Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Johann Wessel Gansfort—“Repormador Bago ang Repormasyon”

Johann Wessel Gansfort—“Repormador Bago ang Repormasyon”

Johann Wessel Gansfort​—“Repormador Bago ang Repormasyon”

Ang mga pangalang Luther, Tyndale, at Calvin ay pamilyar na sa lahat ng estudyante ng Repormasyong Protestante, na nagsimula noong 1517. Pero iilan lamang ang nakakakilala kay Johann Wessel Gansfort. Tinawag siyang “Repormador bago ang Repormasyon.” Gusto mo bang makilala pa nang higit ang lalaking ito?

SI Wessel ay isinilang noong 1419 sa bayan ng Groningen sa Netherlands. Noong ika-15 siglo, iilan lamang ang nagkaroon ng pagkakataong makapag-aral, at isa rito si Wessel. Bagaman mabilis siyang matuto, kinailangan niyang tumigil sa pag-aaral noong siyam na taóng gulang siya dahil sa labis na kahirapan ng kaniyang mga magulang. Mabuti na lamang, nang mabalitaan ng isang mayamang biyuda ang angking talino ni Wessel, pinag-aral niya ito. Kaya nakapagpatuloy siya sa pag-aaral. Nakatapos siya ng Master of Arts. Sinasabing tumanggap din siya ng titulong doktor ng teolohiya nang maglaon.

Talagang uhaw na uhaw si Wessel sa kaalaman. Gayunman, iilan lamang ang mga silid-aklatan noong panahon niya. Bagaman naimbento na noon ang paglilimbag gamit ang isahang tipong letra, mahal at sulat-kamay pa rin ang karamihan sa mga aklat. Isa si Wessel sa grupo ng mga iskolar na pumupunta sa mga silid-aklatan at monasteryo upang hanapin ang bibihira na lamang na mga manuskrito at nawawalang mga aklat. Pagkatapos ay pinag-uusapan nila ang kanilang mga nadiskubre. Napakarami niyang natutuhan at pinunô niya ang kaniyang kuwaderno ng mga halaw at sipi mula sa klasikal na mga akda. Madalas na magduda ang ibang teologo dahil napakaraming alam ni Wessel na noon lamang nila narinig. Tinawag si Wessel na Magister Contradictionis, o Dalubhasa sa Kontradiksiyon.

“Bakit Hindi Mo Ako kay Kristo Akayin?”

Mga 50 taon bago ang Repormasyon, nakilala ni Wessel si Thomas à Kempis (mga 1379-1471), na kinikilala ng lahat bilang awtor ng popular na De Imitatione Christi (Pagtulad kay Kristo). Kabilang si Thomas à Kempis sa Brethren of the Common Life, isang kilusang nagtataguyod ng pangangailangang maging deboto. Ayon sa manunulat ng talambuhay ni Wessel, ilang ulit na hinimok ni Thomas à Kempis si Wessel na humingi ng tulong sa ina ni Jesus na si Maria. Sumagot si Wessel: “Bakit hindi mo ako kay Kristo akayin, na may-kabaitang nag-aanyaya sa lahat ng nabibigatan na lumapit sa kaniya?”

Sinasabing ayaw magpari ni Wessel. Nang tanungin siya kung bakit ayaw niyang maglagay ng panot sa tuktok, o ahít na bahagi sa ulo, na pagkakakilanlan ng pagiging klerigo, sumagot siya na hindi siya natatakot mabitay basta’t malinaw pa rin ang kaniyang pag-iisip. Maliwanag na tinutukoy niya ang kalakaran noon na hindi puwedeng isakdal ang mga ordenadong pari, at lumilitaw na marami nang pari ang hindi nabitay dahil sa kanilang panot sa tuktok! Tinanggihan din ni Wessel ang ilang karaniwang gawain sa relihiyon. Halimbawa, binatikos siya dahil hindi siya naniniwala sa mga himala na mababasa sa isang popular na aklat noong panahon niya, ang Dialogus Miraculorum. Bilang tugon, sinabi niya: “Mas mabuti pang basahin ang Banal na Kasulatan.”

“Matututo Lamang Tayo Kung Magtatanong Tayo”

Pinag-aralan ni Wessel ang wikang Hebreo at Griego at napakarami niyang alam tungkol sa mga akda ng sinaunang mga Ama ng Simbahan. Kahanga-hanga ang pagpapahalaga niya sa orihinal na mga wika ng Bibliya, yamang nabuhay siya bago sina Erasmus at Reuchlin. * Bago ang Repormasyon, bibihira lamang ang nakaaalam ng wikang Griego. Sa Alemanya, mabibilang sa daliri ang mga iskolar na pamilyar sa wikang Griego, at walang pantulong upang matutuhan ito. Matapos bumagsak ang Constantinople noong 1453, lumilitaw na si Wessel ay may nakilalang mga mongheng Griego na lumikas patungong Kanluran, at sa kanila niya natutuhan ang mga saligang tuntunin ng wikang Griego. Noong panahong iyon, ang mga Judio lamang ang karaniwang nagsasalita ng Hebreo, at lumilitaw na natutuhan ni Wessel ang saligang Hebreo mula sa nakumberteng mga Judio.

