Mga Demonyo—Paano Natin Sila Malalabanan?
Mga Demonyo—Paano Natin Sila Malalabanan?
“Ang mga anghel na hindi nag-ingat ng kanilang orihinal na kalagayan kundi nag-iwan ng kanilang sariling wastong tahanang dako ay . . . itinaan [ng Diyos] sa mga gapos na walang hanggan sa ilalim ng pusikit na kadiliman ukol sa paghuhukom sa dakilang araw.”—JUDAS 6.
1, 2. Anu-anong tanong ang bumabangon tungkol kay Satanas na Diyablo at sa mga demonyo?
“PANATILIHIN ang inyong katinuan, maging mapagbantay,” ang babala ni apostol Pedro. “Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.” (1 Pedro 5:8) Ganito ang sinabi ni apostol Pablo hinggil sa mga demonyo: “Hindi ko nais na maging mga kabahagi kayo ng mga demonyo. Hindi kayo maaaring uminom sa kopa ni Jehova at sa kopa ng mga demonyo; hindi kayo maaaring makibahagi sa ‘mesa ni Jehova’ at sa mesa ng mga demonyo.”—1 Corinto 10:20, 21.
2 Subalit sino ba talaga si Satanas na Diyablo at ang mga demonyo? Paano at kailan sila umiral? Nilalang ba sila ng Diyos? Gaano kalakas ang kanilang impluwensiya sa mga tao? Ano ang panlaban natin sa kanila kung mayroon man?
Paano Umiral si Satanas at ang mga Demonyo?
3. Paano naging Satanas na Diyablo ang isang anghel ng Diyos?
3 Noong pasimula ng kasaysayan ng tao sa hardin ng Eden, isang anghel ng Diyos ang naging mapaghimagsik. Bakit? Dahil hindi siya nasiyahan sa kaniyang papel sa makalangit na organisasyon ni Jehova. Nang lalangin sina Adan at Eva, gumawa siya ng paraan para siya ang sundin at sambahin nila sa halip na ang tunay na Diyos. Nang maghimagsik ang anghel na ito laban sa Diyos at hikayatin ang unang mag-asawa na tahakin ang makasalanang landasin, ginawa niyang Satanas na Diyablo ang kaniyang sarili. Nang maglaon, sumama ang ibang mga anghel sa kaniyang paghihimagsik. Paano?—Genesis 3:1-6; Roma 5:12; Apocalipsis 12:9.
4. Ano ang ginawa ng ilang mapaghimagsik na anghel bago ang Baha noong panahon ni Noe?
4 Sinasabi sa atin ng kinasihang Kasulatan na bago sumapit ang malaking Baha noong panahon ni Noe, may ilang anghel na nagkaroon ng di-pangkaraniwang interes sa mga babae sa lupa. Taglay ang maling hangarin, “napansin ng [makalangit na] mga anak ng tunay na Diyos ang mga anak na babae ng mga tao, na sila ay magaganda,” ang sabi ng Bibliya, “at kumuha sila ng kani-kanilang mga asawa, samakatuwid ay lahat ng kanilang pinili.” Hindi likas ang mga pagsasamang ito, at nagluwal sila ng kakaibang mga supling na nakilala bilang mga Nefilim. (Genesis 6:2-4) Kaya ang mga espiritung nilalang na sumuway sa Diyos ay sumama sa paghihimagsik ni Satanas laban kay Jehova.
5. Ano ang nangyari sa mga rebelde nang pasapitin ni Jehova ang malaking Baha?
5 Nang pasapitin ni Jehova ang Baha sa lupa, namatay ang mga Nefilim at ang kanilang mga ina. Napilitan ang mga rebeldeng anghel na hubarin ang kanilang katawang-tao at bumalik sa dako ng mga espiritu. Pero hindi na sila makabalik sa “kanilang orihinal na kalagayan” kasama ng Diyos. Sa halip, itinalaga sila sa “pusikit na [espirituwal na] kadiliman,” na tinatawag na Tartaro.—Judas 6; 2 Pedro 2:4.
