Naghihintay sa Isang Kaharian na “Hindi Bahagi ng Sanlibutang Ito”
Naghihintay sa Isang Kaharian na “Hindi Bahagi ng Sanlibutang Ito”
Ayon sa salaysay ni Nikolai Gutsulyak
Sa loob ng 41 araw at gabi, naipit ako sa gitna ng pagkakagulo sa loob ng bilangguan. Bigla akong nagulantang sa pagkakatulog dahil sa mga putok ng kanyon. Pinasok ng mga tangke at ng mga sundalo ang kampong piitan upang sugurin ang mga bilanggo. Nanganib ang buhay ko.
BAKIT ako nasadlak sa situwasyong ito? Ipaliliwanag ko. Naganap ito noong 1954. Tatlumpung taóng gulang ako noon. Gaya ng maraming Saksi ni Jehova na nabuhay sa ilalim ng rehimeng Sobyet, nabilanggo ako dahil sa pagiging neutral sa pulitika at dahil sa pagsasabi sa iba ng tungkol sa Kaharian ng Diyos. Kaming mga Saksing nabilanggo ay binubuo ng 46 na lalaki at 34 na babae. Ipiniit kami sa isang kampo ng puwersahang pagtatrabaho malapit sa nayon ng Kengir sa Kazakhstan. Naroon kami kasama ng libu-libong iba pang bilanggo.
Isang taon na noong patay ang lider ng Unyong Sobyet na si Joseph Stalin. Inakala ng maraming bilanggo na pakikinggan ng bagong rehimen sa Moscow ang kanilang reklamo tungkol sa napakahirap na kalagayan sa bilangguan. Nang dakong huli, humantong sa tahasang pagrerebelde ang pagkadiskontento ng mga bilanggo. Sa paghaharap ng dalawang panig, kinailangan naming linawin sa mga tensiyonadong rebelde at sa mga guwardiyang sundalo ang aming paninindigan bilang mga Saksi. Para makapanindigan sa neutral na posisyong iyon, kinailangan namin ang pananampalataya sa Diyos.
Nagsimula Na ang Pag-aalsa!
Noong Mayo 16, nagsimula na ang rebelyon sa loob ng kampong piitan. Pagkalipas ng dalawang araw, hindi na nagtrabaho ang mahigit 3,200 bilanggo, anupat iginigiit na ayusin ang kalagayan sa kampo at magbigay ng konsiderasyon para sa mga nabilanggo dahil sa pulitika. Mabilis ang sumunod na mga pangyayari. Pilit na pinalabas ng mga rebelde ang mga guwardiya mula sa kampo. Pagkatapos ay gumawa sila ng mga daan sa nakapalibot na pader. Sumunod ay winasak nila ang pader na nagbubukod sa seksiyon ng mga lalaki at ng mga babae. Sa gitna ng tumitinding tensiyon, may ilang bilanggo pa ring nag-aasawa at ikinakasal ng mga paring bilanggo rin. Sa tatlong seksiyon ng kampo na pinagmulan ng kaguluhan, karamihan sa 14,000 bilanggo ay sumama sa rebelyon.
Ang mga rebelde ay bumuo ng isang komite sa kampo para makipagnegosasyon sa militar. Pero di-nagtagal, nagtalu-talo ang mga miyembro ng komiteng ito, kung kaya ang pinakapanatikong mga rebelde na ang kumontrol sa kampo. Lalong umigting ang situwasyon. Bumuo ang mga rebeldeng lider ng mga departamento para sa seguridad, militar, at propaganda upang mapanatili ang “kaayusan.” Gumamit ang mga lider ng mga laud-ispiker na ikinabit sa mga poste sa palibot ng kampo upang ibrodkas ang maaapoy na mensahe, anupat lalong pinag-alab ang kalooban ng mga rebelde. Binantayan ng mga rebelde ang iba upang hindi makatakas, pinarusahan ang mga kumokontra sa kanila, at pinagbantaang papatayin ang sinumang kainisan nila. Kumalat ang bali-balitang may pinatay na ngang mga bilanggo ang mga ito.
