Matakot kay Jehova at Mabuhay Nang Maligaya
Matakot kay Jehova at Mabuhay Nang Maligaya
“Matakot kayo kay Jehova, kayong mga banal niya, sapagkat walang kakulangan sa mga may takot sa kaniya.”—AWIT 34:9.
1, 2. (a) Ano ang magkakaibang ideya ng Sangkakristiyanuhan hinggil sa pagkatakot sa Diyos? (b) Anu-anong tanong ang susuriin natin ngayon?
PARA matakot ang mga tao sa Diyos, madalas na itinuturo ng mga ministro ng Sangkakristiyanuhan na walang-hanggang pinarurusahan ng Diyos sa apoy ng impiyerno ang mga makasalanan. Ang doktrinang ito ay salungat sa itinuturo ng Bibliya tungkol kay Jehova na isang maibigin at makatarungang Diyos. (Genesis 3:19; Deuteronomio 32:4; Roma 6:23; 1 Juan 4:8) Kabaligtaran naman nito ang itinuturo ng ibang ministro ng Sangkakristiyanuhan. Hindi nila sinasabing dapat tayong matakot sa Diyos. Sa halip, itinuturo nilang mapagparaya ang Diyos at na tinatanggap niya ang halos lahat ng tao anuman ang paraan ng kanilang pamumuhay. Hindi rin ito ang itinuturo ng Bibliya.—Galacia 5:19-21.
2 Sa katunayan, hinihimok tayo ng Bibliya na matakot sa Diyos. (Apocalipsis 14:7) Ang katotohanang ito ay nagbabangon ng mga tanong. Bakit nais ng isang maibiging Diyos na matakot tayo sa kaniya? Anong uri ng pagkatakot ang hinihiling ng Diyos? Paano tayo makikinabang sa pagkatakot sa Diyos? Sasagutin natin ang mga tanong na ito habang ipinagpapatuloy natin ang pagtalakay sa ika-34 na Awit.
Kung Bakit Dapat Matakot sa Diyos
3. (a) Ano ang masasabi mo hinggil sa utos na matakot sa Diyos? (b) Bakit maligaya ang mga natatakot kay Jehova?
3 Dahil si Jehova ang Maylalang at Soberanong Tagapamahala ng sansinukob, nararapat lamang na matakot tayo sa kaniya. (1 Pedro 2:17) Gayunman, ang gayong takot ay hindi pagkasindak sa isang malupit na diyos. Ito ang mapitagang pagkatakot dahil alam natin kung sino si Jehova. Ito rin ang pagkatakot na hindi natin siya mapalugdan. Ang pagkatakot sa Diyos ay marangal at kapaki-pakinabang, hindi nakapanlulumo o nakasisindak. Nais ni Jehova, ang “maligayang Diyos,” na masiyahan sa buhay ang mga tao. (1 Timoteo 1:11) Subalit para mangyari ito, kailangan tayong mamuhay ayon sa mga kahilingan ng Diyos. Marami ang kailangang magbago ng kanilang istilo ng pamumuhay. Ang lahat ng gumagawa ng kinakailangang pagbabago ay sumasang-ayon na totoo ang sinabi ng salmistang si David: “Tikman ninyo at tingnan na si Jehova ay mabuti; maligaya ang matipunong lalaki na nanganganlong sa kaniya. Matakot kayo kay Jehova, kayong mga banal niya, sapagkat walang kakulangan sa mga may takot sa kaniya.” (Awit 34:8, 9) Ang lahat ng natatakot kay Jehova ay hindi magkukulang ng anumang mahalagang bagay sapagkat may mabuti silang kaugnayan sa Diyos.
4. Anong katiyakan ang ibinigay ni David at ni Jesus?
4 Noong panahon ni David, binigyang-dangal niya ang kaniyang mga tauhan nang tawagin niya silang “mga banal.” Kabilang sila sa banal na bayan ng Diyos. Isinasapanganib din nila ang kanilang buhay sa pagsunod nila kay David. Bagaman tinutugis sila ni Haring Saul, nagtitiwala si David na patuloy na ibibigay ni Jehova ang kanilang pangunahing mga pangangailangan. Isinulat ni David: “Ang mga may-kilíng na batang leon ay kinakapos at nagugutom; ngunit yaong mga humahanap kay Jehova, hindi sila kukulangin ng anumang bagay na mabuti.” (Awit 34:10) Nagbigay si Jesus ng gayunding katiyakan sa kaniyang mga tagasunod.—Mateo 6:33.
