Narito! Kamangha-mangha ang Liwanag!
Narito! Kamangha-mangha ang Liwanag!
NARANASAN mo na bang mangapa sa dilim? Hindi ba’t nakayayamot iyon? Laking pasasalamat mo nang magliwanag! Sa iyong buhay, may mga pagkakataon na para kang nangangapa sa dilim. Marahil nangyayari ito kapag wala kang maisip na solusyon sa isang problema. Pagkatapos, unti-unti mong nakita ang liwanag—may solusyon pala ang problema. Laking pasasalamat mo na matapos kang mangapa sa dilim, wika nga, dahil sa mabigat na problema, nakita mo na sa wakas ang liwanag.
Noong unang siglo, karamihan sa mga tao ay nasa espirituwal na kadiliman. Ganito ang isinulat ni apostol Pedro sa mga tumalikod sa kanilang dating paniniwala at naging mga Kristiyano: “[Ang Diyos ang] tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.” (1 Pedro 2:9) Para silang lumabas mula sa pusikit na kadiliman tungo sa matinding liwanag. Maihahalintulad din iyon sa isang taong nag-iisa at nawawalan na ng pag-asa pero pagkaraan ay naging bahagi ng isang pamilyang may matatag na kinabukasan.—Efeso 2:1, 12.
“Iniwan Mo ang Pag-ibig na Taglay Mo Noong Una”
Nasumpungan ng mga unang Kristiyano ang “katotohanan”—ang tunay na pananampalatayang Kristiyano. (Juan 18:37) Nakita nila ang kamangha-manghang liwanag ng katotohanan at nilisan nila ang espirituwal na kadiliman tungo sa liwanag. Subalit sa paglipas ng panahon, lumamig ang sigla at sigasig na taglay noon ng ilang Kristiyano. Halimbawa, sa pagtatapos ng unang siglo, bumangon ang isang matinding problema sa kongregasyon sa Efeso. Ganito ang sinabi ng binuhay-muling si Jesu-Kristo tungkol sa problemang iyon: “Mayroon akong laban sa iyo, na iniwan mo ang pag-ibig na taglay mo noong una. Kaya nga alalahanin mo kung mula sa ano ka nahulog, at magsisi ka at gawin mo ang mga gawa noong una.” (Apocalipsis 2:4, 5) Kinailangang ibalik ng mga Kristiyano sa Efeso ang masidhing pag-ibig nila sa Diyos at sa katotohanan.
Kumusta naman tayo? Nadama rin natin ang kagalakan nang makita natin ang liwanag, anupat nalaman natin ang kamangha-manghang katotohanan ng Salita ng Diyos. Inibig natin ang katotohanan. Pero maaaring mawala ang pag-ibig natin sa katotohanan dahil sa nararanasan nating mga problema na karaniwan sa sangkatauhan. Bukod dito, nariyan pa ang mga problemang kaakibat ng “mga huling araw.” Nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan”—sa isang daigdig na ang mga tao ay “maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat.” (2 Timoteo 3:1, 2) Dahil sa kanilang impluwensiya, maaaring mawala ang ating sigasig at pag-ibig kay Jehova.
Kung naiwala natin ang pag-ibig na taglay natin noong una, kailangan nating ‘alalahanin kung mula sa ano tayo nahulog at magsisi tayo.’ Kailangan nating ibalik ang dati nating sigla sa paglilingkod sa Diyos. Kailangan din tayong mag-ingat na hindi maglaho ang pag-ibig natin sa katotohanan. Napakahalaga ngang panatilihin nating lahat ang positibo at masayang saloobin, gayundin ang pag-ibig natin sa Diyos at sa katotohanan!
