehova ang kaniyang mga anghel para iligtas tayo?

16 “Ang anghel ni Jehova ay nagkakampo sa buong palibot niyaong mga may takot sa kaniya, at inililigtas niya sila.” (Awit 34:7) Alam ni David na hindi lamang siya ang inililigtas ni Jehova. Totoo, si David ang pinahiran ni Jehova upang maging susunod na hari sa Israel; pero alam niya na ginagamit ni Jehova ang kaniyang mga anghel upang bantayan ang lahat ng tapat na sumasamba sa kaniya, sila man ay prominente o pangkaraniwan lamang. Sa panahon natin ngayon, ipinagsasanggalang din ni Jehova ang mga sumasamba sa kaniya. Sa Alemanya na hawak noon ng mga Nazi​—pati na sa Angola, Malawi, Mozambique at sa marami pang ibang lupain—​tinangka ng mga awtoridad na lipulin ang mga Saksi ni Jehova. Nabigo ang kanilang mga pagsisikap. Sa halip, patuloy na dumami ang mga lingkod ni Jehova sa mga lupaing iyon habang dinadakila nilang sama-sama ang pangalan ng Diyos. Bakit? Sapagkat ginagamit ni Jehova ang kaniyang banal na mga anghel upang ipagsanggalang at patnubayan ang kaniyang bayan.​—Hebreo 1:14.

17. Paano tumutulong sa atin ang mga anghel ng Diyos?

17 Bukod diyan, kayang maniobrahin ng mga anghel ni Jehova ang mga bagay-bagay para maalis sa bayan ni Jehova ang sinumang tumitisod sa iba. (Mateo 13:41; 18:6, 10) At bagaman hindi natin ito namamalayan kung minsan, inaalis ng mga anghel ang mga hadlang sa ating paglilingkod sa Diyos, at ipinagsasanggalang nila tayo sa mga bagay na magsasapanganib ng ating kaugnayan kay Jehova. Higit sa lahat, pinapatnubayan nila tayo sa paghahayag ng “walang-hanggang mabuting balita” sa buong sangkatauhan, pati na sa mga lugar kung saan isinasagawa ang pangangaral sa mapanganib na mga kalagayan. (Apocalipsis 14:6) Madalas isalaysay sa mga literatura sa Bibliya na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova ang mga patunay na tumutulong ang mga anghel. * Napakarami ng gayong mga karanasan kaya hindi masasabing nagkataon lamang ang mga ito.

18. (a) Ano ang kailangan nating gawin para makinabang sa tulong ng mga anghel? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

18 Para patuloy na makinabang sa patnubay at proteksiyon ng mga anghel, kailangang patuloy nating purihin ang pangalan ni Jehova kahit na sinasalansang tayo. Tandaan, ang anghel ng Diyos ay nagkakampo lamang “sa buong palibot niyaong mga may takot [kay Jehova].” Ano ang ibig sabihin nito? Ano ang pagkatakot sa Diyos, at paano natin malilinang ito? Bakit gusto ng isang maibiging Diyos na matakot tayo sa kaniya? Tatalakayin ang mga tanong na ito sa susunod na artikulo.

[Talababa]

Paano Mo Sasagutin?

• Anu-anong pagsubok ang tiniis ni David noong nasa kabataan pa siya?

• Gaya ni David, ano ang pinakamimithi natin?

• Gaano kahalaga sa atin ang Kristiyanong mga pulong?

• Paano ginagamit ni Jehova ang mga anghel para tulungan tayo?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mapa sa pahina 21]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Rama

Gat

Ziklag

Gibeah

Nob

Jerusalem

Betlehem

Adulam

Keila

Hebron

Zip

Hores

Carmel

Maon

En-gedi

Dagat Asin

[Credit Line]

Mapa: Based on maps copyrighted by Pictorial Archive (Near Eastern History) Est. and Survey of Israel

[Larawan sa pahina 21]

Bagaman isang takas, itinanyag ni David ang pangalan ni Jehova

[Larawan sa pahina 23]

Napalalakas ang ating pananampalataya kapag nakikinig tayo sa nakapagpapatibay na mga karanasang isinasalaysay sa ating Kristiyanong mga pagtitipon