Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Anghel—Kung Ano ang Nagagawa Nila Para sa mga Tao

Mga Anghel—Kung Ano ang Nagagawa Nila Para sa mga Tao

Mga Anghel​—Kung Ano ang Nagagawa Nila Para sa mga Tao

“Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakakita ako ng isa pang anghel na bumababa mula sa langit, na may malaking awtoridad . . . At sumigaw siya sa malakas na tinig, na sinasabi: ‘Siya ay bumagsak na! Ang Babilonyang Dakila ay bumagsak na!’”​—APOCALIPSIS 18:1, 2.

1, 2. Ano ang nagpapakita na ginagamit ni Jehova ang mga anghel upang tuparin ang kaniyang kalooban?

NANG ipatapon siya sa isla ng Patmos, binigyan ng makahulang mga pangitain ang may-edad nang si apostol Juan. “Sa pamamagitan ng pagkasi,” nakita niya ang kapana-panabik na mga pangyayaring magaganap sa “araw ng Panginoon.” Ang araw na iyan ay nagsimula nang iluklok si Jesu-Kristo noong 1914 at aabot hanggang sa wakas ng kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari.​—Apocalipsis 1:10.

2 Hindi tuwirang ibinigay ng Diyos na Jehova kay Juan ang pagsisiwalat na ito. Gumamit siya ng alulod. Ganito ang sinasabi ng Apocalipsis 1:1: “Isang pagsisiwalat ni Jesu-Kristo, na ibinigay ng Diyos sa kaniya, upang ipakita sa kaniyang mga alipin ang mga bagay na kailangang maganap sa di-kalaunan. At isinugo niya ang kaniyang anghel at iniharap ito sa mga tanda sa pamamagitan niya sa kaniyang aliping si Juan.” Gumamit si Jehova, sa pamamagitan ni Jesus, ng isang anghel upang ipaalam kay Juan ang kamangha-manghang mga bagay hinggil sa “araw ng Panginoon.” Sa iba namang pagkakataon, “nakakita [rin si Juan] ng isa pang anghel na bumababa mula sa langit, na may malaking awtoridad.” Ano ang atas ng anghel na ito? “Sumigaw siya sa malakas na tinig, na sinasabi: ‘Siya ay bumagsak na! Ang Babilonyang Dakila ay bumagsak na!’” (Apocalipsis 18:1, 2) Ang makapangyarihang anghel na ito ay binigyan ng pribilehiyo na ipahayag ang pagbagsak ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Kaya walang-alinlangan na sa mahalagang paraan, ginagamit ni Jehova ang mga anghel upang tuparin ang kaniyang kalooban. Bago natin suriin ang papel na ginagampanan ng mga anghel sa layunin ng Diyos at kung ano ang nagagawa nila para sa atin, isaalang-alang muna natin kung ano ang pinagmulan ng mga espiritung nilalang na ito.

Ano ang Pinagmulan ng mga Anghel?

3. Ano ang maling ideya ng maraming tao hinggil sa mga anghel?

3 Milyun-milyong tao sa ngayon ang naniniwala na umiiral ang mga anghel. Pero marami ang may maling mga ideya hinggil sa mga anghel at sa pinagmulan ng mga ito. Halimbawa, iniisip ng ilang relihiyosong mga tao na kapag namatay ang isang mahal nila sa buhay, kinukuha siya ng Diyos at nagiging isang anghel. Iyan ba ang itinuturo ng Salita ng Diyos hinggil sa paglalang, pag-iral, at papel na ginagampanan ng mga anghel?