‘Ang Katotohanang Nagpapalaya sa Atin’
Kamangha-mangha ang liwanag ng katotohanan mula sa Bibliya sapagkat sinasagot nito ang
mahahalagang tanong na matagal nang palaisipan sa mga tao. Ang mga tanong na ito ay tulad ng: Bakit tayo naririto? Ano ang layunin ng buhay? Bakit may kasamaan? Mayroon pa bang buhay pagkatapos ng kamatayan? Tinuruan tayo ni Jehova ng kamangha-manghang katotohanan tungkol sa mga doktrina ng Bibliya. Hindi ba dapat nating pahalagahan ito? Huwag sana nating ipagwalang-bahala ang ating natutuhan!Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Dahil sa haing pantubos ni Jesus, posible nang makalaya mula sa kasalanan at kamatayan. Pero pinalaya rin tayo ng mahahalagang katotohanang ito mula sa kawalang-alam at kawalang-katiyakan ng isang daigdig na nababalot sa kadiliman. Kung may-pagpapahalaga nating bubulay-bulayin ang mga natutuhan natin, tutulong ito na pasidhiin ang ating pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang Salita.
Sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Tesalonica: “Nang tanggapin ninyo ang salita ng Diyos, na inyong narinig mula sa amin, tinanggap ninyo ito, hindi bilang salita ng mga tao, kundi, gaya ng kung ano nga ito sa totoo, bilang ang salita ng Diyos, na siyang gumagana rin sa inyo na mga mananampalataya.” (1 Tesalonica 2:13) Narinig at ‘tinanggap ng mga taga-Tesalonica ang salita ng Diyos nang may kagalakan.’ Wala na sila sa “kadiliman.” Sa halip, sila ay naging “mga anak ng liwanag.” (1 Tesalonica 1:4-7; 5:4, 5) Nalaman ng mga Kristiyanong iyon na si Jehova ang Maylalang at na siya ay makapangyarihan-sa-lahat, marunong, maibigin, at maawain. Tulad ng ibang mga tagasunod ni Kristo, nalaman din nila na gumawa si Jehova ng paglalaan upang mapawi ang kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng haing pantubos ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo.—Gawa 3:19-21.
Bagaman hindi lubos ang kaalaman ng mga taga-Tesalonica tungkol sa katotohanan, alam nila kung saan hahanapin ang kaalaman. Sa tulong ng kinasihang Kasulatan, ang lingkod ng Diyos ay maaaring maging “lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” (2 Timoteo 3:16, 17) Maaaring ipagpatuloy ng mga Kristiyano sa Tesalonica ang pag-aaral, anupat paulit-ulit na maranasan na talagang kamangha-mangha ang liwanag mula sa Diyos. May dahilan sila para magsaya sa lahat ng panahon. (1 Tesalonica 5:16) Gayundin naman tayo.
Liwanag sa Ating Landas
Inawit ng salmista ang isang dahilan kung bakit kamangha-mangha ang liwanag: “Ang iyong salita ay lampara sa aking paa, at liwanag sa aking landas.” (Awit 119:105) Ang patnubay mula sa Salita ng Diyos ay tutulong sa atin na magkaroon ng makabuluhang buhay. Hindi tayo kailangang maging tulad ng isang barkong tinatangay ng agos. Kung malalaman at ikakapit natin ang katotohanan, hindi tayo ‘sisiklut-siklutin ng mga alon at dadalhing paroo’t parito ng bawat hangin ng turo.’—Efeso 4:14.
“Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga taong mahal, ni sa anak man ng makalupang tao, na sa kaniya ay walang pagliligtas,” ang sabi ng Bibliya. Sinasabi rin nito: “Maligaya siya na ang kaniyang pinakasaklolo ay ang Diyos ni Jacob, na ang kaniyang pag-asa ay kay Jehova na kaniyang Diyos.” (Awit 146:3, 5) Karagdagan pa, madaraig natin ang takot at kabalisahan kung magtitiwala tayo kay Jehova. Ganito ang isinulat ni apostol Pablo: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Talagang kapaki-pakinabang kung ang liwanag ng Salita ng Diyos ang siyang patnubay natin.