Dahil inaasahan ng mga rebelde na sasalakayin sila ng mga sundalo, naghanda silang mabuti upang ipagtanggol ang kanilang sarili. Para makatiyak na armado ang pinakamaraming bilanggong magtatanggol sa kampo, inutusan ng mga lider ang lahat ng bilanggo na magdala ng armas. Dahil dito, inalis ng mga bilanggo ang mga rehas ng bintana at ginawa itong mga patalim at iba pang sandata. Mayroon pa nga silang mga baril at pampasabog.
Sapilitang Pinaaanib
Nang pagkakataong iyon, nilapitan ako ng dalawang rebelde. Inilabas ng isa ang isang bagong-hasang patalim. “Kunin mo ito!” ang utos niya. “Kakailanganin mo ito.” Tahimik akong nanalangin kay Jehova na tulungan sana akong manatiling kalmado. Sumagot ako: “Isa akong Kristiyanong Saksi ni Jehova. Ako at ang iba pang mga Saksi ay nabilanggo dahil nakikipaglaban kami, hindi sa mga tao, kundi sa di-nakikitang puwersang espiritu. Pananampalataya at pag-asa sa Kaharian ng Diyos ang aming sandata.”—Efeso 6:12.
Nagulat ako nang tumango ang lalaki na nagpapakitang naintindihan niya ako. Pero sinuntok ako ng isa pang lalaki. Saka sila umalis. Inisa-isa ng mga
rebelde ang mga baraks upang pilitin ang mga Saksi na umanib sa kanilang pakikipaglaban. Pero tumangging lahat ang ating mga kapatid.Ang neutral na posisyon ng mga Saksi ni Jehova ay naging paksa ng usapan ng komite ng mga rebelde sa kanilang miting. “Ang mga miyembro ng lahat ng relihiyon—Pentecostal, Adventist, Baptist, at iba pa—ay umanib sa pakikipaglaban. Mga Saksi ni Jehova lamang ang hindi,” ang sabi nila. “Ano’ng gagawin natin sa kanila?” May nagmungkahi na ihagis ang isang Saksi sa hurno ng bilangguan upang takutin ang iba. Pero isang dating opisyal ng militar, isang respetadong bilanggo, ang tumayo at nagsabi: “Mali iyan. Pagsama-samahin natin sila sa isang baraks sa mismong gilid ng kampo, malapit sa pinto. Sa gayon, kapag sinalakay tayo ng mga tangke ng sundalo, ang mga Saksi muna ang mapapatay. At hindi tayo masisisi sa pagkamatay nila.” Pumayag ang iba sa kaniyang mungkahi.
Inilagay sa Panganib
Nilibot ng mga bilanggo ang kampo habang sumisigaw, “Kayong mga Saksi ni Jehova, lumabas kayo!” Pagkatapos ay tinipon nila kaming lahat na 80 sa isang baraks sa gilid ng kampo. Inalis nila ang mga higaan sa baraks upang magkasya kaming lahat sa loob. Ang baraks na iyon ang naging bilangguan namin sa loob ng bilangguan.
Pinagdugtung-dugtong ng mga sister sa aming grupo ang mga kumot, at itinabing ito sa pagitan ng dalawang seksiyon—isa sa mga lalaki at isa sa mga babae. (Pagkaraan, iginuhit ng isang Saksing taga-Russia ang baraks, na makikita sa ibaba.) Habang nasa loob ng napakasikip na kuwartel na iyon, madalas kaming nananalanging sama-sama at taimtim na humihiling kay Jehova na bigyan kami ng karunungan at “lakas na higit sa karaniwan.”—2 Corinto 4:7.
Sa buong panahong iyon, nanganib kami sa gitna ng mga rebelde at ng mga sundalong Sobyet. Walang nakaaalam sa amin kung ano ang susunod na gagawin ng magkabilang panig. “Huwag na ninyong guluhin ang inyong isip,” ang sabi ng isang may-edad at tapat na brother. “Hindi tayo pababayaan ni Jehova.”