6. Paano nililinlang ng mga demonyo ang mga tao?
6 Mula nang maiwala ng napakasamang mga anghel na ito ang “kanilang orihinal na kalagayan,” sila ay naging demonyong mga kasamahan ni Satanas at tinutulungan nila siya sa kaniyang masasamang gawain. Mula noon, wala nang kakayahang magkatawang-tao ang mga demonyo. Subalit kaya nilang akitin ang mga lalaki at babae na gumawa ng iba’t ibang uri ng kahalayan. Nililinlang din ng mga demonyo ang mga tao sa pamamagitan ng espiritismo, na nagsasangkot ng mga gawaing gaya ng pag-eengkanto, pagsasagawa ng voodoo, at pagsangguni sa mga espiritista. (Deuteronomio 18:10-13; 2 Cronica 33:6) Ang magiging kahihinatnan ng napakasamang mga anghel na ito ay kagaya ng magiging kahihinatnan ng Diyablo—walang-hanggang pagkalipol. (Mateo 25:41; Apocalipsis 20:10) Samantala, kailangan nating maging matatag at labanan sila. Isang katalinuhan kung isasaalang-alang natin kung gaano kalakas ang kapangyarihan ni Satanas at kung paano natin siya matagumpay na malalabanan pati na ang kaniyang mga demonyo.
Gaano Kalakas ang Kapangyarihan ni Satanas?
7. Gaano kalakas ang impluwensiya ni Satanas sa sanlibutan?
7 Sa buong kasaysayan, siniraang-puri ni Satanas si Jehova. (Kawikaan 27:11) At napakarami niyang naimpluwensiyahan. “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” ang sabi ng 1 Juan 5:19. Iyan ang dahilan kung bakit maiaalok ng Diyablo kay Jesus ang awtoridad at kaluwalhatian ng “lahat ng mga kaharian ng tinatahanang lupa” nang tuksuhin niya ito. (Lucas 4:5-7) Ganito ang sinabi ni apostol Pablo hinggil kay Satanas: “Ngayon, kung sa katunayan ay natatalukbungan ang mabuting balita na aming ipinahahayag, ito ay natatalukbungan doon sa mga nalilipol, na sa gitna nila ay binulag ng diyos ng sistemang ito ng mga bagay ang mga pag-iisip ng mga di-sumasampalataya, upang ang kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos, ay hindi makatagos.” (2 Corinto 4:3, 4) Si Satanas ay “isang sinungaling at ama ng kasinungalingan,” pero nagkukunwari siyang “anghel ng liwanag.” (Juan 8:44; 2 Corinto 11:14) Mayroon siyang kapangyarihan at mga pamamaraan upang bulagin ang isipan ng mga tagapamahala ng sanlibutan at ang kanilang mga sakop. Nililinlang niya ang mga tao sa pamamagitan ng maling impormasyon at mga alamat at kasinungalingan ng relihiyon.
8. Ano ang binabanggit ng Bibliya hinggil sa impluwensiya ni Satanas?
8 Makikita ang kapangyarihan at impluwensiya ni Satanas noong panahon ni propeta Daniel, mga ilang siglo bago ang ating Karaniwang Panahon. Nang magpadala si Jehova ng isang anghel upang ihatid ang isang mensahe ng pampatibay-loob kay Daniel, ang anghel na ito ay hinadlangan ng espiritung “prinsipe ng kaharian ng Persia.” Dalawampu’t isang araw na hinadlangan ang tapat na anghel na ito hanggang sa dumating si “Miguel, na isa sa mga pangunahing prinsipe,” upang tulungan siya. Binabanggit din ng ulat na ito ang tungkol sa demonyong “prinsipe . . . ng Gresya.” (Daniel 10:12, 13, 20) At sa Apocalipsis 13:1, 2, inilarawan si Satanas bilang ang “dragon” na nagbigay sa pulitikal na mabangis na hayop ng ‘kapangyarihan at trono at dakilang awtoridad.’