5. (a) Ano ang masasabi hinggil sa karamihan sa mga tagasunod ni Jesus? (b) Ano ang ipinayo ni Jesus hinggil sa pagkatakot?
5 Marami sa mga nakinig kay Jesus ay maralita at pangkaraniwang mga Judio. Kaya “nahabag [si Jesus] sa kanila, sapagkat sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mateo 9:36) May lakas ng loob kaya ang pangkaraniwang mga taong iyon na sumunod kay Jesus? Upang magawa ito, kailangan nilang linangin ang pagkatakot kay Jehova, hindi sa tao. Sinabi ni Jesus: “Huwag ninyong katakutan yaong mga pumapatay ng katawan at pagkatapos nito ay hindi na makagawa ng anupaman. Ngunit ipaaalam ko sa inyo kung sino ang dapat katakutan: Katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may awtoridad na maghagis sa Gehenna. Oo, sinasabi ko sa inyo, katakutan ninyo ang Isang ito. Ang limang maya ay ipinagbibili sa dalawang barya na maliit ang halaga, hindi ba? Gayunma’y walang isa man sa kanila ang nalilimutan sa harap ng Diyos. Ngunit maging ang mga buhok ng inyong mga ulo ay biláng na lahat. Huwag kayong matakot; mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.”—Lucas 12:4-7.
6. (a) Ano ang sinabi ni Jesus na nakapagpapalakas-loob sa mga Kristiyano? (b) Bakit si Jesus ang pinakamainam na halimbawa sa pagpapakita ng makadiyos na takot?
6 Kapag ang mga natatakot kay Jehova ay ginigipit ng kanilang mga kaaway na huminto sa paglilingkod sa Diyos, maaari nilang isaisip ang payo ni Jesus: “Bawat isa na nagpapahayag na kaisa ko sa harap ng mga tao, ang Anak ng tao ay magpapahayag din na kaisa niya sa harap ng mga anghel ng Diyos. Ngunit siya na nagtatatwa sa akin sa harap ng mga tao ay itatatwa sa harap ng mga anghel ng Diyos.” (Lucas 12:8, 9) Ang mga salitang ito ay nakapagpapalakas-loob sa mga Kristiyano, lalo na sa mga lugar kung saan ipinagbabawal ang tunay na pagsamba. Nag-iingat sila habang patuloy nilang pinupuri si Jehova sa Kristiyanong mga pulong at sa kanilang pangmadlang ministeryo. (Gawa 5:29) Si Jesus ang pinakamainam na halimbawa sa pagpapakita ng “makadiyos na takot.” (Hebreo 5:7) Hinggil sa kaniya, sinasabi ng makahulang Salita: “Sasakaniya ang espiritu ni Jehova, ang espiritu . . . ng pagkatakot kay Jehova; at magkakaroon siya ng kasiyahan sa pagkatakot kay Jehova.” (Isaias 11:2, 3) Kaya angkop na angkop ngang si Jesus ang magturo sa atin tungkol sa mga kapakinabangan ng pagkatakot sa Diyos.
7. (a) Paano tinatanggap ng mga Kristiyano ang paanyayang katulad ng ibinigay ni David? (b) Paano matutularan ng mga magulang ang mainam na halimbawa ni David?
7 Ang lahat ng sumusunod sa halimbawa ni Jesus at sa kaniyang mga turo ay tumatanggap din sa paanyayang katulad ng ibinigay ni David: “Halikayo, kayong mga anak, makinig kayo sa akin; ang pagkatakot kay Jehova ang ituturo ko sa inyo.” (Awit 34:11) Angkop lamang na tawagin ni David na “mga anak” ang kaniyang mga tauhan dahil siya ang kinikilala nilang lider. Tinulungan sila ni David mismo na matakot sa Diyos para sila ay magkaisa at sang-ayunan Niya. Napakainam ngang halimbawa ito para sa Kristiyanong mga magulang! Binigyan sila ni Jehova ng awtoridad na “patuloy na palakihin [ang kanilang mga anak] sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Kung araw-araw na ipakikipag-usap ng mga magulang sa kanilang mga anak ang hinggil sa espirituwal na mga bagay at regular na tuturuan sila sa Bibliya, matutulungan nila ang kanilang mga anak na matakot kay Jehova at mabuhay nang maligaya.—Deuteronomio 6:6, 7.