Naging napakamatiisin ng mahal naming mga sister—bata at matanda. Ang isa sa kanila ay 80 taóng gulang na at nangangailangan ng ekstrang tulong. Ang iba naman ay may sakit at kailangang ipagamot. Sa buong panahong iyon, kailangang bukás ang pinto ng baraks upang mabantayan kami ng mga rebelde. Sa gabi, pumapasok sa aming baraks ang mga armadong bilanggo. Kung minsan, sinasabi nila: “Tulóg ang Kaharian ng Diyos.” Sa araw naman, kapag pumupunta kami sa kainán, palagi kaming nagsasama-sama at nananalangin kay Jehova na sana’y iligtas kami sa mararahas na lalaking ito.
Sa baraks, sinisikap naming magpatibayan sa isa’t isa. Halimbawa, may isang brother na palaging nagkukuwento sa amin ng tungkol sa isang ulat sa Bibliya. Saka niya inihahambing ang ulat na ito sa aming kalagayan. May isang matanda nang brother na gustung-gustong pag-usapan ang tungkol sa hukbo ni Gideon. “Sa pangalan ni Jehova, 300 lalaking may hawak na mga instrumento sa musika ang nakipaglaban sa 135,000 armadong sundalo,” ipinaalaala niya sa amin. “Lahat ng 300 ito ay umuwing hindi nasaktan.” (Hukom 7:16, 22; 8:10) Ito at ang iba pang mga halimbawa sa Bibliya ay nagpalakas sa aming pananampalataya. Bagong Saksi pa lamang ako noon, pero napalakas nang husto ang aking loob nang makita ko ang matibay na pananampalataya ng mas makaranasang mga kapatid. Nadama kong kasama namin talaga si Jehova.
Nagsimula Na ang Labanan
Lumipas ang mga linggo, at patindi nang patindi ang tensiyon sa loob ng kampo. Painit nang painit ang negosasyon sa pagitan ng mga rebelde at ng mga awtoridad. Iginigiit ng mga lider ng rebelde na magpadala ng kinatawan ang gobyerno ng Moscow upang makausap nila. Iniuutos naman ng mga awtoridad sa mga rebelde na sumuko, isuko ang kanilang mga sandata, at bumalik sa trabaho. Ayaw magpatalo ng magkabilang panig. Ang kampo ay napaliligiran na noon ng mga sundalong naghihintay na lamang ng utos para sumalakay. Handa na ring lumaban ang mga rebelde, na nakagawa na ng mga barikada at nakapag-ipon na ng mga sandata. Anumang oras ay magkakaharap na ang mga sundalo at mga rebelde.
Noong Hunyo 26, ginising kami ng nakabibingi at sunud-sunod na putok ng kanyon. Winasak ng mga tangke ang pader at nakapasok ito sa kampo. Kasunod nito ang sumusugod na mga sundalo habang nagpapaputok ng mga machine gun. Nagsisigawang sinugod ng mga bilanggo—babae’t lalaki—ang pumapasok na mga tangke at hinagisan ito ng mga bato, granada, at anumang madampot nila. Naganap ang marahas na labanan, at naipit kaming mga Saksi sa gitna nito. Paano kaya sasagutin ni Jehova ang aming mga panalangin?
Walang anu-ano, biglang pumasok sa aming baraks ang mga sundalo. “Kayong mga banal, lumabas kayo diyan!” ang sigaw nila. “Dali, lumabas kayo ng bakod!” Inutusan ng pinuno ang mga sundalo na huwag kaming barilin kundi
samahan kami at proteksiyunan. Habang patuloy ang labanan, nakaupo kami sa damuhan sa labas ng kampo. Apat na oras naming narinig ang mga pagsabog, mga putok, sigawan, at mga daing sa loob ng kampo. Pagkatapos ay namayani ang katahimikan. Nang mag-uumaga na, nakita namin ang mga sundalo habang inilalabas nila sa kampo ang mga bangkay. Napag-alaman namin na daan-daan ang nasaktan o namatay.Nang araw ding iyon, lumapit sa amin ang isang opisyal na kilala ko. “Ngayon, Nikolai,” nagmamalaki niyang tanong, “sino ang nagligtas sa inyo? Kami o si Jehova?” Buong-puso kaming nagpasalamat sa pagliligtas niya sa aming buhay, sabay sabi, “Naniniwala kaming ang aming Diyos na makapangyarihan sa lahat, si Jehova, ang nagpakilos sa iyong iligtas kami, kung paanong pinakilos niya ang iba na iligtas ang kaniyang mga lingkod noong panahon ng Bibliya.”—Ezra 1:1, 2.
