Kung Paano Makikilala ang Tunay na Pagsamba
Kung Paano Makikilala ang Tunay na Pagsamba
INAANGKIN ng karamihan sa mga relihiyon na galing sa Diyos ang kanilang mga turo. Kung gayon, makabubuting sundin natin ang sinabi ng apostol ni Jesus na si Juan, na sumulat: “Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat kinasihang kapahayagan, kundi subukin ang mga kinasihang kapahayagan upang makita kung ang mga ito ay nagmumula sa Diyos, sapagkat maraming bulaang propeta ang humayo sa sanlibutan.” (1 Juan 4:1) Paano natin masasabing galing nga sa Diyos ang isang bagay?
Anumang bagay na galing sa Diyos ay kakikitaan ng kaniyang personalidad, lalo na ang kaniyang nangingibabaw na katangian, ang pag-ibig. Halimbawa, naaamoy natin ang halimuyak ng mga halaman, bulaklak, o bagong-lutong tinapay dahil sa pag-ibig ng Diyos. Nakikita natin ang paglubog ng araw, ang mga paruparo, o ang ngiti ng isang batang paslit dahil sa pag-ibig ng Diyos. Dahil din sa pag-ibig na ito kung kaya naririnig natin ang magagandang musika, ang huni ng mga ibon, o ang tinig ng isang minamahal. Nakikita rin ang pag-ibig ng Diyos sa likas na katangian ng tao, kahit hindi ito sakdal. Kaya naman palagi nating napatutunayan ang katotohanan ng sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Gustung-gusto nating magpakita ng pag-ibig dahil ginawa tayo “ayon sa larawan ng Diyos.” (Genesis 1:27) Bagaman marami pang ibang katangian si Jehova, pag-ibig pa rin ang nangingibabaw sa kaniyang personalidad.
Ang mga akdang galing sa Diyos ay dapat kakitaan ng kaniyang pag-ibig. Maraming sinaunang akda ang mga relihiyon sa daigdig. Nakikita ba sa mga akdang ito ang pag-ibig ng Diyos?
Ang totoo, walang gaanong paliwanag ang karamihan sa mga sinaunang akdang ito kung paano tayo iniibig ng Diyos o kung paano natin iibigin ang Diyos. Kaya naman hindi masagot ang tanong ng milyun-milyong tao, “Nakikita nga natin ang pag-ibig ng Diyos sa kaniyang paglalang, pero bakit mayroon pa ring pagdurusa at kasamaan?” Sa kabilang dako naman, ang Bibliya ang tanging sinaunang akda na detalyadong nagpapaliwanag tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Itinuturo din nito sa atin kung paano mag-iibigan.
Ang Aklat ng Pag-ibig
Isinisiwalat ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, na si Jehova “ang Diyos ng pag-ibig.” (2 Corinto 13:11) Ipinaliliwanag ng Bibliya kung paanong dahil sa pag-ibig, binigyan ni Jehova ang unang mag-asawa ng isang buhay na walang sakit at kamatayan. Ngunit nagsimulang magdusa ang mga tao nang lumaban sila sa awtoridad ng Diyos. (Deuteronomio 32:4, 5; Roma 5:12) Kumilos si Jehova upang ibalik ang naiwala. Ganito ang sabi ng Salita ng Diyos: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Lalo pang niliwanag ng Banal na Kasulatan ang pag-ibig ng Diyos nang sabihin nitong naglaan ang Diyos ng isang sakdal na pamahalaan sa ilalim ni Jesus upang isauli ang kapayapaan sa masunuring sangkatauhan.—Daniel 7:13, 14; 2 Pedro 3:13.
Ibinuod ng Bibliya ang obligasyon ng tao sa mga salitang ito: “‘Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.’ Ito ang pinakadakila at unang utos. Ang ikalawa, na tulad niyaon, ay ito, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ Sa dalawang utos na ito ay nakasalalay ang buong Kautusan.” (Mateo 22:37-40) Sinasabi ng Bibliya na ang Kasulatan ay kinasihan ng Diyos. Yamang kitang-kita nga rito ang kaniyang personalidad, makatitiyak tayong galing nga ito sa “Diyos ng pag-ibig.”—2 Timoteo 3:16.
Batay sa pangangatuwirang ito, masasabi natin kung aling sinaunang akda ang talagang galing sa Diyos. Pag-ibig din ang pagkakakilanlan ng tunay na mga mananamba, yamang tinutularan nila ang Diyos sa pagpapakita ng pag-ibig.
Kung Paano Makikilala ang mga Taong Umiibig sa Diyos
Madaling makilala ang mga tunay na umiibig sa Diyos, lalo na ngayong nabubuhay tayo sa tinatawag ng Bibliya na “mga huling araw.” Ang mga tao ay lalong nagiging “maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, . . . maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.”—2 Timoteo 3:1-4.
