Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Talaga Namang Pinilit Niya Kaming Pumaroon”

“Talaga Namang Pinilit Niya Kaming Pumaroon”

“Talaga Namang Pinilit Niya Kaming Pumaroon”

NAKAUGALIAN na ang pagkamapagpatuloy sa maraming lupain sa Silangan. Halimbawa, handa pa ngang magtiis ng gutom ang isang pamilya sa India para lamang mapakain ang isang di-inaasahang bisita. Tinitiyak ng isang ina sa Iran na palaging puno ng pagkain ang kaniyang repridyeretor para may maihain siya sa di-inaasahang mga bisita.

Maraming taong binanggit sa Bibliya ang nagpakita ng gayong pagkabukas-palad. Ang isang namumukod-tanging halimbawa ay si Lydia, marahil isang Judiong proselita na naninirahan sa Filipos, ang pangunahing lunsod ng distrito ng Macedonia. Isang araw ng sabbath, nasumpungan ni apostol Pablo at ng kaniyang mga kasamang naglalakbay si Lydia at ang ilang babaing nagkakatipon sa tabi ng isang ilog sa labas ng Filipos. Binuksan ni Jehova ang puso ni Lydia habang nagsasalita si Pablo sa pagkakataong iyon. Bilang resulta, siya at ang kaniyang sambahayan ay nabautismuhan. Pagkatapos ay namanhik siya sa mga naglalakbay: “Kung hinahatulan ninyo ako bilang tapat kay Jehova, pumasok kayo sa aking bahay at manatili.” Ganito ang sinabi ng kasama ni Pablo na si Lucas: “Talaga namang pinilit niya kaming pumaroon.”​—Gawa 16:11-15.

Tulad ni Lydia, ipinakikita ng mga Kristiyano ang kanilang pagkamapagpatuloy sa kanilang mga kapananampalataya, gaya sa mga naglalakbay na tagapangasiwa at sa asawa ng mga ito. ‘Talaga namang pinipilit nila ang mga ito’ na tumuloy sa kanilang bahay. Ang mga nagpapatuloy namang ito ay pinagpapala dahil napapatibay sila sa kanilang pakikipag-usap at Kristiyanong pakikipagsamahan sa mga kapananampalatayang ito. Bagaman hindi nakaririwasa ang karamihan sa mga Saksi ni Jehova, ‘sinusunod nila ang landasin ng pagkamapagpatuloy.’ (Roma 12:13; Hebreo 13:2) Maligaya sila dahil sa kanilang pagiging mapagbigay. Talagang tama si Jesus nang sabihin niya: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”​—Gawa 20:35.