Sumikat Bilang mga Tagapagbigay-Liwanag sa Sanlibutan
Kamangha-mangha rin ang liwanag mula sa Salita ng Diyos dahil binibigyan nito ng pagkakataon ang mga tao na tanggapin ang pinakamarangal na atas. Inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At, narito! ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” Bago niya ibigay ang utos na ito, sinabi niya: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.”—Mateo 28:18-20.
Isaalang-alang kung sino ang tumutulong sa mga tunay na Kristiyano sa pangangaral ng mabuting balita at pagtuturo ng katotohanan ng Bibliya sa mga tao sa lahat ng bansa. Nangako si Jesus na papatnubayan niya ang kaniyang mga tagasunod. At talaga ngang tinutulungan niya sila sa kanilang ministeryo habang ‘pinasisikat nila ang kanilang liwanag’ sa ganitong paraan at sa pamamagitan ng iba pang “maiinam na gawa.” (Mateo 5:14-16) Kasali rin ang mga anghel sa gawaing ito na pag-eebanghelyo. (Apocalipsis 14:6) At kumusta naman ang Diyos na Jehova? Sumulat si apostol Pablo: “Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang patuloy na nagpapalago nito.” Isa ngang karangalan na mapabilang sa “mga kamanggagawa ng Diyos”!—1 Corinto 3:6, 9.
Isipin din kung paano pinagpapala ang pagsisikap natin sa gawaing ito na iniutos ng Diyos. Natatangi ang ating bigay-Diyos na pribilehiyong ‘sumikat bilang mga tagapagbigay-liwanag sa sanlibutan.’ Kapag nasasalamin sa ating pananalita at pagkilos ang liwanag mula sa Salita ng Diyos, talagang natutulungan natin ang tapat-pusong mga tao. (Filipos 2:15) At maaari tayong magsaya habang masigasig tayong nangangaral at nagtuturo, ‘sapagkat ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang ating gawa at ang pag-ibig na ipinakita natin para sa kaniyang pangalan.’—Hebreo 6:10.
‘Bumili Ka ng Pamahid sa Mata na Ipapahid sa Iyong mga Mata’
Sa isang mensahe sa kongregasyon sa Laodicea noong unang siglo, ganito ang sinabi ni Jesus: “Bumili ka sa akin . . . ng pamahid sa mata na ipapahid sa iyong mga mata upang makakita ka. Ang lahat ng mga minamahal ko ay aking sinasaway at dinidisiplina.” (Apocalipsis 3:18, 19) Ang siguradong lunas para sa espirituwal na pagkabulag ay ang “pamahid sa mata”—ang mga turo at disiplina mula kay Jesus. Kung nais nating mapanatili ang wastong pangmalas sa ating kalagayan at sa hinaharap, kailangan nating sundin ang kaniyang payo at ang patnubay mula sa Bibliya. Dapat din nating tularan ang kaisipan at halimbawa ni Kristo. (Filipos 2:5; 1 Pedro 2:21) Hindi libre ang pamahid na ito sa mata. Sinabi ni Jesus: “Bumili ka [nito] sa akin.” Kailangan tayong gumugol ng panahon at lakas.
Kapag nanggaling tayo sa isang madilim na lugar at saka tayo pumasok sa isang maliwanag na silid, kailangang bigyan natin ng panahon ang ating mata na masanay sa liwanag. Sa katulad na paraan, kailangan ang panahon upang pag-aralan ang Salita ng Diyos at makita ang liwanag ng katotohanan. Kailangan ang panahon para bulay-bulayin ang natutuhan natin at ang kahalagahan ng katotohanan. Hindi naman ito napakahirap gawin. Bakit? Sapagkat kamangha-mangha ang liwanag!
[Larawan sa pahina 14]
“Bumili ka sa akin . . . ng pamahid sa mata na ipapahid sa iyong mga mata upang makakita ka”