Paano mo makikilala ang mga taong umiibig sa Diyos? Sinasabi ng Bibliya: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos.” (1 Juan 5:3) Iginagalang ng mga taong umiibig sa Diyos ang moral na mga pamantayan ng Bibliya. Halimbawa, may mga batas ang Salita ng Diyos tungkol sa pagtatalik at pag-aasawa. Ang pagtatalik ay para lamang sa mga mag-asawa, at ang pag-aasawa ay dapat na panghabang-buhay. (Mateo 19:9; Hebreo 13:4) Nang ang isang babaing taga-Espanya na nag-aral ng teolohiya ay dumalo sa isang pulong kung saan masugid na pinag-aaralan ng mga Saksi ni Jehova ang mga batas ng Bibliya tungkol sa moral, sinabi niya: “Napasigla ako pagkagaling sa pulong, hindi lamang dahil sa nakapagtuturong mga pahayag sa Kasulatan kundi dahil din sa pagkakaisang nakikita sa mga taong ito, sa kanilang kalinisan sa moral, at sa kanilang magandang asal.”
Bukod pa sa kanilang pag-ibig sa Diyos, madaling makilala ang tunay na mga Kristiyano sa paraan ng pagpapakita nila ng pag-ibig sa kanilang kapuwa. Para sa kanila, wala nang pinakamahalagang gawain kundi ang sabihin sa iba ang tanging pag-asa ng sangkatauhan, ang Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Wala nang pinakamagandang bagay na magagawa ang mga Kristiyano para sa kanilang kapuwa kundi ang tulungan ang mga ito na magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos. (Juan 17:3) Ang tunay na mga Kristiyano ay nagpapakita rin ng pag-ibig sa ibang paraan. Aktuwal silang tumutulong sa mga nagdurusa. Halimbawa, nang maminsala ang lindol sa Italya, iniulat ng isang pahayagan doon na ang mga Saksi ni Jehova ay “aktuwal na tumulong sa mga biktima anuman ang relihiyon ng mga ito.”
Bukod sa pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa, ang tunay na mga Kristiyano ay nag-iibigan din sa isa’t isa. Sinabi ni Jesus: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo ay ibigin din ninyo ang isa’t isa. Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”—Juan 13:34, 35.
Talaga bang naiiba ang pag-iibigan ng tunay na mga Kristiyano? Ibang-iba nga raw ayon kay Ema na isang kasambahay. Nagtatrabaho siya sa La Paz, Bolivia, kung saan magkahiwalay ang mayaman at mahirap dahil sa di-pagkakasundo ng lahi. Sinabi niya: “Sa una kong pagdalo sa pulong ng mga Saksi ni Jehova, nakita ko ang isang lalaking bihis na bihis na nakaupo at nakikipagkuwentuhan sa isang babaing Indian. Ngayon lang ako nakakita ng ganoon. Nang mismong sandaling iyon, naisip kong ito na nga ang bayan ng Diyos.” Ganito naman ang sinabi ng isang kabataang taga-Brazil na Miriam ang pangalan: “Hindi ko alam kung paano maging masaya, kahit kasama ko ang aking pamilya. Sa mga Saksi ni Jehova ko kauna-unahang nakita ang tunay na pag-iibigan.” Sa Estados Unidos, sumulat ang tagapagbalita ng isang istasyon ng telebisyon:
“Kung mas maraming tao sana ang tutulad sa inyong relihiyon, hindi magiging ganito ang kalagayan ng ating bansa. Bilang isang tagapagbalita, alam kong pag-ibig at matibay na pananampalataya sa Maylalang ang pundasyon ng inyong organisasyon.”Hanapin ang Tunay na Pagsamba
Pag-ibig ang pagkakakilanlan ng tunay na pagsamba. Inihalintulad ni Jesus ang paghanap sa tunay na pagsamba sa paghanap sa tamang daan at sa pagpiling lumakad doon. Ito lamang ang tanging daan na umaakay sa buhay na walang hanggan. Sinabi ni Jesus: “Pumasok kayo sa makipot na pintuang-daan; sapagkat malapad at maluwang ang daan na umaakay patungo sa pagkapuksa, at marami ang mga pumapasok dito; samantalang makipot ang pintuang-daan at masikip ang daan na umaakay patungo sa buhay, at kakaunti ang mga nakasusumpong nito.” (Mateo 7:13, 14) Isang grupo lamang ng tunay na mga Kristiyano ang nagkakaisang lumalakad na kasama ng Diyos sa daan ng tunay na pagsamba. Samakatuwid, importante nga kung aling relihiyon ang pipiliin mo. Kung masusumpungan mo ang daang iyon at pipiliing lumakad doon, masusumpungan mo ang pinakamainam na daan ng buhay, sapagkat iyon ang daan ng pag-ibig.—Efeso 4:1-4.
Isip-isipin na lamang ang kagalakang madarama mo habang lumalakad ka sa daan ng tunay na pagsamba! Parang lumalakad kang kasama ng Diyos. Matututuhan mo mula sa Diyos ang karunungan at pag-ibig upang magkaroon ng masayang pakikipagsamahan sa iba. Matututuhan mo mula sa kaniya ang tungkol sa layunin ng buhay, at mauunawaan mo ang mga pangako ng Diyos at magkakaroon ka ng pag-asa sa hinaharap. Hinding-hindi mo pagsisisihan ang paghanap sa tunay na pagsamba.
[Larawan sa pahina 5]
Sa lahat ng sinaunang akda tungkol sa relihiyon, tanging ang Bibliya lamang ang nagsisiwalat ng pag-ibig ng Diyos
[Mga larawan sa pahina 7]
Madaling makilala ang tunay na mga Kristiyano dahil nag-iibigan sila