4. Ano ang sinasabi sa atin ng Kasulatan hinggil sa pinagmulan ng mga anghel?

4 Ang anghel na pinakamakapangyarihan at may pinakamataas na awtoridad​—ang punong anghel—​ay pinanganlang Miguel, ang arkanghel. (Judas 9) Siya ay walang iba kundi si Jesu-Kristo. (1 Tesalonica 4:16) Napakatagal nang panahon ang lumipas noong ipasiya ni Jehova na lumikha, ang anghel na ito ang kauna-unahan niyang nilalang. (Apocalipsis 3:14) Nang maglaon, sa pamamagitan ng panganay na Anak na ito, nilikha ni Jehova ang lahat ng iba pang espiritung nilalang. (Colosas 1:15-17) Tinukoy ni Jehova na kaniyang mga anak ang mga espiritung nilalang na ito nang tanungin niya ang patriyarkang si Job: “Nasaan ka nang itatag ko ang lupa? Sabihin mo sa akin, kung alam mo ang pagkaunawa. . . . Sino ang naglatag ng batong-panulok niyaon, nang magkakasamang humiyaw nang may kagalakan ang mga bituing pang-umaga, at nang sumigaw sa pagpuri ang lahat ng mga anak ng Diyos?” (Job 38:4, 6, 7) Malinaw na ang mga anghel ay mga nilalang ng Diyos, at matagal na silang umiiral bago pa lalangin ang mga tao.

5. Paano inorganisa ang mga anghel?

5 “Ang Diyos ay isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan,” ang sabi sa 1 Corinto 14:33. Alinsunod dito, inorganisa ni Jehova ang kaniyang espiritung mga anak sa tatlong pangunahing grupo: (1) mga serapin, na naglilingkod sa trono ng Diyos, naghahayag ng kaniyang kabanalan, at tumutulong sa kaniyang bayan na manatiling malinis sa espirituwal; (2) mga kerubin, na nagtataguyod sa soberanya ni Jehova; at (3) iba pang mga anghel na tumutupad sa kaniyang kalooban. (Awit 103:20; Isaias 6:1-3; Ezekiel 10:3-5; Daniel 7:10) Anu-ano ang nagagawa ng mga espiritung nilalang na ito para sa mga tao?​—Apocalipsis 5:11.

Anong Papel ang Ginagampanan ng mga Anghel?

6. Paano ginamit noon ni Jehova ang mga kerubin sa hardin ng Eden?

6 Ang unang tuwirang pagbanggit hinggil sa mga espiritung nilalang ay mababasa natin sa Genesis 3:24: “Pinalayas [ni Jehova] ang tao at inilagay niya sa silangan ng hardin ng Eden ang mga kerubin at ang nagliliyab na talim ng tabak na patuloy na umiikot upang bantayan ang daan patungo sa punungkahoy ng buhay.” Hinadlangan ng mga kerubing ito sina Adan at Eva upang hindi na sila makapasok sa kanilang orihinal na tahanang hardin. Nangyari ito noong pasimula ng kasaysayan ng tao. Anong papel ang ginagampanan ng mga anghel mula noon?

7. Ano ang kahulugan ng salitang “anghel” sa orihinal na mga wika, na nagpapakita sa isa sa mga papel na ginagampanan ng mga anghel?

7 Halos 400 beses na binanggit sa Bibliya ang mga anghel. Ang Hebreo at Griegong salita para sa “anghel” ay parehong maisasalin na “mensahero.” Kaya ginamit ng Diyos ang mga anghel sa pakikipagtalastasan sa mga tao. Gaya ng binanggit sa unang dalawang parapo ng artikulong ito, ginamit ni Jehova ang isang anghel para ihatid ang kaniyang mensahe kay apostol Juan.

8, 9. (a) Ano ang nangyari nang dalawin ng isang anghel si Manoa at ang asawa nito? (b) Ano ang matututuhan ng mga magulang sa pagdalaw na iyon ng anghel ng Diyos kay Manoa?

8 Ginagamit din ang mga anghel upang alalayan at patibayin ang mga lingkod ng Diyos sa lupa. Halimbawa, noong panahon ng mga Hukom sa Israel, gustung-gustong magkaanak ni Manoa at ng kaniyang baog na asawa. Ipinadala ni Jehova ang kaniyang anghel upang sabihin sa asawa ni Manoa na magkakaanak siya. Ganito ang sinasabi ng ulat: “Narito! ikaw ay magdadalang-tao, at tiyak na magsisilang ka ng isang anak na lalaki, at walang labaha ang daraan sa kaniyang ulo, sapagkat ang bata ay magiging isang Nazareo ng Diyos paglabas sa tiyan; at siya ang mangunguna sa pagliligtas sa Israel mula sa kamay ng mga Filisteo.”​—Hukom 13:1-5.