Mahal na mahal ni Wessel ang Bibliya. Naniniwala siyang isa itong aklat na kinasihan ng Diyos at naniniwala siyang ganap na magkakasuwato ang lahat ng aklat ng Bibliya. Para kay Wessel, ang interpretasyon sa mga talata ng Bibliya ay dapat na kasuwato ng konteksto at hindi dapat pilipitin. Bawat pilipit na paliwanag ay dapat ituring na erehiya. Ang isa sa paborito niyang talata sa Bibliya ay ang Mateo 7:7, na nagsasabi: “Patuloy na maghanap, at kayo ay makasusumpong.” Dahil sa mensahe ng talatang iyan, matatag ang paniniwala ni Wessel na makatutulong ang pagtatanong, anupat nangangatuwirang “matututo lamang tayo kung magtatanong tayo.”

Naiibang Kahilingan

Noong 1473, pumunta si Wessel sa Roma. Pinahintulutan siyang makipag-usap kay Pope Sixtus IV, ang una sa anim na papa na naging dahilan ng Repormasyong Protestante dahil sa kanilang bulgar at imoral na paggawi. Sinabi ng istoryador na si Barbara W. Tuchman na pinasimulan ni Sixtus IV ang isang panahon ng “pangahas, lantaran, at walang-sawang paghahangad sa pakinabang at kapangyarihan sa pulitika.” Nabigla ang publiko sa kaniyang lantarang nepotismo. Isinulat ng isang istoryador na gusto marahil ni Sixtus na gawing pampamilyang negosyo ang pagiging papa. Iilan lamang ang nagkalakas-loob na bumatikos sa mga pang-aabusong ito.

Pero iba si Wessel Gansfort. Isang araw, sinabi ni Sixtus sa kaniya: “Anak ko, humiling ka kahit ano, at ibibigay namin iyon sa iyo.” Agad na sumagot si Wessel: “Amang banal, . . . yamang kayo po ang pinakamataas na pari at pastol sa lupa, hinihiling ko po . . . na tuparin ninyo ang mataas na tungkulin ninyo anupat kapag ang Dakilang Pastol ng mga tupa . . . ay dumating, masasabi niya sa inyo: ‘Mahusay, mabuti at tapat na alipin, pumasok ka sa kagalakan ng iyong Panginoon.’” Sumagot si Sixtus na pananagutan niya iyon at na dapat pumili si Wessel ng para sa kaniya. Sumagot naman si Wessel: “Kung gayon ay hinihiling ko pong bigyan ninyo ako ng Bibliya sa wikang Hebreo at Griego mula sa Silid-Aklatan ng Vatican.” Ipinagkaloob ng papa ang kaniyang kahilingan ngunit sinabi nitong hangal si Wessel dahil ang dapat sanang hiniling niya ay ang pagiging obispo!

“Kasinungalingan at Pagkakamali”

Dahil kailangang-kailangan ng pondo para sa pagtatayo ng kilala ngayong Kapilyang Sistine, ginamit ni Sixtus ang pagbebenta ng indulhensiya para sa mga patay. Lubhang naging popular ang mga indulhensiyang ito. Ang aklat na Vicars of Christ​—The Dark Side of the Papacy ay nagsabi: “Inubos ng mga biyuda at biyudo, naulilang mga magulang ang lahat ng kanilang salapi sa pagsisikap na maiahon sa Purgatoryo ang kanilang mga mahal sa buhay.” Ang mga indulhensiyang ito ay nagustuhan ng karaniwang mga tao, na paniwalang-paniwalang magagarantiyahan ng papa ang pag-akyat sa langit ng kanilang namatay na mga mahal sa buhay.

Gayunman, matatag ang paniniwala ni Wessel na walang kakayahan ang Simbahang Katoliko, pati na ang papa, na magpatawad ng kasalanan. Tahasang tinawag ni Wessel na isang “kasinungalingan at pagkakamali” ang pagbebenta ng mga indulhensiya. Hindi rin siya naniniwalang mapatatawad ang mga kasalanan kung ikukumpisal ito sa pari.

Kinuwestiyon din ni Wessel ang paniniwalang hindi raw nagkakamali ang mga papa, anupat sinasabing magiging mahina ang pundasyon ng pananampalataya kung palaging maniniwala ang mga tao sa papa, yamang nagkakamali rin ang mga ito. Sumulat si Wessel: “Kung isasaisantabi ng mga prelado ang mga batas ng Diyos at ipatutupad ang sarili nilang mga batas, . . . mawawalan ng saysay ang kanilang ginagawa at iniuutos.”

Inihanda ni Wessel ang Daan Para sa Repormasyon

Namatay si Wessel noong 1489. Bagaman tutol siya sa ilang kamalian ng simbahan, nanatili siyang Katoliko. Pero hindi siya kailanman hinatulan ng simbahan bilang isang erehe. Gayunman, pagkamatay niya, tinangkang sirain ng mga panatikong mongheng Katoliko ang kaniyang mga akda dahil salungat daw ito sa turo ng simbahan. Noong panahon ni Luther, halos nalimutan na ang pangalan ni Wessel, walang nailathala sa kaniyang mga akda, at iilang manuskrito lamang ang natira. Nang bandang huli ay nailathala rin ang unang edisyon ng akda ni Wessel noong mga 1520 at 1522. Kalakip dito ang isang liham na isinulat ni Luther na personal na nagrerekomenda sa mga akda ni Wessel.