Kung Paano Ipakikita ang Pagkatakot sa Diyos
8, 9. (a) Bakit kalugud-lugod na mamuhay nang may takot sa Diyos? (b) Paano natin maiingatan ang ating dila?
8 Gaya ng nabanggit sa pasimula, ang pagkatakot kay Jehova ay hindi mag-aalis ng ating kagalakan. Nagtanong si David: “Sino ang taong nalulugod sa buhay, na umiibig sa sapat na dami ng mga araw upang makakita ng mabuti?” (Awit 34:12) Maliwanag, mahalaga ang pagkatakot kay Jehova para magkaroon tayo ng mahaba at maligayang buhay. Gayunman, madaling sabihing, “May takot ako sa Diyos,” pero mahirap itong gawin. Kaya ipinaliwanag din ni David kung paano natin maipakikita na natatakot tayo sa Diyos.
9 “Ingatan mo ang iyong dila laban sa kasamaan, at ang iyong mga labi laban sa pagsasalita ng panlilinlang.” (Awit 34:13) Kinasihan si apostol Pedro na sipiin ang bahaging ito ng Awit 34 matapos niyang payuhan ang mga Kristiyano na pakitunguhan ang isa’t isa nang may pagmamahal na pangkapatid. (1 Pedro 3:8-12) Upang maingatan ang ating dila laban sa kasamaan, kailangang iwasan nating magkalat ng nakapipinsalang tsismis. Sa halip, lagi nating sikaping maging nakapagpapatibay kapag nakikipag-usap. Bukod diyan, sikapin nating maging malakas ang loob sa pagsasabi ng katotohanan.—Efeso 4:25, 29, 31; Santiago 5:16.
10. (a) Ipaliwanag kung ano ang kahulugan ng pagtalikod sa kasamaan. (b) Ano ang kasali sa paggawa ng mabuti?
10 “Talikuran mo ang kasamaan, at gawin mo ang mabuti; hanapin mo ang kapayapaan, at itaguyod mo iyon.” (Awit 34:14) Iwasan natin ang mga bagay na sinasabi ng Diyos na masama, gaya ng seksuwal na imoralidad, pornograpya, pagnanakaw, espiritismo, karahasan, paglalasing, at pag-abuso sa droga. Tanggihan din natin ang mga libangan na magtatampok ng gayong kasuklam-suklam na mga bagay. (Efeso 5:10-12) Sa halip, gamitin natin ang ating panahon sa paggawa ng mabuti. Ang pinakamabuting magagawa natin ay ang palagiang pangangaral hinggil sa Kaharian at paggawa ng mga alagad, anupat tinutulungan ang iba na maligtas. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Kasama rin sa paggawa ng mabuti ang paghahanda at pagdalo sa Kristiyanong mga pulong, pag-aabuloy sa pambuong-daigdig na gawain, pagmamantini ng ating Kingdom Hall, at pagtulong sa naghihirap na mga Kristiyano.
11. (a) Paano itinaguyod mismo ni David ang kapayapaan? (b) Paano mo ‘maitataguyod ang kapayapaan’ sa kongregasyon?
11 Nagpakita ng mabuting halimbawa si David sa pagtataguyod ng kapayapaan. Dalawang beses siyang nagkaroon ng pagkakataong patayin si Saul. Sa dalawang pagkakataong ito, nagpigil siya sa paggawa ng karahasan at sa kalaunan 1 Samuel 24:8-11; 26:17-20) Ano ang maaaring gawin ngayon kapag may bumangong situwasyon na mag-aalis sa kapayapaan ng kongregasyon? Dapat nating ‘hanapin ang kapayapaan, at itaguyod iyon.’ Kaya kung nagkakaproblema tayo sa isang kapananampalataya, sundin natin ang payo ni Jesus: “Makipagpayapaan ka muna sa iyong kapatid.” Saka natin ipagpatuloy ang iba pang bahagi ng ating pagsamba.—Mateo 5:23, 24; Efeso 4:26.
ay magalang na nakipag-usap sa hari, anupat umaasang magkakasundo silang muli. (Nagdudulot ng Maraming Gantimpala ang Pagkatakot sa Diyos
12, 13. (a) Anu-anong pagpapala ang natatanggap ngayon ng mga natatakot sa Diyos? (b) Anong dakilang pagpapala ang malapit nang tamasahin ng tapat na mga mananamba?