Ipinaliwanag din sa amin ng opisyal na iyon kung paano nalaman ng mga sundalo kung sino kami at kung nasaan kami. Sinabi niya na sa isa sa mga negosasyong naganap sa pagitan ng militar at ng mga rebelde, inakusahan ng militar ang mga rebelde na pinapatay ng mga ito ang mga bilanggong ayaw sumuporta sa kanila. Upang pabulaanan ang akusasyon, sinabi ng mga rebelde na hindi umanib ang mga Saksi ni Jehova sa labanan pero hindi nila pinatay ang mga ito. Sa halip, bilang parusa, ikinulong nila ang lahat ng Saksi sa isang baraks. Tinandaan ito ng mga opisyal ng militar.
Nanindigan Kami sa Panig ng Kaharian
Sa kaniyang aklat na The Gulag Archipelago, binanggit ng kilalang Rusong awtor na si Aleksandr Solzhenitsyn ang labanang ito sa Kengir na naranasan namin. Tungkol sa pangyayaring iyan, isinulat niya na nagkaroon ng rebelyon dahil, gaya ng sabi niya, “gusto naming makalaya, siyempre, . . . ngunit sino ang makapagpapalaya sa amin?” Bilang mga Saksi ni Jehova na nakabilanggo rin sa kampong iyon, nasasabik din kaming makalaya. Ngunit hindi lamang ang kalayaan mula sa bilangguan kundi ang kalayaan na tanging Kaharian lamang ng Diyos ang makapagbibigay. Habang nakabilanggo, alam naming kailangan namin ng lakas mula sa Diyos upang makapanindigang matatag sa panig ng kaniyang Kaharian. At inilaan naman ni Jehova sa amin ang lahat ng kailangan namin. Nagtagumpay kami nang walang patalim o granada.—2 Corinto 10:3.
“Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito,” ang sabi ni Jesu-Kristo kay Pilato. “Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, lumaban sana ang mga tagapaglingkod ko.” (Juan 18:36) Kung gayon, bilang mga tagasunod ni Kristo, hindi tayo nakikibahagi sa mga awayan sa pulitika. Natutuwa kami na sa panahon at pagkatapos ng labanan, nakita ng iba ang aming katapatan sa Kaharian ng Diyos. Tungkol sa paggawi namin noon, sumulat si Solzhenitsyn: “Determinado ang mga Saksi ni Jehova na sundin ang kanilang mga tuntunin at tumanggi silang makipaglaban o magtayo ng kuta.”
Mahigit nang 50 taon ang nakalilipas mula nang maganap ang magugulong pangyayaring iyon. Gayunman, madalas ko pa ring balikan ang alaala ng panahong iyon nang may pasasalamat dahil sa natutuhan kong di-malilimot na mga aral, gaya ng paghihintay kay Jehova at ganap na pagtitiwala sa kaniyang makapangyarihang bisig. Oo, gaya ng napakaraming iba pang mahal na mga Saksi sa dating Unyong Sobyet, naranasan kong si Jehova ay talagang nagbibigay ng kalayaan, proteksiyon, at pagliligtas sa mga naghihintay sa isang Kaharian na “hindi bahagi ng sanlibutang ito.”
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Ang kampo ng sapilitang pagtatrabaho sa Kazakhstan na pinagpiitan sa amin
[Larawan sa pahina 10]
Drowing ng baraks ng mga Saksi, seksiyon ng mga babae
[Larawan sa pahina 11]
Kasama ng mga kapatid nang palayain kami