Ang Paghahanap sa Tamang mga Sagot
Ang Paghahanap sa Tamang mga Sagot
Paano ko maiingatan ang aking kalusugan?
Ano ang maaari kong gawin para maging mas maligaya ang aking buhay pampamilya?
Ano pa kaya ang dapat kong gawin para makapanatili sa aking trabaho?
NAPAG-ISIP-ISIP mo na ba ang mga tanong na iyan? May nakuha ka na bang praktikal na mga sagot na talagang epektibo? Taun-taon, naglalathala ng mga 2,000 iba’t ibang aklat na nagbibigay ng payo hinggil sa mga bagay na ito at sa iba pang mahahalagang paksa. Sa Britanya lamang, gumagastos ang mga mambabasa nang hanggang 80 milyong pound (mga $150 milyon, U.S.) bawat taon para sa mga aklat na nagpapayo kung paano mapagtatagumpayan ang mga problema sa buhay. Sa Estados Unidos, umaabot nang mga $600 milyon taun-taon ang naibebentang mga aklat na para sa pansariling-sikap. Kaya talagang hindi lamang ikaw ang naghahanap ng maiinam na payo kung paano haharapin ang pang-araw-araw na buhay.
Hinggil sa payong makukuha sa santambak na mga publikasyong ito, sinabi ng isang awtor: “Inuulit lamang ng maraming bagong aklat ang mga impormasyong dati nang nailathala.” Sa katunayan, ang karamihan sa mga payong masusumpungan sa mga aklat na ito ay kinuha lamang sa matatalinong payo na nakaulat sa isa sa pinakamatagal nang aklat sa buong daigdig. Kung ihahambing sa iba pang aklat, ito ang pinakamalawakang naipamahagi sa buong daigdig. Nailathala na ang kabuuan nito o ang bahagi nito sa humigit-kumulang 2,400 wika. Sa kabuuan, mahigit nang 4.6 bilyong kopya ang naimprenta sa buong daigdig. Ang aklat na ito ay walang iba kundi ang Bibliya.
Tuwirang sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran.” (2 Timoteo 3:16) Totoo, hindi isinulat ang Bibliya bilang pansariling-sikap na manwal. Ang pangunahing layunin nito ay ipaalam ang kalooban ng Diyos para sa sangkatauhan. Subalit napakarami ring masusumpungang impormasyon sa Bibliya kung paano mapagtatagumpayan ang mga problemang napapaharap sa lahat ng tao, at ipinangangako nito na makikinabang ang lahat ng susunod sa payo nito. (Isaias 48:17, 18) Kung susundin ng isa ang praktikal na payo ng Bibliya, tiyak na makatutulong ito sa kaniya anuman ang kaniyang lahi, kultura, o pinag-aralan. Bakit hindi mo isaalang-alang ang susunod na artikulo at ikaw mismo ang magpasiya kung praktikal nga ba ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa mga paksang tulad ng kalusugan, pamilya, at trabaho?