Bagaman si Wessel ay hindi Repormador na tulad ni Luther, tahasan niyang binatikos ang ilan sa mga kamaliang humantong sa Repormasyon. Sa katunayan, inilarawan siya ng Cyclopedia nina McClintock at Strong bilang “ang pinakamahalaga sa mga lalaking may dugong Aleman na tumulong upang ihanda ang daan para sa Repormasyon.”

Nakakita ng kakampi si Luther sa katauhan ni Wessel. Sumulat ang awtor na si C. Augustijn: “Inihalintulad ni Luther ang kaniyang panahon at kapalaran kay Elias. Kung paanong inakala ng propeta na nag-iisa siya sa pakikibaka sa digmaan ng Diyos, inakala rin ni Luther na nag-iisa siya sa kaniyang pakikipaglaban sa simbahan. Ngunit nang mabasa niya ang mga akda ni Wessel, napag-isip-isip niyang nagligtas ang Panginoon ng isang ‘nalabi sa Israel.’” “Ipinahayag pa nga ni Luther: ‘Kung nabasa ko noon ang mga akda niya, baka isipin ng aking mga kaaway na natutuhang lahat ito ni Luther kay Wessel, parehung-pareho ang kaisipan naming dalawa.’” *

“Kayo ay Makasusumpong”

Hindi biglaang nangyari ang Repormasyon. Matagal-tagal nang nabubuo noon ang mga ideyang humantong sa Repormasyon. Alam ni Wessel na sa kalaunan ay maghahangad ang mga tao ng pagbabago dahil sa katiwalian ng mga papa. Minsan ay sinabi niya sa isang estudyante: “Batang palaaral, balang-araw ay makikita mong tatanggihan ng lahat ng tunay na Kristiyanong iskolar ang mga turo ng . . . mga palaaway na teologo.”

Bagaman nahalata ni Wessel ang ilang kamalian at pang-aabuso noong panahon niya, hindi niya naisiwalat ang ganap na liwanag ng katotohanan ng Bibliya. Gayunman, para sa kaniya, ang Bibliya ay isang aklat na dapat basahin at pag-aralan. Ayon sa aklat na A History of Christianity, si Wessel ay “naniniwala na yamang kinasihan ng Banal na Espiritu ang Bibliya, ito ang ultimong awtoridad pagdating sa relihiyon.” Sa modernong daigdig, naniniwala ang tunay na mga Kristiyano na ang Bibliya ay kinasihang Salita ng Diyos. (2 Timoteo 3:16) Gayunman, ang mga katotohanan sa Bibliya ay hindi na malabo o mahirap masumpungan. Sa ngayon, higit kailanman, totoo pa rin ang simulain ng Bibliya: “Patuloy na maghanap, at kayo ay makasusumpong.”​—Mateo 7:7; Kawikaan 2:1-6.

[Mga talababa]

^ par. 9 Malaki ang naitulong ng mga lalaking ito sa pag-aaral ng orihinal na mga wika ng Bibliya. Noong 1506, inilathala ni Reuchlin ang kaniyang balarilang Hebreo, na umakay sa mas malalim na pag-aaral sa Kasulatang Hebreo. Inilathala naman ni Erasmus ang isang saligang tekstong Griego ng Kristiyanong Griegong Kasulatan noong 1516.

^ par. 21 Wessel Gansfort (1419-1489) and Northern Humanism, pahina 9, 15.

[Kahon/​Larawan sa pahina 14]

SI WESSEL AT ANG PANGALAN NG DIYOS

Sa mga akda ni Wessel, ang pangalan ng Diyos ay karaniwang isinalin bilang “Johavah.” Gayunman, ginamit ni Wessel ang “Jehova” nang di-kukulangin sa dalawang pagkakataon. Sa pagtalakay sa mga pananaw ni Wessel, sinabi ng awtor na si H. A. Oberman na naniniwala si Wessel na kung marunong lamang sana ng wikang Hebreo si Thomas Aquinas at ang iba pa, “matutuklasan nilang ang pangalan ng Diyos na sinabi kay Moises ay hindi nangangahulugang ‘ako yaong ako nga,’ kundi ‘ako ay magiging yaong magiging ako.’” * Ang Bagong Sanlibutang Salin ay nagbigay ng tamang kahulugan na “ako ay magiging gayon sa anumang ako ay magiging gayon.”​—Exodo 3:13, 14.

[Talababa]

^ par. 30 Wessel Gansfort (1419-1489) and Northern Humanism, pahina 105.

[Credit Line]

Manuscript: Universiteitsbibliotheek, Utrecht

[Mga larawan sa pahina 15]

Kinuwestiyon ni Wessel ang pagbebenta ng mga indulhensiyang sinang-ayunan ni Pope Sixtus IV