9. Kanino nakikipaglaban ang mga Kristiyano?
9 Hindi nga kataka-takang sumulat si apostol Pablo: “Tayo ay may pakikipagbuno, hindi laban sa dugo at laman, kundi laban sa mga pamahalaan, laban sa mga awtoridad, laban sa mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito, laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.” (Efeso 6:12) Maging sa ngayon, iniimpluwensiyahan ng di-nakikitang mga demonyo sa ilalim ng kontrol ni Satanas na Diyablo ang mga tagapamahalang tao at ang sangkatauhan sa pangkalahatan, anupat inuudyukan silang gumawa ng brutal na paglipol sa mga tao, terorismo, at pamamaslang. Suriin natin ngayon kung paano natin matagumpay na malalabanan ang makapangyarihang mga puwersang espiritu na ito.
Ano ang Panlaban Natin?
10, 11. Paano natin malalabanan si Satanas at ang kaniyang napakasamang mga anghel?
10 Hindi kaya ng sarili nating lakas at pag-iisip na labanan si Satanas at ang kaniyang napakasamang mga anghel. Pinapayuhan tayo ni Pablo: “Patuloy kayong magtamo ng lakas sa Panginoon at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan.” Kailangan tayong umasa sa proteksiyon ng Diyos. Idinagdag pa ni Pablo: “Isuot ninyo ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos upang makatayo kayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo . . . Kunin ninyo ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos, upang kayo ay makatagal sa balakyot na araw at, pagkatapos ninyong magawa nang lubusan ang lahat ng mga bagay, ay makatayong matatag.”—Efeso 6:10, 11, 13.
11 Dalawang beses na hinimok ni Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano na isuot ang “kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos.” Ang salitang ‘kumpleto’ ay nagpapahiwatig na dapat tayong maging puspusan sa pakikipaglaban sa mga demonyo. Kaya anu-ano ba ang napakahalagang mga bahagi ng espirituwal na kagayakang pandigmang ito na kailangang-kailangan ng mga Kristiyano sa ngayon upang malabanan ang mga demonyo?
“Tumayo Kayong Matatag”—Paano?
12. Paano mabibigkisan ng mga Kristiyano ang kanilang mga balakang ng bigkis na katotohanan?
12 Nagpaliwanag si Pablo: “Kaya nga, tumayo kayong matatag na ang inyong mga balakang ay may bigkis na katotohanan, at suot ang baluti ng katuwiran.” (Efeso 6:14) Ang dalawang bahagi ng kagayakang pandigmang binanggit dito ay ang bigkis, o sinturon, at ang baluti. Dapat na mahigpit ang pagkakasuot ng isang sundalo sa kaniyang sinturon upang maprotektahan nito ang kaniyang mga balakang at para makayanan nito ang bigat ng kaniyang tabak. Sa katulad na paraan, dapat na mahigpit na nakasuot sa atin ang katotohanan ng Bibliya, wika nga, upang mamuhay tayong kasuwato nito. May iskedyul ba tayo para sa pagbabasa ng Bibliya araw-araw? Kasama ba rito ang buong pamilya? Kaugalian ba natin ang pagsasaalang-alang sa pang-araw-araw na teksto bilang pamilya? Bukod diyan, nasusubaybayan ba natin ang mga paliwanag sa mga publikasyong inilalaan ng “tapat at maingat na alipin”? (Mateo 24:45) Kung gayon, pinagsisikapan nating ikapit ang payo ni Pablo. Mayroon din tayong mga video at DVD na makapaglalaan ng payo mula sa Kasulatan. Kung manghahawakan tayong mahigpit sa katotohanan, matutulungan tayo nito na gumawa ng matatalinong pasiya at iwasan ang maling landasin.
