Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Malaking Impluwensiya sa Buhay Ko ang Paggawa ng Alagad

Malaking Impluwensiya sa Buhay Ko ang Paggawa ng Alagad

Malaking Impluwensiya sa Buhay Ko ang Paggawa ng Alagad

Ayon sa salaysay ni Lynette Peters

Inilikas kami ng mga marino. May nakapuwestong isang sniper sa taas ng gusali. Nakadapa ang mga marino sa damuhan, na nakakasa ang mga baril. Pinilit namin ng kasama kong mga misyonero na manatiling kalmado habang tumatakbo kami papunta sa naghihintay na helikopter nang umagang iyon ng Linggo. Ilang saglit lamang ay sakay na kami ng helikopter. Makalipas ang sampung minuto, ligtas na kaming nasa barko ng militar na nakadaong malapit sa baybayin.

KINAUMAGAHAN, nabalitaan naming binomba ng mga rebelde ang hotel na pinagtaguan namin nang gabing iyon. Ang ilang taóng kaguluhang sibil sa Sierra Leone ay tuluyan nang nauwi sa digmaan. Ang lahat ng mga dayuhan, pati na kami, ay sapilitang pinaalis ng bansa nang walang kaabug-abog. Hayaan mong ikuwento ko kung paano ako naipit sa gayong situwasyon.

Lumaki ako sa British Guiana, na nakilala bilang Guyana mula noong 1966. Masaya at simple lamang ang buhay ko roon noong dekada ng 1950. Mataas ang pagpapahalaga ng maraming magulang sa edukasyon, kaya kailangang mag-aral nang mabuti ang mga bata. Naalaala ko pa na minsan ay tinanong si Itay ng isang klerk sa bangko, “Bakit po kayo gumagastos nang malaki para sa matrikula ng inyong mga anak?” Sumagot si Itay, “Dahil magtatagumpay lamang sila kung mayroon silang mataas na pinag-aralan.” Akala ni Itay, ang pinakamahusay na edukasyon ay makukuha lamang sa kilaláng mga paaralan. Pero bandang huli, nagbago ang kaniyang pananaw.

Noong 11 anyos ako, nakipag-aral ng Bibliya si Inay sa mga Saksi ni Jehova. Dumalo siya sa Kingdom Hall kasama ng isa naming kapitbahay. Sa napakinggan nila roon nang gabing iyon, pareho silang nakumbinsi na natagpuan na nila ang katotohanan. Pagkatapos, ikinuwento ni Inay sa isa pang kapitbahay kung ano ang tinalakay sa Kingdom Hall. Hindi nagtagal, tatlo na silang nakikipag-aral ng Bibliya sa mga misyonerang sina Daphne Harry (Baird nang maglaon) at Rose Cuffie. Wala pang isang taon, nabautismuhan si Inay at ang kaniyang dalawang kaibigan. Makalipas ang limang taon, tumiwalag si Itay sa Seventh-Day Adventist Church at nagpabautismo bilang isang Saksi ni Jehova.

Noong bata kami, ako at ang dalawa kong kapatid na babae na sumunod sa akin​—ang tatlo sa pinakapanganay sa sampung magkakapatid—​ay gumugol ng maraming masasayang panahon sa tahanan ng mga misyonero kung saan nakatira sina Daphne at Rose. Kapag dumadalaw kami roon, nakikinig kami sa ikinukuwento nilang mga karanasan sa paglilingkod sa larangan. Bakas na bakas sa mukha ng mga misyonerang ito ang kanilang kagalakan sa walang-sawa nilang pag-aasikaso sa espirituwal na kapakanan ng iba. Ito ang dahilan kung kaya hinangad kong maging misyonera.

Subalit ano ang nakatulong sa akin na manatiling nakatuon ang pansin sa buong-panahong ministeryo, kahit na ang mga nakapalibot sa akin ay mga kamag-anak at kaeskuwela na walang ibang inisip kundi edukasyon at magandang karera? Napakaraming nakatutuksong oportunidad​—puwede akong mag-aral ng abogasya, musika, medisina, o iba pang mga kurso. Subalit naging mabuting halimbawa sa akin ang aking mga magulang. Ikinapit nila ang katotohanan sa kanilang buhay, pinag-aralang mabuti ang Bibliya, at inilaan ang kanilang buhay sa pagtulong sa iba na makilala si Jehova. * Bukod diyan, palagi silang nag-aanyaya ng mga buong-panahong ministro sa aming tahanan. Nakita ko sa mga kapatid na ito ang kagalakan at kasiyahan sa paglilingkod kaya naman lalo pang sumidhi ang pagnanais ko na hayaang ang paggawa ng mga alagad ang makaimpluwensiya sa aking buhay.