12 “Ang mga mata ni Jehova ay nakatingin sa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakatuon sa kanilang paghingi ng tulong.” (Awit 34:15) Pinatutunayan ng ulat hinggil sa pakikitungo ng Diyos kay David na totoo ang mga salitang ito. Nakadarama tayo ngayon ng masidhing kagalakan at kapayapaan ng puso dahil alam nating binabantayan tayo ni Jehova. Nagtitiwala tayo na ibibigay ni Jehova kung ano ang kailangan natin, dumaranas man tayo ng matinding kaigtingan. Alam natin na gaya ng inihula, malapit nang salakayin ni Gog ng Magog ang lahat ng tunay na mananamba at darating ang “kakila-kilabot na araw ni Jehova.” (Joel 2:11, 31; Ezekiel 38:14-18, 21-23) Anuman ang mangyari sa panahong iyon, magkakatotoo sa atin ang sinabi ni David: “Sila ay dumaing, at dininig ni Jehova, at mula sa lahat ng kanilang mga kabagabagan ay iniligtas niya sila.”—Awit 34:17.
13 Kapana-panabik ngang masaksihan ang panahong luluwalhatiin ni Jehova ang kaniyang dakilang pangalan! Higit kailanman, makadarama tayo ng matinding pagpipitagan, at ang lahat ng sumasalansang ay daranas ng kahiya-hiyang pagkapuksa. “Ang mukha ni Jehova ay laban sa mga gumagawa ng masama, upang pawiin ang pagbanggit sa kanila mula sa mismong lupa.” (Awit 34:16) Kaylaki ngang pagpapala na maranasan ang dakilang kaligtasan tungo sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos!
Mga Pangakong Tumutulong sa Atin na Magtiis
14. Ano ang makatutulong sa atin na makapagtiis sa kabila ng mga kapahamakan?
14 Sa kasalukuyan, kailangan tayong magtiis para patuloy nating masunod si Jehova sa tiwali at marahas na sanlibutang ito. Malaking tulong ang pagkatakot sa Diyos para maging masunurin tayo. Dahil sa mapanganib na mga panahong ito, ang ilang lingkod ni Jehova ay nakararanas ng matinding kahirapan na nakapipighati at nakasisira ng kanilang loob. Gayunman, lubusan silang makatitiyak na tutulungan sila ni Jehova na makapagtiis kung magtitiwala sila sa kaniya. Talagang nakaaaliw ang mga sinabi ni David: “Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.” (Awit 34:18) Nakapagpapatibay ang sumunod pang sinabi ni David: “Marami ang mga kapahamakan ng matuwid, ngunit mula sa lahat ng mga iyon ay inililigtas siya ni Jehova.” (Awit 34:19) Gaanuman karaming kapahamakan ang danasin natin, kaya tayong iligtas ni Jehova.
15, 16. (a) Anong kapahamakan ang nabalitaan ni David nang katatapos lamang niyang kathain ang Awit 34? (b) Ano ang tutulong sa atin na matiis ang mga pagsubok?
15 Katatapos pa lamang kathain ni David ang Awit 34, nabalitaan niya ang kapahamakang nangyari sa mga nakatira sa Nob nang lipulin sila ni Saul pati na ang karamihan sa mga saserdote. Tiyak na lubha siyang napighati nang mapag-isip-isip niyang ang pagdalaw niya sa Nob ang pumukaw ng matinding galit ni Saul! (1 Samuel 22:13, 18-21) Walang-alinlangang humingi si David ng tulong kay Jehova, at siguradong naaliw siya sa pag-asang mabubuhay-muli sa hinaharap ang “mga matuwid.”—Gawa 24:15.
