Maligayang Naghihintay kay Jehova
Maligayang Naghihintay kay Jehova
NAKATIKIM ka na ba ng hilaw na prutas? Tiyak na hindi mo nagustuhan ang lasa nito. Kailangang hintayin munang mahinog ang prutas para masarapan tayong kainin ito. May iba pang mga situwasyon kung kailan mahalagang maghintay. “Mabuti sa isa ang maghintay, nang tahimik nga, sa pagliligtas ni Jehova,” ang sabi ng Bibliya. (Panaghoy 3:26; Tito 2:13) Paano dapat hintayin ng mga Kristiyano si Jehova? Ano ang mga pakinabang natin sa paghihintay sa kaniya?
Paghihintay sa Diyos—Ano ang Ibig Sabihin Nito?
Bilang mga Kristiyano, “hinihintay at iniingatan [nating] malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.” Umaasa tayo ng ginhawa kapag pinasapit na niya ang “pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.” (2 Pedro 3:7, 12) Gustung-gusto ni Jehova na wakasan ang lahat ng kasamaan, pero nagpipigil siya upang magkaroon ang mga Kristiyano ng pagkakataong maligtas sa paraang luluwalhati sa kaniyang pangalan. Sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos, bagaman niloloob na ipakita ang kaniyang poot at ihayag ang kaniyang kapangyarihan, ay nagparaya taglay ang labis na mahabang pagtitiis sa mga sisidlan ng poot na ginawang karapat-dapat sa pagkapuksa, upang maihayag niya ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa.” (Roma 9:22, 23) Gaya ng ginawa niya noong panahon ni Noe, alam ni Jehova ang tamang panahon para iligtas ang kaniyang bayan sa ngayon. (1 Pedro 3:20) Kaya kailangan nating hintayin ang panahon kung kailan kikilos ang Diyos.
Habang hinihintay natin ang araw ni Jehova, baka mayamot tayo kung minsan kapag nakikita nating patuloy na bumababa ang moralidad ng sanlibutan. Sa gayong mga pagkakataon, makabubuting pag-isipan ang isinulat ng propeta ng Diyos na si Mikas: “Ang matapat ay pumanaw mula sa lupa, at sa gitna ng mga tao ay walang sinumang matuwid.” Saka sinabi pa niya: “Sa ganang akin, si Jehova ang patuloy kong hihintayin. Ako ay magpapakita ng mapaghintay na saloobin sa Diyos ng aking kaligtasan.” (Mikas 7:2, 7) Ano ang “mapaghintay na saloobin” na kailangan nating linangin? Yamang kadalasang nakayayamot ang maghintay, paano tayo magiging maligaya habang hinihintay natin ang Diyos?
Maligaya Habang Naghihintay
Maaari nating tularan ang tamang saloobin ni Jehova. Siya ang Diyos na laging maligaya. (1 Timoteo 1:11) Maligaya siya habang naghihintay dahil patuloy siyang kumikilos para tuparin ang kaniyang layunin na gawing sakdal ang mga taong umiibig sa kaniya gaya ng nilayon niya para sa mga tao nang lalangin niya sila. (Roma 5:12; 6:23) Nasisiyahan siya sa resulta ng kaniyang mga gawa—milyun-milyon katao ang naaakit sa tunay na pagsamba. Sinabi ni Jesus: “Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, at ako ay patuloy na gumagawa.” (Juan 5:17) Nagiging maligaya tayo kapag nakakatulong tayo sa iba. (Gawa 20:35) Sa katulad na paraan, ang mga tunay na Kristiyano ay hindi lamang naghihintay nang walang ginagawa. Sa halip, patuloy nilang tinutulungan ang iba na matutuhan ang layunin ng Diyos para sa sangkatauhan.
Noon pa man, kontento na ang tapat na mga tao na purihin ang Diyos habang hinihintay ang kaniyang pagkilos. Tingnan ang halimbawa ng salmistang si David. Pinag-usig siya ng isang hari, pinagtaksilan ng isang malapít na kasamahan, at nilabanan ng kaniyang sariling anak. Sa ganitong mga kalagayan, maaari bang maging maligaya si Awit 71, na maaaring isinulat ni David: “Kung tungkol sa akin, ako ay laging maghihintay, at ako ay magdaragdag sa lahat ng iyong papuri. Ang aking bibig ay magsasalaysay ng iyong katuwiran, ng iyong pagliligtas buong araw.” (Awit 71:14, 15) Sa halip na mainip, maligaya si David dahil abala siya sa pagpuri kay Jehova at sa pagpapatibay-loob sa iba sa tunay na pagsamba.—Awit 71:23.
