Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ilang malilinis na hayop ang ipinasok ni Noe sa arka—pito sa bawat uri ng malinis na hayop o pitong pares ng bawat uri?
Nang matapos ni Noe ang paggawa sa arka, iniutos sa kaniya ni Jehova: “Pumasok ka, ikaw at ang iyong buong sambahayan, sa loob ng arka, sapagkat ikaw ang nakita kong matuwid sa harap ko sa gitna ng salinlahing ito. Sa bawat malinis na hayop ay kumuha ka para sa iyo ng tigpipito, ang barako at ang kapareha nito; at sa bawat hayop na hindi malinis ay dalawa lamang, ang barako at ang kapareha nito.” (Genesis 7:1, 2) Isinasalin ng ilang Bibliya, gaya ng Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino, The New Jerusalem Bible, at Magandang Balita Biblia, ang orihinal na Hebreo na “pitong pares.”
Sa orihinal na wika, ang pananalitang “tigpipito” ay literal na nangangahulugang “pito pito.” (Genesis 7:2) Pero sa wikang Hebreo, ang pag-uulit ng isang bilang ay hindi laging nangangahulugan na dapat pagsamahin ang dalawang bilang na iyon. Halimbawa, inilarawan sa 2 Samuel 21:20 ang “isang lalaki na pambihira ang laki” na may “anim na daliri sa bawat isa sa kaniyang mga kamay at may anim na daliri sa bawat isa sa kaniyang mga paa.” Sa Hebreo, ang bilang na “anim” ay inulit. Hindi ito nangangahulugan na ang higante ay may anim na pares ng daliri (o, 12) sa bawat kamay at anim na pares ng daliri sa bawat paa. Ayon sa mga tuntunin sa balarila ng wikang Hebreo, ipinahihiwatig lamang ng pag-uulit na may tig-aanim na daliri sa bawat kamay at tig-aanim na daliri sa bawat paa.
Kaya ang “pito pito” sa Genesis 7:2 ay hindi nangangahulugan ng pitong pares, o 14, kung paanong ang pag-uulit ng “dalawa” ay hindi nangangahulugan ng dalawang pares, o apat, sa Genesis 7:9, 15. Sa bawat uri ng malinis na hayop, “tigpipito” ang ipinasok sa arka, at “dalawa lamang” sa hindi malinis.
Subalit paano naman maipaliliwanag ang pariralang “ang barako at ang kapareha nito” na kasunod lamang ng salitang “tigpipito” sa Genesis 7:2? Iniisip ng iba na inutusan si Noe na kumuha ng pitong pares ng bawat uri ng malinis na hayop para sa pagpaparami. Pero hindi iningatan ang malilinis na hayop para lamang sa pagpaparami. Sinasabi sa atin ng Genesis 8:20 na pagkalabas niya sa arka, “si Noe ay nagsimulang magtayo ng isang altar para kay Jehova at kumuha ng ilan sa lahat ng malilinis na hayop at sa lahat ng malilinis na lumilipad na nilalang at naghandog ng mga handog na sinusunog sa ibabaw ng altar.” Kung ginamit ni Noe sa paghahandog ang ikapitong hayop mula sa bawat malinis na uri, may natitira pang tatlong pares sa bawat uri para sa pagpaparami.