16 Sa ngayon, napalalakas-loob din tayo ng pag-asa na pagkabuhay-muli. Alam nating anuman ang gawin ng ating mga kaaway, hindi nila tayo mapipinsala nang lubusan. (Mateo 10:28) Ganiyan ding pagtitiwala ang ipinahayag ni David: “Binabantayan niya ang lahat ng mga buto ng [matuwid]; walang isa man sa mga iyon ang nabali.” (Awit 34:20) Literal na natupad kay Jesus ang talatang ito. Bagaman malupit ang pagpatay kay Jesus, walang isa mang buto niya ang ‘nadurog.’ (Juan 19:36) Tinitiyak din sa atin ng Awit 34:20 na anuman ang pagsubok na danasin ng mga pinahirang Kristiyano at ng kanilang mga kasamahan na “ibang mga tupa,” hindi sila mapipinsala nang lubusan. Hindi madudurog ang kanilang mga buto, wika nga.—Juan 10:16.
17. Anong kapahamakan ang daranasin ng mga di-nagsisising sumasalansang sa bayan ng Diyos?
17 Iba naman ang kahihinatnan ng masasama. Malapit na nilang anihin ang kasamaang inihasik nila. “Papatayin ng kapahamakan ang balakyot; at ang mga napopoot sa matuwid ay ituturing na may-sala.” (Awit 34:21) Daranas ng pinakamatinding kapahamakan ang lahat ng patuloy na sumasalansang sa bayan ng Diyos. Sa pagsisiwalat tungkol kay Jesu-Kristo, “daranas [sila] ng parusang hatol na walang-hanggang pagkapuksa.”—2 Tesalonica 1:9.
18. Sa anong diwa natubos na ang “malaking pulutong,” at ano ang mararanasan nila sa hinaharap?
18 Nagtapos ang awit ni David sa nakapagpapatibay na mga salitang ito: “Tinutubos ni Jehova ang kaluluwa ng kaniyang mga lingkod; at walang sinuman sa mga nanganganlong sa kaniya ang ituturing na may-sala.” (Awit 34:22) Noong malapit nang matapos ang kaniyang 40-taóng paghahari, sinabi ni Haring David: “[Ang Diyos ang] siyang tumubos ng aking kaluluwa mula sa lahat ng kabagabagan.” (1 Hari 1:29) Gaya ni David, malapit nang gunitain ng mga natatakot kay Jehova ang nakalipas at magsaya dahil natubos sila sa pagkakasala at nailigtas mula sa lahat ng pagsubok sa kanila. Natanggap na ng karamihan sa mga pinahirang Kristiyano ang kanilang gantimpala sa langit. “Isang malaking pulutong” mula sa lahat ng bansa ang kasama ngayon ng nalalabi sa mga kapatid ni Jesus sa paglilingkod sa Diyos. Bunga nito, malinis sila sa paningin ni Jehova dahil nananampalataya sila sa itinigis na dugo ni Jesus na tumutubos sa mga kasalanan. Sa nalalapit na Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo, lubusan silang makikinabang sa haing pantubos at magiging sakdal na mga tao.—Apocalipsis 7:9, 14, 17; 21:3-5.
19. Ano ang determinadong gawin ng mga kabilang sa “malaking pulutong”?
19 Bakit tatanggap ng lahat ng pagpapalang ito ang “malaking pulutong” ng mga sumasamba sa Diyos? Dahil determinado silang patuloy na matakot kay Jehova at paglingkuran siya nang may paghanga at mapitagang pagsunod. Oo, ang pagkatakot kay Jehova ay nagpapaligaya sa buhay ngayon at tumutulong sa atin na “makapanghawakang . . . mahigpit sa tunay na buhay”—ang walang-hanggang buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos.—1 Timoteo 6:12, 18, 19; Apocalipsis 15:3, 4.
Natatandaan Mo Ba?
• Bakit tayo dapat matakot sa Diyos, at ano ang kahulugan ng pagkatakot sa kaniya?
• Paano dapat makaapekto sa ating paggawi ang pagkatakot sa Diyos?
• Anu-anong pagpapala ang idinudulot ng pagkatakot sa Diyos?
• Anong mga pangako ang tumutulong sa atin na makapagtiis?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 26]
Nag-iingat ang mga natatakot kay Jehova sa panahon ng pagbabawal
[Larawan sa pahina 28]
Ang pinakamabuting magagawa natin sa ating kapuwa ay ang ipaalam sa kanila ang mabuting balita ng Kaharian