David habang hinihintay ang pagsaklolo ni Jehova? Sinasabi saAng paghihintay kay Jehova ay hindi nakayayamot na gaya ng paghihintay sa isang naantalang bus. Tulad ito ng maligayang paghihintay ng mga magulang sa paglaki ng kanilang anak hanggang sa maipagmalaki nila ito. Abalang-abala sila sa mga panahong iyon—sa pagsasanay, pagtuturo, at pagdidisiplina—upang maayos na mapalaki ang kanilang anak. Sa katulad na paraan, tayong mga naghihintay kay Jehova ay maligayang tumutulong sa iba na mapalapit sa Diyos. Nais din nating sang-ayunan tayo ng Diyos at, higit sa lahat, maligtas.
Huwag Mawalan ng Pag-asa
Naghihintay tayo kay Jehova kung patuloy natin siyang iniibig at pinaglilingkuran nang hindi nawawalan ng pag-asa. Hindi ito madali. Marami sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon ang nakatira sa mga komunidad kung saan nililibak ang sinumang namumuhay salig sa pananampalataya sa mga pangako ng Diyos. Gayunman, isaalang-alang ang halimbawa ng tapat na mga Israelita na hindi nawalan ng pag-asa sa loob ng 70-taóng pagkatapon nila sa Babilonya. Ano ang nakatulong sa kanila? Tiyak na napalakas sila ng pagbabasa sa mga awit. Isang nakapagpapatibay na awit na malamang ay isinulat nang panahong iyon ang nagsasabi: “Ang kaniyang salita ay hinihintay ko. Ang aking kaluluwa ay naghihintay kay Jehova higit pa kaysa sa paghihintay ng mga bantay sa umaga, na nag-aabang sa umaga. Patuloy nawang hintayin ng Israel si Jehova.”—Awit 130:5-7.
Ang mga Judio na hindi nawalan ng pag-asa dahil sa pagbabasa at pakikipag-usap tungkol dito ay ginantimpalaan nang bumagsak ang Babilonya sa kamay ng mga sumalakay roon. Libu-libong tapat na mga Judio ang naglakbay agad patungo sa Jerusalem. Hinggil sa panahong iyon ay nasusulat: “Nang muling tipunin ni Jehova ang mga nabihag sa Sion, . . . napuno ng pagtawa ang ating bibig.” (Awit 126:1, 2) Sa halip na mawalan ng pag-asa, pinatibay ng mga Judiong iyon ang kanilang pananampalataya. At lagi silang umaawit ng mga papuri kay Jehova.
Sa katulad na paraan, ang mga tunay na Kristiyanong naghihintay sa Diyos sa “katapusan ng sistema ng mga bagay” ay laging nagsisikap na patibayin ang kanilang pananampalataya. Pinag-aaralan nila ang Salita ng Diyos, pinatitibay-loob ang isa’t isa, at patuloy na pinupuri si Jehova sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita ng kaniyang Kaharian.—Mateo 24:3, 14.
Paghihintay Upang Makinabang sa Disiplina
Isinulat ng propeta ng Diyos na si Jeremias: “Mabuti sa isa ang maghintay, nang tahimik nga, sa pagliligtas ni Jehova.” (Panaghoy 3:26) Ang ibig sabihin noon ni Jeremias, makabubuting huwag ireklamo ng bayan ng Diyos ang pagdidisiplina sa kanila ni Jehova nang pahintulutan niyang mawasak ang Jerusalem. Sa halip, dapat silang matuto sa kanilang karanasan sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa ibinunga ng kanilang pagsuway at sa pangangailangan nilang magbago ng saloobin.—Panaghoy 3:40, 42.
Ang mga pakinabang sa disiplina mula kay Jehova ay maaari nating ihalintulad sa pagkahinog ng isang prutas. Sinasabi ng Bibliya hinggil sa disiplina mula sa Diyos: “Doon sa mga sinanay nito ay nagluluwal ito ng mapayapang bunga, samakatuwid nga, ng katuwiran.” (Hebreo 12:11) Kung paanong kailangan ng panahon para mahinog ang isang prutas, kailangan din ang panahon para mabago ang ating saloobin bilang tugon sa pagsasanay ng Diyos. Halimbawa, kung mawalan tayo ng ilang pribilehiyo sa kongregasyon dahil sa nagawa nating pagkakamali, hindi tayo masisiraan ng loob at susuko kung handa tayong maghintay sa Diyos. Sa ganitong mga kalagayan, nakapagpapatibay ang kinasihang mga salita ni David: “Ang mapasailalim sa galit [ng Diyos] ay sandali lamang, ang mapasailalim sa kaniyang kabutihang-loob ay panghabang-buhay. Sa gabi ay maaaring manuluyan ang pagtangis, ngunit sa umaga ay may hiyaw ng kagalakan.” (Awit 30:5) Kung magkakaroon tayo ng mapaghintay na saloobin at tatanggapin ang payo ng Salita ng Diyos at ng Kaniyang organisasyon, darating ang panahong ‘hihiyaw tayo sa kagalakan.’