9 Nang maglaon, isinilang ng asawa ni Manoa ang isang batang lalaki, si Samson, na naging kilala sa kasaysayan ng Bibliya. (Hukom 13:24) Bago isilang ang bata, hiniling ni Manoa na bumalik ang anghel upang turuan sila kung paano dapat palakihin ang bata. Nagtanong si Manoa: “Ano ang magiging paraan ng pamumuhay ng bata at ang gawain niya?” Inulit ng anghel ni Jehova ang tagubiling sinabi niya sa asawa ni Manoa. (Hukom 13:6-14) Tiyak na napatibay si Manoa! Hindi na dinadalaw ng mga anghel ang mga indibiduwal sa ngayon sa gayong paraan, pero gaya ni Manoa, maaaring hingin ng mga magulang ang patnubay ni Jehova kapag sinasanay nila ang kanilang mga anak.​—Efeso 6:4.

10, 11. (a) Ano ang nadama ni Eliseo at ng kaniyang lingkod nang palibutan sila ng hukbo ng Sirya? (b) Paano tayo makikinabang kung bubulay-bulayin natin ang pangyayaring ito?

10 Isang kahanga-hangang halimbawa ng pag-alalay ng mga anghel ang naganap noong panahon ni Eliseo na propeta. Nanunuluyan noon si Eliseo sa Dotan, isang lunsod sa Israel. Isang araw, nang bumangon nang maaga ang lingkod ni Eliseo at tumingin sa labas, nakita niyang pinaliligiran ng mga kabayo at mga karong pandigma ang lunsod. Nagpadala ang hari ng Sirya ng isang malakas na hukbong militar para hulihin si Eliseo. Ano ang ginawa ng tagapaglingkod ni Eliseo? Palibhasa’y takot na takot at marahil ay natataranta, sumigaw siya: “Ay, panginoon ko! Ano ang gagawin natin?” Para sa kaniya, wala na silang pag-asang makatakas. Pero sumagot si Eliseo: “Huwag kang matakot, sapagkat mas marami ang kasama natin kaysa sa mga kasama nila.” Ano ang ibig niyang sabihin?​—2 Hari 6:11-16.

11 Alam ni Eliseo na naroroon ang mga hukbo ng mga anghel para tulungan siya. Pero walang nakita ang kaniyang lingkod. Kaya “nagsimulang manalangin si Eliseo at nagsabi: ‘O Jehova, idilat mo ang kaniyang mga mata, pakisuyo, upang makakita siya.’ Kaagad na idinilat ni Jehova ang mga mata ng tagapaglingkod, anupat siya ay nakakita; at, narito! ang bulubunduking pook ay punô ng mga kabayo at mga pandigmang karo ng apoy sa buong palibot ni Eliseo.” (2 Hari 6:17) Saka lamang nakita ng tagapaglingkod ang hukbo ng mga anghel. Kaya kung mayroon tayong kaunawaan sa espirituwal na mga bagay, alam din natin na naririyan ang mga anghel, na pawang pinamumunuan ni Jehova at ni Kristo, upang tulungan at ipagsanggalang ang bayan ni Jehova.

Pag-alalay ng mga Anghel Noong Panahon ni Kristo

12. Paano inalalayan si Maria ng anghel na si Gabriel?

12 Isaalang-alang kung paano inalalayan ang birheng Judio na si Maria nang marinig niya ang balita: “Ikaw ay maglilihi sa iyong bahay-bata at magsisilang ng isang anak na lalaki, at tatawagin mong Jesus ang pangalan nito.” Bago ipahayag ang nakagugulat na mensaheng ito, ganito ang sinabi kay Maria ng anghel na si Gabriel, na siyang ipinadala ng Diyos: “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat nakasumpong ka ng lingap ng Diyos.” (Lucas 1:26, 27, 30, 31) Talagang napatibay at napalakas si Maria sa mga salitang ito na tumitiyak ng paglingap ng Diyos sa kaniya!