Labinlimang taóng gulang ako nang ako’y mabautismuhan. At nang makatapos ako ng haiskul, pumasok ako sa buong-panahong ministeryo bilang payunir. Si Philomena, na nagtatrabaho sa isang ospital, ang unang kong natulungan na sumulong hanggang sa siya ay mag-alay at magpabautismo. Nang makita kong inibig din niya si Jehova, talagang ang saya-saya ko, kaya naman, lalo pang sumidhi ang hangarin kong magpatuloy sa buong-panahong ministeryo. Di-nagtagal, inalok ako ng mas magandang trabaho sa opisina ng gobyerno kung saan ako nagtatrabaho bilang sekretarya. Tinanggihan ko iyon. Pinili kong magpatuloy sa pagpapayunir.

Sa amin pa rin ako nakatira noon, at patuloy kaming dinadalaw ng mga misyonero. Wiling-wili ako sa pakikinig sa kanilang mga karanasan! Ang lahat ng ito ay nakatulong para lalo pang sumidhi ang pagnanais ko na maging misyonera, bagaman parang napakalabong mangyari nito. Noon kasi at maging hanggang sa ngayon, sa Guyana ipinadadala ang mga misyonero. Pero isang araw noong 1969, magkahalong gulat at saya ang naramdaman ko nang makatanggap ako ng paanyaya na mag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead sa Brooklyn, New York.

Isang Atas na Hindi Ko Inaasahan

Nagmula sa 21 bansa ang 54 na estudyante sa ika-48 klase ng Gilead. Labimpito kaming dalaga. Bagaman 37 taon na ang nakalilipas, tandang-tanda ko pa ang limang buwang ginugol ko roon. Napakaraming dapat matutuhan​—hindi lamang mga katotohanan mula sa Kasulatan kundi pati praktikal na mga mungkahi at payo kung paano mamuhay bilang misyonero. Halimbawa, natutuhan kong sumunod sa mga tagubilin, maging timbang pagdating sa mga kausuhan, at magtiis sa di-kaayaayang mga kalagayan.

Palaging idiniriin sa amin ng aming mga magulang ang kahalagahan ng regular na pagdalo sa mga pagpupulong. Kapag nagsakit-sakitan ang sinuman sa amin para lamang hindi makadalo ng pulong kapag Linggo, hindi rin kami papayagang manood ng konsyerto sa pagtugtog ng piyano kinabukasan. Gayunman, may mga panahong hindi ako nakadalo ng mga pagpupulong noong nag-aaral ako sa Paaralang Gilead. Isang gabi ng Biyernes, nangatuwiran ako kina Don at Dolores Adams, ang mag-asawang Bethelite na naglalaan ng transportasyon para makadalo ako ng pulong. Santambak ang mga aralin at report! Paano pa ako makadadalo sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at Pulong sa Paglilingkod? Matapos akong paliwanagan ni Brother Adams, sinabi niya: “Pakinggan mo ang ibinubulong ng iyong budhi.” Sinunod ko ang payo niya at mula nang gabing iyon ay hindi na ako pumalya sa pagdalo sa mga pagpupulong. Hanggang ngayon, hindi ako lumiliban sa Kristiyanong mga pagpupulong, maliban na lamang kung talagang napakabigat ng dahilan.

Noong nasa kalagitnaan na kami ng pag-aaral, naging usap-usapan naming magkakaklase kung saan kaya kami maaatasan. Sa loob-loob ko, sa Guyana ako maaatasan dahil talagang malaki ang pangangailangan doon sa gawaing pangangaral. Laking gulat ko nang hindi na ako pinauwi. Sa halip, ipinadala ako sa Sierra Leone, sa Kanlurang Aprika. Tuwang-tuwa ako at ipinagpapasalamat ko kay Jehova na natupad ang pangarap kong maging misyonera sa malayong lupain!