Kailangan ang Panahon Para Sumulong sa Pagkamaygulang
Kung isa kang kabataan o kababautismo pa lamang, baka nasasabik kang magkaroon ng ilang pananagutan sa Kristiyanong kongregasyon. Pero kailangan ang panahon para maabot ang espirituwal na pagkamaygulang na kinakailangan upang magampanan ang gayong mga pananagutan. Kaya samantalahin mo ang iyong kabataan upang pasulungin ang iyong espirituwalidad. Halimbawa, magandang pagkakataon ang panahon ng kabataan upang mabasa mo ang buong Bibliya, malinang ang Kristiyanong mga katangian, at matutuhang maging bihasa sa paggawa ng mga alagad. (Eclesiastes 12:1) Kung mapagpakumbaba kang magpapakita ng mapaghintay na saloobin, darating ang panahon na bibigyan ka ni Jehova ng mas maraming pananagutan.
Kailangan din sa paggawa ng mga alagad ang pagtitiyaga. Kung paanong kailangang patuloy na magdilig ang isang magsasaka hanggang sa patubuin ng Diyos ang binhi, gayundin naman sa paggawa ng mga alagad. (1 Corinto 3:7; Santiago 5:7) Upang maikintal sa puso ng iba ang pananampalataya at pagpapahalaga kay Jehova, kailangang matiyaga silang turuan sa Bibliya sa loob ng maraming buwan o mga taon pa nga. Kailangan ang matiyagang paghihintay kay Jehova kahit na sa pasimula ay hindi pa ikinakapit ng mga estudyante ang kanilang natututuhan. Kung nagpapakita sila ng kahit kaunting pagpapahalaga, baka palatandaan ito na tumutugon sila sa pag-akay ng espiritu ni Jehova. Habang nagtitiyaga, masisiyahan ka kapag nakita mo kung paano tinutulungan ni Jehova ang iyong estudyante na sumulong bilang alagad ni Kristo.—Mateo 28:20.
Tanda ng Pag-ibig ang Paghihintay
Ang paghihintay ay tanda ng pag-ibig at pagtitiwala. Kuning halimbawa ang isang may-edad nang sister na nakatira sa disyertong rehiyon ng Andes, sa Timog Amerika. Siya lamang at isa pang sister ang tanging mga Saksi ni Jehova sa kanilang lugar, kaya sabik na sabik sila sa pagdalaw ng mga kapuwa Kristiyano! Minsan, naligaw ang isang tagapangasiwa ng sirkito na siyang dadalaw sa kanila sa kauna-unahang pagkakataon. Kinailangan niyang bumalik sa kaniyang mga dinaanan kaya naantala siya nang mga ilang oras. Halos madaling-araw na nang matanaw niya ang nayon. Walang kuryente noon sa lugar na iyon kaya nagtataka siya kung bakit may natatanaw siyang liwanag. Tuwang-tuwa siya nang papasok na siya sa nayon at makita na ang liwanag ay nagmumula pala sa lamparang bitbit ng may-edad nang sister! Alam nitong darating ang naglalakbay na tagapangasiwa, kaya naghintay siya.
Gaya ng sister na iyon, matiyaga at maligaya tayong naghihintay kay Jehova. Alam nating matutupad ang kaniyang mga pangako. At gaya ng naglalakbay na tagapangasiwang iyon, pinahahalagahan natin ang mga maibiging naghihintay sa atin. Kaya hindi nakapagtatakang pinahahalagahan ng Diyos ang mga naghihintay sa kaniya. Sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova ay nakasusumpong ng kaluguran . . . sa mga naghihintay sa kaniyang maibiging-kabaitan.”—Awit 147:11.
[Larawan sa pahina 18]
Maligayang naghihintay kay Jehova ang mga taong abala sa pagpuri sa kaniya