13. Paano inalalayan noon ng mga anghel si Jesus?

13 Ang isa pang halimbawa ng pag-alalay ng mga anghel ay naganap pagkatapos tanggihan ni Jesus si Satanas noong tuksuhin Siya nito nang tatlong beses sa ilang. Sinasabi sa atin ng ulat na pagkatapos ng mga pagsubok, “iniwan siya ng Diyablo, at, narito! dumating ang mga anghel at nagsimulang maglingkod sa kaniya.” (Mateo 4:1-11) Ganiyan din ang nangyari noong gabing bago mamatay si Jesus. Habang dumaranas ng matinding pagkabagabag, lumuhod si Jesus at nanalangin: “‘Ama, kung nais mo, alisin mo sa akin ang kopang ito. Gayunpaman, maganap nawa, hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo.’ Nang magkagayon ay nagpakita sa kaniya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas siya.” (Lucas 22:42, 43) Pero paano tayo inaalalayan ng mga anghel sa ngayon?

Pag-alalay ng mga Anghel sa Ngayon

14. Anong pag-uusig ang kinailangang batahin ng mga Saksi ni Jehova sa makabagong panahon, at ano ang resulta?

14 Kapag isinasaalang-alang natin ang makabagong kasaysayan ng pangangaral ng mga Saksi ni Jehova, hindi ba kitang-kita natin ang katibayan ng pag-alalay ng mga anghel? Halimbawa, nakayanan ng bayan ni Jehova ang kalupitan ng Nazismo sa Alemanya at Kanluraning Europa noong bago at noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II (1939-45). Mas matagal nilang tiniis ang pag-uusig sa ilalim ng rehimen ng Katolikong Pasista sa Espanya, Italya, at Portugal. At sa loob ng maraming dekada, binatá nila ang pag-uusig sa dating Unyong Sobyet at sa mga bansang sakop nito. Huwag din nating kalilimutan ang pag-uusig na binatá ng mga Saksi sa ilang bansa sa Aprika. * Nitong kamakailan, dumanas ng matinding pag-uusig ang mga lingkod ni Jehova sa bansang Georgia. Ginagawa ni Satanas ang lahat para patigilin ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Pero bilang organisasyon, nalampasan nila ang gayong pagsalansang at sumulong pa nga sila. Ang isang dahilan nito ay ang proteksiyong inilalaan ng mga anghel.​—Awit 34:7; Daniel 3:28; 6:22.

15, 16. Paano tinutulungan ng mga anghel ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang pandaigdig na ministeryo?

15 Dinidibdib ng mga Saksi ni Jehova ang atas sa kanila na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa buong lupa at gumawa ng alagad sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga katotohanan sa Bibliya sa mga interesadong nasusumpungan nila saanmang dako. (Mateo 28:19, 20) Gayunman, alam na alam nila na hindi nila ito magagawa kung walang tulong ng mga anghel. Kaya lagi silang napapatibay sa sinasabi sa Apocalipsis 14:6, 7. Ganito ang mababasa natin: “Nakakita ako [si apostol Juan] ng isa pang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit, at mayroon siyang walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita doon sa mga tumatahan sa lupa, at sa bawat bansa at tribo at wika at bayan, na nagsasabi sa malakas na tinig: ‘Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian, sapagkat dumating na ang oras ng paghatol niya, kaya sambahin ninyo ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at dagat at mga bukal ng mga tubig.’”

16 Malinaw na ipinakikita ng mga salitang ito na ang dakilang pandaigdig na pag-eebanghelyong ginagawa ng mga Saksi ni Jehova ay sinusuportahan at pinapatnubayan ng mga anghel. Ginagamit ni Jehova ang kaniyang mga anghel upang akayin ang taimtim na mga tao sa kaniyang mga Saksi. Inaakay rin ng mga anghel ang mga Saksi sa mga taong karapat-dapat. Ito ang dahilan kung bakit napakaraming beses​—napakadalas kaya hindi masasabing nagkataon lamang—​na natatagpuan ng isang Saksi ni Jehova ang isang tao sa mismong panahon na mayroon itong malaking problema at nangangailangan ng espirituwal na tulong.