13. Paano natin maipagsasanggalang ang ating makasagisag na puso?
13 Ang literal na baluti ay proteksiyon sa dibdib, puso, at iba pang napakahalagang mga sangkap ng katawan ng sundalo. Maipagsasanggalang ng isang Kristiyano ang kaniyang makasagisag na puso—ang kaniya mismong pagkatao—sa pamamagitan ng paglilinang ng pag-ibig sa katuwiran ng Diyos at pagsunod sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova. Ang makasagisag na baluti ay tutulong sa atin na hindi maliitin ang kahalagahan ng Salita ng Diyos. Habang nalilinang natin ang ‘pagkapoot sa masama, at pag-ibig sa mabuti,’ napipigilan natin ang ating mga paa “mula sa lahat ng masamang landas.”—Amos 5:15; Awit 119:101.
14. Ano ang ibig sabihin ng ‘ang ating mga paa ay may suot na panyapak para sa mabuting balita ng kapayapaan’?
14 Ang suot na panyapak Efeso 6:15) Nangangahulugan ito na handa tayong kumilos. Handa nating ibahagi ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa bawat angkop na pagkakataon. (Roma 10:13-15) Ang pagiging aktibo sa ministeryong Kristiyano ay isang proteksiyon laban sa “mga pakana” ni Satanas.—Efeso 6:11.
ng mga sundalong Romano ay karaniwan nang angkop sa pagmamartsa sa daan-daang kilometrong mga lansangan sa imperyo ng Roma. Para sa mga Kristiyano, ano ang kahulugan ng pananalitang “ang . . . mga paa ay may suot na panyapak para sa mabuting balita ng kapayapaan”? (15. (a) Ano ang nagpapakita na napakahalaga ng malaking kalasag ng pananampalataya? (b) Ano ang “nag-aapoy na mga suligi” na maaaring magpahina ng ating pananampalataya?
15 “Higit sa lahat,” ang pagpapatuloy ni Pablo, “kunin ninyo ang malaking kalasag ng pananampalataya, na siyang ipanunugpo ninyo sa lahat ng nag-aapoy na mga suligi ng isa na balakyot.” (Efeso 6:16) Binanggit ang pananalitang “higit sa lahat” bago ang payo na kunin ang malaking kalasag ng pananampalataya, na nagpapahiwatig na napakahalaga ng bahaging ito ng kagayakang pandigma. Dapat na matibay ang ating pananampalataya. Tulad ng isang malaking kalasag na nagbibigay ng proteksiyon, ipinagsasanggalang tayo ng ating pananampalataya laban sa “nag-aapoy na mga suligi” ni Satanas. Sa ano kaya maaaring tumukoy ang mga ito sa ngayon? Ang mga ito ay maaaring matitinding insulto, kasinungalingan, at panlilinlang na ikinakalat ng mga kaaway at mga apostatang nagsisikap na pahinain ang ating pananampalataya. Ang mga ‘suliging’ ito ay maaari ding tumukoy sa mga tukso na maging materyalistiko, na nag-uudyok sa atin na bumili ng maraming bagay at humihikayat pa nga sa atin na makipagkompetensiya sa mga taong mapagparangya. Marahil ay bumibili sila ng mas malalaki at mas magagandang bahay at sasakyan o ipinagmamalaki nila ang kanilang mamahaling mga alahas at mga damit na sunod sa uso. Anuman ang gawin ng iba, dapat tayong magkaroon ng matibay na pananampalataya upang masalag ang “nag-aapoy na mga suligi.” Paano natin malilinang at mapananatili ang matibay na pananampalataya?—1 Pedro 3:3-5; 1 Juan 2:15-17.
16. Ano ang makatutulong sa atin na malinang ang matibay na pananampalataya?
16 Maaari tayong maging malapít sa Diyos sa pamamagitan ng regular na personal na pag-aaral ng Bibliya at marubdob na pananalangin. Maaari tayong magsumamo kay Jehova para patibayin ang ating pananampalataya at pagkatapos ay kumilos tayo alinsunod sa ating mga panalangin. Halimbawa, naghahanda ba tayong mabuti para sa lingguhang Pag-aaral sa Bantayan upang makapagkomento tayo? Magiging matibay ang ating pananampalataya kung pag-aaralan natin ang Bibliya at mga publikasyong salig sa Bibliya.—Hebreo 10:38, 39; 11:6.