Napakaraming Dapat Matutuhan

“Napakaganda!” Ito ang salitang masasabi ko kapag binanggit ang Sierra Leone. Marami ritong mga burol at kabundukan, mga look at baybayin. Subalit ang talagang nagpaganda sa bansang ito ng Kanlurang Aprika ay ang mapagmahal at mababait na mamamayan nito, na maging ang mga dayuhan ay nawiwili rito. Malaking tulong ito sa bagong mga misyonero para malabanan nila ang lungkot na mapalayo sa pamilya. Gustung-gustong pagkuwentuhan ng mga taga-Sierra Leone ang tungkol sa kanilang mga kaugalian at kultura at tulungan ang mga bagong dating sa lugar na iyon na maging bihasa sa wikang Krio, ang karaniwang wika ng bansa.

Maraming magagandang kawikaan sa wikang Krio. Halimbawa, kapag sinabing, Nagtrabaho ang matsing, tsonggo ang kumain, nangangahulugan ito na hindi laging ang nagpagód ang siyang nakikinabang. Akmang-akma ang paglalarawang ito sa kawalang-katarungan na laganap sa daigdig!​—Isaias 65:22.

Masayang sumama sa gawaing pangangaral at paggawa ng alagad. Bihira kang makatagpo ng mga taong hindi interesado sa Bibliya. Sa loob ng mahabang panahon, natulungan ng mga misyonero at matatagal nang lingkod ni Jehova ang maraming tao​—matanda at bata na iba’t iba ang kalagayan sa buhay at pinagmulang tribo—​na tanggapin ang katotohanan.

Si Erla St. Hill, isang napakasipag na sister, ang una kong nakasama sa gawaing pagmimisyonero. Kung gaano siya kasipag sa ministeryo, gayon din siya kasipag sa pag-aasikaso sa mga gawain niya sa tahanan ng mga misyonero. Tinulungan niya akong pahalagahan ang maraming bagay, gaya ng pakikisalamuha sa mga kapitbahay, pagdalaw sa mga maysakit na Saksi at mga interesado, at hangga’t maaari, pagpunta sa mga lamay para aliwin ang mga namatayan. Idiniin niya sa akin na pagkatapos ng gawain sa ministeryo sa larangan, kailangang huwag kong kaligtaang dalawin para kumustahin, kahit saglit lamang, ang mga kapatid na nakatira sa pinupuntahan naming teritoryo. Nang sundin ko ang mga payong ito, nagkaroon ako ng mga nanay, kapatid, at mga kaibigan sa maikling panahon lamang, at naging tahanan ko ang aking teritoryo.​—Marcos 10:29, 30.

Naging matalik ko ring mga kaibigan ang mahuhusay na misyonerong nakasama ko sa paglilingkod. Ang ilan sa kanila ay mga nakasama ko sa kuwarto, si Adna Byrd, na naglingkod sa Sierra Leone mula 1978 hanggang 1981, at si Cheryl Ferguson, na 24 na taon ko nang kasama sa kuwarto.

Mga Pagsubok Dulot ng Digmaang Sibil

Noong 1997, mga isang buwan pa lamang ang nakalilipas mula nang ialay ang bagong mga pasilidad ng sangay sa Sierra Leone, napilitan kaming lumikas ng bansa dahil sa digmaan, gaya ng binanggit sa pasimula. Anim na taon bago nito, hangang-hanga kami sa katapatan ng mga Saksing taga-Liberia na lumikas sa Sierra Leone para matakasan ang digmaan sa Liberia. Walang anumang nadala ang ilan sa kanila. Sa kabila ng mahirap na kalagayan, araw-araw pa rin silang nakibahagi sa ministeryo. Nakaaantig makita ang kanilang pag-ibig kay Jehova at sa mga tao.

Ngayong kami naman ang lumikas sa bansang Guinea, tinularan namin ang halimbawa ng mga kapatid na taga-Liberia at patuloy kaming nagtiwala kay Jehova at inuna ang kapakanan ng Kaharian. Makalipas ang isang taon, nakabalik kami sa Sierra Leone, pero pitong buwan pa lamang kami roon, sumiklab ang digmaan at kinailangan na naman naming lumikas papuntang Guinea.