Napakahalagang Papel sa Malapit na Hinaharap

17. Ano ang nangyari sa mga Asiryano nang salakayin sila ng isa lamang anghel?

17 Bukod sa paghahatid ng mensahe at pagpapatibay-loob sa mga sumasamba kay Jehova, may iba pang ginagawa ang mga anghel. Noong sinaunang panahon, sila ang naglalapat ng hatol ng Diyos. Halimbawa, noong ikawalong siglo B.C.E., pinagbantaan ang Jerusalem ng isang napakalaking hukbo ng Asirya. Ano ang ginawa ni Jehova? Sinabi niya: “Tiyak na ipagtatanggol ko ang lunsod na ito upang iligtas ito alang-alang sa akin at alang-alang kay David na aking lingkod.” Inilahad ng Bibliya kung ano ang nangyari: “Nangyari nang gabing iyon, ang anghel ni Jehova ay lumabas at sinaktan ang isang daan at walumpu’t limang libo sa kampo ng mga Asiryano. Nang ang mga tao ay maagang bumangon sa kinaumagahan, aba, narito, ang lahat ng mga ito ay patay na mga bangkay.” (2 Hari 19:34, 35) Wala talagang kalaban-laban ang mga hukbo ng tao kung ihahambing sa lakas ng kahit isa lamang anghel!

18, 19. Anong napakahalagang papel ang malapit nang gampanan ng mga anghel, at ano ang magiging epekto nito sa mga tao?

18 Di-magtatagal, gagamitin ng Diyos ang mga anghel bilang mga tagapuksa. Napakalapit nang dumating si Jesus “kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel sa isang nagliliyab na apoy.” Ang kanilang atas ay magpasapit ng “paghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.” (2 Tesalonica 1:7, 8) Tiyak na matindi ang magiging epekto nito sa mga tao! Ang mga tumatanggi sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos na ipinahahayag na ngayon sa buong lupa ay pupuksain. Yaon lamang humahanap kay Jehova, sa katuwiran, at sa kaamuan ang ‘ikukubli sa araw ng galit ni Jehova’ at ililigtas.​—Zefanias 2:3.

19 Magpasalamat tayo na ginagamit ni Jehova ang kaniyang makapangyarihang mga anghel upang tulungan at palakasin ang mga sumasamba sa kaniya sa lupa. Lalo nang nakaaaliw sa atin ang pagkaunawa sa papel na ginagampanan ng mga anghel sa layunin ng Diyos dahil may mga anghel na naghimagsik kay Jehova at pumanig kay Satanas. Tatalakayin sa susunod na artikulo kung anong mga hakbang ang maaaring gawin ng mga tunay na Kristiyano upang ipagsanggalang ang kanilang sarili laban sa malakas na impluwensiya ni Satanas na Diyablo at ng kaniyang mga demonyo.

[Talababa]

^ par. 14 Para sa detalyadong mga ulat hinggil sa mga pag-uusig na ito, tingnan ang Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova para sa 2004 (Moldova), 2002 (Ukraine), at 2006 (Zambia). Tingnan din ang Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova sa wikang Ingles para sa 1974 at 1999 (Alemanya), 1983 (Angola), 1972 (Czechoslovakia), 2000 (Czech Republic), 1978 (Espanya), 1992 (Etiopia), 1982 (Italya), 1999 (Malawi), 1996 (Mozambique), 1994 (Poland), at 1983 (Portugal).

Ano ang Natutuhan Mo?

• Ano ang pinagmulan ng mga anghel?

• Paano ginamit ang mga anghel noong panahon ng Bibliya?

• Ano ang isinisiwalat ng Apocalipsis 14:6, 7 hinggil sa gawain ng mga anghel sa ngayon?

• Anong napakahalagang papel ang malapit nang gampanan ng mga anghel?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 22]

Pinatibay ng isang anghel si Manoa at ang kaniyang asawa

[Larawan sa pahina 23]

“Mas marami ang kasama natin kaysa sa mga kasama nila”