17. Paano natin ‘tinatanggap ang helmet ng kaligtasan’?
17 Tinapos ni Pablo ang kaniyang paglalarawan sa espirituwal na kagayakang pandigma sa pamamagitan ng payong ito: “Tanggapin ninyo ang helmet ng kaligtasan, at ang tabak ng espiritu, samakatuwid nga, ang salita ng Diyos.” (Efeso 6:17) Ang helmet ay proteksiyon ng sundalo sa kaniyang ulo at utak, na siyang ginagamit niya sa pagpapasiya. Sa katulad na paraan, iniingatan ng ating pag-asa bilang mga Kristiyano ang ating mga kakayahang pangkaisipan. (1 Tesalonica 5:8) Sa halip na punuin ang ating pag-iisip ng makasanlibutang mga tunguhin at materyalistikong mga ambisyon, dapat nating ituon ang ating pag-iisip sa ating bigay-Diyos na pag-asa, gaya ng ginawa ni Jesus.—Hebreo 12:2.
18. Bakit hindi natin dapat pabayaan ang ating regular na pagbabasa ng Bibliya?
18 Ang pinakahuli nating proteksiyon laban sa impluwensiya ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo ay ang salita, o mensahe, ng Diyos na nakaulat sa Bibliya. Ito pa ang isang dahilan kung bakit hindi natin dapat pabayaan ang ating regular na pagbabasa ng Bibliya. Ipagsasanggalang tayo ng tumpak at malawak na kaalaman hinggil sa Salita ng Diyos laban sa mga kasinungalingan ni Satanas at propaganda ng mga demonyo gayundin laban sa malulupit na panunuligsa ng mga apostata.
‘Magpatuloy sa Pananalangin sa Bawat Pagkakataon’
19, 20. (a) Ano ang mangyayari kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo? (b) Ano ang maaaring magpatibay sa ating espirituwalidad?
19 Malapit nang mawala si Satanas, ang kaniyang mga demonyo, at ang napakasamang sanlibutang ito. Alam ni Satanas na mayroon na lamang siyang “maikling yugto ng panahon.” Napopoot siya at nakikipagdigma sa mga “tumutupad sa mga utos ng Diyos at may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apocalipsis 12:12, 17) Napakahalagang labanan natin si Satanas at ang kaniyang mga demonyo.
20 Kaylaking pasasalamat natin sa paalaalang isuot ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos! Tinapos ni Pablo ang kaniyang pagtalakay sa espirituwal na kagayakang pandigma sa pamamagitan ng payong ito: “Sa bawat uri ng panalangin at pagsusumamo ay nagpapatuloy kayo sa pananalangin sa bawat pagkakataon sa pamamagitan ng espiritu. At sa layuning iyan ay manatili kayong gising nang may buong katatagan at may pagsusumamo alang-alang sa lahat ng mga banal.” (Efeso 6:18) Maaaring patibayin ng panalangin ang ating espirituwalidad at maaari tayong tulungan nito na manatiling mapagbantay. Isapuso natin ang mga salita ni Pablo at magpatuloy sa pananalangin, sapagkat matutulungan tayo nito na labanan si Satanas at ang kaniyang mga demonyo.
Ano ang Natutuhan Mo?
• Paano umiral si Satanas at ang kaniyang mga demonyo?
• Gaano kalakas ang kapangyarihan ng Diyablo?
• Ano ang panlaban natin kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo?
• Paano natin maisusuot ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 26]
“Napansin ng mga anak ng tunay na Diyos ang mga anak na babae ng mga tao”
[Larawan sa pahina 28]
Maipaliliwanag mo ba ang anim na bahagi ng ating espirituwal na kagayakang pandigma?
[Mga larawan sa pahina 29]
Paano nagiging panlaban kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo ang pakikibahagi sa mga gawaing ito?