Di-nagtagal ibinalita sa amin na isa sa mga naglalabanang pangkat ang tumira sa tahanan ng mga misyonero sa Kissy na dati naming tuluyan at na ang lahat ng mga gamit namin doon ay sinamsam o winasak. Sa halip na masiraan ng loob, ipinagpasalamat namin na buháy kami. Kaunti lamang ang mga gamit namin, pero nakaraos naman kami.

Sa muli naming paglikas, kami ng kakuwarto kong si Cheryl ay nanatili sa Guinea. Kaya kailangan naming mag-aral ng Pranses. Ang ilan sa kapuwa ko misyonero ay hindi nag-atubiling magsalita ng natutuhan nilang Pranses kahit na nagkakamali-mali sila. Pero ako, ayaw kong magkamali, kaya nagsasalita lamang ako ng Pranses kapag talagang kailangang-kailangan. Talagang dismayado ako. Iniisip ko na lamang araw-araw kung bakit ako nasa Guinea​—para tulungan ang iba na makilala si Jehova.

Unti-unti, natuto ako sa pamamagitan ng pag-aaral at pakikinig sa mga matatas magsalita ng Pranses. Nagpaturo din ako sa mga bata sa kongregasyon, na hindi nahihiyang pumuna sa aking mga pagkakamali. Pagkatapos, biglang dumating ang tulong mula sa organisasyon ni Jehova. Simula noong Setyembre 2001, mayroon nang mga mungkahi sa Ating Ministeryo sa Kaharian kung paano iaalok ang mga magasin bukod pa sa pag-aalok ng mga aklat at brosyur sa mga taong may iba’t ibang relihiyon. Mas malakas na ang loob ko ngayon kapag nakikibahagi ako sa ministeryo, kahit na hindi ako gayon kahusay kung ihahambing sa pagsasalita ko ng sarili kong wika.

Lumaki ako sa isang malaking pamilya, at nakatulong ito sa akin kung paano makisama sa maraming tao. Minsan nga ay 17 kami sa tahanan ng mga misyonero. Tatlumpu’t pitong taon na akong naglilingkod bilang misyonero at mahigit nang 100 misyonero ang nakasama ko. Isang malaking pribilehiyo na magkaroon ng napakaraming kakilala, magkakaiba ng personalidad subalit gumagawang magkakasama para sa iisang layunin! At isang kagalakan na maging kamanggagawa ng Diyos at matulungan ang mga tao na tanggapin ang katotohanan sa Bibliya!​—1 Corinto 3:9.

Sa buong panahong paglilingkod ko bilang misyonero, marami akong napalampas na mahahalagang okasyon sa aming pamilya, gaya ng kasal ng marami sa mga kapatid ko. At gusto ko sanang dalawin palagi ang mga pamangkin ko pero hindi ko ito nagagawa. Malaking sakripisyo ito para sa akin at sa aking pamilya, na buong-pusong sumusuporta at nagpapatibay sa akin na manatili sa gawaing pagmimisyonero.

Sa kabila ng lahat ng mga sakripisyong ito, masaya naman ako sa paglilingkod bilang misyonero. Kahit hindi ako nag-asawa, marami akong espirituwal na anak, hindi lamang ang mga natulungan kong mag-aral ng Bibliya kundi pati na rin ang mga napalapít sa akin. Bukod diyan, nasubaybayan ko rin ang paglaki ng kanilang mga anak, hanggang sa mag-asawa ang mga ito, at palakihin din nila ang kanilang mga anak sa katotohanan. Hinayaan din ng ilan sa kanila, tulad ko, na makaimpluwensiya nang malaki sa kanilang buhay ang paggawa ng mga alagad.

[Talababa]

^ par. 9 Mahigit 25 taóng nagpayunir si Inay, at nag-auxiliary pioneer naman si Itay nang magretiro siya.

[Mga Mapa sa pahina 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Inatasan ako sa Sierra Leone, Kanlurang Aprika

GUINEA

SIERRA LEONE

[Larawan sa pahina 13]

Ang dalawa kong kapatid, na kasa-kasama kong gumugol ng maraming masasayang panahon kasama ng mga misyonero noong dekada ng 1950

[Larawan sa pahina 14]

Kasama ng iba pang mga estudyante ng ika-48 klase ng Gilead

[Larawan sa pahina 16]

Pag-aalay ng mga pasilidad ng sangay sa Sierra Leone